PAGPAPABANAL
Ang pagkilos o proseso kung saan ang isang indibiduwal o bagay ay ginagawang banal, inihihiwalay, o ibinubukod para sa paglilingkod sa Diyos na Jehova o sa paggamit niya; ang kalagayan ng pagiging banal, pinabanal, o dinalisay. Ang “pagpapabanal” ay nagtutuon ng pansin sa pagkilos na nagbubunga, naghahayag, o nagpapanatili ng kabanalan. (Tingnan ang KABANALAN.) Ang mga salitang hinalaw sa pandiwang Hebreo na qa·dhashʹ at ang mga salitang kaugnay ng pang-uring Griego na haʹgi·os ay isinasalin bilang “banal,” “pinabanal,” “ginawang sagrado,” at “ibinukod.”
Higit na mauunawaan ang paksang ito kapag isinaalang-alang kung paano ginamit ang mga salita sa orihinal na mga wika. Sa Kasulatan, ikinakapit ang mga ito (1) sa Diyos na Jehova, (2) kay Jesu-Kristo, (3) sa mga anghel, (4) sa mga tao at mga hayop, (5) sa mga bagay, (6) sa mga yugto ng panahon o sa mga pangyayari, at (7) sa mga pag-aaring lupain. Kung minsan ang salitang Hebreo para sa “pabanalin” ay ginagamit sa diwa ng paghahanda sa sarili upang mapasaangkop na kalagayan. Inutusan ni Jehova si Moises na sabihin sa nagrereklamong mga Israelita: “Pabanalin ninyo ang inyong sarili para sa kinabukasan, dahil tiyak na kakain kayo ng karne.” (Bil 11:18) Bago tumawid sa Ilog Jordan ang Israel, ipinag-utos naman ni Josue: “Pabanalin ninyo ang inyong sarili, sapagkat bukas ay gagawa si Jehova ng mga kamangha-manghang bagay sa gitna ninyo.” (Jos 3:5) Sa lahat ng kaso, ang termino ay may relihiyoso, espirituwal, at moral na diwa. Maaari itong magpahiwatig ng paglayo mula sa anumang bagay na di-nakalulugod kay Jehova o masama sa paningin niya, kabilang na ang pisikal na karumihan. Sinabi ng Diyos kay Moises: “Pumaroon ka sa bayan, at pabanalin mo sila ngayon at bukas, at labhan nila ang kanilang mga balabal. . . . sapagkat sa ikatlong araw ay bababa si Jehova sa paningin ng buong bayan sa ibabaw ng Bundok Sinai.” (Exo 19:10, 11) Dito, ang salita ay ginagamit upang mangahulugan ng pagdadalisay o paglilinis, gaya sa 2 Samuel 11:4, na kababasahan: ‘Pinababanal niya ang kaniyang sarili mula sa kaniyang karumihan.’
Sinabi ni Jehova sa Israel na dapat silang maging hiwalay sa mga bansa sa sanlibutan at maging malinis mula sa mga gawain ng mga iyon; binigyan niya ng mga kautusan ang Israel upang maingatan silang nakabukod, anupat kabilang na rito ang mga kautusan na nagsasabi kung ano ang malinis at kung ano ang marumi para kainin. Pagkatapos ay ibinigay niya sa kanila ang dahilan: “Sapagkat ako ay si Jehova na inyong Diyos; at pabanalin ninyo ang inyong sarili at magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.”—Lev 11:44.
Diyos na Jehova. Ang Diyos na Jehova ay banal at ganap na malinis. Bilang ang Maylalang at ang Soberano ng Sansinukob, may karapatan siya sa bukod-tanging pagsamba ng lahat ng kaniyang mga nilalang. Kaya naman sinasabi niya na ipakikita niya ang kaniyang kabanalan, anupat kikilos siya upang pabanalin ang kaniyang sarili at ang kaniyang pangalan sa paningin ng lahat ng nilalang: “Tiyak na dadakilain ko ang aking sarili at pababanalin ko ang aking sarili at ipakikilala ko ang aking sarili sa paningin ng maraming bansa; at kanila ngang makikilala na ako ay si Jehova.” (Eze 38:23) Siya at ang kaniyang pangalan ay dapat na “pabanalin” niyaong mga naghahangad ng kaniyang lingap, at ng buhay, samakatuwid nga, dapat nilang panatilihin ang pangalang iyon sa wastong dako nito bilang hiwalay at nakatataas sa lahat ng iba pang pangalan. (Lev 22:32; Isa 8:13; 29:23) Itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod ang pangunahing bagay na dapat ipanalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin [o, “ituring na sagrado; ituring na banal”] nawa ang iyong pangalan.”—Mat 6:9, tlb sa Rbi8.
Jesu-Kristo. Pinili ng Diyos na Jehova ang kaniyang bugtong na Anak at isinugo niya ito sa lupa upang gawin ang isang pantanging gawain alang-alang sa pangalan ng Diyos at upang ibigay ang kaniyang buhay bilang pantubos para sa sangkatauhan. Ngunit hindi siya tinanggap at iginalang ng bansang Judio bilang ang isinugong iyon; sa halip, itinanggi nila ang kaniyang pagiging anak at ang posisyon niya may kaugnayan sa kaniyang Ama. Tumugon siya sa kanila: “Sinasabi ba ninyo sa akin na pinabanal ng Ama at isinugo sa sanlibutan, ‘Namumusong ka,’ sapagkat sinabi ko, Ako ang Anak ng Diyos?”—Ju 10:36.
Sumulat ang apostol na si Pedro sa mga Kristiyano, anupat sinabihan niya sila na “pabanalin ang Kristo bilang Panginoon sa inyong mga puso.” Ipinakita niya na yaong gumagawa nito ay iiwas sa masama at gagawa ng mabuti. Ang mga tao ng mga bansa ay nagtataglay sa kanilang mga puso ng pagkasindak at pagkatakot sa mga tao at sa iba pang mga bagay. Ngunit para sa isang Kristiyano, dapat magkaroon ng tamang dako si Kristo sa kaniyang pagmamahal at mga motibo. Nangangahulugan ito ng pagkilala sa posisyon ni Kristo bilang ang Punong Ahente ng Diyos ukol sa buhay, ang Mesiyanikong Hari, ang Mataas na Saserdote ng Diyos, at ang isa na nagbigay ng kaniyang buhay bilang pantubos. Dapat din niyang palaging isaisip ang halimbawa ni Kristo hinggil sa mabuting paggawi at dapat siyang magtaglay ng isang mabuting budhi may kaugnayan sa sarili niyang paggawi bilang isang Kristiyano. Kung may isang tao, isang tagapamahala pa nga, na may-kabagsikang humihingi ng katuwiran para sa pag-asa niya, ang isang Kristiyano na nagpapabanal kay Kristo sa kaniyang puso ay gagawa ng mainam na pagtatanggol, ngunit taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.—1Pe 3:10-16.
Mga Anghel. Ang mga anghel ng Diyos ay tinawag ni Jesus na mga “banal” na anghel, pinabanal, ibinukod para sa banal na paggamit ni Jehova. (Mar 8:38; Luc 9:26; ihambing ang Aw 103:20.) Humaharap sila sa sagradong presensiya ni Jehova, anupat nakikita nila ang kaniyang mukha.—Mat 18:10; Luc 1:19.
Mga Tao at mga Hayop. Noong sinaunang mga panahon, ang Diyos ay may piniling mga tao na ninais niyang gamitin para sa bukod-tanging paglilingkod sa kaniya, at pinabanal niya sila. Nang ipasiya niyang gamitin ang mga lalaki na mula sa tribo ni Levi upang mag-asikaso sa sagradong tabernakulo at gumanap sa mga paglilingkod dito, sinabi niya kay Moises: “Kung tungkol sa akin, narito! kinukuha ko ang mga Levita mula sa mga anak ni Israel na kahalili ng lahat ng panganay na nagbubukas ng bahay-bata ng mga anak ni Israel; at ang mga Levita ay magiging akin. Sapagkat ang lahat ng panganay ay akin. Nang araw na saktan ko ang lahat ng panganay sa lupain ng Ehipto ay pinabanal ko sa akin ang lahat ng panganay sa Israel mula sa tao hanggang sa hayop. Sila ay magiging akin. Ako ay si Jehova.” Upang mapalaya ang mga panganay ng iba pang 11 tribo, hiniling sa mga Israelita na ibigay bilang kapalit ng mga ito ang lahat ng mga lalaki na mula sa tribo ni Levi. Pagkatapos ay magbibigay sila ng limang siklo ($11) sa santuwaryo para naman sa bawat panganay na lalaki na labis sa kabuuang bilang ng mga lalaking Levita. Sa pamamagitan nito, napalaya ang mga panganay mula sa pagiging ibinukod para sa eksklusibong paglilingkod kay Jehova.—Bil 3:12, 13, 46-48.
Pagkaraan nito, ang lahat ng panganay na lalaki na nagbubukas ng bahay-bata ay itinuring na pinabanal ngunit sila’y inihaharap sa templo at tinutubos sa pamamagitan ng pagbabayad ng limang siklo ($11). (Exo 13:2; Lev 12:1-4; Bil 18:15, 16) Yaong mga nasa ilalim ng panata ng pagka-Nazareo ay pinababanal sa panahon ng kanilang panata. (Bil 6:1-8) Ang panganay ng mga alagang hayop ay pinababanal din, anupat dapat ihain, o sa ilang kaso, dapat tubusin.—Deu 15:19; tingnan ang PANGANAY.
Mga saserdote. Nilayon din ni Jehova na magbukod ng isang pantanging pamilya sa tribo ni Levi upang maglingkod bilang kaniyang mga saserdote para sa paghahain, samakatuwid nga, si Aaron at ang kaniyang mga anak at ang kanilang mga inapong lalaki. (Exo 28:1-3, 41) Pagkatapos ay pinabanal sila lakip ang angkop na mga hain sa pamamagitan ng makasagisag at sunud-sunod na mga hakbang na inilalarawan sa Exodo kabanata 29. Pinabanal din ang walang-hanggang Mataas na Saserdote ni Jehova, si Jesu-Kristo, at ang kaniyang mga kapuwa saserdote, o mga katulong na saserdote, samakatuwid nga, yaong mga sumusunod sa yapak ni Kristo at pinahiran ng Diyos upang maging mga miyembro ng katawan ni Kristo.—2Te 2:13; Apo 1:6; 5:10.
Proseso ng Pagpapabanal. May isang partikular na proseso o pamamaraan na dapat pagdaanan ng isang tao na pababanalin bilang isa na sumusunod sa yapak ni Kristo. Bilang paggamit sa salitang pabanalin sa diwa na dalisayin o linisin mula sa kasalanan sa paningin ng Diyos, sumulat ang apostol na si Pablo: “Sapagkat kung ang dugo ng mga kambing at ng mga toro at ang abo ng dumalagang baka na iwinisik doon sa mga nadungisan ay nakapagpapabanal hanggang sa ikalilinis ng laman, gaano pa ngang higit na ang dugo ng Kristo, na sa pamamagitan ng walang-hanggang espiritu ay naghandog ng kaniyang sarili nang walang dungis sa Diyos, ay makapaglilinis ng ating mga budhi mula sa patay na mga gawa upang makapag-ukol tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy?”—Heb 9:13, 14.
“Ang dugo ng Kristo” ay tumutukoy sa halaga ng kaniyang sakdal na buhay bilang tao; at ito ang naghuhugas ng kasalanan ng taong nananampalataya sa kaniya. Samakatuwid, ito ay tunay (hindi lamang sa makasagisag na paraan [ihambing ang Heb 10:1-4]) na nagpapabanal sa ikadadalisay ng laman ng mananampalataya, sa pangmalas ng Diyos, anupat nagkakaroon ng malinis na budhi ang mananampalataya. Gayundin, ipinahahayag ng Diyos na matuwid ang gayong mananampalataya at ginagawang karapat-dapat na maging isa sa mga katulong na saserdote ni Jesu-Kristo. (Ro 8:1, 30) Ang gayong mga indibiduwal ay tinatawag na haʹgi·oi, “mga banal,” “mga santo” (KJ), o mga taong pinabanal ukol sa Diyos.—Efe 2:19; Col 1:12; ihambing ang Gaw 20:32, na may binabanggit na “mga pinabanal [tois he·gi·a·smeʹnois].”
Kaya ang proseso para sa magiging mga kasamang tagapagmana ni Kristo ay, una, inilalapit sila ng Diyos na Jehova kay Jesu-Kristo sa pamamagitan ng pananampalataya sa katotohanan ng Salita ng Diyos. (Ju 6:44; 17:17; 2Te 2:13) Palibhasa’y tinanggap na ni Jehova, sila ay ‘hinugasan nang malinis, pinabanal na, ipinahayag nang matuwid sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.’ (1Co 6:11) Sa gayon, si Kristo sa kanila ay naging ‘karunungan, katuwiran, at pagpapabanal at pagpapalaya sa pamamagitan ng pantubos.’ (1Co 1:30) Tungkol sa mga ito, sinabi ng apostol na si Pablo: “Sapagkat kapuwa siya [si Kristo] na nagpapabanal at yaong mga pinababanal ay nagmumulang lahat sa isa, at sa dahilang ito ay hindi niya ikinahihiyang tawagin silang ‘mga kapatid.’” (Heb 2:11) Sila ay naging “mga anak ng Diyos” at “mga kapatid” ng Pangunahing Anak ng Diyos sa pamamagitan ng pagiging inianak sa espiritu.—Ro 8:14-17; Ju 3:5, 8.
Dapat panatilihin. Ang proseso ng pagpapabanal ay hindi ginagawa ng isang panig lamang. Dapat panatilihin ng isang mananampalataya ang kaniyang kalagayan bilang pinabanal yamang maaari niya itong maiwala.
Nagbigay si Kristo Jesus ng parisan para sa mga pinabanal. (Ju 13:15) Sa kaniyang panalangin sa Diyos, sinabi niya: “Pinababanal ko ang aking sarili alang-alang sa kanila, upang sila rin ay mapabanal sa pamamagitan ng katotohanan.” (Ju 17:19) Nanatiling walang kapintasan si Jesus at iningatan niya ang kaniyang katayuan bilang ibinukod sa layuning pabanalin ang kaniyang mga tagasunod. Dapat nilang ingatan ang kanilang kalagayan bilang pinabanal hanggang sa katapusan ng kanilang buhay sa lupa. Para magawa ito, dapat nilang iwasan ang mga bagay na walang dangal at ang mga taong nagsasagawa ng mga bagay na walang dangal, upang sila’y maging “isang sisidlan para sa isang marangal na layunin, pinabanal, kapaki-pakinabang sa may-ari sa kaniya, naihanda para sa bawat gawang mabuti.” (2Ti 2:20, 21) Dapat nilang matanto na binili sila sa pamamagitan ng sariling dugo ni Kristo, at na dahil sa kalooban ng Diyos ay ‘pinabanal sila sa pamamagitan ng paghahandog ng katawan ni Jesu-Kristo nang minsanan.’ (Heb 10:10) Pinapayuhan sila na “itaguyod . . . ang pagpapabanal na kung wala nito ay walang taong makakakita sa Panginoon.”—Heb 12:14.
Bagaman sila ay nasa di-sakdal na laman pa rin, na nakahilig sa paggawa ng kasalanan, maaaring magtagumpay ang mga pinabanal. Sa pagbababala hinggil sa panganib na maiwala nila ang kanilang kalagayan bilang pinabanal, ipinaalaala ni Pablo sa kanila na ‘sa pamamagitan ng dugo ng [bagong] tipan ay pinabanal sila.’ (Heb 10:29; Luc 22:20) Bilang Tagapamagitan ng bagong tipan, tinutulungan sila ni Kristo na matupad ang mga kundisyon ng tipan sa pamamagitan ng pagsunod at malinis na paggawi upang maingatan nila ang kanilang kalagayan bilang pinabanal. “Sa pamamagitan nga ng isang haing handog ay pinasakdal niya nang walang hanggan yaong mga pinababanal.” (Heb 10:14) Bilang Tagapamagitan at Mataas na Saserdote, ‘nagagawa rin ni Kristo na iligtas nang lubusan yaong mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya.’ (Heb 7:25) Ngunit kung babalik sila sa pamimihasa sa kasalanan, wala nang ikalawang hain pa, kundi ang naghihintay na lamang ay ang paghuhukom at pagkapuksa.—Heb 10:26, 27.
Kaya nga, ang mga pinabanal ay hindi tinawag para ipagpatuloy ang ginagawa nila bago sila pinabanal, o para balikan ang gayong landasin. Nagpapayo ang apostol: “Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, ang pagpapabanal sa inyo, na umiwas kayo sa pakikiapid; na ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano susupilin ang kaniyang sariling sisidlan sa pagpapabanal at karangalan.” “Sapagkat tinawag tayo ng Diyos, hindi sa pagbibigay-daan sa karumihan, kundi may kaugnayan sa pagpapabanal.”—1Te 4:3, 4, 7.
Ang Salita ng Diyos at ang espiritu. May malaking papel na ginagampanan ang Salita ng Diyos sa pagpapabanal, at dapat na maingat itong sundin upang mapanatili ang kalagayan bilang pinabanal. (Gaw 20:32) Isinusugo rin ng Diyos sa isang mananampalatayang pinabanal ang kaniyang banal na espiritu, na malakas na puwersang kumikilos sa mananampalataya para sa ikalilinis. Tinutulungan siya nito na maging masunurin, anupat pinananatili siya sa malinis na paraan ng pamumuhay. (1Pe 1:2) Sa patnubay ng espiritu ng Diyos, ang mga mananampalatayang iyon ay posibleng maihandog bilang pinabanal, malinis, at kaayaaya sa Diyos. (Ro 15:16) Ang anumang karumihan ay pagwawalang-halaga sa espiritu ng Diyos at ‘makapipighati’ rito. (Efe 4:30; 1Te 4:8; 5:19) Maaari pa nga itong humantong sa pamumusong laban sa banal na espiritu, na walang kapatawaran.—Mat 12:31, 32; Luc 12:8-10.
Pagpapabanal ng mga Dako. Ang dakong tinatahanan ni Jehova o ang anumang dakong tinatahanan niya sa makasagisag na paraan ay isang dakong pinabanal o banal, isang santuwaryo. Ang tabernakulo sa ilang at ang mga templong itinayo ni Solomon at ni Zerubabel (at muling itinayo at pinalaki ni Herodes na Dakila) ay tinawag na miq·dashʹ o qoʹdhesh, mga dakong ‘ibinukod’ o ‘banal.’ Yamang nasa gitna ng isang makasalanang bayan ang mga dakong ito, sa pana-panahon, ang mga ito ay kinailangang dalisayin (sa makasagisag o makalarawang paraan) mula sa karungisan sa pamamagitan ng pagwiwisik ng dugo ng mga haing hayop.—Lev 16:16.
Jerusalem. Ang Jerusalem din, na lunsod ng dakilang Hari (Aw 48:1, 2; 135:21), at ang lugar na kinatatayuan nito ay itinuring na pinabanal. (Isa 48:1, 2; 52:1; Ne 11:1; Dan 9:24) Sa katulad na paraan, ang Bagong Jerusalem, na makalangit na lunsod, ay isang santuwaryo na doo’y tanging mga pinabanal na indibiduwal lamang ang pinahihintulutang pumasok at hindi ang sinumang nagsasagawa ng anumang anyo ng karumihan (gaya ng espiritismo, pakikiapid, pagpaslang, idolatriya, at pagsisinungaling).—Apo 21:2; 22:14, 15, 19.
Hardin ng Eden, isang santuwaryo. Sa pamamagitan ng anghelikong kinatawan, pumaroon si Jehova sa hardin ng Eden upang makipag-usap at magbigay ng tagubilin kina Adan at Eva; isa itong malinis, walang-kapintasan, at sakdal na dako, kung saan ang tao ay may pakikipagpayapaan sa Diyos. (Gen 1:28; 2:8, 9; 3:8, 9; Deu 32:4) Kaya naman pinalayas sina Adan at Eva mula rito nang maghimagsik sila. Ang paraisong ito ay isang dakong ibinukod o pinabanal ng Diyos upang panirahanan ng malilinis at matuwid na mga tao. Yamang sina Adan at Eva ay naging mga makasalanan, pinalayas sila upang hindi sila makakain mula sa punungkahoy ng buhay at sa gayon ay mabuhay magpakailanman sa kabila ng pagiging makasalanan.—Gen 3:22-24.
Ang nagniningas na palumpong at ang Bundok Sinai. Nang atasan ni Jehova si Moises na muling bumaba sa Ehipto upang hanguin ang Kaniyang bayan mula sa pagkaalipin, anupat isinugo niya si Moises taglay ang Kaniyang pinakaalaalang pangalan na Jehova (Exo 3:15, 16), ipinadala ng Diyos ang kaniyang anghel, na nagpakita kay Moises sa isang nagniningas na palumpong. Nang lumapit si Moises, inutusan siya ng kinatawang anghel ni Jehova na alisin ang kaniyang mga sandalyas dahil, sabi nito, “ang dakong kinatatayuan mo ay banal [qoʹdhesh] na lupa.”—Exo 3:1-5.
Nang maglaon, noong magtipon ang bayan sa paanan ng Bundok Sinai, noong panahong ibigay ang tipang Kautusan, ipinag-utos ni Jehova kay Moises: “Magtakda ka ng mga hanggahan sa bundok at gawin mo itong sagrado,” sapagkat naroroon si Jehova, anupat kinakatawanan ng kaniyang mga anghel. (Exo 19:23; Gal 3:19) Ang sinumang lumampas sa mga hanggahan ay papatayin, sapagkat walang sinumang di-awtorisado ang makalalapit sa presensiya ni Jehova. (Exo 19:12, 13) Gayunman, si Moises ay makalalapit yamang inatasan siya ng Diyos bilang tagapamagitan. Sa bagay na ito, makahulang lumarawan si Moises kay Jesu-Kristo, ang dakilang Tagapamagitan para sa mga pinahirang Kristiyano, sa paglapit nila sa makalangit na Bundok Sion.—Heb 12:22-24.
Mga kanlungang lunsod at mga kampo ng hukbo. May ilang lunsod sa Israel na ibinukod para sa pantanging layunin na maglaan ng dakong kanlungan para sa nakapatay nang di-sinasadya. Ang mga ito ay pinabanal, o binigyan ng “sagradong katayuan.”—Jos 20:7-9.
Ang mga kampo ng hukbo ng Israel ay mga dako na pinabanal, sapagkat ang Diyos ay ‘lumalakad sa loob ng kampo.’ Dahil dito, kinailangang ingatan ang moral, espirituwal, at pisikal na kalinisan.—Deu 23:9-14; 2Sa 11:6-11.
Pagpapabanal ng mga Bagay. Yamang ang tabernakulo at ang templo ay mga gusaling pinabanal, ang mga bagay sa loob ng mga ito ay dapat ding maging banal, pinabanal. Ang kaban ng tipan, ang altar ng insenso, ang mesa ng tinapay na pantanghal, ang kandelero, ang altar ng handog na sinusunog, ang hugasan, ang lahat ng mga kagamitan, ang insenso at ang langis na pamahid, maging ang mga kasuutan ng mga saserdote, ay mga bagay na pinabanal. Tanging mga taong pinabanal—mga saserdote at mga Levita—ang maaaring humawak at magdala ng mga iyon. (Exo 30:25, 32, 35; 40:10, 11; Lev 8:10, 11, 15, 30; Bil 4:1-33; 7:1) Ang mga saserdoteng naglilingkod sa tabernakulo ay nag-uukol ng “sagradong paglilingkod sa isang makasagisag na paglalarawan at isang anino ng makalangit na mga bagay; kung paanong si Moises, nang malapit na niyang gawin ang buong tolda, ay binigyan ng utos mula sa Diyos: Sapagkat sabi niya: ‘Tiyakin mo na gagawin mo ang lahat ng bagay ayon sa parisan ng mga iyon na ipinakita sa iyo sa bundok.’”—Heb 8:4, 5.
Mga hain at pagkain. Ang mga hain at mga handog ay pinabanal dahil inihahandog ang mga ito sa pinabanal na altar ayon sa itinakdang paraan. (Mat 23:19) Ang bahaging tinatanggap ng mga saserdote ay banal at hindi maaaring kainin ng mga hindi kabilang sa sambahayan ng mga saserdote, at kahit ang mga saserdote ay hindi maaaring kumain ng gayong mga bagay samantalang sila’y “marumi.” (Lev 2:3; 7:6, 32-34; 22:1-13) Gayundin, ang tinapay na pantanghal ay banal, pinabanal.—1Sa 21:4; Mar 2:26.
Kung paanong pinabanal ang pagkaing inilaan ni Jehova para sa kaniyang mga saserdote, ang pagkaing inilalaan niya para sa kaniyang Kristiyanong mga lingkod ay pinabanal din, gaya ng nararapat sa lahat ng bagay na pinagsasaluhan o isinasagawa ng kaniyang pinabanal na mga lingkod. Nagbabala ang apostol na si Pablo laban sa mga taong walang budhi na nagtatanghal ng huwad na pagpapabanal, anupat “ipinagbabawal ang pag-aasawa, ipinag-uutos ang pag-iwas sa mga pagkain na nilalang ng Diyos upang pagsaluhan nang may pasasalamat niyaong mga may pananampalataya at may-katumpakang nakaaalam ng katotohanan. Ang dahilan nito ay sapagkat ang bawat nilalang ng Diyos ay mainam, at walang anuman ang dapat itakwil kung ito ay tinatanggap nang may pasasalamat, sapagkat ito ay napababanal sa pamamagitan ng salita ng Diyos at ng panalangin ukol dito.” (1Ti 4:1-5) Kapag ipinahahayag ng Salita ng Diyos na malinis ang isang bagay, iyon ay malinis, at sa pamamagitan ng pagpapasalamat para rito sa panalangin ay tinatanggap iyon ng Kristiyano bilang pinabanal, at sa pagkain niyaon ay itinuturing siyang malinis ng Diyos.
Mga ikapu. Ang ikapu ng mga butil, mga bunga, at mga kawan na ibinubukod ng mga Israelita ay itinuring na pinabanal at hindi maaaring gamitin sa ibang layunin. (Lev 27:30, 32) Alinsunod dito, hindi ituturing na walang-sala sa harap ng Diyos ang sinuman na gumagamit sa isang pinabanal na bagay sa maling paraan o nananakit o nagsasalita ng masama laban sa sinuman sa mga indibiduwal na pinabanal ng Diyos, kabilang na rito ang mga pinahirang kapatid ni Kristo. Ipinakita ito ni Jesus sa mga Judio noong akusahan nila siya ng pamumusong. (Ju 10:36) Nagbabala ang apostol na si Pedro tungkol sa pagkapuksang sasapit sa mga taong balakyot na inilalarawan niya bilang ‘mapusok, mapaggiit ng sarili, hindi nanginginig sa mga maluwalhati [na pinabanal ni Jehova] kundi nagsasalita nang may pang-aabuso.’—2Pe 2:9-12; ihambing ang Jud 8.
Mga Yugto ng Panahon o mga Pangyayari. Sinasabi sa atin ng Bibliya ang ginawa ng Diyos nang matapos na niya ang kaniyang gawang paglalang sa lupa: “Sa ikapitong araw ay natapos ng Diyos ang kaniyang gawain . . . , at siya ay nagpasimulang magpahinga . . . At pinasimulang pagpalain ng Diyos ang ikapitong araw at ginawa itong sagrado.” (Gen 2:2, 3) Samakatuwid, ang “araw” na ito ay dapat gamitin ng mga tao bilang isang “araw” ng sagradong paglilingkod at pagsunod kay Jehova. Hindi ito dapat dungisan ng sariling mga gawa ng tao. Samakatuwid, nilapastangan nina Adan at Eva ang “araw” na iyon nang magsimula silang magsarili, upang gawin kung ano ang kinalulugdan nila sa lupa, nang hiwalay sa kanilang Soberano, si Jehova. Nagpapatuloy pa rin ang ‘araw ng kapahingahan’ ng Diyos, ayon sa nakaulat sa Hebreo 3:11, 13; 4:1-11. Yamang pinabanal ng Diyos ang “araw” na ito, anupat ibinukod ito para sa kaniyang layunin, sa “araw” na ito ay lubusang matutupad ang layuning iyan ukol sa lupa kaayon ng katuwiran.—Ihambing ang Isa 55:10, 11.
Ang mga araw ng Sabbath at ang pantanging mga araw ng piging ay pinabanal, tulad ng iba pang mga panahon, gaya ng taon ng Jubileo.—Exo 31:14; Lev 23:3, 7, 8, 21, 24, 27, 35, 36; 25:10.
Pagpapabanal ng Lupain. Sa Israel, maaaring pabanalin ng isang tao para sa Diyos ang isang bahagi ng kaniyang mana. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagbubukod dito anupat ang bunga ng lupain ay mapupunta sa santuwaryo, o maaari niyang bayaran sa santuwaryo ang halaga ng lupain (samakatuwid nga, ang mga ani nito) ayon sa pagtaya ng saserdote. Kung ipasiya niyang tubusin ito, kailangan niyang magdagdag ng isang ikalima ng halaga ng lupain (ibinabatay sa bilang ng pag-aani hanggang sa taon ng Jubileo) salig sa pagtaya ng saserdote. Sabihin pa, ang lupain ay ibabalik sa may-ari nito sa panahon ng Jubileo.—Lev 27:16-19.
Maliwanag na ang kasunod na mga talata ay tumutukoy sa may-ari na hindi tumubos ng lupain kundi nagbenta niyaon sa ibang tao, at ayon sa kautusan hinggil dito, nagiging permanenteng pag-aari ng santuwaryo ang lupain sa panahon ng Jubileo. Tungkol sa kautusang ito, sa Levitico 27:20, 21, ganito ang sinasabi ng Commentary ni Cook: “[Ang mga salitang iyon ay] maaaring tumutukoy sa isang kaso kung saan maaaring may-pandarayang ipinagbili ng isang tao ang kaniyang karapatan sa isang lupain at inangkin niya ang bayad matapos niyang ipanata ito ukol sa Santuwaryo.” O maaaring tumutukoy ang mga ito sa isang kaso kung saan patuloy pa ring ginagamit ng isang tao ang lupain at pansamantala niyang tinutupad ang kaniyang panata sa pamamagitan ng pagbabayad ng isang takdang bahagi ng salaping pantubos bilang isang taunang upa ngunit noong dakong huli ay ibinenta niya sa iba ang kaniyang karapatan upang magkaroon siya ng salapi. Ang gayong lupain ay itinuturing na “nakatalaga,” dahil minalas niya bilang kaniya yaong bagay na pinabanal ukol sa santuwaryo, anupat winalang-galang niya ang pagpapabanal dito nang ikalakal niya ito.
Ang simulain ay maaaring katulad ng kautusan sa Deuteronomio 22:9: “Huwag mong hahasikan ang iyong ubasan ng dalawang magkaibang uri ng binhi, dahil baka ang kabuuang bunga ng binhi na ihahasik mo at ang bunga ng ubasan ay mapapunta sa santuwaryo.” Gayon ang kahahantungan ng paglabag sa kautusang binanggit sa Levitico 19:19.
Nagkakaiba ang mga bagay na “pinabanal” at ang mga bagay na “nakatalaga” anupat ang bagay na “nakatalaga” ay hindi matutubos. (Tingnan ang PAGBABAWAL.) Ganito rin ang sinusunod na paraan may kinalaman sa mga bahay. (Lev 27:14, 15) Gayunman, kapag pinabanal ng isang tao ang isang lupain na binili niya mula sa minanang pag-aari ng iba, ang lupain ay ibabalik sa orihinal na may-ari nito sa panahon ng Jubileo.—Lev 27:22-24.
Sa Pag-aasawa. Sinasabi ng apostol na si Pablo sa may-asawang Kristiyano: “Ang di-sumasampalatayang asawang lalaki ay napababanal may kaugnayan sa kaniyang asawa, at ang di-sumasampalatayang asawang babae ay napababanal may kaugnayan sa kapatid na lalaki; kung hindi, ang inyong mga anak ay talagang magiging marurumi, ngunit ngayon ay mga banal sila.” Dahil sa pagpapahalaga ni Jehova sa isang Kristiyano, ang kaugnayan niya sa kaniyang di-sumasampalatayang asawa ay hindi itinuturing na nagpaparungis. Ang kalinisan ng isang pinabanal ay hindi nakapagpapabanal sa kaniyang asawa upang maging isa sa mga banal ng Diyos, ngunit ang kaugnayan nila ay malinis at marangal. May mainam na pagkakataon ang di-sumasampalatayang asawa na magtamo ng mga pakinabang mula sa pagmamasid sa landasing Kristiyano ng sumasampalatayang asawa at maaaring siya mismo ay maligtas. (1Co 7:14-17) Dahil sa ‘merito’ ng sumasampalatayang asawa, ang mga anak ng kanilang pag-aasawa ay itinuturing na banal, anupat nasa ilalim ng pangangalaga at pagsasanggalang ng Diyos—hindi marumi na gaya niyaong mga anak na wala man lamang isang sumasampalatayang magulang.—Tingnan ang KABANALAN (Pinagpapala ni Jehova ang kabanalan).