PAGHIHIWA
Maliwanag na ang paghihiwa sa katawan o pagsugat sa mga braso, mga kamay, at mukha sa mga panahon ng pagdadalamhati ay isang karaniwang kaugalian sa gitna ng sinaunang mga tao. (Jer 47:5; 48:37) Maaaring ginagawa ito noon upang payapain o tamuhin ang pabor ng mga bathalang pinaniniwalaang namamahala sa mga patay. May kinalaman sa ganitong kaugalian ng mga Scita kapag namamatayan sila ng hari, isinulat ng Griegong istoryador na si Herodotus (IV, 71): “Pinuputol nila ang isang bahagi ng kanilang mga tainga, inaahitan ang kanilang ulo, kinukudlitan ng mga hiwa ang palibot ng kanilang braso, tinutuklap ang kanilang noo at ilong, at inuulos ng palaso ang kanilang kaliwang kamay.”
Gayunman, noon ang paghihiwa sa laman o katawan ay hindi lamang isang ritwal sa pagdadalamhati. Palibhasa’y umaasang sasagutin ng kanilang diyos ang mga pamamanhik nila, naghiwa ng kanilang sarili ang mga propeta ni Baal “ayon sa kanilang kaugalian sa pamamagitan ng mga sundang at sa pamamagitan ng mga sibat, hanggang sa mapadanak nila ang kanilang dugo.” (1Ha 18:28) Nagsasagawa rin ng ganitong mga ritwal ang iba pang sinaunang mga tao. Bilang halimbawa, sinasabi ni Herodotus (II, 61) na sa panahon ng kapistahan ni Isis, hinihiwa ng mga Cariano na nananahanan sa Ehipto ang kanilang noo sa pamamagitan ng mga kutsilyo.
Espesipikong ipinagbawal ng Kautusan ng Diyos ang paghihiwa sa laman para sa mga patay. (Lev 19:28; 21:5; Deu 14:1) Ito’y sapagkat noon ang Israel ay isang banal na bayan kay Jehova, isang pantanging pag-aari. (Deu 14:2) Dahil dito, ang Israel ay dapat manatiling malaya mula sa lahat ng idolatrosong gawain. Bukod diyan, ang gayong labis-labis na pagpapakita ng pagdadalamhati na may paghihiwa sa sariling laman ay hindi angkop para sa isang bayan na may lubos na kabatiran tungkol sa aktuwal na kalagayan ng mga patay at sa pag-asa sa pagkabuhay-muli. (Dan 12:13; Heb 11:19) Gayundin, ang pagbabawal laban sa pagpinsala sa sariling katawan ay magdiriin sa mga Israelita ng wastong paggalang sa lalang ng Diyos, ang katawan ng tao.
Gayunman, lumilitaw na may mga panahong winalang-bahala ng mga Israelita ang kautusan ng Diyos may kinalaman sa paghihiwa sa kanilang laman o katawan.—Jer 41:5; ihambing ang Mik 5:1.