PUTONG, PANAKIP SA ULO
Sa mga Hebreo, ang panakip sa ulo ay hindi isang karaniwang bahagi ng kasuutan. Kapag kinakailangan, maaaring gamitin ng karaniwang mga tao ang kanilang balabal o mahabang damit para sa layuning ito. Gayunman, kadalasang nagsusuot ng palamuting putong ang mga lalaking may opisyal na posisyon at ang mga lalaki at mga babae kapag may masaya o pantanging okasyon. Tinakdaan naman ng isang partikular na kagayakan sa ulo ang mga saserdote ng Israel.—Exo 28:4, 39, 40; tingnan ang DAMIT; KORONA.
Iba’t Ibang Uri ng Putong sa Hebreong Kasulatan. Sa Bibliya, ang unang binanggit na talukbong sa ulo ay ang pandong na itinakip ni Rebeka sa kaniyang sarili nang salubungin siya ni Isaac. (Gen 24:65) Dito, ang salitang Hebreo na ginamit ay tsa·ʽiphʹ, na isinasalin sa ibang mga talata bilang “alampay.” (Gen 38:14, 19) Maliwanag na ang paglalagay ng “pandong” na ito ay nagpahiwatig ng pagpapasakop ni Rebeka sa kaniyang mapapangasawang si Isaac.
Ang turbante (sa Heb., mits·neʹpheth) ng mataas na saserdote ay yari sa mainam na lino, ibinabalot sa ulo, at may laminang ginto na nakatali sa harap nito sa pamamagitan ng panaling asul. (Exo 28:36-39; Lev 16:4) Ang pampalamuting kagayakan sa ulo ng mga katulong na saserdote ay ‘ibinabalot’ din sa ulo, ngunit iba namang salitang Hebreo (migh·ba·ʽahʹ) ang ginamit para sa kanilang putong, na nagpapahiwatig na iba ang hitsura nito at marahil ay hindi kasingrangya ng turbante ng mataas na saserdote. Bukod diyan, ang kanilang kagayakan sa ulo ay walang laminang ginto.—Lev 8:13.
Binanggit ni Job ang turbante sa makasagisag na diwa, anupat inihalintulad niya ang kaniyang katarungan sa isang turbante. (Job 29:14; ihambing ang Kaw 1:9; 4:7-9.) Kung minsan ay nagsusuot din ng turbante ang mga babae. (Isa 3:23) Dito, ang salitang Hebreo ay tsa·niphʹ. Ginagamit ito sa pananalitang “makaharing turbante” sa Isaias 62:3, at sa Zacarias 3:5 naman, para sa kagayakan sa ulo ng mataas na saserdote.
Ang peʼerʹ, maliwanag na kahawig ng turbante, ay isinusuot ng kasintahang lalaki (Isa 61:10) at naging isang sagisag ng kagalakan. (Isa 61:3; ihambing ang Eze 24:17, 23.) Ginagamit din ang salitang ito para sa putong ng mga babae (Isa 3:20) at ng mga saserdote.—Eze 44:18.
Ang mga pamigkis sa ulo (sa Heb., shevi·simʹ) ay waring mukhang lambat. (Isa 3:18) Ang “mga palawit na turbante” (sa Heb., tevu·limʹ), na inilarawan ni Ezekiel na nasa ulo ng mga Caldeong mandirigma, ay maaaring napakamakulay at may mga palamuti.—Eze 23:14, 15.
Ang tatlong kabataang Hebreo na kasamahan ni Daniel, na ipinahagis ni Nabucodonosor sa hurno, ay bihis na bihis noon at may suot pa ngang mga gora. Maaaring nakasuot sila ng mga gora bilang pahiwatig ng kanilang titulo o ranggo. Naniniwala ang ilan na hugis-balisungsong ang mga ito.—Dan 3:21.
Sinauna at Makabagong mga Kagayakan sa Ulo. Karamihan sa mga paglalarawan sa mga bantayog at mga relyebe ng Ehipto, Babilonya, at Asirya ay nagpapakita ng mga tagpo sa digmaan at pangangaso, o sa maharlikang palasyo o mga templo. Gayunman, ang mga Ehipsiyo, partikular na, ay may maraming pagsasalarawan ng mga manggagawang nagtatrabaho sa iba’t ibang kasanayan at hanapbuhay. Sa mga pagsasalarawang ito, ang mga hari, mga pinuno, at mga taong mahal ay nakasuot ng iba’t ibang uri ng putong, samantalang ang karaniwang mga tao ay kadalasang walang talukbong sa ulo, bagaman kung minsan ay mayroon silang hapít na kagayakan sa ulo.
Ang isang panakip sa ulo na kahawig na kahawig nito at ginagamit sa Gitnang Silangan sa ngayon ay ang kaffiyeh, na isinusuot ng mga Bedouin. Isa itong kuwadradong tela na itinupi anupat ang tatlong dulo ay nakalaylay sa likod at mga balikat. Itinatali ito sa palibot ng ulo sa pamamagitan ng panali, anupat mukha lamang ang nakalantad upang maprotektahan ang ulo at leeg sa araw at hangin. Posible na gayong talukbong sa ulo ang isinusuot noon ng mga Hebreo.
Talukbong sa Ulo at ang Pagpapasakop ng mga Babae. Tinagubilinan ng apostol na si Pablo ang mga babae na maglagay ng talukbong sa ulo kapag sila’y nananalangin o nanghuhula sa kongregasyong Kristiyano. Sa gayong paraan, kinikilala ng babae ang simulain ng pagkaulo, na nagsasabing ang lalaki ang ulo ng babae, si Kristo ang ulo ng lalaki, at ang Diyos naman ang ulo ni Kristo. Sinabi ni Pablo na ang mahabang buhok ng babae ay likas na ibinigay sa kaniya “sa halip na isang panakip sa ulo.” Noon ay sinusulatan ng apostol ang mga Kristiyano sa Corinto na naninirahan sa gitna ng mga Europeo at mga Semita na kumikilala sa likas na pagkakaiba ng mga lalaki at mga babae batay sa haba ng buhok. Ang mga aliping babae at yaong mga nahuling nakikiapid o nangangalunya ay inaahitan ng buhok sa ulo. Itinawag-pansin ni Pablo na ang mahabang buhok ng babae ay isang likas na katibayan ng kaniyang posisyon bilang babae na nasa ilalim ng pagkaulo ng lalaki. Yamang nakikita ng babae ang likas na paalaalang ito na kailangan siyang magpasakop, dapat siyang maglagay ng isang talukbong sa ulo bilang “tanda ng awtoridad” sa kaniyang ulo kapag siya’y nananalangin o nanghuhula sa kongregasyon, sa gayon ay ipinakikita sa harap ng iba, pati na sa mga anghel, na personal niyang kinikilala ang simulain ng pagkaulo. (1Co 11:3-16) Walang alinlangan na ito ang kaugaliang sinusunod ng mga propetisa noong sinaunang mga panahon, gaya ni Debora (Huk 4:4) at ni Ana (Luc 2:36-38), kapag nanghuhula sila.—Tingnan ang BUHOK.
Palamuti sa Ulo. Ang putong ay maaari ring tumukoy sa isang pabilog na palamuti sa ulo. Sa makasagisag na paraan, ang terminong Hebreo na tsephi·rahʹ (putong) ay ginamit sa hula hinggil sa kahatulan ni Jehova sa Samaria, ang lunsod na kabisera ng Efraim, samakatuwid ay ang sampung-tribong kaharian ng Israel. Noong panahong iyon ay maraming pulitikal na “mga lasenggo” sa Samaria, anupat lasing sila dahil sa pagiging independiyente ng hilagang kaharian mula sa Juda at dahil sa pulitikal na mga pakikipag-alyansa nito sa Sirya at sa iba pang mga kaaway ng kaharian ni Jehova sa Juda. (Tingnan ang Isa 7:3-9.) Kung paanong nagsusuot noon ang mga lasenggo ng mga putong na bulaklak sa kanilang ulo kapag nag-iinuman sila, isinuot din ng Samaria ang putong ng pulitikal na kapangyarihang ito. Noon ay isang kagayakan iyon ng kagandahan subalit isa lamang lumilipas na bulaklak na maglalaho. Pagkatapos nito, si Jehova ay magiging gaya ng korona ng kagayakan at gaya ng putong (o “diadema” ayon sa ilang salin) ng kagandahan para sa mga nalalabi sa kaniyang bayan.—Isa 28:1-5.
Ang gayunding salitang Hebreo ay masusumpungan sa Ezekiel 7:7, 10. Ngunit sa kasong ito, hindi matiyak ng mga tagapagsalin kung ano ang diwa o pinagkakapitan ng salita. Ang isang salitang Aramaiko na kahawig nito ay nangangahulugang “umaga,” at isinalin naman ito ni Lamsa sa Syriac na Peshitta bilang “bukang-liwayway,” sa halip na putong, o diadema. Iniuugnay ng ilang tagapagsalin (AS, AT, RS) ang salitang ito sa isang kaugnay na pangngalang Arabe at isinasalin nila ito bilang “kapahamakan.” Palibhasa’y naniniwala ang iba na ang salitang-ugat ng salitang Hebreo ay “umikot,” isinalin naman nila ito bilang “pag-ikot,” na ang diwa ay ikot o takbo ng mga pangyayari.—JB; JP; “bilog,” Ro.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, lumilitaw sa Gawa 14:13 ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na stemʹma, “putong.” Gaya ng inilalahad doon, ang saserdote ni Zeus sa Listra ay nagdala ng mga toro at mga putong sa mga pintuang-daan ng lunsod upang maghandog ng mga hain, dahil inakala ng mga tao na sina Pablo at Bernabe ay mga diyos. Posibleng ilalagay sana ang mga putong sa ulo nina Pablo at Bernabe, gaya ng ginagawa noon kung minsan sa mga idolo, o sa mga nakikibahagi at sa mga hayop na ihahain. Karaniwan na, ang gayong mga putong ay gawa sa mga dahon na diumano’y kalugud-lugod sa diyos na sinasamba.—Gaw 14:8-18.