‘Mula sa mga Bundok ay Magmimina Ka ng Tanso’
Isang pangkat ng mga arkeologo ang nanggagalugad sa mga bangin at kuweba sa iláng ng Juda nang marating ng mga miyembro nito ang isang kuweba sa tuktok ng isang napakatarik na dalisdis. Makakakita kaya sila ng mahahalagang bagay, marahil katulad ng sinaunang mga bagay o manuskrito na gaya ng Dead Sea Scrolls? Nagulat sila nang matuklasan nila ang koleksiyon ng mahahalagang bagay, na nang maglaon ay tinawag na Nahal Mishmar.
NAKATAGO sa isang awang at nakabalot sa banig na tambo, ang koleksiyong iyon ay natagpuan noong Marso 1961. Binubuo ito ng mahigit 400 bagay na karamihan ay yari sa tanso. Kasama rito ang iba’t ibang korona, setro, kasangkapan, pamalo, at iba pang sandata. Interesado sa tuklas na ito ang mga nagbabasa ng Bibliya dahil sa pagtukoy ng Genesis 4:22 kay Tubal-cain na “panday ng bawat uri ng kasangkapang tanso at bakal.”
Marami pa ring tanong tungkol sa pinagmulan ng nakaimbak na yamang iyon. Gayunman, ang mga tuklas na ito ay nagpapakita na ang pagmimina, pagtutunaw, at paghuhulma ng tanso ay matagal nang ginagawa sa mga lupain sa Bibliya.
MGA LUGAR NA MAY TANSO SA LUPANG PANGAKO
Bago pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, sinabi sa kanila ni Moises: “Mula sa mga bundok [ng lupain] ay magmimina [kayo] ng tanso.” (Deuteronomio 8:7-9) Natuklasan ng mga arkeologo sa Israel at Jordan ang maraming lugar ng sinaunang minahan at tunawan ng tanso, gaya ng Feinan, Timna, at Khirbat en-Nahas. Ano ang isinisiwalat ng mga lugar na ito?
Nagkalat sa lupain ng Feinan at Timna ang mabababaw na hukay, kung saan nagmina ng tanso ang mga minero sa loob ng di-kukulanging 2,000 taon. Hanggang sa ngayon, makakakita pa rin ang mga turista ng kulay-berdeng pira-pirasong bato na may tanso. Gamit ang mga kasangkapang yari sa bato, manu-manong tinitiktik ng mga sinaunang minero ang ibabaw ng bato para makuha ang tanso mula sa mga suson nito. Kapag wala nang tansong makuha, humuhukay sila nang mas malalim gamit ang mga kasangkapang metal. Pinalalaki nila ang mga kuweba at gumagawa ng mga daanan at lagusan. Mababasa natin ang paglalarawan ng gayong pagmimina sa aklat ng Bibliya na Job. (Job 28:2-11) Mabigat na trabaho ito. Sa katunayan, mula noong ikatlo hanggang ikalimang siglo C.E., sinisintensiyahan ng mga awtoridad na Romano ang pusakal na mga kriminal at iba pang bilanggo na magtrabaho sa mga minahan ng tanso sa Feinan.
Makikita ang pagkalaki-laking mga bunton ng maruming linab sa Khirbat en-Nahas (nangangahulugang “Mga Guho ng Tanso”), na nagpapahiwatig na doon tinutunaw ang tanso. Naniniwala ang mga iskolar na dinadala roon ang mga inambato mula sa kalapit na mga minahan, gaya ng Feinan at Timna. Upang maihiwalay ang tanso mula sa inambato, gumagamit ang mga minero ng mga tubong pang-ihip at bulusang pampaa para painitin ang baga nang hanggang mga 1,200 digri Celsius sa loob ng walo hanggang sampung oras. Karaniwang kailangan ng limang-kilong inambato para makagawa ng halos isang kilo ng barang tanso, na maaaring ihulma at gawing iba’t ibang bagay.
PAGGAMIT NG TANSO SA SINAUNANG ISRAEL
Sa Bundok Sinai, espesipikong ipinag-utos ng Diyos na Jehova na gamitin ang miniminang makináng na metal na ito para sa pagtatayo ng tabernakulo, at nang maglaon ay sa pagtatayo ng templo sa Jerusalem. (Exodo, kabanata 27) Maaaring may kaalaman na sa pagpaplatero ang mga Israelita bago sila pumunta sa Ehipto o marahil ay natutuhan nila ito roon. Noong umalis sila sa Ehipto, nakagawa sila ng binubong guya at maraming kagamitang tanso na kailangan sa paglilingkod sa tabernakulo gaya ng malalaking palanggana, kaldero, kawali, pala, at tinidor.—Exodo 32:4.
Noong naglalakbay naman sila sa iláng, marahil sa Punon (malamang ang makabagong-panahong Feinan), isang lugar na mayaman sa tanso, nagreklamo ang bayan tungkol sa manna at suplay ng tubig. Bilang parusa, nagsugo si Jehova ng makamandag na mga ahas, at marami ang namatay. Matapos magsisi ang mga Israelita, namagitan si Moises, at inutusan siya ni Jehova na gumawa ng tansong serpiyente at ilagay ito sa isang tulos. Sinasabi ng ulat: “Nangyari nga na kapag nakagat ng serpiyente ang isang tao at tumitig siya sa tansong serpiyente, siya ay nananatiling buháy.”—Bilang 21:4-10; 33:43.
ANG MGA TANSO NI HARING SOLOMON
Gumamit ng napakaraming tanso si Haring Solomon sa templo sa Jerusalem. Karamihan dito ay nakuha ng kaniyang amang si David sa pananakop sa mga Siryano. (1 Cronica 18:6-8) Ang tansong “binubong dagat,” ang napakalaking palanggana na ginagamit ng mga saserdote sa paghuhugas, ay makapaglalaman ng 66,000 litro at maaaring tumimbang nang hanggang 30 tonelada. (1 Hari 7:23-26, 44-46) Pagkatapos, may dalawang pagkalaki-laking haliging tanso sa pasukan ng templo. Ang mga ito ay may taas na 8 metro at may mga kapital na mga 2.2 metro ang taas. Ang mga haligi ay hungkag, na may kapal na 7.5 sentimetro, at 1.7 metro ang diyametro. (1 Hari 7:15, 16; 2 Cronica 4:17) Nakalulula ang dami ng tansong ginamit sa paggawa pa lang ng mga ito.
Ginagamit din ang tanso sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao noong panahon ng Bibliya. Halimbawa, mababasa natin ang tungkol sa mga sandata, pangaw, instrumentong pangmusika, at pintong yari sa tanso. (1 Samuel 17:5, 6; 2 Hari 25:7; 1 Cronica 15:19; Awit 107:16) Binanggit ni Jesus ang tungkol sa perang “tanso” para sa mga supot, at tinukoy naman ni apostol Pablo si “Alejandro na panday-tanso.”—Mateo 10:9; 2 Timoteo 4:14.
Marami pang tanong ang dapat sagutin ng mga arkeologo at istoryador tungkol sa mga pinagmulan ng maraming bagay na yari sa tanso noong panahon ng Bibliya, pati na rin ang misteryo sa koleksiyon ng Nahal Mishmar. Gayunman, pinatutunayan ng mga ulat sa Bibliya na ang lupaing minana ng mga Israelita ay talagang “isang mabuting lupain, . . . at mula sa mga bundok niyaon ay magmimina [sila] ng tanso.”—Deuteronomio 8:7-9.