KOHATITA
[Ni (Kay) Kohat].
Isang inapo ni Kohat, na ulo ng pamilya at isa sa tatlong anak ni Levi. (Gen 46:11; Bil 26:57) Ang “mga Kohatita” o “mga anak ni Kohat” ay nahahati sa apat na pamilya, na mga inapo ng apat na anak ni Kohat: ang mga Amramita, Izharita, Hebronita, at Uzielita. (Bil 3:19, 27) Ang kanilang pinuno noong panahong magkampo ang Israel sa Bundok Sinai (1513 B.C.E.) ay si Elisapan na anak ni Uziel.—Bil 3:30.
Sina Moises at Aaron ay mga Kohatita na mula sa pamilyang Amramita (Exo 6:18, 20); ang mapaghimagsik na si Kora ay isang Kohatita na mula sa pamilya ng mga Izharita (Bil 16:1), gaya rin ng tapat na propetang si Samuel.—1Sa 1:1, 19, 20; 1Cr 6:33-38.
Isiniwalat ng sensus na kinuha sa Ilang ng Sinai na 8,600 lalaki, na may gulang na isang buwan pataas, ang kabilang sa mga pamilya ng mga Kohatita. (Bil 3:27, 28) Ayon sa ilang manuskrito ng Griegong Septuagint, ang bilang ay 8,300. Kung ang mas maliit na bilang na ito ay idaragdag sa 7,500 at sa 6,200 ng Bilang 3:22, 34, ang kabuuan ay magiging 22,000—ang mismong numero na masusumpungan sa Bilang 3:39. Ang kanilang kalalakihan na ang edad ay nasa pagitan ng 30 at 50 taon na “pumasok sa pangkat na naglilingkod para sa paglilingkod sa tolda ng kapisanan” ay may bilang na 2,750.—Bil 4:34-37.
Noong panahon ng paglalakbay sa ilang, ang mga Kohatita ay inatasang magkampo sa T na panig ng tabernakulo (Bil 3:29), sa pagitan niyaon at ng kampamento ng mga tribo nina Ruben, Simeon, at Gad. (Bil 2:10, 12, 14) Pribilehiyo at pananagutan ng mga Kohatita na dalhin ang kaban ng tipan, ang mesa ng tinapay na pantanghal, ang kandelero, ang mga altar, at ang mga kagamitan ng dakong banal, gayundin ang pantabing ng Kabanal-banalan (Bil 3:30, 31) pagkatapos na ang mga ito ay mailigpit at matakpan ni Aaron at ng kaniyang mga anak, na mga Kohatita rin. Maliban kay Aaron at sa kaniyang mga anak, hindi pinahihintulutan ang mga Kohatita na tingnan ang mga kagamitan kahit saglit man lamang o hipuin ang dakong banal, sapagkat ang paggawa niyaon ay mangangahulugan ng kamatayan. (Bil 4:4-15, 20) Bagaman pinaglaanan ng Israel ang mga Levita ng mga baka at mga karwahe para sa paglilipat ng mga kagamitan ng tabernakulo, ang mga Kohatita ay hindi binigyan ng mga ito. Tiyak na dahil sagrado ang mga bagay na nakaatas sa kanila, pinapasan nila sa balikat ang mga ito. (Bil 7:2-9) Sa mga Levita, sila ang huling umaalis mula sa kampamento.—Bil 10:17-21.
Pagkatapos ng pananakop sa Canaan, nang iatas sa mga Levita ang partikular na mga lunsod, ang mga Kohatita ay tumanggap ng 23; ang “mga anak” ni Aaron (samakatuwid nga, ang mga Kohatita) ay inatasan ng 13 lunsod mula sa mga teritoryo ng Juda, Simeon, at Benjamin, at ang natitirang mga Kohatita naman ay inatasan ng 10 iba pang mga lunsod mula sa mga teritoryo ng Efraim, Dan, at ng kalahati ng tribo ni Manases.—Jos 21:1-5, 9-26; 1Cr 6:54-61, 66-70.
Si Heman, isang Kohatita na mula sa pamilya ni Izhar, ay binigyan ni David ng isang katungkulang may kaugnayan sa pag-awit sa santuwaryo ni Jehova. (1Cr 6:31-38) Isang daan at dalawampung Kohatita, sa ilalim ng kanilang pinunong si Uriel, ang kabilang sa mga inatasan ni David na magdala ng kaban ni Jehova mula sa bahay ni Obed-edom patungo sa Jerusalem, at sa okasyong ito ay may malaking papel na ginampanan si Heman sa musika at pag-awit. (1Cr 15:4, 5, 11-17, 19, 25) Ayon sa Unang Cronica, nang hatiin ni David ang mga Levita ayon sa mga grupo, o mga pangkat, ang ilan sa mga Kohatita ay inatasang maging mga mang-aawit (25:1, 4-6) at mga bantay ng pintuang-daan (26:1-9); ang iba ay nangasiwa sa mga imbakan at sa mga bagay na pinabanal (26:23-28); at ang iba pa ay nagsilbing mga opisyal, mga hukom, at mga administrador. (26:29-32) Ang ilang Kohatita ay nag-asikaso sa pagluluto at paghahanda ng magkakapatong na tinapay para sa Sabbath.—1Cr 9:31, 32.
Pinuri ng mga Kohatita si Jehova nang malaman nila na pagtatagumpayin niya ang Juda, sa ilalim ni Jehosapat, laban sa pinagsama-samang mga hukbo ng Ammon, Moab, at Seir. (2Cr 20:14-19) Noong panahon ni Haring Hezekias, tumulong ang mga Kohatitang Levita sa paglilinis ng bahay ni Jehova. (2Cr 29:12-17) Ang mga Kohatitang sina Zacarias at Mesulam ay kasama sa mga gumanap bilang mga tagapangasiwa nang kumpunihin ni Haring Josias ang templo.—2Cr 34:8-13.