IKAPU
Ikasampung bahagi, o 10 porsiyento, na ibinibigay o ibinabayad bilang isang tributo, lalo na para sa relihiyosong mga layunin.
Sa Bibliya, binanggit ang dalawang pangyayaring naganap bago itatag ang tipang Kautusan kung saan isang ikasampung bahagi ng mga pag-aari ang ibinayad sa Diyos o sa kaniyang kinatawan. Ang una sa mga ito ay noong magbigay si Abraham kay Melquisedec ng ikasampu ng mga samsam ng kaniyang tagumpay laban kay Kedorlaomer at sa mga kaalyado nito. (Gen 14:18-20) Tinukoy ng apostol na si Pablo ang pangyayaring ito bilang patotoo na ang pagkasaserdote ni Kristo ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec ay nakahihigit sa Levitikong pagkasaserdote, yamang sa diwa si Levi, samantalang nasa mga balakang pa ni Abraham, ay nagbayad ng mga ikapu kay Melquisedec. (Heb 7:4-10) Ang ikalawang pangyayari naman ay may kinalaman kay Jacob, na nanata sa Bethel na ibibigay niya sa Diyos ang ikasampu ng kaniyang mga pag-aari.—Gen 28:20-22.
Gayunman, ang dalawang ulat na ito ay mga halimbawa lamang ng kusang-loob na pagbibigay ng isang ikasampu. Wala tayong mababasa na inutusan ni Abraham o ni Jacob ang kanilang mga inapo na sundin ang mga halimbawang ito, na para bang nagtatag sila ng isang relihiyosong gawain, kaugalian, o batas. Kung si Jacob ay dati nang obligadong magbayad ng mga ikapu, magiging kalabisan na para sa kaniya na manatang magbabayad siya niyaon, gaya ng ginawa niya. Kaya naman, maliwanag na ang kaayusan ng pagbibigay ng ikapu ay hindi isang kaugalian o batas sa gitna ng sinaunang mga Hebreo. Itinatag lamang ito nang pasinayaan ang tipang Kautusan, at hindi bago niyaon.
Mga Batas ng Kautusang Mosaiko Hinggil sa Pagbibigay ng Ikapu. Si Jehova ay nagbigay ng mga batas sa Israel hinggil sa pagbibigay ng ikapu, para sa tiyak na mga layunin, anupat lumilitaw na ang mga iyon ay nagsasangkot ng pagbibigay ng dalawang ikasampu ng kanilang taunang kita, maliban sa mga taon ng Sabbath, kung kailan hindi binabayaran ang ikapu, yamang walang kita sa mga taóng iyon. (Lev 25:1-12) Gayunman, naniniwala ang ilang iskolar na iisa lamang ang ikapung binabayaran noon. Ang mga ikapu ay karagdagan sa mga unang bunga na pananagutang ihandog ng mga Israelita kay Jehova.—Exo 23:19; 34:26.
Ang unang ikapu, na binubuo ng ikasampu ng ani ng lupain at ng mga namumungang punungkahoy at (maliwanag, ng naging dami) ng mga bakahan at mga kawan, ay dinadala sa santuwaryo at ibinibigay sa mga Levita, yamang sila’y walang mana sa lupain kundi nakatalagang maglingkod sa santuwaryo. (Lev 27:30-32; Bil 18:21, 24) Ibinibigay naman ng mga Levita ang ikasampu ng mga ito sa mga Aaronikong saserdote bilang panustos ng mga iyon.—Bil 18:25-29.
Bago ibigay bilang ikapu, maliwanag na ginigiik muna ang butil, at ginagawang alak at langis ang bunga ng punong ubas at ng punong olibo. (Bil 18:27, 30; Ne 10:37) Kung salapi naman ang nais ibigay ng isang Israelita sa halip na ang mga produktong ito, maaari niyang gawin iyon, basta’t magdaragdag siya ng isang kalima sa halaga ng mga ito. (Lev 27:31) Iba naman ang ginagawa sa mga bakahan at mga kawan. Habang isa-isang lumalabas sa kural ang mga hayop, ang may-ari ay nakatayo sa may pintuang-daan hawak ang isang tungkod at minamarkahan niya ang bawat ikasampung hayop bilang ang ikapu, nang hindi sinusuri o pinipili iyon.—Lev 27:32, 33.
Waring mayroon pang karagdagang ikapu noon, ang ikalawang ikapu, na ibinubukod taun-taon para sa iba pang mga layunin at hindi bilang panustos ng Levitikong pagkasaserdote, bagaman nakikibahagi rin dito ang mga Levita. Karaniwan na, ang kalakhang bahagi nito ay ginagamit at tinatamasa ng pamilyang Israelita kapag nagtitipon sila sa mga pambansang kapistahan. Kung hindi madaling ibiyahe ang ikapung ito dahil sa layo ng Jerusalem, ito’y pinapalitan ng salapi at iyon ang ginagamit sa Jerusalem para sa panustos at kasiyahan ng sambahayan sa panahon ng banal na kombensiyon. (Deu 12:4-7, 11, 17, 18; 14:22-27) Pagkatapos, sa pagwawakas ng ikatlo at ikaanim na taon ng pitong-taóng siklo ng sabbath, ang ikapung ito, sa halip na gamitin sa mga gastusin sa mga pambansang asamblea, ay ibinubukod para sa mga Levita, mga naninirahang dayuhan, mga babaing balo, at mga batang lalaking walang ama, sa lokal na komunidad.—Deu 14:28, 29; 26:12.
Hindi naman labis-labis ang hinihiling ng mga batas na ito sa Israel hinggil sa pagbibigay ng ikapu. At hindi rin dapat kalimutan na nangako ang Diyos na pasasaganain niya ang Israel sa pamamagitan ng pagbubukas sa “mga pintuan ng tubig sa langit” kung susundin nila ang kaniyang mga batas hinggil dito. (Mal 3:10; Deu 28:1, 2, 11-14) Nang maging pabaya ang bayan sa pagbibigay ng ikapu, nagdusa ang pagkasaserdote, sapagkat napilitan ang mga saserdote at ang mga Levita na gamitin ang kanilang panahon sa sekular na pagtatrabaho at bunga nito’y napabayaan nila ang kanilang mga gawaing paglilingkod. (Ne 13:10) Dahil sa gayong kawalang-katapatan ay humina ang tunay na pagsamba. Nakalulungkot pa, nang mahulog ang sampung tribo sa pagsamba sa guya, ginamit nila ang ikapu upang itaguyod ang huwad na relihiyong iyon. (Am 4:4, 5) Sa kabilang dako, kapag ang Israel ay tapat kay Jehova at pinamamahalaan ng matuwid na mga administrador, ang pagbibigay ng ikapu sa mga Levita ay muling naipatutupad, at gaya ng ipinangako ni Jehova, hindi sila dumaranas ng kakapusan.—2Cr 31:4-12; Ne 10:37, 38; 12:44; 13:11-13.
Sa ilalim ng Kautusan, walang binanggit na parusa para sa taong hindi nagbibigay ng ikapu. Subalit ipinadama ni Jehova sa lahat na mayroon silang seryosong pananagutan na ilaan ang ikapu; sa pagwawakas ng tatlong-taóng siklo ng pagbibigay ng ikapu, kailangan nilang sabihin sa harap niya na nabayaran nila nang buo ang ikapu. (Deu 26:12-15) Ang anumang bagay na dapat nilang ibigay ngunit ipinagkait nila ay itinuturing na ninakaw sa Diyos.—Mal 3:7-9.
Pagsapit ng unang siglo C.E., ang mga Judiong lider ng relihiyon, lalo na ang mga eskriba at mga Pariseo, ay gumagawa ng banal-banalang pagbibigay ng ikapu at ng iba pang pakitang-taong gawain, sa isang anyo ng pagsamba, subalit ang kanilang puso ay malayung-malayo sa Diyos. (Mat 15:1-9) Sinaway sila ni Jesus dahil sa kanilang sakim at mapagpaimbabaw na saloobin, anupat itinawag-pansin niya ang kanilang pagiging metikuloso sa pagbibigay maging ng ikasampu ng “yerbabuena at ng eneldo at ng komino”—isang bagay na dapat naman nilang gawin—subalit kasabay nito’y winawalang-halaga nila “ang mas mabibigat na bagay ng Kautusan, samakatuwid nga, katarungan at awa at katapatan.” (Mat 23:23; Luc 11:42) Sa pamamagitan ng ilustrasyon, ipinakita ni Jesus ang pagkakaiba ng Pariseo na may-kahambugang nakadama na siya’y matuwid dahil sa kaniyang sariling mga gawa ng pag-aayuno at pagbibigay ng ikapu, at ng maniningil ng buwis na, bagaman itinuturing na walang kabuluhan ng mga Pariseo, nagbaba ng kaniyang sarili, nagtapat ng kaniyang mga kasalanan sa Diyos, at humingi ng awa ng Diyos.—Luc 18:9-14.
Hindi Obligadong Magbigay ng Ikapu ang mga Kristiyano. Kailanman ay hindi inutusang magbayad ng mga ikapu ang unang-siglong mga Kristiyano. Sa ilalim ng Kautusan, ang pangunahing layunin ng kaayusan ng pagbibigay ng ikapu ay upang tustusan ang templo at ang pagkasaserdote ng Israel; kaya naman, ang obligasyon ng pagbabayad ng mga ikapu ay maglalaho kapag nagwakas, o natupad na, ang tipang iyon ng Kautusang Mosaiko, sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo sa pahirapang tulos. (Efe 2:15; Col 2:13, 14) Totoo, patuloy na naglingkod sa templo sa Jerusalem ang mga Levitikong saserdote hanggang sa mawasak iyon noong 70 C.E., subalit pasimula noong 33 C.E., ang mga Kristiyano ay naging bahagi ng isang bagong espirituwal na pagkasaserdote na hindi sinusuportahan ng mga ikapu.—Ro 6:14; Heb 7:12; 1Pe 2:9.
Bilang mga Kristiyano, pinasigla sila na suportahan ang ministeryong Kristiyano kapuwa sa pamamagitan ng kanilang sariling ministeryal na gawain at materyal na mga abuloy. Sa halip na magbigay ng takda o espesipikong mga halaga para sa mga gastusin ng kongregasyon, sila’y mag-aabuloy “ayon sa taglay ng isang tao,” anupat magbibigay “ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” (2Co 8:12; 9:7) Pinasigla sila na sundin ang simulaing ito: “Ang matatandang lalaki na namumuno sa mahusay na paraan ay kilalaning karapat-dapat sa dobleng karangalan, lalo na yaong mga nagpapagal sa pagsasalita at pagtuturo. Sapagkat ang kasulatan ay nagsasabi: ‘Huwag mong bubusalan ang toro kapag ito ay gumigiik ng butil’; gayundin: ‘Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang kabayaran.’” (1Ti 5:17, 18) Magkagayunman, ang apostol na si Pablo ay nagpakita ng halimbawa sa hindi pag-aatang ng di-kinakailangan pinansiyal na pasanin sa kongregasyon.—Gaw 18:3; 1Te 2:9.