Maging Malapít sa Diyos
Pinahahalagahan ni Jehova ang Maaamo
PAGMAMAPURI, inggit, ambisyon. Iyan ang mga katangiang karaniwan sa mga taong gustong magtagumpay sa daigdig na ito. Ngunit inilalapít ba tayo ng mga katangiang iyan sa Diyos na Jehova? Hindi nga, dahil pinahahalagahan ni Jehova kung maaamo ang kaniyang mga mananamba. Makikita ito sa ulat na nasa Bilang kabanata 12. Nangyari ito sa ilang ng Sinai, pagkatapos iligtas ang Israel mula sa Ehipto.
Sina Miriam at Aaron, ang nakatatandang mga kapatid ni Moises, ay ‘nagsalita laban’ sa nakababata nilang kapatid. (Talata 1) Sa halip na basta magsalita kay Moises, sila’y nagsalita laban sa kaniya, marahil ay nagkakalat ng reklamo sa kampo. Malamang na si Miriam, na unang binanggit, ang nanguna rito. Ang unang dahilan ng pagbubulung-bulungan nila ay ang pag-aasawa ni Moises ng isang babaing Cusita. Naiinggit ba si Miriam dahil baka mahigitan siya ng babaing ito—isang di-Israelita pa nga?
May iba pang dahilan ng pagrereklamo. Laging sinasabi nina Miriam at Aaron: “Sa pamamagitan lamang ba ni Moises nagsasalita si Jehova? Hindi ba sa pamamagitan din natin ay nagsasalita siya?” (Talata 2) Nagrereklamo kaya sila dahil gusto nila ng higit pang awtoridad at pagkilala?
Ayon sa ulat, hindi sinagot ni Moises ang mga reklamo laban sa kaniya. Maliwanag na nanahimik lamang siya at pinagtiisan ito. Dahil dito, pinatunayan niyang tama ang paglalarawan sa kaniya ng Bibliya bilang ‘pinakamaamo sa lahat ng tao’ sa ibabaw ng lupa.a (Talata 3) Hindi na kailangang ipagtanggol ni Moises ang kaniyang sarili. Nakikinig si Jehova, at ipinagtanggol niya si Moises.
Para kay Jehova, ang pagrereklamo nila laban kay Moises ay pagrereklamo laban sa Kaniya. Kasi Siya ang humirang kay Moises. Bilang pagsaway sa mga nagbulung-bulungan, ipinaalaala sa kanila ng Diyos ang pantanging kaugnayan niya kay Moises: “Bibig sa bibig akong nagsasalita sa kaniya.” Pagkatapos ay tinanong ni Jehova sina Miriam at Aaron: “Bakit nga hindi kayo natakot na magsalita laban . . . kay Moises?” (Talata 8) Sa pagsasalita laban kay Moises, sila sa katunayan ay nagsasalita laban sa Diyos. Dahil sa gayong matinding kawalang-galang, mararanasan nila ang galit ni Jehova.
Si Miriam, na malamang na siyang promotor, ay nagkaketong. Kaagad na nakiusap si Aaron kay Moises na mamagitan para kay Miriam. Isip-isipin, gagaling lamang si Miriam kung mamamagitan si Moises, ang isa na ginawan nila ng masama! May-kaamuang ginawa ni Moises ang hiniling sa kaniya. Sa kauna-unahang pagkakataon sa ulat na ito, nagsalita si Moises anupat marubdob siyang nanalangin kay Jehova alang-alang sa kaniyang kapatid. Gumaling si Miriam, pero kailangan niyang pagtiisan ang kahihiyan dahil pitong araw siyang ikukuwarentenas.
Tinuturuan tayo ng ulat na ito kung anong mga katangian ang pinahahalagahan at kinapopootan ni Jehova. Kung gusto nating maging malapít sa Diyos, dapat nating alisin ang anumang bahid ng pagmamapuri, inggit, at ambisyon na maaaring nakikita natin sa ating sarili. Iniibig ni Jehova ang maaamo. Nangangako siya: “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11; Santiago 4:6.
[Talababa]
a Ang kaamuan ay isang katangian na nagbibigay sa isa ng lakas na mabata ang kawalang-katarungan at hindi maghiganti.