PANGANAY
Ang panganay ay pangunahin nang tumutukoy sa pinakamatandang anak na lalaki ng ama (sa halip na sa panganay ng ina), ang pasimula ng kakayahan ng ama na magkaanak (Deu 21:17); tumutukoy rin ito sa unang supling na lalaki ng mga hayop.—Gen 4:4.
Mula pa noong sinaunang panahon, ang panganay na anak na lalaki ay mayroon nang marangal na posisyon sa pamilya at siya ang humahalili sa pagkaulo ng sambahayan. Dobleng bahagi ng ari-arian ng kaniyang ama ang mana niya. (Deu 21:17) Pinaupo ni Jose si Ruben sa kainan ayon sa kaniyang karapatan sa pagkapanganay. (Gen 43:33) Ngunit hindi laging pinararangalan ng Bibliya ang panganay sa pamamagitan ng pagtatala sa mga anak na lalaki ayon sa kanilang kapanganakan. Kadalasan, ang unang dako ay ibinibigay sa pinakaprominente o pinakatapat sa mga anak na lalaki sa halip na sa panganay.—Gen 6:10; 1Cr 1:28; ihambing ang Gen 11:26, 32; 12:4; tingnan ang MANA; PAGKAPANGANAY.
Lalong naging prominente ang mga panganay noong panahong iligtas ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Sa mga Ehipsiyo, ang mga panganay ay iniaalay bilang sagrado sa diyos-araw na si Amon-Ra, ang diumano’y tagapag-ingat ng lahat ng panganay. Ang ikasampung salot na pinasapit ni Jehova sa mga Ehipsiyo ay naging kasiraang-puri sa diyos na ito at ipinakita niyaon na wala siyang kakayahang ipagsanggalang ang mga panganay. Dahil sa pagsunod ng mga Israelita sa mga tagubilin ng Diyos na pumatay sila ng isang kordero at isaboy nila ang dugo nito sa mga poste ng pinto at sa itaas na bahagi ng pintuan ng kanilang mga bahay, hindi namatay ang kanilang mga panganay, samantalang ang lahat ng panganay ng mga Ehipsiyo, kapuwa ng tao at ng hayop, ay napatay. (Exo 12:21-23, 28, 29) Maliwanag na sa karamihan ng mga kaso, ang tinutukoy ay ang panganay na anak na lalaki ng bawat sambahayan at hindi ang ulo ng sambahayan, bagaman maaaring panganay rin siya. Malamang na si Paraon mismo ay isang panganay ngunit hindi siya pinatay. Gayunman, maaaring hindi lahat ng sambahayang Ehipsiyo ay may literal na panganay na anak na lalaki (maaaring ang mag-asawa ay walang anak o patay na ang panganay na anak na lalaki), at yamang sinasabi sa Exodo 12:30 na “walang isa mang bahay na hindi nagkaroon ng isang patay,” malamang na kabilang sa pinuksa ang pinuno sa bahay na humahawak sa posisyon ng panganay.
Yamang ang mga panganay na anak na lalaki ng mga Israelita ay yaong mga nakahanay na maging mga ulo ng iba’t ibang sambahayan, kumakatawan sila sa buong bansa. Sa katunayan, tinukoy ni Jehova ang buong bansa bilang kaniyang “panganay,” yamang ito ang kaniyang panganay na bansa dahil sa tipang Abrahamiko. (Exo 4:22) Dahil iningatan niya ang buhay ng mga panganay na lalaki, iniutos ni Jehova na “ang lahat ng panganay na lalaki na nagbubukas ng bawat bahay-bata sa gitna ng mga anak ni Israel, sa mga tao at mga hayop,” ay pabanalin sa kaniya. (Exo 13:2) Sa gayon, ang mga panganay na anak na lalaki ay itinalaga sa Diyos.
Nang maglaon, kinuha ni Jehova ang mga lalaking Levita, maliwanag na bukod pa sa 300 panganay na Levita (ihambing ang Bil 3:21, 22, 27, 28, 33, 34 sa 3:39), bilang kahalili ng mga panganay na anak na lalaki ng Israel, mula sa gulang na isang buwan pataas. Isang pantubos na halaga na limang siklo ($11) ang dapat bayaran kay Aaron at sa kaniyang mga anak para sa bawat isa sa 273 na lumabis kaysa sa mga Levita. Gayundin, kinuha ni Jehova ang mga alagang hayop ng mga Levita bilang kahalili ng panganay na mga alagang hayop ng iba pang mga tribo. (Bil 3:40-48) Mula nang panahong iyon, ang panganay na anak na lalaki ay dapat iharap kay Jehova sa tabernakulo o sa templo pagkatapos ng yugto ng karumihan ng ina at dapat itong tubusin sa pamamagitan ng pagbabayad ng tinatayang halaga para roon sa mga mula sa gulang na isang buwan hanggang limang taóng gulang, “limang siklong pilak ayon sa siklo ng dakong banal.”—Lev 12:1-3; 27:6; Bil 18:15, 16.
Ang mga panganay na lalaki ng malilinis na hayop, gaya ng toro, kordero, o kambing, ay hindi tutubusin. Ang gayong toro ay hindi gagamiting pantrabaho, ni gugupitan man ang kordero. Sa halip, ang mga ito ay ihahandog kay Jehova bilang isang hain sa tabernakulo o sa templo sa ikawalong araw pagkasilang ng mga ito. (Exo 22:30; Bil 18:17; Deu 15:19, 20) Gayunman, kung ang hayop ay may masamang kapintasan, hindi ito ihahain kay Jehova kundi kakainin ito sa dakong tinatahanan ng isa.—Deu 15:21-23.
Ang panganay ng isang asno, na isang maruming hayop, ay hindi maaaring ihandog bilang hain at, samakatuwid, dapat itong tubusin sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang tupa bilang kahalili nito. Kung hindi, kailangang baliin ang leeg nito, yamang ito ay kay Jehova at hindi dapat gamitin ng tao. (Exo 13:12, 13; 34:19, 20) Gayunman, ang Levitico 27:27 ay kababasahan: “Kung ito ay kabilang sa mga hayop na marumi at tutubusin niya ito ayon sa tinatayang halaga, siya ay magbibigay nga ng isang kalima nito karagdagan pa rito. Ngunit kung hindi ito tutubusin, ito ay ipagbibili ayon sa tinatayang halaga.” Sinasabi ng ilang komentarista na ang tekstong ito ay isang pagbabago sa tuntunin may kinalaman sa pagtubos sa isang asno. Gayunman, lumilitaw na ibang bagay ang tinatalakay ng Levitico 27:27. Sa halip na tumukoy sa isang maruming hayop, gaya ng isang asno, ang mga salitang “kung ito ay kabilang sa mga hayop na marumi” ay maaaring tumutukoy sa isang hayop na marumi sa diwa na hindi ito angkop na ihain dahil mayroon itong depekto.
Bakit tinukoy ni Jehova si “David na aking lingkod” bilang panganay, gayong hindi naman panganay na anak si David?
Sa Awit 89, tinukoy ni Jehova si “David na aking lingkod” at nirepaso Niya ang tipan ukol sa Kaharian na ipinakipagtipan Niya rito. Binanggit doon ang pananalitang: “Ako mismo ang maglalagay sa kaniya bilang panganay, ang kataas-taasan sa mga hari sa lupa.” (Aw 89:20, 27) Si David ay hindi panganay na anak. (1Cr 2:13-15) Kaya sa makahulang paraan, waring ang tinutukoy ni Jehova ay ang isa na inilalarawan ni David, ang mismong “panganay” na Anak ng Diyos sa langit na pinagkalooban Niya ng pagkahari na mas mataas kaysa sa pagkahari ng sinumang tagapamahalang tao.—Ihambing ang Eze 34:24, kung saan tinutukoy ang Mesiyas bilang “ang aking lingkod na si David.”
Inilalarawan si Jesu-Kristo bilang “ang panganay sa lahat ng nilalang” at “ang panganay mula sa mga patay.” Hindi ito basta nangangahulugan na siya ay namumukod-tangi kung ihahambing sa mga nilalang o sa mga binuhay-muli, kundi na siya ang kauna-unahang aktuwal na nilalang at ang unang ibinangon mula sa mga patay tungo sa buhay na walang katapusan. (Col 1:15, 18; Apo 1:5; 3:14) Sa lupa, siya ang panganay na anak ni Maria at iniharap siya sa templo ayon sa kautusan ni Jehova. (Luc 2:7, 22, 23) Tinukoy ng apostol na si Pablo ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo na nakatala sa langit bilang “ang kongregasyon ng panganay,” ang mga unang tinanggap ng Diyos bilang mga anak salig sa kanilang pananampalataya sa hain ni Jesus at ang una sa mga tagasunod ni Kristo na bubuhaying-muli anupat hindi na sila mamamatay pang muli.—Heb 12:23.
Sa Job 18:13, ang pananalitang “panganay ng kamatayan” ay ginagamit upang tumukoy sa pinakanakamamatay na sakit.