KADES
[Banal na Dako], Kades-barnea [Banal na Dako ng Barnea].
Isang kampamento ng mga Israelita sa ilang. Nasa dulo ito ng teritoryong Edomita malapit sa “daang patungo sa Sur,” marahil ay ang makabagong Darb el-Shur na bumabagtas mula sa Hebron patungong Ehipto. (Gen 16:7, 14; Bil 20:14-16 [sa Heb. ang ʽir (lunsod) sa Bil 20:16 ay maaaring nangangahulugan lamang ng kampamento; ihambing ang Bil 13:19.]) Lumilitaw na 11 araw na paglalakbay sa Bundok Seir ang distansiya ng Kades-barnea mula sa Horeb.—Deu 1:2.
Ang Kades ay sinasabing nasa Ilang ng Paran at nasa Ilang ng Zin. Posibleng ang Zin at Paran ay magkaratig na mga ilang na nagsasalubong sa Kades, kung kaya ang lugar na ito ay masasabing nasa dalawang ilang na iyon. O, maaaring ang Ilang ng Zin ay bahagi ng mas malaking Ilang ng Paran. (Bil 13:26; 20:1) Noong panahon ni Abraham, ang lugar na ito ay kilala bilang En-mispat at bilang Kades. (Gen 14:7; 20:1) Marahil ay ito rin ang Kedes.—Jos 15:21, 23.
Ang ʽAin Qedeis, na mga 80 km (50 mi) sa TTK ng Beer-sheba, ay iminumungkahi bilang posibleng lokasyon ng Kades. Sa gitna ng isang tiwangwang na ilang (ihambing ang Deu 1:19), sinusustinihan ng dalisay at matamis na tubig ng bukal ng Qedeis ang isang oasis ng mga damo, mga palumpong, at mga punungkahoy. May dalawa pang bukal sa kapaligiran nito, ang ʽAin el-Qudeirat at ang ʽAin el-Qeseimeh. Sa ngayon, ang pinakamalaki sa tatlong bukal ay ang ʽAin el-Qudeirat. Dahil dito, pinapaboran ng ilan na iugnay ito sa Kades-barnea. Gayunman, ang ʽAin Qedeis ang bukal na nasa pinakasilangan. Kaya naman, kung iuugnay ang ʽAin Qedeis sa Kades-barnea, waring mas tutugma ito sa S-K deskripsiyon ng timugang hangganan ng Canaan: Kades-barnea (ʽAin Qedeis?), Hazar-addar (ʽAin el-Qudeirat?), at Azmon (ʽAin el-Qeseimeh?).—Bil 34:3-5.
Kung nagkampo ang mga Israelita sa lugar na ito, walang alinlangang nagamit nila ang tatlong bukal dahil sa dami nila. Bilang halimbawa, ang kampamento ng Israel bago tumawid sa Jordan ay nakapangalat “mula sa Bet-jesimot hanggang sa Abel-sitim.” (Bil 33:49) Ang distansiyang ito ay mga 8 km (5 mi), batay sa iminumungkahing lokasyon ng mga lugar na iyon. Ang distansiya mula sa Kades-barnea (ʽAin Qedeis) hanggang sa Azmon (ʽAin el-Qeseimeh) ay mga 14 na km (8.5 mi); at hanggang sa Hazar-addar (ʽAin el-Qudeirat) ay 9 na km (5.5 mi). Kaya, hindi imposibleng ginamit ng mga Israelita ang tatlong bukal na iyon. Posible rin na ang buong lugar na ito ay tinawag na Kades-barnea anupat ang pangalang iyon ay napanatili sa TS bukal.—Tingnan ang ADDAR Blg. 2; AZMON.
Noong ikalawang taon pagkatapos ng kanilang Pag-alis mula sa Ehipto, ang mga Israelita ay lumisan sa Hazerot at nagkampo sa Kades-barnea. (Ihambing ang Bil 10:11, 12, 33, 34; 12:16; 13:26.) Pagkatapos ay nagsugo si Moises ng 12 lalaki upang tiktikan ang Lupang Pangako. Sampu sa mga tiktik na ito ang nagbalik ng masamang ulat, na nagbunga ng mapaghimagsik na pagbubulung-bulungan ng mga Israelita. Dahil dito, ang bansa ay sinentensiyahan ni Jehova na magpagala-gala sa ilang. Nang maglaon, ang pagtatangka ng Israel na kunin ang Canaan nang walang pagsang-ayon at patnubay ng Diyos ay nagdulot ng kahiya-hiyang pagkatalo. (Bil 13:1-16, 25-29; 14:1-9, 26-34, 44, 45; 32:7-13; Deu 1:41-45) Sa loob ng ilang panahon pagkatapos nito ay nanatili ang mga Israelita sa Kades-barnea. (Deu 1:46) Ngunit hindi layunin ni Jehova na manatili sila roon. Bago nito’y sinabi niya sa kanila: “Habang ang mga Amalekita at ang mga Canaanita ay nananahanan sa mababang kapatagan, bumalik kayo bukas [isang idyoma sa Heb. na nangangahulugang “sa kalaunan,” gaya sa Exo 13:14] at lumisan kayo upang humayo sa ilang sa daang patungo sa Dagat na Pula.”—Bil 14:25.
Kaya nilisan ng mga Israelita ang Kades-barnea at nagpagala-gala sila sa ilang sa loob ng 38 taon. (Deu 2:1, 14) Waring noong mga taóng ito ay namalagi sila sa humigit-kumulang 18 iba’t ibang lugar, yamang ito ang nakatalang bilang ng pagkakampo ng mga Israelita pagkaalis nila sa Hazerot. (Ihambing ang Bil 12:16–13:3, 25, 26; 33:16-36.) Bagaman nagkampo ang Israel sa Kades pagkaalis nila sa Hazerot, hindi binabanggit ng Bilang 33:18 ang Kades pagkatapos ng Hazerot. Maaaring sinadyang hindi ito iulat o marahil, gaya ng iminumungkahi ng ilan, maaaring ang Kades at ang Ritma ay iisa.
Sa wakas, lumilitaw na ang mga Israelita ay bumalik sa Kades noong unang buwan ng ika-40 taon pagkatapos ng Pag-alis. (Bil 20:1; 33:36-39) Dito namatay ang kapatid ni Moises na si Miriam. Nang maglaon, naiwala nina Moises at Aaron ang kanilang pribilehiyong makapasok sa Lupang Pangako dahil hindi nila pinabanal si Jehova may kaugnayan sa makahimalang paglalaan ng tubig para sa mga Israelitang nagkakampo sa Kades. Pagkatapos nito, dito humingi ng pahintulot si Moises sa Edom na makaraan sa teritoryo nito. (Bil 20:1-17) Ngunit tinanggihan ang kahilingan nilang ito, at ang mga Israelita ay waring nanatili pa nang ilang panahon sa Kades (Bil 20:18; Huk 11:16, 17) bago sila nagpatuloy patungo sa Lupang Pangako na nagdaraan sa Bundok Hor. (Bil 20:22; 33:37) Nang marating nila ang Kapatagan ng Moab, sa S ng Jordan, itinalaga ni Jehova ang Kades-barnea bilang bahagi ng timugang hanggahan ng Lupang Pangako. (Bil 33:50; 34:4) Nang maglaon, nilupig ng mga Israelita sa ilalim ni Josue ang lugar na mula sa Kades-barnea hanggang sa Gaza (Jos 10:41), at ang Kades-barnea ay naging timugang hangganan ng Juda.—Jos 15:1-4.
Binabanggit ng Awit 29:8 na “pinamimilipit” ng tinig ni Jehova ang Ilang ng Kades. Maaaring tumutukoy ito sa malakas na bagyong dumaraan mula sa kabundukan ng H hanggang sa rehiyon ng Kades sa T at doo’y humihihip sa buhanginan anupat mistulang namimilipit ang ilang.