Maging Malapít sa Diyos
Isang Hukom na Matatag sa Kung Ano ang Tama
MAAARING di-makatuwiran o malupit ang paghatol ng mga hukom na tao pero hindi ganiyan ang Diyos na Jehova—siya’y “maibigin sa katarungan.” (Awit 37:28) Bagaman matiisin, hindi siya kunsintidor. Matatag siya sa kung ano ang tama. Isaalang-alang ang ginawa niya nang magkaroon ng pagtatalo at paghihimagsik, gaya ng nakaulat sa Bilang kabanata 20.
Sa huling bahagi ng kanilang paglalakbay sa ilang, kinailangan ng mga Israelita ang tubig.a Nakipagtalo ang bayan kina Moises at Aaron, at sinabi: “Bakit ninyo dinala ang kongregasyon ni Jehova sa ilang na ito upang kami at ang aming mga hayop na pantrabaho ay mamatay roon?” (Talata 4) Nagreklamo sila na ito ay “masamang dako,” na walang ‘igos, punong ubas, at granada’—ang mga prutas na dinala ng mga Israelitang tiktik mula sa Lupang Pangako mga ilang taon na ang nakalipas—at “walang tubig na maiinom.” (Talata 5; Bilang 13:23) Sa diwa, sinisisi nila sina Moises at Aaron dahil ang ilang ay hindi gaya ng mabungang lupain na tinanggihang pasukin ng naunang mapagreklamong henerasyon!
Hindi itinakwil ni Jehova ang mga mapagreklamo. Sa halip, may ipinagawa siyang tatlong bagay kay Moises: kunin ang kaniyang tungkod, tipunin ang bayan, at ‘magsalita sa malaking bato sa kanilang paningin upang magbigay nga ito ng kaniyang tubig.’ (Talata 8) Sinunod ni Moises ang unang dalawang utos, pero hindi niya nasunod ang ikatlo. Sa halip na magsalita sa bato nang may pananampalataya, sinabi niya sa bayan: “Makinig kayo ngayon, kayong mga mapaghimagsik! Maglalabas ba kami ng tubig para sa inyo mula sa malaking batong ito?” (Talata 10; Awit 106:32, 33) Saka hinampas ni Moises ang bato nang dalawang beses, “at nagsimulang lumabas ang maraming tubig.”—Talata 11.
Kaya sina Moises at Aaron ay nagkasala nang malubha. “Naghimagsik kayo laban sa aking utos,” ang sabi ng Diyos sa kanila. (Bilang 20:24) Dahil sa hindi pagsunod sa utos ng Diyos sa pagkakataong iyon, sina Moises at Aaron ay naging mga mapaghimagsik. Malinaw ang hatol ng Diyos: Hindi aakayin nina Moises at Aaron ang Israel patungo sa Lupang Pangako. Masyado bang malupit ang hatol na ito? Hindi, sa ilang kadahilanan.
Una, hindi inutusan ng Diyos si Moises na magsalita sa bayan, ni hatulan man na mapaghimagsik ang bayan. Ikalawa, hindi niluwalhati nina Moises at Aaron ang Diyos. ‘Hindi ninyo ako pinabanal,’ ang sabi ng Diyos. (Talata 12) Sa pagsasabing “maglalabas kami ng tubig,” parang sinasabi ni Moises na sila ni Aaron—hindi ang Diyos—ang makahimalang maglalaan ng tubig. Ikatlo, ang hatol na ito ay katulad din ng hatol ni Jehova noon. Hindi pinayagan ng Diyos ang naunang henerasyon ng mga mapaghimagsik na pumasok sa Canaan, kaya gayundin ang ginawa niya kina Moises at Aaron. (Bilang 14:22, 23) Ikaapat, sina Moises at Aaron ay mga lider ng Israel. Mas malaki ang pananagutan sa Diyos ng mga taong binigyan ng malaking responsibilidad.—Lucas 12:48.
Si Jehova ay matatag sa kung ano ang tama. Dahil maibigin siya sa katarungan, ang mga hatol niya ay makatuwiran at makatarungan din. Maliwanag, ang gayong Hukom ay karapat-dapat pagtiwalaan at igalang.
[Talababa]
a Pagkatapos ng Pag-alis sa Ehipto, handa nang pumasok ang mga Israelita sa Canaan, ang lupaing ipinangako ng Diyos kay Abraham. Ngunit nang magdala ng masamang ulat ang sampung tiktik, nagreklamo ang bayan laban kay Moises. Kaya ipinasiya ni Jehova na manatili sila nang 40 taon sa ilang—sapat na panahon para mamatay ang mapaghimagsik na henerasyong iyon.