Isinasabalikat ang Pananagutan ng Pangangalaga sa Pamilya
“MGA ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Sa kinasihang mga salitang iyan, maliwanag na inilagay ni apostol Pablo ang pananagutan ng pangangalaga sa pamilya sa nararapat kalagyan nito—sa mga balikat ng ama.
Sa karamihan ng mga pamilya, ang ama ay hindi nag-iisa sa pangangalaga sa kaniyang mga anak. Ang kaniyang asawa, ang ina ng kaniyang mga anak, ay nalulugod na makituwang sa kaniyang asawa sa pagdadala ng pasan. Kaya naman, ipinahayag ni Haring Solomon: “Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang batas ng iyong ina.”—Kawikaan 1:8.
Materyal at Espirituwal na Pangangalaga
Hindi kinukusa ng mga magulang na nagmamahal sa kanilang mga anak na ang mga ito’y pabayaan. Sa katunayan, kung gagawin ito ng mga Kristiyano ay para na rin nilang tinalikuran ang kanilang pananampalataya, ayon sa mahihinuha natin mula sa mga salita ni Pablo kay Timoteo: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para doon sa mga sariling kaniya, at lalo na para doon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong malala kaysa sa taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Natatanto ng mga Kristiyano na ang pagpapalaki sa mga anak sa “disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova” ay hindi lamang ang paglaanan sila sa materyal na paraan.
Isaalang-alang ang tagubilin ni Moises sa bansang Israel nang sila’y nagkakampo sa kapatagan ng Moab, noong sila’y malapit nang pumasok sa Lupang Pangako. Doon ay inulit-ulit niya sa kanila ang mga batas ng Diyos at sila’y tinagubilinan: “Dapat ninyong ilagak ang aking mga salitang ito sa inyong puso at sa inyong kaluluwa.” (Deuteronomio 11:18) Bago nito ay pinaalalahanan niya sila na kailangang ibigin nila si Jehova nang kanilang buong puso, kaluluwa, at buong lakas, anupat idinagdag pa niya: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay dapat na mapatunayang nasa iyong puso.” (Deuteronomio 6:5, 6) Napakahalaga para sa mga magulang na Israelita na patagusin ang Batas ng Diyos sa kanilang puso. Taglay ang pusong punung-puno ng espirituwal na pagpapahalaga, mabisang masusunod ng mga magulang na Israelita ang kasunod na sinabi ni Moises: “Dapat mong itimo [ang mga salita ng Batas ng Diyos] sa iyong anak at salitain ang mga ito kapag ikaw ay nauupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa daan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.”—Deuteronomio 6:7; 11:19; ihambing ang Mateo 12:34, 35.
Pansinin na dapat “itimo” ng mga ama ang mga salitang iyon sa kanilang mga anak at “salitain ang mga ito.” Binibigyang-katuturan ng Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary ang “itimo” bilang “ituro at ikintal sa pamamagitan ng madalas na pag-uulit o paalaala.” Kapag sinasalita ng mga magulang ang tungkol sa Batas ng Diyos araw-araw—sa umaga, tanghali, at gabi—malaki ang nagagawa nito sa mga anak. Habang nadarama ng mga kabataan ang pag-ibig na taglay ng kanilang mga magulang sa Batas ng Diyos, sila rin naman ay naiimpluwensiyahang maging malapit kay Jehova. (Deuteronomio 6:24, 25) Kapansin-pansin, partikular na tinagubilinan ni Moises ang mga ama na turuan ang kanilang mga anak ‘kapag sila’y nakaupo sa kanilang bahay.’ Ang gayong pagtuturo ay bahagi ng pangangalaga sa pamilya. Ngunit kumusta naman sa ngayon?
“Kapag Ikaw ay Nauupo sa Iyong Bahay”
“Hindi ito madali,” paliwanag ni Janet, isang Kristiyanong ina na may apat na anak.a “Kailangan mo ng tiyaga,” pagsang-ayon ni Paul, ang kaniyang asawa. Gaya ng marami pang ibang mga magulang na Saksi, sina Paul at Janet ay nagsisikap na pag-aralan ang Bibliya kasama ng kanilang mga anak kahit man lamang minsan sa isang linggo. “Sinisikap naming isagawa ang pampamilyang talakayan sa Bibliya tuwing Lunes ng gabi sa isang itinakdang oras,” paliwanag ni Paul na inaamin: “Pero hindi ito laging nasusunod.” Bilang isang inatasang matanda sa kaniyang kongregasyon, paminsan-minsan ay kinakailangan niyang umalis upang asikasuhin ang ilang mahahalagang bagay. Ang kaniyang dalawang nakatatandang anak ay naglilingkod bilang mga pambuong-panahong ministro. Nasumpungan nila na ang gabi ay mabungang panahon sa pakikipag-usap sa mga tao sa ministeryo. Kaya nga, bilang isang pamilya, isinaayos nila ang oras para sa kanilang pampamilyang pag-aaral. “Kung minsan ay ginagawa namin ang pag-aaral karaka-raka pagkakain namin ng hapunan,” paliwanag ni Paul.
Bagaman buong-katalinuhang ipinamamalas ng mga magulang na maaaring baguhin ang oras ng kanilang pampamilyang pag-aaral, sinisikap naman nilang mapanatili ang pagiging regular nito. “Kung kinakailangang baguhin ang oras ng aming pag-aaral,” sabi ng anak na si Clare, “laging inilalagay ni Dad ang bagong oras sa pinto ng fridge, para malaman naming lahat kung kailan.”
Ang pagtitipon para sa isang regular na pampamilyang pag-aaral ng Bibliya ay nagbibigay rin ng mainam na pagkakataon para sa mga nakababatang miyembro ng pamilya na masabi sa kanilang mga magulang ang kanilang mga álalahanín at mga suliranin. Nagiging mabisa ang gayong pag-aaral kapag ito’y hindi napakahigpit anupat binabasa na lamang ng mga kabataan sa aklat-aralin ng Bibliya na kanilang ginagamit ang mga sagot sa mga tanong. “Ang aming pampamilyang pag-aaral ay isang talakayan na bukás para sa lahat,” paliwanag ni Martin na may dalawang anak na lalaki. “Kapag kayo’y nagsasama-sama minsan sa isang linggo upang pag-usapan ang isang paksa sa Kasulatan, nakikita mo ang espirituwal na kalagayan ng iyong pamilya,” sabi niya. “Maraming bagay ang lumalabas sa pag-uusap. Nalalaman mo ang nangyayari sa paaralan, at higit na nakatutuwa, nakikita mo kung anong mga saloobin ang sumisibol sa iyong mga anak.” Ang kaniyang asawa, si Sandra, ay sumasang-ayon at nakadaramang siya man ay nakikinabang nang malaki sa pampamilyang pag-aaral. “Habang pinangangasiwaan ng aking asawa ang pag-aaral,” sabi niya, “marami akong natututuhan sa pakikinig sa paraan ng pagsagot ng aking mga anak sa kaniyang mga tanong.” Pagkatapos ay iniaangkop ni Sandra ang kaniyang mga komento upang matulungan ang kaniyang mga anak. Lalo niyang kinagigiliwan ang pag-aaral sapagkat siya’y may aktibong pakikibahagi. Oo, ang mga panahon ng pampamilyang pag-aaral ay nagbibigay sa mga magulang ng malalim na unawa sa pag-iisip ng kanilang mga anak.—Kawikaan 16:23; 20:5.
Makibagay at Magtiyaga
Sa oras ng inyong pampamilyang pag-aaral, baka masumpungan mong ang isang bata ay alerto at interesado, samantalang ang iba naman ay kailangan pang hikayatin upang magtuon ng pansin at makinabang. Isang Kristiyanong ina ang nagsabi: “Ganiyan talaga ang buhay ng may pamilya! Alam mo kung ano ang dapat mong gawin bilang isang magulang. Kaya kung mapananatili mo ito, si Jehova ay tumutulong at naglalaan ng bunga.”
Ang haba ng pakikinig ng isang bata ay maaaring may malaking pagkakaiba depende sa kaniyang edad. Isinasaalang-alang ito ng maunawaing magulang. Isang mag-asawa ang may limang anak, na ang mga edad ay mula 6 hanggang 20. Ang ama, si Michael, ay nagsabi: “Bigyan ninyo ng pagkakataon ang bunso na siyang unang sumagot sa mga tanong. Saka hayaan ang mga nakatatandang anak na magdagdag ng mga detalye at ipasok ang mga punto na kanilang pinaghandaan.” Ang paraang ito ng maunawaing pakikitungo sa kanilang mga anak ay magpapangyari sa mga magulang na maituro ang kahalagahan ng pagsasaalang-alang sa iba. “Maaaring nakaiintindi ang isa sa aming mga anak,” sabi ni Martin, “pero ang isa naman ay nangangailangang tulungan pa nang husto upang makuha niya ang punto. Nakita ko na ang sesyon ng pag-aaral ay nagiging isang sanayan para sa pagpapamalas ng Kristiyanong pagpapasensiya at iba pang bunga ng espiritu.”—Galacia 5:22, 23; Filipos 2:4.
Maging handa na pakibagayan ang magkakaibang kakayahan at antas ng paglaki ng iyong mga anak. Nasumpungan nina Simon at Mark, na ngayo’y mga tin-edyer na, na noong sila’y mga bata pa, talagang gustung-gusto nilang pag-aralan ang aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman kasama ng kanilang mga magulang. “Pinagaganap sa amin ng aming ama ang iba’t ibang bahagi na para bang isang dula,” paggunita nila. Naaalaala ng kanilang ama na siya’y lumuluhod at itinutuon ang mga kamay upang isadula ang talinghaga ng mabait na Samaritano kasama ng kaniyang mga anak. (Lucas 10:30-35) “Iyon ay nagiging makatotohanan at nakatutuwa.”
Maraming bata ang nagrereklamo sa rutin ng pampamilyang pag-aaral. Dapat bang makapigil ito sa mga magulang na pangasiwaan ang pag-aaral kahit nakaplano na? Hinding-hindi. “Ang kamangmangan ay nababalot sa puso ng bata,” sabi ng Kawikaan 22:15. Inakala ng isang nagsosolong ina na siya’y nabibigo bilang tagapangasiwa ng pampamilyang pag-aaral kapag, sa maraming pagkakataon, waring napipigil ng mga pang-abala ang sesyon. Ngunit nagtiyaga siya. Sa ngayon ay gayon na lamang ang respeto sa kaniya ng kaniyang mga anak at natutuhan nilang pahalagahan ang pag-ibig at pagmamalasakit na ipinakita niya sa pamamagitan ng pagtitiyaga sa pangangasiwa ng isang regular na pampamilyang pag-aaral.
Pagtulong sa mga Batang “Walang Ama”
Ang Kristiyanong matatanda ay dapat ‘magpastol sa kawan ng Diyos.’ (1 Pedro 5:2, 3) Ang pana-panahong pagdalaw sa mga pamilya na nasa kanilang kongregasyon ay nagbibigay sa kanila ng mga pagkakataon na papurihan ang mga magulang na nagsasabalikat ng kanilang Kristiyanong mga pananagutan. Kaninong balikat nakaatang ang pananagutan ng pagtuturo sa mga anak ng mga nagsosolong magulang? Huwag kailanman kalilimutan na ang pananagutan ng pagtuturo sa mga anak ay nakasalalay sa mga magulang.
Ang mabuting pagpapasiyang Kristiyano ay tutulong sa matatanda na makaiwas sa alanganing situwasyon na maaaring bumangon kung sakaling sila ang aako sa papel ng isa pang magulang. Bagaman dalawang brother ang maaaring dumalaw sa isang Kristiyanong sister na nagsosolong magulang, sila’y dapat na palaging nag-iingat sa kanilang mga plano bilang pag-alalay sa kaayusan ng pampamilyang pag-aaral. Paminsan-minsan, ang pag-aanyaya sa mga bata (at, mangyari pa, sa nagsosolong magulang) na sumama sa sariling pampamilyang pag-aaral ng matanda ay nakapagpapatibay at praktikal. Gayunman, huwag kailanman kalilimutan na si Jehova ang ating dakilang makalangit na Ama. Siya’y tiyak na naririto upang patnubayan at tulungan ang ina kapag pinangangasiwaan niya ang pag-aaral na kasama ng kaniyang mga anak, kahit na nagsosolo siya sa paggawa nito.
Kumusta naman kung halimbawang ang bata ang siyang palaisip sa espirituwal, ngunit ang kaniyang mga magulang naman ay bahagya lamang o walang pag-aasikaso sa kanilang espirituwal na mga pananagutan? Hindi kailanman dapat masiraan ng loob ang tapat na mga lingkod ni Jehova. “Ipinagkakatiwala ng sawi, ng batang lalaki na walang ama, ang kaniyang sarili sa iyo [Diyos na Jehova],” ang awit ng salmista. “Ikaw mismo ang naging kaniyang katulong.” (Awit 10:14) Gagawin naman ng maibiging matatanda sa kongregasyon ang pinakamabuti nilang magagawa upang mapasigla ang mga magulang habang pinangangalagaan ng mga ito ang sariling mga anak. Maaaring imungkahi nila ang isang pampamilyang talakayan at pagkatapos ay dumalo siya upang makapagbigay ng ilang praktikal na mungkahi kung paano makapag-aaral nang sama-sama. Mangyari pa, hindi nila aalisin ang pananagutan sa mga magulang, na siyang dapat magpasan nito ayon sa Kasulatan.
Ang mga batang may mga magulang na hindi yumayakap sa pananampalataya ay nangangailangan ng lubusang suporta. Ang pagsasali sa kanila sa inyong pampamilyang pag-aaral ay maaaring maging kapaki-pakinabang kung papayag ang kanilang mga magulang. Si Robert, na ngayo’y malaki na at may sarili nang pamilya, ay dumadalo noon sa mga Kristiyanong pagpupulong kasama ng kaniyang mga magulang noong siya’y tatlong taon pa lamang. May magaganda siyang alaala ng mga pulong na iyon kahit noong tigilan na ng kaniyang mga magulang ang pakikisama sa kongregasyong Kristiyano. Noong siya’y sampung taon, nakilala niya ang isang batang lalaking Saksi na nagsama sa kaniya sa mga pulong. Ang mga magulang ng batang lalaking Saksing ito ay malugod na kumupkop kay Robert bilang isang espirituwal na ulila at pagkaraan ay pinagdausan siya ng pag-aaral. Dahil sa maibiging pangangalagang ito, naging mabilis ang kaniyang pagsulong at ngayo’y maligayang naglilingkod bilang isang matanda sa kongregasyon.
Salansang man ang mga magulang sa pagsulong ng kanilang mga anak, ang mga anak ay hindi nag-iisa. Si Jehova ay nananatiling isang tapat na makalangit na Ama. “Ama ng mga batang lalaking walang ama . . . ang Diyos sa kaniyang banal na tahanan,” sabi ng Awit 68:5. Alam ng mga batang walang ama na sila’y makababaling sa kaniya sa panalangin, at siya ay susustine sa kanila. (Awit 55:22; 146:9) Ang tulad-inang organisasyon ni Jehova ay masikap na tutupad sa pananagutan nito na maghanda ng kasiya-siyang espirituwal na pagkain na inihahain sa pamamagitan ng mga publikasyon nito at sa mga pulong ng mahigit na 85,000 kongregasyong Kristiyano sa buong daigdig. Kaya nga, sa espirituwal na tulong mula sa ating Ama, si Jehova, at sa kaniyang tulad-inang organisasyon, maging ang “walang ama” ay makapagtatamasa sa paano man ng pag-aaral sa Bibliya.
Ang mga Kristiyanong magulang na nagsasagawa ng regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya sa kanilang mga anak ay karapat-dapat papurihan. Ang mga nagsosolong magulang na matiyagang nagsasanay sa kanilang mga anak ayon sa mga daan ni Jehova ay nararapat sa pantanging atensiyon at papuri dahil sa kanilang mga pagsisikap. (Kawikaan 22:6) Lahat ng nagmamalasakit sa mga batang walang ama sa espirituwal ay nakaaalam na ito’y nakapagpapalugod sa ating makalangit na Ama, si Jehova. Ang pangangalaga sa espirituwal na mga pangangailangan ng pamilya ay isang mabigat na pananagutan. Subalit ‘huwag kang manghihimagod, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani ka kung hindi ka manghihimagod.’—Galacia 6:9.
[Talababa]
a Pinalitan ang ilang pangalan.
[Larawan sa pahina 23]
Ang pampamilyang pag-aaral ng Bibliya ay nagbibigay ng mainam na pagkakataon para sa mga nakababatang miyembro ng pamilya na masabi sa kanilang mga magulang ang kanilang mga álalahanín
[Picture Credit Line sa pahina 20]
Harper’s