KIBROT-HATAAVA
[Mga Dakong Libingan ng Paghahangad].
Isang lugar na pinagkampuhan ng mga Israelita sa ilang. Dito nagpakita ng sakim na pananabik sa pagkain ng Ehipto ang haluang pulutong. (Bil 11:4; 33:16, 17; Deu 9:22) Karaniwang ipinapalagay na ito ay ang Rueis el-Eberij, na nasa kalagitnaan ng Jebel Musa, ang kinikilalang lugar ng Bundok Sinai, at ng Hazerot. Doon ay makahimalang naglaan si Jehova ng isang buwang suplay ng pugo para sa buong kampo. (Bil 11:19, 20, 31) Ngunit napakasakim ng bayan anupat “ang nanguha ng pinakakaunti ay nakapagtipon ng sampung homer” (2,200 L; 62 bushel). Sinasabi ng ulat na habang “ang karne ay nasa pagitan pa ng kanilang mga ngipin, bago pa iyon manguya, . . . sinaktan ni Jehova ang bayan sa isang lubhang lansakang pagpatay.” Sa halip na tumutukoy sa literal na pagnguya, ang mga pananalitang ito ay maaaring nangangahulugang bago “mawala” o “maubos” (AT, RS) ang lahat ng inilaang karne, sapagkat dito ang salitang Hebreo na isinalin bilang “manguya” ay may saligang kahulugan na “nahiwalay.” (Ihambing ang Joe 1:5.) Pagkatapos nito, ang mga namatay ay inilibing, at sa gayon ang lugar ay tinawag na Kibrot-hataava.—Bil 11:32-35.