ETHAM
Itinala ni Moises bilang ikalawang lugar na pinagkampuhan ng Israel noong lumabas sila sa Ehipto. (Exo 13:20; Bil 33:3-7) Mula sa Etam, na “nasa gilid ng ilang,” ang mga Israelita ay nagbago ng direksiyon. Sila ay “bumalik” patungo sa Pihahirot, kung saan nila tinawid ang dagat. (Bil 33:7, 8) Ipinahihiwatig nito na sa Etham sana daraan ang mga Israelita papalabas ng Ehipto kung hindi sila tinagubilinan ng Diyos na mag-iba ng daan.
Dahil sa pagbalik nilang ito, inakala ni Paraon na ang mga Israelita ay ‘nagpapagala-gala sa ilang dahil sa kalituhan’ at ito ang nagtulak sa kaniya na habulin sila. Humantong ito sa paglalapat ng Diyos ng kahatulan sa mga Ehipsiyo sa Dagat na Pula.—Exo 14:1-4.
Sinasabi ng ilang iskolar na ang Etham ay nasa silanganing dulo ng Wadi Tumilat, sa H ng Bitter Lakes. Gayunman, ito’y dahil iniuugnay nila ang Hebreong Etham (ʼE·thamʹ) sa Matandang Ehipsiyong salita para sa tanggulan (htm). Kahit tama pa ang pag-uugnay na ito, marami namang lugar ang ginamitan ng pangalang Ehipsiyo na iyon. Ang Etham ay wala sa hilagaang ruta na papalabas ng Ehipto at patungo “sa daan ng lupain ng mga Filisteo.” (Exo 13:17) Kaya naman, masasabi na ang Etham ay nasa H ng Dagat na Pula at maliwanag na nasa hanggahan ng ilang na rehiyon na nagsisilbing HK bahagi ng Peninsula ng Sinai.
Waring ipinahihiwatig ng paghahambing ng Bilang 33:8 sa Exodo 15:22 na ang ilang na rehiyon na katabi ng Etham ay ang “ilang ng Sur.” Maaari rin na iisa ang tinutukoy ng mga pangalang ito at puwede silang pagpalit-palitin. O, kung hindi naman, depende kung aling rehiyon ang mas malaki, maaaring ang ilang ng Sur ay sakop ng ilang ng Etham o ang ilang ng Etham ay bahagi ng ilang ng Sur.—Tingnan ang SUR.