BILANG, NUMERO
Sa sinaunang Hebreo, ang mga bilang ay isinusulat nang buo. Ilang panahon pagkaraan ng pagkatapon sa Babilonya, sinunod ng mga Judio ang kaugalian ng paggamit sa mga titik ng kanilang alpabeto bilang mga sagisag ng mga numero. Gayunman, hindi lumilitaw kahit sa Hebreong mga manuskrito ng Bibliya pagkaraan ng pagkatapon ang gayong pamamaraan. Ang isa sa pinakamatatandang ispesimen ng sulat Hebreo ay ang inskripsiyong nakuha sa paagusan ng tubig ng Siloam (malamang na mula sa panahon ng paghahari ni Hezekias [745-717 B.C.E.]), kung saan ang mga sukat ay nakasulat nang kumpleto. Kapag isinulat nang buo ang mga bilang, ito ay nagbibigay ng karagdagang antas ng katumpakan at pagkamaaasahan sa mga manuskrito ng Hebreong Kasulatan, na maraming ulit nang kinopya, yamang sa pagkopya ay karaniwan nang mas madaling magkamali sa isang numero kaysa sa isang salita.
Sa Hebreo, ang mga bilang na mahigit sa sampu ay kombinasyon ng mga salita, halimbawa ay 12 (dalawa at sampu) (Gen 14:4), maliban sa 20 na anyong pangmaramihan ng sampu; ang 30 ay salitang pangmaramihan na halaw sa tatlo; ang 40 ay salitang pangmaramihan na halaw sa apat, at patuloy. Ang isang daan ay isang hiwalay na salita; ang 200 naman ay doblihang anyo nito. Ang iba pang “daan-daan” o “dadaanin” ay binubuo ng dalawang salita, gaya ng 300. Ang pinakamataas na bilang na tinumbasan ng isang salitang Hebreo ay 20,000, ang doblihang anyo ng 10,000 (laksa). Ang mas malalaking bilang naman ay kombinasyon ng mga salita. Halimbawa, sa 1 Cronica 5:18 ang bilang na 44,760 ay, sa literal, apatnapu at apat na libo at pitong daan-daan at animnapu. Ang isang milyon ay isinusulat na isang libong libu-libo. (2Cr 14:9) Pinagpala si Rebeka ng kaniyang pamilya, na sinasabi: “O ikaw, kapatid namin, ikaw nawa ay maging libu-libong sampung libo [sa literal, libu-libong laksa-laksa].” (Aktuwal na umabot nang milyun-milyon ang mga inapo ni Rebeka.) (Gen 24:55, 60) Sa pangitain ni Daniel, ipinakikitang nakatayo sa harap ni Jehova ang “sampung libong tigsasampung libo [sa literal, isang laksang laksa-laksa].”—Dan 7:10.
Paminsan-minsan ang mga bilang ay ginagamit sa pagtantiya, anupat nasa anyong mga buong bilang, halimbawa ay sa Awit 90:10, kung saan binabanggit ng salmista ang hangganang edad ng tao, at posibleng gayundin sa 1 Hari 19:18 (7,000 na hindi yumukod kay Baal) at sa 2 Cronica 14:9 (isang milyong Etiope na tinalo ni Asa).
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang mga numero ay karaniwan nang isinusulat nang buo. Sa mga manuskritong Sinaitic at Alexandrine, ang bilang ng “mabangis na hayop” ay nakasulat nang buo.—Apo 13:18.
Walang Numerolohiya sa Bibliya. Yamang ang Bibliya ay isang aklat kapuwa ng kasaysayan at hula, ang binanggit na mga bilang dito ay maaaring literal o makasagisag. Karaniwan na, isinisiwalat ng konteksto kung sa anong diwa ginagamit ang isang bilang. May ilang bilang na madalas na lumilitaw sa Bibliya sa makatalinghaga, makalarawan, o makasagisag na diwa, at sa gayong mga kaso ay mahalagang maunawaan ang kahulugan ng mga ito upang maunawaan ang teksto. Gayunman, ang paggamit na ito ng Bibliya sa mga bilang ay hindi dapat ipagkamali sa numerolohiya, kung saan iniuugnay sa okulto ang mga bilang, mga kombinasyon ng mga ito, at ang mga suma total ng mga ito. Lumilitaw na nagmula sa sinaunang Babilonya ang numerolohiya at hinahatulan iyon ng Diyos kasama ng iba pang mga anyo ng panghuhula.—Deu 18:10-12.
Tatalakayin natin sa mga sumusunod ang ilan sa makasagisag na paggamit sa partikular na mga bilang na madalas gamitin sa Bibliya.
Isa. Kapag ginagamit sa makasagisag na paraan, ang bilang na ito ay nagpapahiwatig ng pagiging iisa, pagiging natatangi, gayundin ng pagkakaisa at pagkakasuwato sa layunin at pagkilos. “Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova,” ang sabi ni Moises. (Deu 6:4) Siya lamang ang Soberano. Siya ay natatangi. Hindi niya ibinabahagi sa iba ang kaniyang kaluwalhatian, di-gaya sa kaso ng mga paganong trinitaryong diyos. (Gaw 4:24; Apo 6:10; Isa 42:8) Nagkakaisa si Jehova at si Jesu-Kristo sa layunin at gawain (Ju 10:30) at ang mga alagad ni Kristo ay dapat na may lubusang pakikipagkaisa sa Diyos, sa kaniyang Anak, at sa isa’t isa. (Ju 17:21; Gal 3:28) Ang gayong pagkakaisa ay maipaghahalimbawa sa kaayusan sa pag-aasawa.—Gen 2:24; Mat 19:6; Efe 5:28-32.
Dalawa. Madalas lumitaw ang bilang na dalawa sa mga legal na usapin. Mas matibay ang patotoo kapag magkasuwato ang salaysay ng dalawang saksi. Dalawang saksi, o kaya’y tatlo, ang kailangan upang mapagtibay ang isang usapin sa harap ng mga hukom. Ang simulaing ito ay sinusunod din sa kongregasyong Kristiyano. (Deu 17:6; 19:15; Mat 18:16; 2Co 13:1; 1Ti 5:19; Heb 10:28) Sinunod ng Diyos ang simulaing ito nang iharap niya ang kaniyang Anak sa mga tao bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Sinabi ni Jesus: “Sa inyong sariling Kautusan ay nakasulat, ‘Ang patotoo ng dalawang tao ay totoo.’ Isa ako na nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, at ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo tungkol sa akin.”—Ju 8:17, 18.
Kapag makalawang ulit na ginawa ang isang bagay—halimbawa, inulit ang isang kapahayagan o pangitain, kahit na sa magkatulad lamang na paraan—matibay na pinatutunayan nito na tiyak at totoo ang bagay na tinutukoy (gaya sa panaginip ni Paraon tungkol sa mga baka at mga uhay ng butil; Gen 41:32). Punô ng paralelismo ng mga kaisipan ang tulang Hebreo sa Bibliya, anupat higit na naititimo ng mga iyon sa isip ang ipinahahayag na mga katotohanan at kasabay nito ay nililinaw ang mga punto sa pamamagitan ng iba’t ibang pananalita sa paralelismo.—Tingnan ang Aw 2, 44, at iba pa.
Sa hula ni Daniel, isang partikular na hayop na may “dalawang sungay” ang sumagisag sa tambalang pamamahala ng Imperyo ng Medo-Persia.—Dan 8:20, 21; ihambing ang Apo 13:11.
Tatlo. Bagaman ang patotoo ng dalawang saksi sa iisang usapin ay sapat nang katibayan para sa legal na pagkilos, mas matibay ang patotoo kapag tatlo ang nagbigay nito. Samakatuwid, ang bilang na tatlo ay ginagamit kung minsan upang magpahiwatig ng tindi, pagdiriin, o karagdagang puwersa. “Ang panali na tatlong-ikid ay hindi madaling mapatid.” (Ec 4:12) Nagsilbing pagdiriin ang tatlong beses na pagtatanong ni Jesus kay Pedro matapos siyang ikaila nito nang tatlong ulit. (Mat 26:34, 75; Ju 21:15-17) Ang pangitain ni Pedro kung saan sinabi sa kaniya na kumain mula sa lahat ng uri ng hayop, kabilang na yaong marurumi ayon sa Kautusan, ay idiniin nang ibigay ito sa kaniya nang tatlong beses. Walang alinlangan na dahil dito, nang tanggapin ni Cornelio at ng sambahayan nito ang mabuting balita, mas madaling naunawaan ni Pedro na ibinabaling na noon ng Diyos ang kaniyang pansin sa di-tuling mga tao ng mga bansa, na itinuturing na marumi ng mga Judio.—Gaw 10:1-16, 28-35, 47, 48.
Ang sukdulang kabanalan at kalinisan ni Jehova ay idiniriin ng sinabi ng makalangit na mga nilalang: “Banal, banal, banal si Jehova.” (Isa 6:3; Apo 4:8) Bago alisin sa trono ang huling makalupang hari na mula sa linya ni David, sinabi ni Jehova: “Kagibaan, kagibaan, kagibaan ang gagawin ko roon. Kung tungkol din dito, hindi nga iyon aariin ninuman hanggang sa dumating siya na may legal na karapatan, at ibibigay ko iyon sa kaniya.” Dito ay mariin niyang ipinakita na walang Davidikong hari na uupo sa trono sa Jerusalem sa kaniyang pangalan—lubusang mababakante ang trono—hanggang sa dumating ang panahon ng Diyos upang itatag ang kaniyang Mesiyas sa kapangyarihan ng Kaharian. (Eze 21:27) Ang tindi ng mga kaabahang sasapit sa mga naninirahan sa lupa ay inihula sa pamamagitan ng tatlong beses na pag-ulit sa pananalitang “sa aba.”—Apo 8:13.
Apat. Ang apat ay isang bilang na nagpapahiwatig kung minsan ng pagiging pansansinukob o pagiging parisukat sa simetriya at anyo. Masusumpungan ito nang tatlong ulit sa Apocalipsis 7:1. Doon, ang “apat na anghel” (lahat niyaong may hawak sa “apat na hangin,” anupat nakahanda para sa lubusang pagpuksa) ay nakatayo sa “apat na sulok” ng lupa (maaari nilang pakawalan ang mga hangin nang pahilis o diyagonal, at walang bahagi ng lupa ang makaliligtas). (Ihambing ang Dan 8:8; Isa 11:12; Jer 49:36; Zac 2:6; Mat 24:31.) Ang Bagong Jerusalem ay “parisukat,” anupat magkakasukat ang bawat dimensiyon, at sa katunayan ay hugis-kubiko. (Apo 21:16) Masusumpungan sa Zacarias 1:18-21; 6:1-3 at Apocalipsis 9:14, 15 ang iba pang makasagisag na mga pananalita na gumagamit ng bilang na apat.
Anim. Kung minsan, ang bilang na ito ay lumalarawan sa di-kasakdalan. Ang bilang ng “mabangis na hayop” ay 666 at tinatawag na “bilang ng isang tao,” anupat ipinahihiwatig na may kaugnayan ito sa di-sakdal at makasalanang tao, at waring sumasagisag ito sa pagiging di-sakdal niyaong kinakatawanan ng “mabangis na hayop.” Samakatuwid, itinatampok ng bilang na anim na inulit hanggang ikatlong antas (anupat ang anim ay nasa posisyon ng yunit, sasampuin at dadaanin) ang di-kasakdalan at kakulangan niyaong kinakatawanan o inilalarawan ng hayop.—Apo 13:18.
Pito. Malimit na ginagamit sa Kasulatan ang pito upang magpahiwatig ng pagiging kumpleto. Kung minsan ay tumutukoy ito sa pagtapos sa isang gawain. O maaari itong tumukoy sa kumpletong siklo ng mga bagay-bagay ayon sa itinatag o ipinahintulot ng Diyos. Tinapos ni Jehova ang kaniyang gawain may kinalaman sa lupa sa loob ng anim na araw ng paglalang at nagpahinga siya sa ikapitong araw; sa pamamagitan nito ay nagbigay siya ng parisan para sa buong kaayusan ng Sabbath, mula sa pitong-araw na sanlinggo hanggang sa taon ng Jubileo na kasunod ng siklong pitong ulit na pitong taon. (Exo 20:10; Lev 25:2, 6, 8) Tigpitong araw ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura at ang Kapistahan ng mga Kubol. (Exo 34:18; Lev 23:34) Madalas lumitaw ang pito may kaugnayan sa Levitikong mga alituntunin sa paghahandog (Lev 4:6; 16:14, 19; Bil 28:11) at paglilinis.—Lev 14:7, 8, 16, 27, 51; 2Ha 5:10.
Makikita sa “pitong kongregasyon” ng Apocalipsis, at sa mga katangian ng mga ito, ang isang kumpletong larawan ng lahat ng kongregasyon ng Diyos sa lupa.—Apo 1:20–3:22.
Ipinahihiwatig ng “pitong ulo” ng “mabangis na hayop” (Apo 13:1) kung hanggang sa anong antas pahihintulutang umiral ang hayop. Bagaman ang “kulay-iskarlatang mabangis na hayop” ay tinatawag na “ikawalong” hari, nagmula ito sa pito at hindi umiral nang hiwalay sa mabangis na hayop na may pitong ulo (Apo 17:3, 9-11), gaya rin ng “larawan” ng “mabangis na hayop.” (Apo 13:14) Sa katulad na paraan, ang “mabangis na hayop” na may dalawang sungay sa totoo ay umiral na kasabay at kaugnay ng orihinal na “mabangis na hayop” anupat ang “marka” niyaon ay sinisikap nitong ilagay sa lahat ng tao.—Apo 13:11, 16, 17.
Nagpakita si Jehova ng mahabang pagtitiis sa Israel ngunit binabalaan niya sila na kung sa kabila ng kaniyang disiplina ay ipagwawalang-bahala nila siya, parurusahan niya sila nang “pitong ulit,” samakatuwid nga, nang lubusan, dahil sa kanilang mga kasalanan.—Lev 26:18, 21, 28.
Sa makasaysayang mga bahagi ng Kasulatan, malimit na lumilitaw ang pito upang magpahiwatig ng pagiging kumpleto, o ng paggawa sa isang gawain nang lubusan. Nagpamalas ang mga Israelita ng lubos na pananampalataya at pagsunod sa pamamagitan ng paghayo sa palibot ng Jerico sa loob ng pitong araw, anupat nilibot nila iyon nang pitong ulit noong ikapitong araw, at pagkatapos niyaon ang pader ng lunsod ay bumagsak. (Jos 6:2-4, 15) Nagpakita si Elias ng lubos na pananampalataya sa bisa ng kaniyang panalangin sa Diyos nang utusan niya ang kaniyang lingkod na umahon sa Bundok Carmel upang tumingin sa kalangitan nang pitong ulit bago lumitaw ang isang ulap-ulan. (1Ha 18:42-44) Kinailangan ni Naaman na ketongin na maligo nang pitong ulit sa Ilog Jordan. Bilang isang makapangyarihang heneral sa Sirya, kinailangan niyang magpamalas ng ganap na kapakumbabaan upang maisagawa ang pagkilos na ito na inirekomenda ng propetang si Eliseo, ngunit dahil sa kaniyang pagkamasunurin, nilinis siya ni Jehova. (2Ha 5:10, 12) Sa matulain at mapuwersang paraan, ang kadalisayan, pagkakumpleto, kasakdalan, at kahusayan ng mga pananalita ni Jehova ay itinulad sa pilak na dinalisay sa tunawang hurno, na makapitong nilinis. (Aw 12:6) Ang awa ni Jehova ay dinadakila ng pananalitang: “Ang matuwid ay maaaring mabuwal nang kahit pitong ulit, at tiyak na babangon siya.” (Kaw 24:16) Ipinahayag ng salmista na karapat-dapat Siya sa lahat ng papuri: “Pitong ulit kitang pinupuri sa isang araw.”—Aw 119:164.
Sagana ang aklat ng Apocalipsis sa makasagisag na paggamit ng bilang na pito may kaugnayan sa mga bagay ng Diyos at sa kaniyang kongregasyon, at gayundin sa mga bagay ng Kalaban ng Diyos, si Satanas na Diyablo, sa lubus-lubusang pakikipaglaban nito upang salansangin ang Diyos at ang kaniyang bayan.—Apo 1:4, 12, 16; 5:1, 6; 8:2; 10:3; 12:3; 13:1; 15:1, 7; 17:3, 10; at iba pang mga teksto.
Ang pinaraming pito ay ginagamit sa isang nakakatulad na diwa ng pagiging kumpleto. Ang pitumpu (sampung ulit na pito) ay makahulang ginagamit sa “pitumpung sanlinggo” sa hula ni Daniel tungkol sa pagdating ng Mesiyas. (Dan 9:24-27; tingnan ang PITUMPUNG SANLINGGO.) Dahil sa pagsuway sa Diyos, naging tiwangwang ang Jerusalem at Juda sa loob ng 70 taon “hanggang sa mabayaran ng lupain [nang lubusan] ang mga sabbath nito.”—2Cr 36:21; Jer 25:11; 29:10; Dan 9:2; Zac 1:12; 7:5.
Ang pitumpu’t pito, na isang pag-uulit ng bilang na pito, ay katumbas ng pananalitang “habang panahon” o “walang takda.” Pinayuhan ni Jesus ang mga Kristiyano na magpatawad sa kanilang mga kapatid sa gayong antas. (Mat 18:21, 22) Palibhasa’y itinakda ng Diyos na sinumang pumatay kay Cain, na mamamaslang, ay “gagantihan nang pitong ulit,” ganito naman ang sinabi ni Lamec, na lumilitaw na pumatay ng isang tao bilang pagtatanggol sa sarili: “Kung pitong ulit na ipaghihiganti si Cain, kung gayon si Lamec ay pitumpung ulit at pito.”—Gen 4:15, 23, 24.
Walo. Ang bilang na walo ay ginamit din upang higit na idiin ang pagiging kumpleto ng isang bagay (anupat mas marami nang isa kaysa sa pito, ang karaniwang ginagamit na bilang para sa pagiging kumpleto), kaya naman kung minsan ay lumalarawan ito sa kasaganaan. Tiniyak ni Jehova sa kaniyang bayan na ililigtas niya sila mula sa banta ng Asirya, anupat sinasabi na dapat magbangon laban sa Asiryano ng “pitong pastol, oo, [hindi lamang pito, kundi] walong duke mula sa mga tao.” (Mik 5:5) Bilang angkop na kasukdulan ng Kapistahan ng mga Kubol na panghuling kapistahan ng sagradong taon, ang ikawalong araw ay magiging isang banal na kombensiyon, kapita-pitagang kapulungan at isang araw ng lubusang kapahingahan.—Lev 23:36, 39; Bil 29:35.
Sampu. Ang sampu ay bilang na nagpapahiwatig ng kalubusan, kabuuan, kalipunan, ang suma total ng lahat ng bumubuo sa isang bagay. Mapapansin din na kapag magkasamang ginagamit ang mga bilang na pito at sampu, ang pito ay kumakatawan sa bagay na mas mataas o nakahihigit at ang sampu naman ay kumakatawan sa isang bagay na nakabababa.
Lubusang ipinahayag ng Sampung Salot na pinasapit sa Ehipto ang mga kahatulan ng Diyos sa Ehipto—ang lahat ng kailangan upang lubusang hiyain ang huwad na mga diyos ng Ehipto at upang palayain mula sa mga kamay ng Ehipto ang Israel na bayan ng Diyos. Ang “Sampung Salita” ang bumubuo sa mga saligang kautusan ng tipang Kautusan; ang mga ito ay pinalalawak lamang ng mga 600 iba pang batas, anupat nililinaw at ipinaliliwanag ang pagkakapit ng mga ito. (Exo 20:3-17; 34:28) Ginamit ni Jesus ang bilang na sampu sa ilan sa kaniyang mga ilustrasyon upang ipahiwatig ang kabuuan o ang hustong bilang ng isang bagay.—Mat 25:1; Luc 15:8; 19:13, 16, 17.
Ang isa sa mga hayop sa pangitain ni Daniel at ang ilang hayop na inilalarawan sa Apocalipsis ay may sampung sungay. Maliwanag na sumasagisag ang mga ito sa lahat ng kapangyarihan, o “mga hari,” sa lupa na bumubuo sa makahayop na kaayusan. (Dan 7:7, 20, 24; Apo 12:3; 13:1; 17:3, 7, 12) Ang kalubusan ng pagsubok o yugto ng pagsubok na itinatalaga ng Diyos para sa kaniyang mga lingkod o ipinahihintulot niyang danasin nila ay ipinahahayag sa Apocalipsis 2:10: “Huwag kang matakot sa mga bagay na malapit mo nang pagdusahan. Narito! Patuloy na itatapon ng Diyablo ang ilan sa inyo sa bilangguan upang lubos kayong mailagay sa pagsubok, at upang magkaroon kayo ng kapighatiang sampung araw.”
Labindalawa. Ang patriyarkang si Jacob ay nagkaroon ng 12 anak na lalaki, na naging mga pundasyon ng 12 tribo ng Israel. Sa ilalim ng tipang Kautusan, inorganisa ng Diyos ang kanilang mga supling upang maging bansa ng Diyos. Ang bilang na 12 kung gayon ay waring lumalarawan sa isang kumpleto at timbang na kaayusang itinatag ng Diyos. (Gen 35:22; 49:28) Pumili si Jehova ng 12 apostol, na bumubuo sa pangalawahing mga pundasyon ng Bagong Jerusalem, na itinayo sa ibabaw ni Jesu-Kristo. (Mat 10:2-4; Apo 21:14) May 12 tribo ang “mga anak [ng espirituwal na] Israel,” at bawat tribo ay binubuo ng 12,000 miyembro.—Apo 7:4-8.
Kung minsan ay makahulugan din ang pinaraming 12. Nagtatag si David ng 24 na pangkat ng pagkasaserdote na maglilingkod nang halinhinan sa templong itinayo ni Solomon noong dakong huli. (1Cr 24:1-18) Nakatutulong ito sa pagkilala sa “dalawampu’t apat na matatanda” na nakaupo sa palibot ng trono ng Diyos, nadaramtan ng mapuputing panlabas na kasuutan at nakasuot ng mga korona. (Apo 4:4) Ang mga sumusunod sa yapak ni Jesu-Kristo, na kaniyang espirituwal na mga kapatid, ay pinangakuang magiging mga hari at mga saserdote sa langit kasama niya. Ang matatandang ito ay hindi lamang ang mga apostol, na may bilang lamang na 12. Maliwanag na lumalarawan sila sa buong kalipunan ng “maharlikang pagkasaserdote,” ang 144,000 (gaya ng inilalarawan ng 24 na pangkat ng mga saserdote na naglilingkod sa templo) sa kanilang mga katungkulan sa langit, bilang kinoronahang mga hari at mga saserdote.—1Pe 2:9; Apo 7:4-8; 20:6.
Apatnapu. Sa ilang kaso, ang mga yugto ng paghatol o pagpaparusa ay waring nauugnay sa bilang na 40. (Gen 7:4; Eze 29:11, 12) Binigyan ng 40 araw ang Nineve upang magsisi. (Jon 3:4) Itinatawag-pansin naman ng isa pang paggamit sa bilang na 40 ang isang pagkakatulad sa buhay ni Jesu-Kristo at ni Moises, na lumalarawan kay Kristo. Kapuwa sila nag-ayuno sa loob ng 40 araw.—Exo 24:18; 34:28; Deu 9:9, 11; Mat 4:1, 2.