DATING KINAIN
[sa Ingles, cud].
Ang pagkaing ibinalik mula sa sistema ng panunaw ng isang hayop para muling nguyain. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang mga hayop na ngumunguya ng dating kinain at may hati o biyak ang mga kuko ay itinuturing na malinis at maaaring kainin. Kasama sa mga hayop na “malinis” at ngumunguya ng dating kinain ay ang lalaking usa, gasela, maliit na usa, antilope, gamusa, baka (kapuwa ang inaalagaan at ang mailap), mga tupa, at mga kambing. Hindi kasali sa klasipikasyong ito ang kamelyo, kuneho sa batuhan, at ang kuneho o rabit. Bagaman ang mga ito’y ngumunguya ng dating kinain, walang hati ang kanilang mga kuko. (Lev 11:1-8, 26; Deu 14:4-8) Ayon sa ilang komentarista, kadalasa’y mas malinis ang mga kaugalian sa pagkain ng mga hayop na di-matutulis ang kuko at ngumunguya ng dating kinain, at mas natutunaw nang husto ang kanilang pagkain na makalawang ulit nilang nginuya. Kung nakakain man sila ng nakalalasong halaman, ang karamihan sa lason ay nawawalan ng bisa o naaalis ng masalimuot na kemistring sangkot sa mas matagal na proseso ng pagtunaw.
Ang proseso ng pagnguya ng dating kinain ay isa sa kamangha-manghang mga bagay ng paglalang. Ang karamihan sa mga hayop na ngumunguya ng dating kinain ay may tatlo o apat na kompartment sa kanilang tiyan at karaniwan nang may magkakatulad na siklo ng pagkain. Ang karamihan sa kanilang kinain na bahagyang nginuya ay dumaraan sa unang kompartment, at mula roon ay nagpupunta sa ikalawa, kung saan ito pinalalambot at nagiging bilug-bilog. Kapag ang hayop ay huminto sa panginginain at nagpahinga, ang mga kalamnan nito ay umuurong at puwersahang bumabalik sa bibig ang dating kinain para muling nguyain at mahaluan ng laway. Kapag ang pagkain ay nilulon sa ikalawang pagkakataon, dumaraan ito sa una at ikalawang kompartment patungo sa ikatlo, at tuluyan itong pumupunta sa ikaapat na kompartment para lubusang tunawin.
Bakit sinasabi ng Bibliya na ang kuneho ay ngumunguya ng dating kinain?
Matagal nang pinag-aalinlanganan ng ilang kritiko ng Bibliya ang sinabi ng Kasulatan na ang kuneho ay ngumunguya ng dating kinain nito. (Lev 11:4, 6; Deu 14:7) Gayunman, hindi dapat gamiting batayan ang makabago at siyentipikong klasipikasyon ng pagnguya ng dating kinain para hatulan ang sinasabi ng Bibliya, yamang wala pang ganitong klasipikasyon noong panahon ni Moises. Maging noong ika-18 siglo, ang makatang Ingles na si William Cowper, na matagal na nagmasid sa kaniyang mga alagang kuneho, ay nagkomento na ang mga ito ay “maghapong ngumunguya ng kanilang dating kinain hanggang sa gabi.” Si Linnaeus, bantog na naturalista ng siglo ring iyon, ay naniwala na ang mga rabit ay ngumunguya ng dating kinain. Ngunit kinailangan pa ang higit na siyentipikong impormasyon. Noong 1882, natuklasan ng Pranses na si Morot na muling nginunguya ng mga rabit ang hanggang 90 porsiyento ng kanilang kinakain araw-araw. Tungkol sa kuneho, ganito ang sinabi ni Ivan T. Sanderson sa isang publikasyon kamakailan: “Isa sa pinakapambihira [na kaugalian], sa ating palagay, ay ang pagtunaw nila ng pagkain. Hindi ito natatangi sa mga Leporid [mga kuneho, mga rabit] at sa ngayo’y alam natin na ganito rin ang nangyayari sa maraming Rodent. Kung may makukuhang sariwa at luntiang pagkain, hindi yaong tuyot na pagkain kapag taglamig, mabilis itong nilalamon ng mga hayop at pagkatapos ay idinudumi sa kanilang mga lungga sa anyong bahagyang natunaw. Pagkaraan ng ilang panahon, muli itong kinakain, at ang prosesong ito ay maaari pang ulit-ulitin. Sa Common Rabbit, lumilitaw na tanging ang mga adultong hustong-gulang ang gumagawa nito.”—Living Mammals of the World, 1955, p. 114.
Masusing inobserbahan ng ilang siyentipikong taga-Britanya ang mga kaugalian ng mga rabit na nasa ilalim ng maingat na pagsubaybay, at ang mga resultang nakuha nila ay inilathala sa Proceedings of the Zoological Society of London, 1940, Tomo 110, p. 159-163. Sa maikli, ganito muling nginunguya ng mga kuneho ang kanilang pagkain: Kung ang isang rabit ay mag-aagahan ng sariwang pagkain, daraan iyon sa tiyan patungo sa maliit na bituka, anupat iniiwan sa cardia (bukana ng tiyan) ang mga 40 o 50 gramo ng pellet na dati nang naroroon nang kumain ito ng sariwang pagkain. Mula sa maliit na bituka, ang kaniyang almusal ay pumapasok sa caecum o putol na dulo ng malaking bituka at nananatili roon nang ilang panahon. Sa maghapon, ang mga pellet ay bumababa, at pagdating sa mga bituka, ang mga protinang baktirya sa mga iyon ay tinutunaw. Kapag ang mga iyon ay nakarating sa malaking bituka, nilalampasan ng mga ito ang materyang nasa caecum at pumupunta sa kolon kung saan sinisipsip ang sobrang halumigmig upang mamuo ang pamilyar na duming inilalabas nang tuyo at bilug-bilog. Kapag tapos na ang yugtong ito ng siklo, ang materyang nakaimbak sa dulo ng caecum ay papasok naman sa kolon, ngunit sa halip na maalisan ng halumigmig, malambot-lambot pa ito pagdating sa labasan ng dumi. Ito’y nasa anyong pellet na ang bawat isa ay nababalutan ng matibay na mucus upang huwag magdikit-dikit. Pagkatapos idumi ang mga pellet, sa halip na pabayaan ang mga ito, ang rabit ay bumabaluktot at isinusubo ang mga ito at iniimbak ang mga ito sa cardia hanggang sa susunod na pagkain nito. Sa ganitong paraan, nakukumpleto ang natatanging siklo at ang kalakhang bahagi ng pagkain ay makalawang ulit nang dumaan sa lagusan ng panunaw.
Bilang komento sa mga natuklasang ito, si Dr. Waldo L. Schmitt, Punong Tagapangasiwa ng Departamento ng Soolohiya ng Smithsonian Institution, Washington, D.C., ay sumulat: “Waring walang dahilan upang pag-alinlanganan ang autentisidad ng mga ulat ng iba’t ibang manggagawa na nagsasabing nakaugalian ng mga rabit na imbakin sa caecum ang pagkaing bahagyang natunaw at pagkatapos ay muli itong nguyain at makalawang ulit na dumaraan sa lagusan ng panunaw.” Nagkomento rin siya na ito’y isang paliwanag kung bakit “napakalaki ng caecum ng mga rabit kung ihahambing sa karamihan ng ibang mga mamalya.”—Awake!, Abril 22, 1951, p. 27, 28.