MIRIAM
[posible, Mapaghimagsik].
1. Anak ni Amram at ng kaniyang asawang si Jokebed, kapuwa mula sa tribo ni Levi; kapatid nina Moises at Aaron. (Bil 26:59; 1Cr 6:1-3) Bagaman hindi binanggit sa ulat ang kaniyang pangalan, tiyak na siya ang tinukoy na “kapatid nitong babae” na nagbantay upang makita kung ano ang mangyayari sa sanggol na si Moises habang ito’y nasa isang arka na inilagay sa gitna ng mga tambo sa ilog ng Nilo. (Exo 2:3, 4) Nang masumpungan ng anak na babae ni Paraon ang sanggol, “nahabag” siya rito, at nakilalang ito ay “isa sa mga anak ng mga Hebreo.” Itinanong naman ni Miriam kung siya ba ay tatawag ng isang babaing Hebreo na mag-aalaga sa bata. Nang sabihin sa kaniya ng anak na babae ni Paraon na gawin iyon, “yumaon ang dalagita at tinawag ang ina ng bata” [si Jokebed], na siya namang inupahan upang mag-alaga kay Moises hanggang sa ito ay lumaki.—Exo 2:5-10.
Nanguna sa Kababaihan ng Israel sa Pag-awit. Pagkaraan ng maraming taon, pagkatapos masaksihan ang tagumpay ni Jehova laban sa mga hukbong militar ni Paraon sa Dagat na Pula at nang marinig ang awit ni Moises at ng mga lalaki ng Israel, pinangunahan ni “Miriam na propetisa” ang kababaihan ng Israel sa masayang pagtugtog ng tamburin at sa pagsasayaw. Bilang tugon sa awit na pinangunahan ni Moises, umawit si Miriam: “Umawit kay Jehova, sapagkat siya ay lubhang naging dakila. Ang kabayo at ang sakay nito ay ibinulid niya sa dagat.”—Exo 15:1, 20, 21.
Nagreklamo Laban kay Moises. Habang nasa ilang ang mga Israelita, sina Miriam at Aaron ay nagsimulang magsalita laban kay Moises dahil sa kaniyang asawang Cusita. Palibhasa’y prominente at maimpluwensiya si Moises sa bayan, maaaring naging dahilan ito upang sina Miriam at Aaron ay manibugho at maghangad ng higit na awtoridad, anupat palagi nilang sinasabi: “Sa pamamagitan lamang ba ni Moises nagsasalita si Jehova? Hindi ba sa pamamagitan din natin ay nagsasalita siya?” Ngunit nakikinig si Jehova at kaagad na inutusan sina Moises, Miriam, at Aaron na pumaroon sa tolda ng kapisanan. Doon ay ipinaalaala ng Diyos sa dalawang mapagbulong na ang kanilang kapatid na si Moises ay Kaniyang lingkod, ang isa na kinakausap ng Diyos nang hindi pinadaraan sa iba kundi “bibig sa bibig.” Sumunod ay tinanong ni Jehova sina Miriam at Aaron: “Bakit nga hindi kayo natakot na magsalita laban sa aking lingkod, laban kay Moises?” Ang galit ng Diyos ay nag-init laban sa kanila at, nang lumayo ang ulap mula sa ibabaw ng tolda, “si Miriam ay kinapitan ng ketong na kasimputi ng niyebe.” Nagmakaawa si Aaron para kay Miriam, namagitan si Moises para sa kaniya, at pinahintulutan ni Jehova si Miriam na bumalik sa kampo pagkalipas ng kahiya-hiyang pitong-araw na pagkukuwarentenas.—Bil 12:1-15.
Yamang si Miriam lamang ang kinapitan ng ketong, ipinahihiwatig nito na siya ang pasimuno ng maling paggawi noong pagkakataong iyon. (Tingnan ang AARON.) Ang kaniyang pagkakasala sa pagbubulung-bulong laban kay Moises ay maaaring mas malaki kaysa sa pagkakasala ni Aaron, anupat posible na isa itong kaso ng paninibugho ng isang babae sa kaniyang kapuwa babae (yamang nagsimula silang magsalita laban kay Moises dahil sa kaniyang asawang Cusita), at pumanig si Aaron sa kapatid niya sa halip na sa kaniyang hipag. Yamang si Miriam ay itinuring na propetisa, maaaring siya noon ang pinakaprominenteng babae sa Israel. Kaya marahil ay nangamba si Miriam na baka masapawan siya ng asawa ni Moises. Ngunit anuman ang tunay na dahilan, at yamang maling-mali kapuwa para kina Miriam at Aaron na magbulung-bulungan laban kay Moises, mas lalong mali para kay Miriam na gawin iyon dahil itinalaga ng Diyos na magpasakop ang babae sa lalaki. (1Co 11:3; 1Ti 2:11-14) Nang maglaon, ang makasalanang paggawi ni Miriam ay ginamit na babalang halimbawa, sapagkat sa pagtatapos ng paglalakbay sa ilang ay sinabihan ni Moises ang bayan na sundin ang mga tagubilin ng mga saserdote may kinalaman sa ketong at hinimok sila na alalahanin ang ginawa ni Jehova kay Miriam noong papalabas sila mula sa Ehipto.—Deu 24:8, 9.
Si Miriam ay namatay at inilibing sa Kades sa Ilang ng Zin, di-katagalan bago mamatay si Aaron. (Bil 20:1, 28) Pagkaraan ng maraming siglo, sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Mikas, ipinaalaala ni Jehova ang pribilehiyong tinamasa ni Miriam kasama ng kaniyang mga kapatid nang lumabas ang Israel mula sa Ehipto, na sinasabi: “Sapagkat iniahon kita mula sa lupain ng Ehipto, at mula sa bahay ng mga alipin ay tinubos kita; at isinugo ko sa unahan mo si Moises, si Aaron at si Miriam.”—Mik 6:4.
2. Isang inapo ni Juda.—1Cr 4:1, 17, 18.