KAMPO
Ang salitang Hebreo para sa “kampo” (ma·chanehʹ) ay nagmula sa pandiwang salitang-ugat na cha·nahʹ, nangangahulugang “magkampo.” (Huk 15:9; Exo 14:2; Gen 33:18) Ginagamit ang terminong ito upang tumukoy sa pansamantalang kinaroroonan ng pagala-galang grupo ng mga tao (Gen 32:21; 33:18), sa pansamantala at palipat-lipat na kaayusan ng pagtotolda ng mga Israelita noong naglalakbay sila sa ilang (Bil 2:17), o sa dakong nababakuran ng isang hukbo (2Ha 25:1). Ang salitang Griego para sa “kampo” ay pa·rem·bo·leʹ.—Tingnan ang HUKBO, I.
Kampo ng Israel. Ang Pag-alis ng Israel mula sa Ehipto ay hindi magulo kundi nasa maayos na “hanay ng pakikipagbaka” na angkop para sa mga “hukbo ni Jehova.” (Exo 13:18; 12:41; 6:26) Posible na ang gayong hanay ng pakikipagbaka ay tulad niyaong sa isang hukbo na binubuo ng limang bahagi, anupat may isang bantay o hukbo sa unahan, isang pangunahing kalipunan, isang bantay sa likuran, at dalawang pangkat na panggilid. Nang panahong iyon, ang mga Israelita ay nasa ilalim pa ng patriyarkal na mga kaayusan, kung kaya ang pagkakasunud-sunod ng kanilang paghayo ay ayon sa kani-kanilang tribo at pamilya. Kasuwato ng gayong mga kaugalian, ang mga lingkod, mga alila, at iba pang kaugnay sa pamilya ay itinuring na bahagi ng sambahayan, kaya naman malamang na ang “malaking haluang pangkat” na umalis sa Ehipto ay napahalo sa iba’t ibang tribo, lipi, at mga pamilya.—Exo 12:38; Bil 11:4; Deu 29:11.
Nang maitatag ang tabernakulo, inorganisa ang kampo ayon sa mga tagubilin ng Diyos noong pasimula ng ikalawang taon. Ang pinakasentro ng kampo, kapuwa sa lokasyon at kahalagahan, ay ang tolda ng presensiya ni Jehova, samakatuwid nga, ang tabernakulo, pati na ang looban sa palibot nito. Ang pasukan nito ay nakaharap sa S, kung saan nagkakampo si Moises, si Aaron, at ang mga saserdote. (Bil 3:38) Ang iba pang mga Levita (may bilang na 22,000 lalaki na isang buwan ang gulang at pataas) ay nagkampo sa tatlong natitirang panig: ang mga Kohatita sa T, ang mga Gersonita sa K, at ang mga Merarita sa H. (Bil 3:23, 29, 35, 39) Iniatas sa mga Gersonita at mga Merarita ang ilang bagahe, mga karwahe, at mga hayop na ginagamit upang ilipat ang tabernakulo at ang mga kasangkapan nito. Sa gayon, yaong mga inatasang maglingkod sa santuwaryo ni Jehova ay nakatira malapit sa tabernakulo at nakapalibot doon, anupat nagsilbing harang sa mga di-Levita, “upang walang galit na bumangon laban sa kapulungan.”—Bil 1:53; 7:3-9.
May kalayuan sa mga tolda ng mga Levita, nagkampo naman ang 12 tribo ayon sa apat na direksiyon ng kompas. Lumilitaw na ang mga taong-bayan sa pangkalahatan ay nakapuwesto nang malayo sa tabernakulo; iminumungkahi ng ilang komentarista na mga 900 m (3,000 piye), dahil noong magsimula ang pagtawid sa Jordan, kinailangang magkaroon ng distansiya na “mga dalawang libong siko” sa pagitan ng bayan at ng kaban ng tipan. (Jos 3:4) Hinati ang 12 tribo sa apat na malalaking pangkat, anupat ang bawat pangkat ay tinawag ayon sa pangalan ng tribong nasa gitna ng pangkat na iyon. Kaya naman ang tatlong-tribong pangkat sa dakong S ng tabernakulo ay tinawag na Juda, anupat ang Isacar ay nasa isang panig ng Juda at ang Zebulon naman ay nasa kabilang panig. (Bil 2:3-8) Nang itatag ang kaayusang ito noong 1512 B.C.E., ang tatlong-tribong pangkat na ito ng Juda ay may bilang na 186,400 matitipunong lalaki na 20-taóng gulang at pataas. (Bil 1:1-3; 2:9) Nasa dakong T naman ang tatlong-tribong pangkat ng Ruben, anupat nasa magkabilang panig ng Ruben ang Simeon at Gad, at may bilang na 151,450 lalaking mandirigma. (Bil 2:10-16) Ang dalawang pangkat na ito sa dakong S at T, gaya ng mga Levita, ay mga inapo ni Jacob kay Lea at sa utusang babae nito na si Zilpa. (Gen 35:23, 26) Samantala, yamang ang Ruben at ang mga Kohatita ay kapuwa nagkakampo sa T ng santuwaryo, mauunawaan kung bakit nagkaroon ng pisikal na pagsasamahan ang Rubenitang mga rebelde na sina Datan at Abiram sa Kohatitang si Kora. (Bil 16:1) Nasa dakong K naman ang tatlong-tribong pangkat ng Efraim, napagigitnaan ng Manases at Benjamin, na pawang mga inapo ni Raquel, at may bilang na 108,100 lalaking panghukbo. (Bil 2:18-24) Bilang panghuli, sa dakong H ay ang tatlong-tribong pangkat ng Dan, kasama ang Aser at Neptali, na may kabuuang 157,600 lalaking mandirigma. (Bil 2:25-31) Ang Dan at Neptali ay mga inapo ng utusang babae ni Raquel na si Bilha, ngunit ang Aser ay nagmula sa alilang babae ni Lea na si Zilpa.—Gen 35:25, 26.
Napakalaki ng kampong ito ng Israel. Ang kabuuang bilang ng nabanggit na mga rehistrado ay 603,550 lalaking mandirigma, bukod pa sa mga babae at mga bata, mga matatanda at may kapansanan, 22,000 Levita, at “isang malaking haluang pangkat” ng mga dayuhan—na lahat-lahat ay maaaring 3,000,000 o mahigit pa. (Exo 12:38, 44; Bil 3:21-34, 39) Hindi matiyak kung gaano kalawak ang lugar na inokupa ng kampamentong iyon; lubhang magkakaiba ang mga pagtaya. Nang magkampo sila sa tapat ng Jerico sa Kapatagan ng Moab, sinasabing ang saklaw ng kampamento ay “mula sa Bet-jesimot hanggang sa Abel-sitim.”—Bil 33:49.
Ang plano, o pagkakaayos, ng kampo ay kadalasang inilalarawang parihaba o parisukat, na ipinapalagay na mas madaling pangasiwaan at mas ligtas. Ang pagtukoy sa paglabas at pagpasok sa kampo ay nagpapahiwatig na mayroon itong tiyak na mga hangganan. (Lev 13:46; 16:26, 28; 17:3) At may ‘mga pintuang-daan,’ o mga pasukan, na patungo sa kampo. (Exo 32:26, 27) Sa kaniyang paglalarawan, binanggit ni Josephus na may mga lansangan sa loob ng kampo. (Jewish Antiquities, III, 289 [xii, 5]) Lahat ng ito ay nangangailangan ng inhinyeriya at organisasyon upang ang mga Israelita ay mabilisang makapagtayo ng kampo sa isang bagong lokasyon.
May inilagay na “mga tanda para sa sambahayan ng kanilang mga ama” upang tulungan ang mga tao na mahanap ang kanilang wastong dako sa kampo. (Bil 2:2) Yamang ang pananalitang Hebreo na deʹghel, isinasalin bilang “tatlong-tribong pangkat,” ay nangangahulugan ding “watawat” (gaya sa Sol 2:4), posible na may kani-kaniyang palatandaan ang mga tribo at may kani-kaniyang bandera ang mga pamilya. Hindi sinasabi ng Bibliya kung ilan ang mga tanda na iyon ni nagbibigay man ito ng deskripsiyon ng mga iyon.
Napakahusay ng pangangasiwa sa kampo ni Jehova. Sa ilalim ng teokratikong kaayusan, nag-atas ng mga pinuno sa tig-10, tig-50, tig-100, at tig-1,000. Ang mga ito ay “mga lalaking may kakayahan, natatakot sa Diyos, mga lalaking mapagkakatiwalaan, napopoot sa di-tapat na pakinabang.” (Exo 18:21; Deu 1:15) Sa ilalim ng kanilang pangunguna, nailaan ang mabuting pangangasiwa at pagmamantini at gayundin ang isang patas na sistemang hudisyal; at sa pamamagitan din nila ay naisagawa ang mabilis na pakikipagtalastasan sa buong bayan. Ginamit ang mga sistematikong pagpapatunog ng trumpeta upang tipunin sa harap ng tolda ng kapisanan ang buong kapulungan o, kung minsan, ang mga pinuno ng libu-libo bilang kinatawan ng mga tribo.—Bil 1:16; 10:2-4, 7, 8.
Bawat aspekto ng buhay sa kampo ay inuugitan ng isang detalyadong kodigo ng mga batas. Naingatan ang kalusugan at kadalisayan ng kampo sa pamamagitan ng iba’t ibang tuntunin sa kalinisan. Halimbawa, ang mga ketongin, ang sinumang may nakahahawang sakit o inaagasan, at yaong mga humipo sa bangkay ay inihihiwalay sa kampo hanggang sa maipahayag silang malinis. (Bil 5:2, 3) Ang mga patay ay inililibing sa labas ng kampo. (Lev 10:4, 5) Ang mga abo mula sa mga haing sinusunog, pati na ang mga bangkay ng ilang hain, ay itinatapon sa labas ng kampo. (Lev 4:11, 12; 6:11; 8:17) Sa labas din ng kampo pinapatay ang mga kriminal (Lev 24:14; Bil 15:35, 36), at ang mga bihag sa digmaan at ang mga mandirigmang bumabalik galing sa digmaan ay pinananatili muna sa labas para sa isang yugto ng paglilinis.—Bil 31:19.
Ang pagpapalipat-lipat ng napakalaking kampong ito sa iba’t ibang lugar (mga 40 kampamento ang ginunita ni Moises sa Bilang 33) ay isa ring kahanga-hangang halimbawa ng pagiging organisado. Hangga’t nasa ibabaw ng tabernakulo ang ulap, nananatili ang kampo sa kinaroroonan nito. Kapag lumipat ang ulap, lumilipat din ang kampo. “Sa utos ni Jehova ay nagkakampo sila, at sa utos ni Jehova ay lumilisan sila.” (Bil 9:15-23) Dalawang trumpetang pilak na gawang pinukpok ang ginagamit upang ipatalastas ang mga utos na ito ni Jehova sa buong kampo. (Bil 10:2, 5, 6) Inihuhudyat naman ng pantangi at pabagu-bagong mga tunog ang paglikas ng kampo. Una itong nangyari noong “ikalawang taon [1512 B.C.E.], nang ikalawang buwan, noong ikadalawampung araw.” Habang nasa unahan ang kaban ng tipan, lumilikas ang unang tatlong-tribong pangkat na pinangungunahan ng Juda at sinusundan ng Isacar, pagkatapos ay ng Zebulon. Kasunod nila ang mga Gersonita at mga Merarita habang dala-dala ng mga ito ang mga parte ng tabernakulo na nakaatas sa kanila. Sumunod naman ay ang tatlong-tribong pangkat na pinangungunahan ng Ruben at sinusundan ng Simeon at Gad. Kasunod nila ay ang mga Kohatita na may-dala ng santuwaryo, pagkatapos ay ang ikatlong tatlong-tribong pangkat, ng Efraim, na sinusundan naman ng Manases at Benjamin. Bilang panghuli, ang pangkat na pinangungunahan ng Dan kasama ang Aser at ang Neptali ang naging bantay sa likuran. Sa gayon, ang dalawang pinakamarami at pinakamalalakas na pangkat ang nakapuwesto bilang bantay sa harapan at sa likuran.—Bil 10:11-28.
“Kaya humayo sila mula sa bundok ni Jehova sa isang paglalakbay nang tatlong araw . . . At ang ulap ni Jehova ay nasa itaas nila.” (Bil 10:33, 34) Hindi isiniwalat kung gaano kahaba ang hanay na ito ng mga naglalakad na inaakay ng ulap, ni sinabi man ang bilis o distansiya na nasasaklaw nila sa isang araw. Dahil sa maliliit na bata at mga kawan, malamang na mabagal ang kanilang paglalakbay. Sa panahon ng paghayong ito, na tumagal nang tatlong araw, malamang na hindi na pormal na inayos ang kampo at hindi na itinayo ang tabernakulo para sa pansamantalang magdamagang pagkakampo. Sa halip, gumawa na lamang ng kinakailangang mga pagbabago para sa pagkain at pagtulog.
Mga Kampong Militar. Iba-iba ang paggamit sa terminong “kampo” may kaugnayan sa pakikipagdigma. Halimbawa, maaari itong tumukoy sa punong-himpilan, o sa base ng mga operasyon, na pinanggagalingan ng lumulusob na mga pangkat; ang Gilgal at ang Shilo ay mga halimbawa nito. (Jos 4:19; 5:10; 9:6; 10:6, 15, 43; 18:9; Huk 21:12) O kung minsan, ang “kampo” ay tumutukoy sa hukbo mismo, at hindi sa dakong pinagtatayuan nila ng kanilang mga tolda kung gabi. (Jos 10:5; 11:4, 5) Ang ‘pagkakampo laban’ sa isang lunsod ay nangangahulugan ng pakikipagdigma sa lunsod na iyon, kung paanong ang salitang ‘magkampo’ ay nagpapahiwatig ng paghahanda ukol sa digmaan.—Huk 9:50; 1Sa 11:1; 28:4; 2Ha 25:1.
May ilang salik na nakaiimpluwensiya sa pagpili ng lugar na pagkakampuhan ng isang hukbo. Ang mataas na dako na mahirap marating ay nakapagbibigay ng likas na proteksiyon at hindi gaanong kailangang bantayan kung ihahambing sa mga lugar na hantad at madaling mapasok. (1Sa 26:3) Kailangang may mapagkukunan ng tubig ang kampo. (2Ha 3:9) Tinalo ni Josue ang isang pederasyon ng mga haring nagkakampo sa may tubig ng Merom. (Jos 11:5) Nagkampo naman ang mga hukbo ni Gideon sa may balon ng Harod (Huk 7:1), at isang katlo ng hukbo ni David ang nagkampo sa agusang libis ng Besor hanggang sa makauwi ang kanilang mga kasama mula sa pananagumpay.—1Sa 30:9, 10.
Gaya sa kampo ni Saul, posibleng ang mga kampong militar ay nagkaroon ng tulad-bakod na pananggalang, na maaaring binubuo ng mga bagahe, mga karwahe, at mga hayop. (1Sa 26:5, 7) Maaaring ipinupuwesto ng mga hukbo ang kanilang mga karo sa palibot ng kanilang mga kampo. Kung minsan, ang permanenteng mga dakong pinagkakampuhan ay protektado ng mga trinsera at mga lupang ibinunton sa paligid ng mga ito. Maliban sa mga kaso ng biglaang pagsalakay, ang mga labanan ay karaniwan nang hindi nagaganap sa dakong pinagkakampuhan. (Jos 11:7) Kaya naman, kadalasa’y hindi gumagawa ng malalaking trinsera at matitibay na pader doon.
May binabanggit ang mga sekular na kasaysayan tungkol sa buhay-kampo ng mga hukbong pagano noong panahon ng Bibliya. Halimbawa, ang Ehipsiyong kampo ni Ramses II ay nababakuran ng mga kalasag. Karaniwan, ang nakukutaang kampo ng mga Asiryano ay pabilog at pinatitibay ng mga pader at mga tore. Ang mga tolda naman ng mga kampong Persiano ay pawang nakaharap sa S, at ang kanilang mga kampamento ay protektado ng mga trinsera at mga dike. Pabilog din ang mga kampong militar ng mga Griego, anupat ang kumandanteng opisyal ay nagtotolda sa gitna ng kampo. Kapag nagkakampo ang hukbong Romano, isang malaki-laking estero ang hinuhukay sa buong palibot ng dakong pagkakampuhan.