Ang Jubileo ni Jehova—Panahon Upang Tayo’y Magalak
“At inyong aariing-banal ang ikalimampung taon at ihahayag ang kalayaan sa lupain sa lahat na tumatahan doon. Iyon ay magiging isang Jubileo para sa inyo . . . Iyon ay magiging banal sa inyo . . . Kung magkagayo’y tatahan kayong tiwasay sa lupain.”—LEVITICO 25:10-12, 18.
1. Ano ang nakasulat sa Liberty Bell, at saan kinuha ang mga salita?
SAAN ka man nakatira, marahil ay narinig mo na ang tungkol sa bantog na Liberty Bell, na nasa Philadelphia, Pennsylvania, E.U.A. Sinasabi ng The World Book Encyclopedia na ang kampanang ito “ay pinatunog noong Hulyo 8, 1776, kasabay ng mga iba pang kampana sa simbahan, upang ibalita ang pagtitibay sa Deklarasyon ng Independensiya. Ang nakasulat dito na, ‘Ihayag ang Kalayaan sa buong lupain sa lahat ng tumatahan doon,’ ay kinuha sa Bibliya (Levitico 25:10).”
2. Ano ang nadarama mo tungkol sa inaasam-asam na kalayaan, subalit anong mga suliranin ang maaaring bumangon tungkol dito?
2 Patuloy na nakakaakit ang kalayaan, hindi ba? Marahil ikaw ay magagalak na asam-asamin ang tunay na kalayaan—buhat sa mga maling ideya, sa pulitikal na panggigipit o paniniil, sa mga kahinaang dulot ng pagtanda at sakit, na ang resulta’y kamatayan. Kung gayon, may mabuting dahilan na ikaw ay magalak, at magkakaroon ng lalong malaking dahilan sa malapit na hinaharap. ‘Paano nga magkakagayon?’ marahil ay itatanong mo, yamang walang pamahalaan ang nakapaglaan na ng lubos na kalayaan, at ang mga siyentipiko at mga doktor ay walang magawa upang hadlangan ang pagtanda, sakit, at sa katapus-tapusan ay kamatayan. Subalit, inuulit namin, mayroong batayan upang ikaw ay magalak tungkol sa tunay na kalayaan. Upang maunawaan kung paano, isaalang-alang ang mga ilang importanteng kasaysayan na maaari mong kasangkutan—ngayon at sa hinaharap.
3. Ano ba ang Jubileo, at ano ang nagaganap kung taon na iyon?
3 Ang salitang “Jubileo” ay ginagamit sa talatang sinipi sa itaas. Ang Jubileo ay isang taon ang habang yugto ng panahon ng pangingilin ng Sabbath para sa lupain ng Israel. Ito’y kasunod ng isang serye ng pitong mga taon ng Sabbath sa pagtatanim na lahat-lahat ay 49 na taon. Ang ika-50 taon, ang Jubileo, ang katapusan ng seryeng ito ng pangingilin ng Sabbath para sa lupain na ibinigay ni Jehova sa kaniyang bayan, bilang katuparan ng pangako sa kanilang ninunong si Abraham, ang “kaibigan ni Jehova.” (Santiago 2:23; Isaias 41:8) Sa okasyon ng Jubileo, ang kalayaan ay inihahayag sa buong lupain. Ito’y nangangahulugan ng kalayaan para sa lahat ng Israelita na nagbili ng kanilang sarili sa pagkaalipin dahilan sa pagkakautang. Ang isa pang bahagi ng Jubileo ay na isinasauli ang lahat ng minanang ari-ariang lupa na naipagbili (malamang na dahil sa paghihikahos).—Levitico 25:1-54.
4. Kailan inihahayag ang Jubileo, at paano?
4 Sa ganiyang kasaysayan, mauunawaan mo kung bakit ang Jubileo ay isang masayang taon ng kalayaan. Ito’y inihahayag sa pamamagitan ng pagpapatunog ng pakakak sa Araw ng Katubusan.a Gaya ng isinulat ni Moises sa Levitico 25:9, 10: “Mag-uutos ka na ang pakakak ay patunugin nang malakas sa ikapitong buwan sa ikasampu ng buwan; sa araw ng katubusan ang pakakak ay patutunugin ninyo sa buong lupain ninyo. At inyong aariing-banal ang ikalimampung taon at ihahayag ang kalayaan sa lupain sa lahat na tumatahan doon. Iyon ay magiging isang Jubileo para sa inyo, at bawat isa sa inyo ay ibabalik sa kaniyang pag-aari at bawat isa sa inyo ay babalik sa kaniyang sambahayan.” Noong 1473 B.C.E., si Josue ang nanguna sa mga Israelita sa pagtawid sa Ilog Jordan tungo sa Lupang Pangako, na kung saan kanilang ipangingilin ang Jubileo.
Isang Patiunang Kalayaan ang Inihayag
5. Anong mga pitak ng kalayaan at ng Jubileo ang isasaalang-alang?
5 Ang naunang binanggit ay baka waring isang matandang kasaysayan na walang gaanong kaugnayan sa ating buhay, lalo na kung tayo ay hindi naman nagmula sa lahing Judio. Gayunman, si Jesu-Kristo ay nagbigay sa atin ng makatuwirang dahilan upang asam-asamin ang lalong dakilang Jubileo. Ito ang batayan ng ating kagalakan dahil sa libertád, o kalayaan. Upang maunawaan kung bakit, kailangang makita natin kung paanong si Jesus sa dalawang paraan ay naglaan para sa kalayaan noong unang siglo. Pagkatapos ay isasaalang-alang natin kung paanong ang mga yaon ay katumbas ng dalawang kalayaan sa tanang buhay natin, ngunit mga kalayaan na lalong dakila at nagbibigay sa atin ng lalong malaking dahilan para magalak.
6, 7. (a) Ang Isaias 61:1-7 ay humula ng anong kamangha-manghang mga pangyayari? (b) Paano ipinakita ni Jesus na ang hula ni Isaias ay natutupad noon?
6 Bagaman hindi tuwirang nangungusap tungkol sa sinaunang taon ng Jubileo, sa Isaias 61:1-7 ay makahulang tinukoy ang isang dumarating na pagpapalaya: “Ang espiritu ng Soberanong Panginoong Jehova ay sumasa-akin, sapagkat pinahiran ako ni Jehova upang ipangaral ang mabuting balita sa mga maaamo. Kaniyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang maghayag ng kalayaan sa mga bihag at magbukas ng mga mata ng kahit mga bilanggo; upang maghayag ng taon ng kabutihang-loob ni Jehova at ng araw ng paghihiganti ng ating Diyos; upang aliwin yaong lahat ng nagsisitangis . . . Walang hanggang kagalakan ang mapapasa-kanila.” Subalit paano at kailan matutupad ang hulang iyan?
7 Pagkatapos ng pagdiriwang ng Paskua noong taóng 30 C.E., si Jesu-Kristo ay pumasok sa isang sinagoga sa araw ng Sabbath. Doon ay binasa niya ang isang bahagi ng hula ni Isaias at ikinapit iyon sa kaniyang sarili. Ang Lucas 4:16-21 ay nagsasabi, ang isang bahagi: “Kaniyang binuksan ang balumbon at nasumpungan ang dako na kung saan nasusulat: ‘Ang espiritu ni Jehova ay sumasa-akin, sapagkat kaniyang pinahiran ako upang ipangaral ang mabuting balita sa mga dukha, kaniyang sinugo ako upang mangaral ng kalayaan sa mga bihag at ng pagsasauli ng paningin ng mga bulag, upang ang mga naaapi’y palayain, upang mangaral ng kaaya-ayang taon ni Jehova, . . . Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila: ‘Sa araw na ito ay natupad ang Kasulatang ito na karirinig-rinig lamang ninyo.’ ”
8. (a) Anong patiunang pagpapalaya ang ginawa ni Jesus? (b) Anong halimbawa tungkol dito ang nasa Juan 9:1-34?
8 Ang mabuting balita na ipinangaral ni Jesus ay gumawa ng espirituwal na pagpapalaya sa mga Judio na tumanggap noon. Nang ang kanilang mga mata ay mabuksan upang maunawaan kung ano ang talagang tunay na pagsamba at ang kinakailangan dito, sila’y napalaya buhat sa maraming maling paniniwala. (Mateo 5:21-48) Ang kalayaang ito ay mas mahalaga kaysa pisikal na mga pagpapagaling na isinagawa ni Jesus. Kaya naman, bagama’t pinadilat ni Jesus ang mga mata ng isang taong bulag na nang siya’y isilang, higit na pakinabang ang nakamit ng taóng iyon dahil sa kaniyang pagkilala kay Jesus bilang isang propeta ng Diyos. Ang bagong kalayaan ng taong iyon ay ibang-iba sa kalayaan ng mga pinunong relihiyoso na nakabilanggo sa kanilang mga tradisyon at maling paniniwala. (Juan 9:1-34; Deuteronomio 18:18; Mateo 15:1-20) Gayunman, ito ay isa lamang inisyal o patiunang kalayaan. Kahit na noong unang siglo, si Jesus ay may bahagi sa isa pang uri ng pagpapalaya na nakakahalintulad ng Jubileo sa sinaunang Israel. Bakit nga makatuwiran na sabihin natin ito?
9. Kahit na para sa mga pinalaya sa espirituwal, anong anyo ng pagkaalipin ang nananatili pa rin?
9 Sinabi ni Jesus sa taong dating bulag: “Dahil sa paghatol na ito ako’y naparito sa sanlibutang ito: upang ang mga hindi nakakakita ay makakita at yaong mga nakakakita ay maging bulag.” Pagkatapos ay sinabi niya sa mga Fariseo: “Kung kayo’y bulag, kayo’y hindi magkakaroon ng kasalanan. Ngunit ngayon ay sinasabi ninyo, ‘Kami’y nakakakita.’ Ang inyong kasalanan ay nananatili.” (Juan 9:35-41) Oo, ang kasalanan na umaakay tungo sa kamatayan ay isa pa ring malaking suliranin, kagaya rin ngayon. (Roma 5:12) Ang mga Judio, kasali na ang mga apostol, na nakinabang sa patiunang pagpapalayang iyon, ang espirituwal na pagpapalaya na ibinigay ni Jesus, ay nanatiling mga taong di-sakdal. Sila’y patuloy na naging alipin ng kasalanan at ng resultang kamatayan. Mababago kaya iyan ni Jesus? Babaguhin kaya niya iyan? At kung babaguhin nga, kailan?
10. Si Jesus ay nangako na siya’y magbibigay ng anong karagdagang kalayaan?
10 Maaga pa rito ay sinabi na ni Jesus: “Kung kayo’y mananatili sa aking salita, kayo nga ay aking mga alagad, at inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” Ang mga Judiong nakikinig sa kaniya ay tumugon: “Kami’y mga supling ni Abraham at kailanman ay hindi kami naging alipin ng sinuman. Paano ngang sinasabi mo, ‘Kayo’y magiging malaya’?” Sumagot si Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bawat gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan. At, ang alipin ay hindi nananatili sa sambahayan magpakailanman; ang anak ang nananatili magpakailanman.” (Juan 8:31-36) Samakatuwid, hindi dahil sa ang mga Judio ay likas na mga supling ni Abraham ay malilibre na sila sa pagkaalipin sa kasalanan. Sinalita ni Jesus ang makasaysayang pahayag na ito tungkol sa kalayaan upang tumawag-pansin sa isang bagay na darating at magiging dakila kaysa naranasan ng mga Israelita sa anumang Jubileo.
Nagsimula ang Kristiyanong Jubileo
11. Bakit ang ating interes sa Jubileong Kristiyano ay nakatuon sa taon na 33 C.E.?
11 Hindi nakita ng mga Judio na ang Jubileo ng tipang Mosaikong Kautusan ay anino ng isang lalong dakilang Jubileo. (Colosas 2:17; Efeso 2:14, 15) Sa Jubileong ito para sa mga Kristiyano ay kasangkot “ang katotohanan” na maaaring magpalaya sa mga tao—ang katotohanan na ang Anak, si Jesu-Kristo, ang pinaka-sentro. (Juan 1:17) Kailan nagsimulang ipagdiwang ang lalong dakilang Jubileo na maaaring magdala ng kalayaan kahit buhat sa kasalanan at sa mga epekto nito? Iyon ay noong tagsibol ng 33 C.E., noong araw ng Pentecostes. Ito’y sampung araw pagkatapos ng pag-akyat ni Jesus sa langit upang iharap sa Diyos na Jehova ang bisa ng kaniyang hain.—Hebreo 9:24-28.
12, 13. Ano ang nangyari pagkamatay ni Jesus na hindi nagtagal ay nagdulot ng pambihirang karanasan sa kaniyang mga alagad?
12 Bago kay Jesus, walang tao na binuhay buhat sa mga patay upang magpatuloy na mabuhay magpakailanman. (Roma 6:9-11) Bagkus, lahat ay natutuloy sa kamatayan at nagpapatuloy sa pagkatulog hanggang sa panahong takda para sa pagkabuhay-muli ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng kaniyang pagkabuhay-muli na likha ng kapangyarihan ng Diyos, si Jesu-Kristo ang naging yaong tinatawag ng kinasihang Kasulatan na, “ang mga pangunang bunga ng mga natutulog sa kamatayan.”—1 Corinto 15:20.
13 Limampung araw pagkatapos na siya’y buhaying-muli, may ebidensiya na ang binuhay-muling si Jesu-Kristo ay umakyat na sa langit at humarap kay Jehovang Diyos taglay ang halaga ng kaniyang sakdal na sakripisyo bilang tao at kaniyang ginamit iyon alang-alang sa sangkatauhan. Ito ay noong araw ng Pentecostes 33 C.E. Bilang pagsunod sa tagubilin ni Jesus, humigit-kumulang 120 mga alagad ang nagkatipon sa Jerusalem. Nang magkagayo’y ibinuhos ni Kristo ang banal na espiritu sa mga alagad na ito, bilang katuparan ng Joel 2:28, 29. Mga dilang-apoy ang lumutang sa ibabaw ng kanilang mga ulo, at sila’y nagsalita ng iba’t ibang wikang banyaga. (Gawa 2:16-21, 33) Ito’y patotoo na ang binuhay-muling si Jesu-Kristo ay umakyat na sa langit at humarap na sa Diyos taglay ang halaga ng isang sakripisyo bilang isang sakdal na tao upang gamitin alang-alang sa sangkatauhan.
14. (a) Ano ang kalagayan ng mga alagad ni Kristo kung tungkol sa mga tipan? (b) Kasali sa bagong tipan ang anong natatanging pagpapala?
14 Ano ba ang mga ibinunga nito para sa mga alagad na iyon? Unang-una, sila’y pinalaya buhat sa tipang Mosaikong Kautusan, na ginawa ng Diyos sa bansa ng likas na Israel ngunit ngayon ay pinawi na niya, ipinako iyon sa pahirapang tulos kay Jesu-Kristo. (Colosas 2:13, 14; Galacia 3:13) Ang tipan na iyon ay hinalinhan ng isang bagong tipan na ginawa, hindi sa bansa ng likas na Israel, kundi ginawa iyon sa bagong “bansa” ng espirituwal na Israel. (Hebreo 8:6-13; Galacia 6:16) Ang bagong tipan na ito, na inihula sa Jeremias 31:31-34, ay isinaayos sa pamamagitan ng isang tagapamagitan na lalong dakila kaysa sinaunang propetang si Moises. Bunga ng interes natin sa kalayaan, dapat na lalo nating bigyang pansin ang isang pitak ng bagong tipan. Ito’y itinawag-pansin ni apostol Pablo, na sumulat: “ ‘Ito ang tipan na aking ipakikipagtipan sa kanila pagkaraan ng mga araw na iyon, . . . Hindi ko na aalalahanin ang kanilang mga kasalanan at ang kanilang mga katampalasanan.’ Ngayon kung saan may kapatawaran na mga ito, ay wala nang paghahandog ukol sa kasalanan.”—Hebreo 10:16-18.
15. Bakit natin masasabi na noong Pentecostes 33 C.E. ang Jubileong Kristiyano ay nagsimula para sa mga pinahiran? (Roma 6:6, 16-18)
15 Ang tinuturol ni Jesus ay ang kalayaang ito buhat sa kasalanan nang sabihin: “Kung kayo’y palayain ng Anak, kayo nga ay lalaya.” (Juan 8:36) Isip-isipin—kalayaan buhat sa kasalanan na posible dahil sa sakripisyo ni Kristo! Pasimula noong araw ng Pentecostes, inaring matuwid ng Diyos ang mga sumasampalataya at saka sila’y inampon bilang espirituwal na mga anak na may pag-asang magharing kasama ni Kristo sa langit. Ganito ang paliwanag ni Pablo: “Sapagkat hindi ninyo tinanggap ang espiritu ng pagkaaliping lumilikha na naman ng takot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pag-ampon bilang mga anak . . . At, kung mga anak, samakatuwid, mga tagapagmana rin tayo: mga tagapagmana nga ng Diyos, ngunit mga kasamang tagapagmana ni Kristo.” (Roma 8:15-17) Walang alinlangan, ang Jubileong Kristiyano ay nagsimula na para sa pinahirang mga Kristiyano.
16. Anong karagdagang mga pagpapala at mga pag-asa ang laan para sa mga nagdiriwang ng Jubileong Kristiyano?
16 Nang araw na iyon ng Pentecostes noong taóng 33 C.E., ang bagong bansa ng espirituwal na Israel ay umiral. Iyon ay binubuo ng mga tao na ang mga kasalanan ay pinatawad salig sa isinakripisyong dugo ni Kristo. (Roma 5:1, 2; Efeso 1:7) Sino sa atin ang makapagtatatwa na ang mga unang miyembrong iyon ng espirituwal na Israel na isinali sa bagong tipan ay nakaranas ng isang kamangha-manghang paglaya sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan? Sila’y ginawa ng Diyos na maging “ ‘isang piniling lahi, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang tanging pag-aari, upang ihayag [nila] sa madla ang mga kaningningan’ niyaong tumawag sa [kanila] mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kagila-gilalas na liwanag.” (1 Pedro 2:9) Totoo, ang kanilang katawang laman ay hindi pa rin sakdal at sila’y mamamatay pagsapit ng panahon. Subalit, ngayon na sila’y inaring matuwid ng Diyos at inampon bilang espirituwal na mga anak, ang kanilang kamatayan sa laman ay isa lamang “paglaya” upang sila’y mabuhay-muli sa “makalangit na kaharian” ni Kristo.—2 Timoteo 4:6, 18.
17, 18. Bakit ang kalayaan na likha ng Jubileong Kristiyano ay higit na mahalaga kaysa patiunang kalayaan na inihayag ni Jesus?
17 Ang inisyal o patiunang hakbang ng pagpapalaya sa sumasampalatayang mga Judio buhat sa maling mga paniwala at mga gawain ay totoong mahalaga. Gayunman, nakita natin na hinigitan pa ni Jesus ang espirituwal na pagpapalayang iyan. Mula noong Pentecostes 33 C.E. at patuloy, kaniyang pinalaya ang sumasampalatayang mga tao buhat sa “kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.” (Roma 8:1, 2) Sa gayo’y nagsimula ang Kristiyanong Jubileo para sa pinahirang mga Kristiyano. Tunay na ito’y isang lalong mahalagang kalayaan, sapagkat kasali rito ang pag-asang magtamo ng buhay sa langit bilang mga kasamang tagapagmana ni Kristo.
18 Hanggang dito’y natalakay natin ang dalawang bahagi ng kalayaang Kristiyano noong unang siglo, na hindi maikakaila na isang batayan para magalak. At nagalak nga ang mga mananampalataya noong unang siglo. (Gawa 13:44-52; 16:34; 1 Corinto 13:6; Filipos 4:4) Iyan ay lalo nang totoo tungkol sa kanilang bahagi sa Jubileong Kristiyano, na nagbukas ng daan upang sila’y tumanggap ng walang hanggang mga pagpapala sa langit.—1 Pedro 1:3-6; 4:13, 14.
19. Anong mga tanong ang natitira pa para sa mga Kristiyano na hindi inianak sa espiritu, at ano ang nagpapakita na sila ay magkakaroon ng bahagi sa inilaan ng Diyos na kalayaan?
19 Datapuwat, sa larawang ito saan angkop na napapalagay ang karamihan ng mga tunay na Kristiyano, yamang sila’y hindi pa inaaring matuwid ukol sa buhay at pinapahiran ng banal na espiritu? May maka-Kasulatang dahilan na umasang marami sa kanila ang magtatamasa rin ng kalayaan bilang bahagi ng Jubileong Kristiyano. Gunitain ang sinasabi ng Gawa 3:20, 21: “Si Jesus, na kinakailangang tanggapin ng langit hanggang sa mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay na sinalita ng Diyos sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta noong sinaunang panahon.” (Ihambing ang Gawa 17:31.) May ganiyan ding diwa, si Juan, isang pinahirang apostol na nagtatamasa na noon ng Jubileong Kristiyano, ay sumulat tungkol kay Jesu-Kristo: “Siya’y pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan, ngunit hindi lamang para sa atin kundi para rin sa buong sanlibutan.” (1 Juan 2:2) Ibig bang sabihin niyan na ang maraming tapat na mga Kristiyano sa ngayon na wala nitong makalangit na pag-asa ay maaaring mangagalak dahil sa kalayaang Kristiyano? Iyan ba ay sa hinaharap lamang, o tayo ba ay mayroon ng dahilan ngayon na magalak? Maaari nating malaman iyan sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga bahagi ng kalayaang Kristiyano at sa Jubileo na may pantanging kahulugan para sa mga tunay na mananamba sa ngayon.
[Mga talababa]
a Ang taunang Araw ng Katubusan ay ginaganap kung ika-10 ng Tishri, isang buwan sa kalendaryong Hebreo, katumbas sa atin ng Setyembre-Oktubre.
Ano ba ang Iyong Kaisipan?
◻ Ano ba ang mga kapakinabangan sa Jubileo sa sinaunang Israel?
◻ Paano nagpahayag si Jesus ng isang patiunang paglaya, at ano ba ang kasali rito?
◻ Kailan nagsimula ang Jubileong Kristiyano, at ano ang batayan ng pagsasabi ng ganiyan?
◻ Bakit may dahilan tayo na umasa na darating ang paglaya ng angaw-angaw na mga Kristiyano na hindi pinahiran ng espiritu?
[Blurb sa pahina 18]
“Ang landas ng mga matuwid ay parang maningas na liwanag na sumisikat nang paliwanag nang paliwanag hanggang sa malubos ang araw.” (Kawikaan 4:18) Kasuwato ng simulaing iyan, ang artikulong ito at ang sumusunod pa ay naghaharap ng isang napapanahon at pinalawak pang paliwanag sa Jubileo.
[Larawan sa pahina 20]
Si Jesus ay naghayag ng kalayaan noong 33 C.E.
[Larawan sa pahina 23]
Ang Jubileong Kristiyano ay nagsimula noong 33 C.E.