GALILEA, DAGAT NG
Isang tubig-tabang na lawa sa H Palestina na tinatawag ding Dagat ng Kineret (Bil 34:11), Lawa ng Genesaret (Luc 5:1), at Dagat ng Tiberias (Ju 6:1). (Ang salitang Griego na isinaling “dagat” ay maaari ring mangahulugang “lawa.”)—MAPA, Tomo 2, p. 740; MGA LARAWAN, Tomo 1, p. 336, at Tomo 2, p. 740.
Laki at Topograpiya ng Lugar. Ang Dagat ng Galilea ay mga 210 m (700 piye) ang kababaan mula sa kapantayan ng Dagat Mediteraneo at bahagi ng Rift Valley ng Jordan. Ang pinakamalalim na bahagi nito ay mga 48 m (157 piye). Mula H hanggang T, ang katubigang ito ay may haba na mga 21 km (13 mi), at ang pinakamalapad na bahagi nito ay mga 12 km (7.5 mi). Depende sa kapanahunan, nagbabagu-bago ang kulay ng malinaw na tubig ng Dagat ng Galilea mula sa luntian hanggang sa asul, at ang katamtamang temperatura ng tubig ay mula sa 14° C. (57° F.) kung Pebrero hanggang sa 30° C. (86° F.) kung Agosto. Ang tubig ng lawang ito ay pangunahin nang nagmumula sa Ilog Jordan.
Ang pinakasahig ng Dagat ng Galilea ay kahawig ng isang napakalaking palanggana. Ang S baybayin nito ay may matatarik na bundok na batong-apog na may lava sa ibabaw, anupat umaabot sa taas na mga 610 m (2,000 piye). Ngunit sa K ay hindi gaanong matatarik ang mga bundok. Ang Dagat ng Galilea ay halos napalilibutan ng mga burol at mga bundok, maliban sa mga kapatagan sa palibot ng Jordan, samakatuwid nga, sa mga dako kung saan ang ilog ay bumubuhos sa lawa sa H dulo at kung saan muli itong umaagos sa TK. Ang lugar sa dakong H ay may napakalalaking mga batong basalto. Di-kalayuan sa T ng lunsod ng Tiberias sa K baybayin, may maiinit na bukal ng asupre na matagal nang bantog dahil sa nakapagpapagaling na tubig nito. Ang isa sa pitong bukal doon ay may temperatura na 58° C. (136° F.).
Klima. Dahil mainit ang klima sa palibot ng Dagat ng Galilea, tumutubo roon ang tropikal na mga halaman gaya ng tinikang lotus, mga palma, at mga halamang indigo. May matatagpuang mga pagong, maliliit na ulang, at mga sandhopper sa mga baybayin ng lawang ito. Marami roong ibon at isda. Noong ika-19 na siglo, ang naturalistang si H. B. Tristram ay nagsabi: “Ang kapal ng mga kawan ng isda sa Dagat ng Galilea ay hindi mauubos-maisip niyaong hindi pa nakakakita nito. Ang mga kawang ito ay kadalasan nang sumasaklaw ng isang akre o mahigit pa sa ibabaw ng tubig at ang mga isda, habang marahang lumalangoy nang pulu-pulutong, ay nagsisiksikan, na ang nakalitaw lamang sa tubig ay ang mga palikpik nila sa likod, anupat sa di-kalayuan ay parang may napakalakas na ulan na pumapatak sa ibabaw ng tubig.”—The Natural History of the Bible, 1889, p. 285.
Karaniwan lamang sa lawang iyon ang biglaang pagbagyo, gaya niyaong mga naranasan ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga alagad. (Mat 8:24; 14:24) Dahil mababa ang Dagat ng Galilea, ang temperatura ng hangin doon ay mas mainit kaysa sa nakapalibot na mga talampas at mga bundok. Nagiging dahilan ito ng biglaang pagbabago sa atmospera. Isa pa, bumubugso ang malalakas na hangin pababa sa Libis ng Jordan mula sa Bundok Hermon na nababalutan ng niyebe, di-kalayuan sa dakong H.
Noong unang siglo C.E., matao ang mga baybayin ng lawang ito. Ngunit sa ngayon, sa siyam na lunsod na binanggit ni Josephus na nasa tabi ng Dagat ng Galilea, ang Tiberias na lamang ang natitira.
Ang Ministeryo ni Jesus sa Lugar na Ito. Ang katubigang ito ay naging prominente sa ministeryo ni Jesus sa lupa. Sa ilang pagkakataon, nagsalita ang Anak ng Diyos mula sa isang bangka sa malalaking pulutong na nagkakatipon sa malawak at mabatong baybayin nito. (Mar 3:9; 4:1; Luc 5:1-3) Sa isa sa mga okasyong ito ay pinangyari niya na makahimalang makahuli ng maraming isda ang ilan sa kaniyang mga alagad at tinawag niya sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan upang maging “mga mangingisda ng mga tao.” (Mat 4:18-22; Luc 5:4-11) Nagsagawa si Jesus ng maraming makapangyarihang gawa sa kapaligiran ng Dagat ng Galilea. Nagpagaling siya ng mga maysakit, nagpalayas ng mga demonyo (Mar 3:7-12), nagpakalma ng hangin at ng dagat (Mar 4:35-41), at lumakad sa ibabaw ng tubig (Ju 6:16-21); minsan ay makahimala siyang nagpakain ng mahigit 5,000 katao, at noong isang pagkakataon naman ay nagpakain siya ng mahigit 4,000, anupat sa bawat pagkakataon ay pinarami niya ang ilang piraso ng tinapay at ang ilang isda. (Mat 14:14-21; 15:29, 34-38) Tama lamang na hatulan ni Jesus ang tatlong lunsod sa lugar na ito, ang Corazin, Betsaida, at Capernaum, dahil hindi tumugon ang mga naninirahan sa mga iyon sa maraming makapangyarihang gawa na nasaksihan nila.—Mat 11:20-24.
Pagkatapos na buhayin siyang muli mula sa mga patay, nagpakita si Jesus sa ilan sa kaniyang mga alagad sa tabi ng Dagat ng Galilea at pinangyari niya na makahimala silang makahuli ng maraming isda sa ikalawang pagkakataon. Pagkatapos ay idiniin niya ang kahalagahan ng pagpapakain sa kaniyang mga tupa.—Ju 21:1, 4-19.