SUMPA
1. [sa Ingles, oath]. Isang sinumpaang kapahayagan na nagpapakitang ang bagay na sinabi ay totoo o na gagawin o hindi gagawin ng isang tao ang isang partikular na bagay; kalimitan ay may kalakip itong pananawagan sa isa na nakatataas, lalo na sa Diyos.
Sa Hebreong Kasulatan, dalawang salita ang ginagamit upang tumukoy sa isang sumpa. Ang shevu·ʽahʹ ay nangangahulugang “sumpa o sinumpaang kapahayagan.” (Gen 24:8; Lev 5:4) Ang kaugnay na pandiwang Hebreo na sha·vaʽʹ, nangangahulugang “sumumpa,” at ang salitang Hebreo para sa “pito” ay nagmula sa iisang salitang-ugat. Kaya naman ang “sumumpa” ay orihinal na nangangahulugang “sumailalim sa impluwensiya ng 7 bagay.” (Theological Dictionary of the New Testament, inedit ni G. Friedrich; tagapagsalin at patnugot, G. Bromiley, 1970, Tomo V, p. 459) Sumumpa sina Abraham at Abimelec sa pamamagitan ng pitong babaing kordero nang magtibay sila ng tipan sa may balon ng Beer-sheba, nangangahulugang “Balon ng Sumpa; o, Balon ng Pito.” (Gen 21:27-32; tingnan din ang Gen 26:28-33.) Ang shevu·ʽahʹ ay tumutukoy sa sinumpaang kapahayagan ng isang tao na nagsasaad na gagawin niya o hindi niya gagawin ang isang partikular na bagay. Ang salitang ito ay hindi nagpapahiwatig ng pagnanais na sapitan ng masamang bagay ang isa na nanumpa kapag hindi niya iyon tinupad. Ito ang salitang ginamit para sa sumpa, o sinumpaang kapahayagan, na binitiwan kay Abraham ni Jehova, na hindi kailanman nabibigo sa pagtupad ng kaniyang salita at hindi maaaring sapitan ng anumang bagay na masama.—Gen 26:3.
Ang isa pang salitang Hebreo na ginamit ay ʼa·lahʹ, nangangahulugang “sumpa.” (Gen 24:41, tlb sa Rbi8) Maaari rin itong isalin bilang “sumpaang pananagutan.” (Gen 26:28) Ang terminong ito ay binibigyang-katuturan ng Hebreo at Aramaikong leksikon nina Koehler at Baumgartner (p. 49) bilang isang “sumpa (pagbabanta ng kapahamakan kapag may naganap na paglabag), na ipinapataw ng isang tao sa kaniyang sarili o ipinapataw sa kaniya ng iba.” Noong sinaunang panahong Hebreo, ang panunumpa ay itinuturing na isang napakaseryosong bagay. Dapat tuparin ang sumpa, ikapinsala man ito ng isa na sumumpa. (Aw 15:4; Mat 5:33) Ang isang tao ay ituturing na nagkasala sa harap ni Jehova kapag nagsalita siya nang di-pinag-iisipan sa isang sinumpaang kapahayagan. (Lev 5:4) Ang paglabag sa isang sumpa ay magdudulot ng malulubhang kaparusahan mula sa Diyos. Sa sinaunang mga bansa at partikular na sa mga Hebreo, ang panunumpa ay maituturing na isang relihiyosong pagkilos, anupat nagsasangkot sa Diyos. Sa paggamit ng terminong ʼa·lahʹ, ipinahihiwatig ng mga Hebreo na ang Diyos ay isang partido sa sumpa at na handa silang tumanggap ng anumang kahatulan na nais Niyang ipataw sakaling hindi sila maging tapat sa kanilang ipinanumpa. Ang terminong ito ay hindi kailanman ginagamit ng Diyos may kaugnayan sa kaniyang sariling mga sumpa.
Ang katumbas na mga terminong Griego naman ay horʹkos (sumpa) at o·mnyʹo (sumumpa), na kapuwa lumilitaw sa Santiago 5:12. Ang pandiwang hor·kiʹzo ay nangangahulugang “panumpain” o “may-kataimtimang utusan.” (Mar 5:7; Gaw 19:13) Ang iba pang mga termino na kaugnay ng horʹkos ay nangangahulugang “ipinanatang sumpa” (Heb 7:20), “bigyan ng taimtim na pananagutan o panumpain” (1Te 5:27), “bulaang manunumpa o manlalabag sa sumpa” (1Ti 1:10), at “sumumpa nang hindi ginagawa o sumumpa nang may kabulaanan” (Mat 5:33). Sa Gawa 23:12, 14, at 21, ang salitang Griego na a·na·the·ma·tiʹzo ay isinasalin bilang ‘isailalim ng isang sumpa.’
Mga Pananalitang Ginagamit sa Panunumpa. Kadalasan, ang sumpa ay ipinanunumpa sa pamamagitan ng Diyos o sa pangalan ng Diyos. (Gen 14:22; 31:53; Deu 6:13; Huk 21:7; Jer 12:16) Ipinanumpa ni Jehova ang kaniyang sarili, o ang kaniyang buhay. (Gen 22:16; Eze 17:16; Zef 2:9) Kung minsan, gumagamit ang mga tao ng pormal na mga pananalita, gaya ng, “Gayon nawa ang gawin sa akin [o, sa iyo] ni Jehova at dagdagan pa iyon kung . . . ” ako (o ikaw) ay hindi tutupad sa sinumpaan. (Ru 1:17; 1Sa 3:17; 2Sa 19:13) Nagiging mas mariin ang pananalitang ito kapag binanggit ng indibiduwal ang kaniyang sariling pangalan.—1Sa 20:13; 25:22; 2Sa 3:9.
Ang mga pagano ay gumawa rin ng gayong pamamanhik sa kanilang huwad na mga diyos. Si Jezebel na mananamba ni Baal ay namanhik, hindi kay Jehova, kundi sa “mga diyos” (ʼelo·himʹ, lakip ang isang pandiwang pangmaramihan), gaya rin ni Ben-hadad II na hari ng Sirya. (1Ha 19:2; 20:10) Sa katunayan, dahil naging napakalaganap ng gayong mga pananalita, ang idolatriya ay tinukoy sa Bibliya bilang ‘pagsumpa sa pamamagitan ng huwad na diyos,’ o sa pamamagitan niyaong “hindi naman Diyos.”—Jos 23:7; Jer 5:7; 12:16; Am 8:14.
Sa ilang napakaseryosong kaso o kapag ang taimtim na kapahayagan ay may kalakip na matinding damdamin, espesipikong binabanggit ang masasamang bagay o mga kaparusahan na sasapit kapag hindi tinupad ang sumpa. (Bil 5:19-23; Aw 7:4, 5; 137:5, 6) Nang ipinagtatanggol ni Job ang kaniyang pagiging matuwid, inilahad niya ang kaniyang naging buhay at ipinahayag niya na handa siyang sumailalim sa pinakamatitinding kaparusahan kung masusumpungang nilabag niya ang mga kautusan ni Jehova hinggil sa pagkamatapat, katuwiran, katarungan, at moralidad.—Job 31.
Kapag nililitis noon ang isang asawang babae dahil sa paninibugho ng kaniyang asawa, hinihilingan siyang sumagot ng “Amen! Amen!” sa panunumpa at sa sumpa na binasa ng saserdote, sa gayo’y nanunumpa na hindi siya nagkasala.—Bil 5:21, 22.
Ang ilang kapahayagan na para na ring sumpa ay kadalasan nang pinagtitibay hindi lamang sa pamamagitan ng pangalan ni Jehova kundi gayundin sa pamamagitan ng buhay ng hari o ng isa na nakatataas. (1Sa 25:26; 2Sa 15:21; 2Ha 2:2) Karaniwan nang binibigkas ang pananalitang “buháy si Jehova” upang ipakita na talagang seryoso ang kapasiyahan ng isa o na talagang totoo ang kaniyang sinabi. (Huk 8:19; 1Sa 14:39, 45; 19:6; 20:3, 21; 25:26, 34) Ang panunumpa naman sa pamamagitan ng buhay ng taong kausap, gaya halimbawa ng mga salita ni Hana kay Eli (1Sa 1:26) at ng sinabi ni Uria kay Haring David (2Sa 11:11; gayundin ang 1Sa 17:55), ay isang di-gaanong mapuwersang pananalita na maaaring hindi nilayon na ituring na isang sumpa ngunit nagpapahiwatig ng napakaseryosong intensiyon at binibigkas upang bigyang-katiyakan ang kausap.
Mga Pamamaraan o mga Pagkilos sa Panunumpa. Waring ang pagtataas ng kanang kamay tungo sa langit ang pinakamalimit na ginagawa kapag nanunumpa. Makasagisag na inilalarawan si Jehova bilang bumibigkas ng sumpa sa ganitong paraan. (Gen 14:22; Exo 6:8; Deu 32:40; Isa 62:8; Eze 20:5) Sa isa sa mga pangitain ni Daniel, isang anghel ang nagtaas ng dalawang kamay sa langit nang ito ay manumpa. (Dan 12:7) Hinggil sa mga bulaang manunumpa, sinasabing ang kanilang “kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.”—Aw 144:8.
Ang isa na humihiling ng isang sumpa sa kaniyang kapuwa ay maaaring mag-utos dito na ilagay ang kamay nito sa ilalim ng kaniyang hita o balakang. Nang isugo ni Abraham ang kaniyang katiwala upang ikuha ng mapapangasawa si Isaac, sinabi niya sa katiwala: “Pakisuyo, ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita,” at matapos itong gawin ay sumumpa ang katiwala na kukuha siya ng isang babae mula sa mga kamag-anak ni Abraham. (Gen 24:2-4, 9) Sa gayunding paraan, pinasumpa ni Jacob si Jose na huwag siyang ilibing sa Ehipto. (Gen 47:29-31) May kinalaman sa kahulugan ng kaugaliang ito, tingnan ang POSISYON AT KILOS NG KATAWAN.
Kalimitan ay may kalakip na sumpa ang paggawa ng tipan. Karaniwan nang binibigkas sa gayong mga kaso ang pananalitang: “Ang Diyos ay saksi sa akin at sa iyo.” (Gen 31:44, 50, 53) Ginagamit din ang gayong pananalita upang patibayin ang pagiging totoo ng isang bagay na ipinahayag. Nanawagan si Moises sa langit at sa lupa bilang mga saksi nang talakayin niya ang papel ng Israel sa kanilang pinanumpaang tipan kay Jehova. (Deu 4:26) Kadalasan, isang tao o mga tao, isang nasusulat na dokumento, isang haligi, o isang altar ang nagsisilbing saksi at tagapagpaalaala ng isang sumpa o isang tipan.—Gen 31:45-52; Deu 31:26; Jos 22:26-28; 24:22, 24-27; tingnan ang TIPAN.
Sa Ilalim ng Kautusan. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, hinilingang manumpa ang sumusunod na mga indibiduwal: ang isang asawang babae na nililitis dahil sa paninibugho (Bil 5:21, 22), ang isang tagapag-ingat kapag ang pag-aaring ipinagkatiwala sa kaniya ay nawala (Exo 22:10, 11), ang matatandang lalaki ng isang lunsod kapag may kaso ng pagpaslang na hindi nalutas (Deu 21:1-9). Pinahintulutan din ang paggawa ng kusang-loob na mga sumpa ng pagkakait sa sarili. (Bil 30:3, 4, 10, 11) Kung minsan, ang mga lingkod ng Diyos ay inuutusan ng isa na may awtoridad na manumpang magsasabi sila ng totoo, at tinutupad naman nila iyon. Sa katulad na paraan, ang isang Kristiyanong nasa ilalim ng panunumpa ay hindi magsisinungaling kundi magsasabi ng buong katotohanan na hinihiling sa kaniya, o maaaring tumanggi siyang sumagot kung manganganib ang matuwid na mga interes ng Diyos o ng mga kapuwa Kristiyano, bagaman dapat na handa siyang pagdusahan ang anumang ibubunga ng pagtanggi niyang magsalita.—1Ha 22:15-18; Mat 26:63, 64; 27:11-14.
Sa Israel, ang mga panata ay kasingseryoso ng sumpa, kasingsagrado, at dapat tuparin mangahulugan man iyon ng kalugihan sa nanata. Ang Diyos ay itinuturing na nagbabantay upang tiyaking tinutupad ang mga panata at nagpapasapit ng kaparusahan sa mga hindi tumutupad ng mga ito. (Bil 30:2; Deu 23:21-23; Huk 11:30, 31, 35, 36, 39; Ec 5:4-6) Ang mga panata ng mga asawang babae at ng mga anak na babaing walang asawa ay maaaring sang-ayunan o kanselahin ng asawang lalaki o ama, ngunit obligado ang mga babaing balo at mga babaing diniborsiyo na tuparin ang kanilang mga panata.—Bil 30:3-15.
Sa kaniyang Sermon sa Bundok, itinuwid ni Jesu-Kristo ang mga Judio sa kanilang di-seryoso, padalus-dalos, at walang-ingat na paggawa ng mga sumpa. Naging pangkaraniwan na lamang sa kanila na ipanumpa ang langit, ang lupa, ang Jerusalem, at maging ang kanilang sariling ulo. Ngunit yamang ang langit ay “trono ng Diyos,” ang lupa ay “tuntungan” niya, ang Jerusalem ay kaniyang maharlikang lunsod, at ang ulo (o buhay) ng isa ay nakadepende sa Diyos, ang paggawa ng gayong mga sumpa ay katumbas ng panunumpa sa pangalan ng Diyos. Hindi iyon dapat gawing biru-biro. Kaya sinabi ni Jesus: “Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi; sapagkat ang lumabis sa mga ito ay mula sa isa na balakyot.”—Mat 5:33-37.
Hindi naman ipinagbabawal ni Jesu-Kristo ang lahat ng panunumpa, sapagkat siya mismo ay nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko, na humihiling ng panunumpa sa ilang situwasyon. Sa katunayan, nang panumpain si Jesus ng mataas na saserdote noong nililitis siya, hindi niya iyon tinutulan kundi sumagot pa nga siya. (Mat 26:63, 64) Kaya ipinakikita lamang ng pananalita ni Jesus na ang isang tao ay hindi dapat magkaroon ng dalawang pamantayan. Dapat niyang ituring na sagradong tungkulin ang pagtupad sa kaniyang binitiwang salita at dapat niyang tuparin iyon gaya ng pagtupad sa isang sumpa; dapat siyang maging taimtim sa kaniyang sinabi. Higit pang nilinaw ni Jesus ang kahulugan ng kaniyang pananalita nang ilantad niya ang pagpapaimbabaw ng mga eskriba at mga Pariseo sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila: “Sa aba ninyo, mga bulag na tagaakay, na nagsasabi, ‘Kung ipanumpa ng sinuman ang templo, ito ay walang anuman; ngunit kung ipanumpa ng sinuman ang ginto ng templo, siya ay mananagot.’ Mga mangmang at mga bulag! Alin, sa katunayan, ang mas dakila, ang ginto o ang templo na nagpabanal sa ginto?” Sinabi pa niya: “Siya na ipinanunumpa ang langit ay ipinanunumpa ang trono ng Diyos at yaong nakaupo rito.”—Mat 23:16-22.
Gaya ng itinawag-pansin ni Jesus, sa pamamagitan ng kanilang maling pangangatuwiran at tusong argumento, ipinagmatuwid ng mga eskriba at mga Pariseo ang hindi nila pagtupad sa ilang sumpa, ngunit ipinakita ni Jesus na sa kanilang panunumpa, hindi sila nagiging matapat sa Diyos at sa katunayan ay dinudusta nila ang Kaniyang pangalan (sapagkat ang mga Judio ay isang bayang nakaalay kay Jehova). Malinaw na sinabi ni Jehova na kinapopootan niya ang bulaang sumpa.—Zac 8:17.
Sinuportahan ni Santiago ang sinabi ni Jesus. (San 5:12) Ngunit ang mga pananalitang ito nina Jesus at Santiago laban sa gayong walang-ingat na panunumpa ay hindi nagbabawal sa isang Kristiyano na manumpa kung kinakailangan niyang bigyang-katiyakan ang iba na seryoso ang kaniyang intensiyon o na totoo ang sinasabi niya. Halimbawa, gaya ng parisang ipinakita ni Jesus noong nasa harap siya ng Judiong mataas na saserdote, ang isang Kristiyano ay hindi tatangging manumpa sa hukuman, sapagkat talagang magsasabi siya ng katotohanan nasa ilalim man siya ng sumpa o hindi. (Mat 26:63, 64) Maging ang pasiya ng isang Kristiyano na maglingkod sa Diyos ay isang panunumpa kay Jehova, anupat inilalagay nito ang Kristiyano sa isang sagradong kaugnayan. Pinagsama ni Jesus sa iisang kategorya ang pagsumpa at ang pananata.—Mat 5:33.
Gayundin, sa 2 Corinto 1:23 at Galacia 1:20, pinatotohanan ng apostol na si Pablo ang mga sinabi niya sa kaniyang mga mambabasa sa pamamagitan ng pagbigkas ng pananalita na katumbas ng isang sumpa. Bukod diyan, tinukoy niya ang sumpa bilang isang karaniwan at wastong paraan upang wakasan ang isang pagtatalo at itinawag-pansin niya na ang Diyos, “nang nilayon niyang ipakita nang lalong sagana sa mga tagapagmana ng pangako ang kawalang-pagbabago ng kaniyang layunin, ay pumasok taglay ang isang sumpa,” anupat ipinanumpa ang kaniyang sarili, yamang hindi niya maipanumpa ang sinumang mas dakila. Ito ay nagdagdag ng legal na garantiya sa kaniyang pangako at nagbigay ng dobleng katiyakan sa pamamagitan ng “dalawang bagay na di-mababago na doon ay imposibleng magsinungaling ang Diyos,” samakatuwid nga, ang salita ng pangako ng Diyos at ang kaniyang sumpa. (Heb 6:13-18) Karagdagan pa, itinawag-pansin ni Pablo na si Kristo ay ginawang Mataas na Saserdote sa pamamagitan ng sumpa ni Jehova at ibinigay bilang panagot ng isang mas mabuting tipan. (Heb 7:21, 22) Mahigit na 50 beses na tinutukoy si Jehova sa Kasulatan bilang nanunumpa.
Noong gabing arestuhin si Jesus, tatlong ulit na ikinaila ng apostol na si Pedro na kilala niya si Jesus, anupat nang dakong huli ay nanata siya at nanumpa. Mababasa natin tungkol sa ikatlong pagkakaila: “Nang magkagayon ay nagsimula [si Pedro na] manata at manumpa: “Hindi ko kilala ang taong [si Jesus]!’” (Mat 26:74) Dahil sa takot, sinikap ni Pedro na kumbinsihin yaong mga nasa palibot niya na totoo ang kaniyang pagkakaila. Sa pamamagitan ng panunumpa hinggil sa bagay na iyon, iginiit niya na totoo ang kaniyang mga salita at na sapitan sana siya ng kapahamakan kung hindi totoo ang sinabi niya.
2. [sa Ingles, curse at execration]. Ang pangunahing ideya ng maraming salitang Hebreo at Griego sa Bibliya na isinasalin sa pamamagitan ng salitang “sumpa” o ng katulad na mga pananalita ay paghahangad, pagbabanta, o pagbigkas ng kasamaan sa isang tao o isang bagay. Ang sumpa ay maaari ring mangahulugan ng isang matindi o marahas na pagtuligsa sa isa na itinuturing na karima-rimarim at karapat-dapat isumpa.
Makatuwiran lamang na ang unang sumpa ay binigkas noong panahon ng paghihimagsik sa Eden at ipinatungkol iyon ng Diyos sa manunulsol ng paghihimagsik sa pamamagitan ng hayop na ginamit ng isang iyon, ang serpiyente. (Gen 3:14, 15) Magwawakas ang sumpang iyon kapag pinuksa na siya. Kasabay nito, isinumpa ang lupa dahil kay Adan, anupat bilang resulta ay nagsibol iyon ng mga tinik at mga dawag ngunit hindi iyon winasak. (Gen 3:17, 18; 5:29) Ang sumpang ipinataw ni Jehova kay Cain ay nagtalaga sa kaniya na mamuhay bilang isang pugante.—Gen 4:11, 12.
Pagkaraan ng Baha, ang unang sumpang binigkas ng isang tao ay ang sumpa ni Noe kay Canaan, anak ni Ham, anupat sinentensiyahan siyang maging alipin nina Sem at Japet. Ang sumpang ito ay nagkaroon ng malaking katuparan pagkaraan ng mga walong siglo nang masakop ng Semitang bansang Israel ang Canaan. (Gen 9:25-27) Sa gayon, sinabihan ni Josue ang mga Gibeonita, mga inapo ni Canaan, na sila’y “mga taong isinumpa,” anupat dahil diyan kung kaya sila inilagay sa katayuan ng alipin.—Jos 9:23.
Samakatuwid, ang gayong pagsumpa ay hindi dapat ipagkamali sa pagmumura; hindi rin naman ito laging nagpapahiwatig ng matinding galit, gaya ng makikita sa kaso ng mga Gibeonita. Sa nabanggit na mga teksto, ang salitang Hebreo na ʼa·rarʹ ang ginagamit. Ang salitang ito ay matatagpuan nang 18 beses sa pormal na mga kapahayagan sa Deuteronomio 27:15-26; 28:16-19, at gayundin sa taimtim na mga kapahayagan, gaya niyaong nasa Exodo 22:28; Jeremias 11:3; 17:5; at 48:10. Ang kaugnay na pangngalang meʼe·rahʹ ay lumilitaw nang limang beses. (Deu 28:20; Kaw 3:33; 28:27; Mal 2:2; 3:9) Ang paggamit ng Bibliya sa mga salitang ito ay nagpapahiwatig ng isang taimtim na kapahayagan o isang prediksiyon ng masama at, kapag binigkas ng Diyos o ng isang taong awtorisado, ang mga ito ay may makahulang kahalagahan at puwersa. Ang sumpang binigkas ni Josue laban sa sinumang muling magtatayo ng wasak na Jerico ay natupad pagkaraan ng maraming siglo. (Jos 6:26; 1Ha 16:34) Gayunman, hindi sinang-ayunan ni Jehova ang mga paghiling ni Haring Balak na sumpain ni Balaam ang Israel, at sa halip ay pinangyari Niya na mga pagpapala ang mabigkas.—Bil 22:6–24:25.
Ang pandiwang Hebreo para rito (qa·vavʹ, sumpain) ay lumilitaw sa ulat ng walang-saysay na mga pagsisikap ni Haring Balak na ipasumpa sa propetang si Balaam ang bansang Israel at sa gayo’y ipakita sa Diyos na karapat-dapat sa Kaniyang pagsumpa ang bansang iyon. (Bil 22:11, 17; 23:11, 13, 25, 27; 24:10) Ang isang panawagan sa Diyos na pasapitan ng masamang bagay ang ibang tao ay hindi laging ipinapahayag kundi maaari ring ipahiwatig lamang.
Ang ʼa·lahʹ, isa pang salitang Hebreo na isinalin din bilang “sumpa,” ay nagpapahiwatig ng isang panunumpa [oath] na may kasamang sumpa [curse] bilang parusa kapag nilabag iyon, o kapag nagbulaan ang panunumpa.—Gen 24:41, tlb sa Rbi8; Bil 5:21, 23, 27; Deu 29:19-21; 2Cr 34:24; 1Ha 8:31, 32.
Sa Griegong Kasulatan, ang dalawang saligang salita na isinasalin bilang “sumpa” ay ang a·raʹ at a·naʹthe·ma, kasama ang kaugnay na mga salitang gaya ng ka·taʹra, e·pi·ka·taʹra·tos, ka·ta·raʹo·mai, ka·taʹthe·ma, at ka·ta·the·ma·tiʹzo.
Ang salitang a·raʹ ay nangangahulugan ng isang sumpa o panalangin na humihiling sa isang diyos na magpasapit ng kasamaan. Ginamit ni Juan ang kaugnay na salitang e·paʹra·tos nang isulat niya na sa pangmalas ng mga Pariseo, ang karaniwang mga taong nakinig kay Jesus ay “mga taong isinumpa” na hindi nakaaalam ng Kautusan. (Ju 7:49) Sa kabaligtaran, ipinakita ni Pablo na lahat ng mga Judio ay kailangang matubos mula sa sumpa ng tipang Kautusan. Isinagawa ito ni Kristo sa pamamagitan ng pagiging isang sumpa para sa kanila nang siya’y mamatay sa pahirapang tulos. (Gal 3:10, 13) Sa Galacia 3:10, ginamit ni Pablo ang e·pi·ka·taʹra·tos bilang salin ng salitang Hebreo na ʼa·rarʹ, na makikita sa Deuteronomio 27:26. Sa talata 13, ginamit niya ang salita ring iyon bilang salin ng salitang Hebreo na qela·lahʹ (isang bagay na isinumpa; sumpa [malediction]), gaya ng masusumpungan sa Deuteronomio 21:23.
Isang anyo ng salitang ka·ta·raʹo·mai ang ginamit upang ilarawan ang pagkilos ni Jesus nang isumpa niya ang uring “kambing” (Mat 25:41), at gayundin nang tagubilinan niya ang kaniyang mga tagasunod na “pagpalain yaong mga sumusumpa sa inyo.” (Luc 6:28) Ginamit nina Pablo at Santiago ang mga anyo ng salita ring iyon nang magbigay sila ng katulad na payo sa Roma 12:14 at Santiago 3:9. Ginamit ni Pablo ang salitang ka·taʹra nang tukuyin niya ang mga Kristiyanong humihiwalay pagkatapos nilang makibahagi sa banal na espiritu. Inihalintulad niya sila sa “lupa” na hindi nagiging mabunga pagkatapos ng ulan kundi nagsisibol lamang ng mga tinik at mga dawag. (Heb 6:7, 8) Ginamit naman ni Pedro ang salitang iyon upang ilarawan bilang ‘isinumpa’ yaong mga mapag-imbot, na “may mga matang punô ng pangangalunya” at nang-aakit ng mga kaluluwang di-matatag.—2Pe 2:14.
Ang salitang a·naʹthe·ma ay literal na nangangahulugang yaong “itinalaga” at orihinal na tumutukoy sa mga ipinanatang handog na itinatalaga o ibinubukod sa isang templo bilang sagrado. (Tingnan ang Luc 21:5, kung saan ginamit ang isang kaugnay na salita.) Sa Griegong Kasulatan, ginagamit ng mga manunulat ng Bibliya ang a·naʹthe·ma upang kumapit doon sa isinumpa o sasailalim sa pagsumpa at, samakatuwid, ibinukod bilang masama. Kaya naman sumulat si Pablo sa mga taga-Galacia (1:8) na dapat nilang ituring na ‘isinumpa’ ang sinuman (kahit mga anghel) na nagpapahayag sa kanila ng anumang bagay bilang mabuting balita kung salungat ito doon sa kanilang tinanggap. Yaong mga “walang pagmamahal sa Panginoon” ay nakatakda ring sumpain. (1Co 16:22) Sa kaniyang matinding pagkabagabag dahil sa kaniyang mga kapuwa Israelita na hindi tumanggap sa Kristo, sinabi ni Pablo na mas nanaisin pa niya na siya mismo ay “ihiwalay mula sa Kristo bilang ang isinumpa” alang-alang sa kanila. (Ro 9:3) Sa ibang mga kalagayan, maliwanag na ginagamit ang a·naʹthe·ma upang tumukoy sa pagpapahayag ng isang panunumpa [oath], na kung hindi tutuparin o kung magbubulaan ay nilayong magdulot ng isang sumpa [curse], gaya sa kaso ng 40 lalaking gumawa ng isang pinanumpaang sabuwatan na patayin si Pablo. (Gaw 23:12-15, 21) Ginamit ang mga salitang ka·ta·the·ma·tiʹzo at a·na·the·ma·tiʹzo may kaugnayan sa pagkakaila ni Pedro kay Kristo. (Mat 26:74; Mar 14:71) Sa diwa, sinabi ni Pedro na sana’y ‘sumpain siya o ibukod bilang masama kung kilala niya ang taong iyon.’
Sa Apocalipsis 22:3, ipinangangako may kinalaman sa Bagong Jerusalem na “hindi na magkakaroon pa ng anumang sumpa [ka·taʹthe·ma].” Waring ito ay kabaligtaran ng sinapit ng makalupang Jerusalem, na sumailalim sa sumpa ng Diyos. Kabaligtaran din ito ng isinumpang kalagayan na sasapit sa makasagisag na lunsod ng Babilonyang Dakila bilang resulta ng hatol ng Diyos laban sa kaniya. Ang anathema na binigkas laban sa kaniya ay maliwanag na makikita sa utos na mababasa sa Apocalipsis 18:4-8.—Tingnan din ang 2Co 6:17.
Sa Griegong Septuagint, sa pangkalahatan ay ginamit ng mga tagapagsalin ang a·naʹthe·ma bilang salin ng Hebreong cheʹrem.—Tingnan ang NAKATALAGANG BAGAY.
3. [sa Ingles, malediction]. Sa literal, pagsasalita ng masama laban sa isa, samakatuwid ay kabaligtaran ng pagpapala. Ang salitang Hebreo na qela·lahʹ ay pangunahin nang tumutukoy sa gayong pagsumpa at, sa maraming teksto, palaging ipinakikita ang pagkakaiba nito sa “pagpapala.” (Gen 27:12, 13; Deu 11:26-29; Zac 8:13) Hinalaw ito sa pandiwang salitang-ugat na qa·lalʹ, na literal na nangangahulugang “maging magaan”; ngunit kapag ginagamit sa makasagisag na diwa, ito ay nangangahulugang “sumpain,” “hamakin.” (Exo 18:22; Lev 20:9; 2Sa 19:43) Ito ang salitang ginamit ni David nang sabihin niya kay Mical na siya’y “magpapakahamak” pa nang higit kaysa sa akusasyon sa kaniya ni Mical. (2Sa 6:20-22) Ginamit ito ng Diyos na Jehova pagkatapos ng Baha nang sabihin niya na hindi na niya muling “susumpain ang lupa dahil sa tao.”—Gen 8:21.
Ang Layunin ng mga Sumpa ng Diyos. Ang isang layunin ng mga sumpa ng Diyos ay linawin kung sino ang kaniyang sinang-ayunang mga lingkod at kung sino ang hindi, yamang ang mga sumpa ay nagpapakita ng di-pagsang-ayon ng Diyos, kung paanong ang kaniyang mga pagpapala ay nagpapakita ng pagsang-ayon niya. Kaya nang mangako siya ng pagpapala kay Abraham, sinabi rin ni Jehova na “siya na sumusumpa [isang pandiwaring anyo ng qa·lalʹ] sa iyo ay susumpain ko.” (Gen 12:3) Sa gayon, kapag hindi sinabi kung sino ang susumpain, ang sumpa ay nagsisilbi ring isang babalang patnubay at isang proteksiyon para roon sa mga nais magtamo o magpanatili ng pabor ng Diyos. Ang Kautusang Mosaiko ay espesipikong bumanggit ng maraming pagpapala at sumpa, anupat lahat ng ito ay depende sa gagawin nilang pagkakapit ng mga batas at ordinansa ng Kautusan. (Deu 28:1, 2, 15) Bago pumasok sa Lupang Pangako, idiniin ni Moises na ang bansa, bilang mga indibiduwal at bilang isang grupo, ay dapat pumili sa pagitan ng pagpapala at ng sumpa at na gagawin nila ito sa pamamagitan ng pagsunod o ng pagsuway. (Deu 30:19, 20) Inulit ni Josue ang nagsasanggalang na payo at babalang ito sa loob ng Lupang Pangako. (Ihambing ang Jos 8:32-35; 24:14, 15.) Samakatuwid, ang mga indibiduwal ay may magagawa upang maiwasan nilang sumailalim sa ipinahayag na mga sumpa.
Ipinakikita rin ng sumpa na hindi maaaring ipagwalang-bahala o hamakin ang mga simulain ng Diyos at ang kaniyang ipinahayag na mga layunin. Ang mataas na saserdoteng si Eli ay tumanggap ng espesipikong sumpa dahil naging kunsintidor siya sa kaniyang mga anak at hindi niya sinaway ang mga ito, bagaman “isinusumpa [ng mga ito] ang Diyos.” (1Sa 3:13) Sinabi ni Jehova sa kaniya ang alituntunin na “yaong mga nagpaparangal sa akin ay pararangalan ko, at yaong mga humahamak sa akin ay magiging walang kabuluhan [mula sa anyong salitang-ugat na qa·lalʹ].” (1Sa 2:30) Sa gayon, kaakibat ng sumpa ng Diyos ang makatarungang kagantihan para sa masamang gawa. Maaari itong ilapat kaagad, gaya ng ginawa sa nangungutyang mga bata na isinumpa ni Eliseo sa pangalan ni Jehova (2Ha 2:24), o maaari itong ipagpaliban sa ibang pagkakataon, gaya noong sabihan ng Diyos si Haring Josias may kinalaman sa kapahamakang sasapit sa Juda. (2Ha 22:19, 20) Binabalaan ni Jehova ang bansang Israel na ang paglabag sa kaniyang mga kautusan ay magdudulot ng di-matatakasang mga suliranin, na sinasabi: “Ang lahat ng mga sumpang ito ay tiyak na darating sa iyo at tutugis sa iyo at aabot sa iyo hanggang sa malipol ka, sapagkat hindi ka nakinig sa tinig ni Jehova na iyong Diyos sa pamamagitan ng pagtupad sa kaniyang mga utos at sa kaniyang mga batas na iniutos niya sa iyo.” (Deu 28:45) Bagaman inihula niya sa simpleng pananalita ang kanilang pagkatiwangwang at pagkatapon, hindi sila nakinig, at sa gayon ang Jerusalem ay naging “isang sumpa sa lahat ng mga bansa sa lupa.”—Jer 26:6; 24:9; Deu 29:27.
Pagpapawalang-bisa sa mga Sumpa. Ang isang sumpa ay maaaring pawalang-bisa o alisin ni Jehova, ngunit tangi lamang kung natutugunan ang kaniyang makatarungang mga kahilingan. Waring ganito ang nangyari sa orihinal na sumpa laban sa lupa, anupat maliwanag na winakasan ito ng Baha na pumawi sa kabalakyutan sa daigdig. (Gen 8:21) Ang pagkabigo ng Israel na masunod ang tipang Kautusan ay nagdulot ng sumpa sa buong bansa, pati na sa mga nagsikap na sundin ang mga kundisyon nito (bagaman hindi nila nasunod ang mga ito nang lubusan). Ipinakita ng apostol na si Pablo na ito ang dahilan kung bakit sa isang pahirapang tulos namatay si Kristo Jesus. (Gal 3:10-13) Sa gayong paraan, bagaman lubusang natupad ni Jesus ang Kautusan, inako niya ang sumpang nakapataw sa lahat ng nasa ilalim ng Kautusang iyon. Sinasabi sa Deuteronomio 21:23: “Sapagkat yaong nakabitin [sa tulos] ay isang bagay na isinumpa [sa literal, isang sumpa] ng Diyos.” Sa pamamagitan ng pagpapako kay Jesus sa tulos gaya ng isang kriminal, anupat sinentensiyahan (bagaman hindi makatarungan) ng makasaserdoteng hukumang Judio, siya, sa diwa, ay naging “isang sumpa.” Pagkatapos nito, nang maiharap na ni Jesus ang halaga ng kaniyang hain sa langit, kinansela ng Diyos ang Kautusan. Nang tanggapin ng Diyos ang hain, makasagisag na ipinako niya sa tulos ang Kautusan, at legal na naalis ang sumpang kalakip ng Kautusang iyon. (Col 2:14) Palibhasa’y itinuring na isang sumpa ang katawan ni Jesus, at upang tuparin din ang kahilingan ng Kautusan para hindi malapastangan ang Sabbath, inapura ng mga Judio na maalis ang bangkay ni Jesus at ng mga salarin mula sa tulos bago magwakas ang araw na iyon.—Deu 21:23; Ju 19:31.
Ano ang tumitiyak na matutupad ang isang sumpa?
Bagaman maaaring bumigkas ng mga sumpa ang mga indibiduwal, ang katuparan ng mga ito ay lubusang nakadepende sa Diyos, sa kaniyang mga simulain, at sa kaniyang mga layunin. Nabale-wala ang ‘pagsumpa ni Goliat kay David sa pamamagitan ng kaniyang huwad na mga diyos.’ (1Sa 17:43) Pinangyari ni Jehova na ang sumpa ni Balaam ay maging pagpapala. (Deu 23:4, 5; Jos 24:9, 10) Dahil kinilala ni David na tanging si Jehova ang makapagpapangyaring matupad ang isang sumpa, tinanggihan niya ang kahilingan ng galít na si Abisai na pahintulutan siyang pumaroon at ‘tagpasin ang ulo’ ni Simei, na may-pang-aabusong sumusumpa noon kay David. Sinabi ni David: “Pabayaan ninyo siya upang siya ay makasumpa, sapagkat gayon ang sinabi ni Jehova sa kaniya! Marahil ay ititingin ni Jehova ang kaniyang mata, at isasauli nga sa akin ni Jehova ang kabutihan sa halip na ang kaniyang sumpa sa araw na ito.” (2Sa 16:5-12; ihambing ang Aw 109:17, 18, 28.) Espesipikong hinahatulan ng Salita ng Diyos ang pagsumpa sa sariling mga magulang (Exo 21:17; Lev 20:9; Kaw 20:20), sa Diyos (Exo 22:28; Lev 24:11, 14, 15, 23), o sa hari (Ec 10:20), at inilalantad nito yaong mga bumibigkas ng pagpapala sa pamamagitan ng kanilang mga bibig samantalang “sa loob nila ay sumusumpa sila.”—Aw 62:4.
Noong narito si Kristo Jesus sa lupa, bilang tagapagsalita ng Diyos ay bumigkas siya, sa diwa, ng mga sumpa laban sa relihiyosong mga tagaakay at mga Pariseo dahil sa kusang-loob na pagsalansang nila sa layunin ng Diyos. (Mat 23:13-33) Maliwanag na ‘isinumpa’ ng apostol na si Pedro sina Ananias at Sapira dahil sa pagbubulaan sa Diyos, anupat kaagad silang namatay bilang resulta nito. (Gaw 5:1-11) Waring ganito rin ang ginawa ng apostol na si Pablo sa bulaang propeta at manggagaway na si Elimas, na kaniyang tinawag na “anak ng Diyablo” at “kaaway ng bawat bagay na matuwid,” anupat pansamantala itong nabulag. (Gaw 13:6-12) Ang mga pagkilos na iyon ay nagkaroon ng mabuting epekto sa mga nakasaksi sa mga iyon. Gayunman, ang gayong kapangyarihan ng mga apostol ay hindi nagbigay ng awtoridad, o ng kalayaan, sa iba upang bumigkas ng sumpa. Binabalaan ni Santiago ang mga Kristiyano laban sa di-wastong paggamit ng dila sa pagsumpa sa mga tao.—San 3:9-12; ihambing ang Aw 109:17, 18 sa Col 3:8-10.
Bagaman iniuulat ng kasaysayan na pagkaraan ng panahong apostoliko at noong sumunod na mga siglo, ang mga relihiyosong organisasyon ay naglathala ng maraming “anatema” at “interdiksiyon” laban sa mga indibiduwal, mga lunsod, at mga bansa, ipinakikita rin nito na ang ahenteng ginamit upang gawing epektibo ang gayong sumpa, sa lahat ng kaso, ay hindi ang kapangyarihan ng Diyos kundi ang makalupang kapangyarihan ng isang simbahan o ng sekular na estado. Kabaligtaran nito, sa Awit 37:3-9, 22, pinapayuhan tayong maghintay kay Jehova, yamang “ang mga pinagpapala niya ang siyang magmamay-ari ng lupa, ngunit ang mga isinusumpa niya ay lilipulin.” Kalakip ang gayong “pagkalipol” sa sumpang binigkas ni Jesus laban sa isinumpang uring “kambing” sa kaniyang makahulang talinghaga sa Mateo 25:31-46. May kaugnayan sa ‘mga bagong langit at isang bagong lupa,’ inihula rin na ang mga makasalanan ay susumpain.—Isa 65:17, 20.