Kung Bakit Pinaalis ni Jehova Kapuwa ang mga Cananeo at mga Israelita
SABI ng isang tao, “Gustung-gusto kong pintasan ang iba—ang sarap ng pakiramdam ko.” Taglay ang gayong saloobin, marahil anong pagkataas-taas ng pakiramdam niyaong gustong pintasan ang Diyos na Jehova! Madalas bansagan ng nakatataas na mga kritiko si Jehova na isang uhaw sa dugong diyos ng tribo ng mga Judio. Tinuligsa siya ng isang klerigo bilang isang mapang-api. Upang bigyang-matuwid ang gayong pagbansag, binabanggit ng pangahas na mga kritiko ang pagpapaalis ni Jehova sa mga Cananeo mula sa kanilang lupain upang ibigay ito sa mga Judio.
Ang gayong paratang ay nagpapabanaag ng malubhang kawalang-alam. Ipinaliwanag ni Moises, bilang tagapagsalita ni Jehova, ang dahilan ng Diyos sa mga Judio: “Hindi dahil sa iyong katuwiran o dahil sa pagtatapat ng iyong loob ay iyong pinapasok upang ariin ang kanilang lupain; sa katunayan, dahil sa kasamaan ng mga bansang ito ay pinalalayas ni Jehovang iyong Diyos sila sa harap mo.”—Deuteronomio 9:5.
Dahil sa kabalakyutan ng mga Cananeo kung kaya sila ay pinaalis. Pagkatapos ipakilala si Baal bilang kanilang pangunahing diyos at si Ashtoreth, ang asawa niya, bilang ang kanilang pangunahing diyosa, ang Halley’s Bible Handbook, rebisadong edisyon, ay nagsasabi: “Ang mga templo ni Baal at ni Ashtoreth ay karaniwang magkasama. Ang mga babaing saserdote ay mga patutot sa templo. Ang mga sodomita ay mga lalaking patutot sa templo. Ang pagsamba kay Baal, kay Ashtoreth, at sa iba pang mga diyos ng Cananeo ay binubuo ng labis-labis na paglalasing; ang kanilang mga templo ay mga sentro ng bisyo.”—Pahina 166.
Sa mga labí ng isa sa “matataas na dakong” ito noong panahon ng Cananeo, ang mga arkeologo “ay nakasumpong ng maraming gusì na naglalaman ng mga labí ng mga bata na inihain kay Baal. Ang buong dako ay naging isang libingan ng bagong-silang na mga sanggol.” Nasumpungan din ang “napakaraming imahen at mga plake ni Ashtoreth na may pagkalaki-laking mga sangkap sa sekso, idinisenyo upang pukawin ang mahalay na mga damdamin. Kaya, ang mga Cananeo ay sumasamba, sa pamamagitan ng imoral na pagpapakalayaw, bilang isang relihiyosong ritwal, sa harap ng kanilang mga diyos; at pagkatapos, pinapatay nila ang kanilang panganay na mga anak, bilang hain sa mga diyos ding ito.”—Pahina 166, 167.
Pagkatapos ang Halley’s ay nagtatanong: “Nagtataka pa ba tayo kung bakit ipinag-utos ng Diyos sa Israel na lipulin ang mga Cananeo? Ang sibilisasyon ba na may gayong karumal-dumal na karumihan at kalupitan ay may anumang karapatan pa upang umiral? . . . Ang mga arkeologong humukay sa mga kagibaan ng mga lungsod ng Canaan ay nagtataka kung bakit hindi sila nilipol ng Diyos na mas maaga kaysa ginawa Niya.”—Pahina 167.
Ang The Emphasized Bible, isang salin ni J. B. Rotherham, ay nagsasabi sa pahina 259: “Sino ang magsasabi na ang Kataas-taasan ay walang karapatang lipulin ang gayong mga nagpaparumi sa lupa at mga tagapagparumi ng sangkatauhan na gaya ng mga ito?”
Sinabi ni Jehova sa Israel kung bakit pinaaalis ang mga Cananeo: “Huwag kayong magpakarumi sa alin man sa mga bagay na ito, sapagkat nadumhan ng lahat ng ito ang mga bansang aking palayasin sa harap ninyo. At nadumhan ang lupain, at aking parurusahan ito dahil sa kasalanan nito, at iluluwa ng lupain ang mga mananahan nito.” Pagkatapos ay ibinigay niya ang tahasang babala sa Israel: “At iingatan nga ninyo ang lahat ng aking mga palatuntunan at ang lahat ng aking mga kahatulan at inyong isasagawa, upang huwag kayong iluwa ng lupain na aking pinagdadalhan sa inyo na inyong tatahanan.”—Levitico 18:24-26; 20:22.
Ang mensahe ay maliwanag. Ang mga Cananeo ay pinaalis sapagkat dinumhan nila ang lupain ng kanilang grabeng imoralidad—ng kanilang pangangalunya, ng kanilang homoseksuwalidad, at ng kanilang pagbububo ng dugo ng mga sanggol. Kung tutularan ng Israel ang relihiyong ito ng mga Cananeo sa pagsamba kay Baal, ito man ay paaalisin.
At tinularan nga ito ng Israel. Sa ilalim ng lupa noong panahon ng pananakop ng Israel sa lupain, ang mga arkeologo ay nakahukay sa mga kagibaan ng isang templo ni Ashtoreth, at “mga ilang hakbang lamang mula sa templong ito ay isang libingan, kung saan nasumpungan ang maraming gusì, naglalaman ng mga labí ng mga sanggol na inihain sa templong ito. . . . Ang mga propeta ni Baal at ni Ashtoreth ay opisyal na pumapatay sa maliliit na bata.”—Halley’s Bible Handbook, pahina 198.
Maliwanag na ipinagbabawal ng batas ni Jehova na ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang gayong maling gamit sa sekso. Ang Levitico 20:13 ay nagsasabi: “At kung ang isang lalaki ay sumiping sa kapuwa lalaki na gaya ng pagsiping sa babae, kapuwa sila nakagawa ng karumal-dumal na bagay. Sila’y papatayin na walang pagsala.”
Sinasabi rin ng Batas Mosaiko, sa Deuteronomio 23:17, 18: “Huwag kang magkakaroon ng patutot sa templo sa mga anak na babae ng Israel, ni magkakaroon ka man ng patutot sa templo sa sinuman sa mga anak na lalaki ng Israel. Huwag mong dadalhin ang bayad sa isang patutot o ang kaupahan sa isang aso [New World Translation Reference Bible, talababa: “Malamang na isang pederast; isa na nagsasagawa ng pagtatalik na pinadaraan sa puwit, lalo na sa isang batang lalaki.”] sa bahay ni Jehovang iyong Diyos sa anumang panata, sapagkat ang mga ito ay kapuwa karumal-dumal kay Jehovang iyong Diyos.”
Sinugo ni Jehova ang mga propeta upang babalaan ang Israel: “At sinugo ni Jehova sa inyo ang lahat niyang lingkod na mga propeta, gumigising na maaga at sinugo sila, ngunit hindi ninyo dininig.” (Jeremias 25:4) Sa halip, ang Israel “ay patuloy na nagsipagtayo para sa kanilang sarili ng mga mataas na dako at sagradong mga haligi at sagradong mga tikin sa bawat mataas na burol at sa ilalim ng bawat malagong punungkahoy. At nagkaroon din naman ng mga lalaking patutot sa templo [New World Translation Reference Bible, talababa, “binabae”] ang lupain. Sila’y nagsigawa ng ayon sa lahat na karumal-dumal ng mga bansa na pinalayas ni Jehova sa harap ng mga anak ng Israel.”—1 Hari 14:23, 24.
Ang propeta Isaias ay nagbabala sa kanila: “Sa mataas at matayog na bundok ay inilagay mo ang iyong higaan; doon ka naman sumampa upang maghandog ng hain. At sa likod ng mga pintuan at ng mga tukod ay itinaas mo ang iyong sagisag ng ari ng lalaki [larawan ng sangkap sa sekso]; at ikaw ay nagpakahubad sa iba kaysa akin at ikaw ay sumampa, at iyong pinalaki ang iyong higaan; ikaw ay nakipagtawaran sa mga yakap niyaong iyong iniibig; at iyong pinarami ang iyong mga patutot, samantalang tumitingin sa ari ng lalaki [sangkap ng lalaki].”—Isaias 57:7, 8, An American Translation.
Ang mga babae ay gumagawa ng mga larawan ng mga sangkap sa sekso at nakikipagtalik dito, gaya ng mababasa natin: “Ginawa mo sa iyo ang mga larawan ng lalaki, at iyong ginawa ang mahalay sa kanila.” (Ezekiel 16:17, Rotherham) O gaya ng sinasabi ng An American Translation: “Kung saan ikaw ay naging patutot.”
Isinama ng mga Israelita ang tunay sa huwad na pagsamba. Sa Bundok Sinai ay sinamba nila ang ginintuang guya at nagkasala ng seksuwal na imoralidad at kasabay nito ay nagsagawa ng tinatawag na “isang pista kay Jehova.” (Exodo 32:5, 6) Pagkalipas ng mga dantaon, pinagsasama pa rin nila ang huwad sa tunay. Binatikos sila ni propeta Elias dahil dito, na ang sabi: “‘Hanggang kailan kayo mag-aalinlangan sa dalawang isipan? Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sumunod kayo sa kaniya; ngunit kung si Baal, sumunod kayo sa kaniya.’ At ang bayan ay hindi sumagot sa kaniya kahit isang salita.” (1 Hari 18:21) Pagkatapos magbago si Manases, inalis niya ang banyagang mga diyos at naghandog ng mga hain ng pananalangin at pasasalamat kay Jehova. Gayunman, gaya ng sinasabi ng 2 Cronica 33:17, “ang bayan ay patuloy na naghain sa mataas na dako; ngunit ito ay kay Jehova na kanilang Diyos.”
Sa mga dantaon dinumhan ng Israel ang tunay na pagsamba kay Jehova ng Baalismo, nilalabag ang simulain na nang maglaon ay sinabi ni Pablo sa anyong patanong: “Anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga diyus-diyusan?” (2 Corinto 6:16) Kaya noong 740 B.C.E. ang sampung tribong kaharian ng Israel ay dinalang bihag ng mga Asiriano, at noong 607 B.C.E. ang dalawang-tribong kaharian ng Juda ay dinalang bihag ng mga Babiloniko. Dinumhan ng dalawang bansang ito ang lupain na gaya ng ginawa ng mga Cananeo, at ang kapuwa mga bansa ay iniluwa ng lupain na gaya ng mga Cananeo.
Kumusta naman ang mga bansa sa ngayon? Ang kanila bang mga relihiyon ay nadumhan ng imoralidad? Kanila bang dinurumhan ang lupain? Sila ba’y iluluwa rin ng lupain?
[Blurb sa pahina 6]
“Mga propeta ni Baal at ni Ashtoreth ay opisyal na pumapatay ng maliliit na bata”
[Larawan sa pahina 5]
Libingang gusì ng mga labí ng sanggol
[Credit Line]
Lawrence E. Stager/Oriental Institute, University of Chicago