ABIRAM
[Ang Ama ay Mataas (Dinakila)].
1. Isang Rubenita, anak ni Eliab at kapatid nina Datan at Nemuel. Siya ay isang ulo ng pamilya at isa sa mga pangunahing lalaki sa Israel noong panahon ng Pag-alis mula sa Ehipto.—Bil 26:5-9.
Si Abiram at ang kaniyang kapatid na si Datan ay sumuporta kay Kora na Levita sa paghihimagsik nito laban sa awtoridad nina Moises at Aaron. Ang ikatlong Rubenita, na nagngangalang On, ay kabilang din sa pasimula ng paghihimagsik ngunit nang maglaon ay hindi na nabanggit. (Bil 16:1) Matapos magtipon ng isang pangkat ng 250 pinuno, na “mga lalaking bantog,” inakusahan ng mga lalaking ito sina Moises at Aaron na itinataas nila ang kanilang sarili sa kongregasyon. (Bil 16:1-3) Batay sa mga salita ni Moises kay Kora, maliwanag na hinangad ni Kora at ng kaniyang mga tagasunod na Levita ang pagkasaserdoteng ipinagkaloob kay Aaron (Bil 16:4-11), ngunit malinaw na hindi ito ang hinahangad nina Abiram at Datan, na mga Rubenita. Inasikaso ni Moises nang bukod ang kanilang reklamo, at sa pagtanggi nila sa kaniyang panawagan na humarap sila sa kaniya, nagharap sila ng mga akusasyon na laban lamang kay Moises at hindi kay Aaron. Tinuligsa nila ang pangunguna ni Moises sa bansa at sinabi na ‘tinatangka nitong mag-astang prinsipe sa kanila nang sukdulan,’ at na nabigo itong tuparin ang pangako na akayin sila sa anumang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan. Ang panalangin ni Moises kay Jehova bilang tugon sa mga akusasyong ito ay naglalaman din ng pagtatanggol sa kaniyang sariling pagkilos, hindi yaong kay Aaron.—Bil 16:12-15.
Batay rito, lumilitaw na ang paghihimagsik ay may dalawang pakay anupat pinuntirya nito hindi lamang ang Aaronikong pagkasaserdote kundi pati ang posisyon ni Moises bilang tagapagpatupad ng mga tagubilin ng Diyos. (Aw 106:16) Waring naging angkop ang situwasyong iyon upang gatungan ang damdamin ng karamihan para magkaroon ng pagbabago, yamang hindi pa natatagalan bago nito, ang bayan ay lubhang nagreklamo laban kay Moises, nag-usap-usap na magtalaga ng isang bagong ulo na mangunguna sa bansa pabalik sa Ehipto, at nag-usap pa nga na pagbabatuhin sina Josue at Caleb dahil sa pagsuporta kina Moises at Aaron. (Bil 14:1-10) Si Ruben ang panganay na anak ni Jacob ngunit naiwala nito ang kaniyang karapatan sa mana bilang panganay dahil sa maling paggawi. (1Cr 5:1) Kaya maaaring nagbubulalas ng hinanakit sina Datan at Abiram sa pagkakaroon ni Moises na Levita ng awtoridad sa kanila, dahil nais nilang maisauli sa kanila ang nawalang posisyon ng kanilang ninuno. Gayunman, ipinakikita ng Bilang 26:9 na nakipaglaban sila hindi lamang kina Moises at Aaron kundi pati kay Jehova, na siyang nag-atas kina Moises at Aaron sa mga posisyong may awtoridad.
Yamang ang pamilya ng mga Kohatita (na kinabibilangan ng pamilya ni Kora) ay nagkakampo sa T na panig ng tabernakulo, kung saan nagkakampo rin ang mga Rubenita, posible na ang tolda ni Kora ay malapit sa mga tolda nina Datan at Abiram. (Bil 2:10; 3:29) Nang sandaling ipahayag ng Diyos ang kahatulan, sina Datan at Abiram ay nakatayo sa pasukan ng kanilang mga tolda, samantalang si Kora at ang 250 rebeldeng tagasuporta ay nagkakatipon sa pasukan ng tolda ng kapisanan habang hawak sa kanilang mga kamay ang kani-kanilang lalagyan ng insenso. Pagkatapos, kasunod ng panawagan ni Moises sa iba pa sa bayan na lumayo mula sa palibot ng mga tolda ng tatlong pasimuno ng paghihimagsik, ipinakita ng Diyos na hinahatulan niya ang kanilang landasin ng kawalang-galang nang pangyarihin niyang bumuka ang lupa na kinatatayuan ng mga tolda ng mga lalaking iyon, anupat nilamon ng lupa sina Datan at Abiram, at ang kanilang mga sambahayan. (Bil 16:16-35; Deu 11:6; Aw 106:17) Ang sambahayan ni Kora, maliban sa kaniyang mga anak, ay nalipol din. Si Kora mismo ay namatay kasama ng 250 rebelde, na pinuksa ng apoy sa harap ng tabernakulo. (Bil 16:35; 26:10, 11) Sa gayon ay mabilis na nagwakas ang paghihimagsik laban sa awtoridad na itinalaga ng Diyos, at dahil sa pakikibahagi niya rito, ang pangalan ni Abiram ay pinawi mula sa Israel.
2. Ang panganay na anak ni Hiel na taga-Bethel. Sa Josue 6:26 ay nakaulat ang sumpa ni Josue may kinalaman sa winasak na lunsod ng Jerico, na humuhula na ang sinumang muling magtatayo nito ay gagawa niyaon kapalit ng buhay ng kaniyang panganay na anak. Ipinagwalang-bahala ng ama ni Abiram na si Hiel ang sumpang ito at, noong panahon ng paghahari ni Haring Ahab (mga 940-920 B.C.E.) mga limang siglo pagkamatay ni Josue, inilatag niya ang mga pundasyon ng Jerico. Si Abiram, na kaniyang anak, ay maliwanag na maagang namatay bilang katuparan ng hula, na iniulat naman sa kasaysayan.—1Ha 16:34.