Alam Mo Ba?
Bukod sa alak, ano pa ang mga inuming de-alkohol noong panahon ng Bibliya?
▪ Madalas banggitin sa Bibliya ang tungkol sa “alak at nakalalangong inumin.” (Deuteronomio 14:26; Lucas 1:15) Ang salitang “inumin” ay hindi nangangahulugan ng mga inumin na produkto ng distilasyon, yamang naimbento ang prosesong ito mga ilang siglo pa lamang ang nakalilipas. Ang mga inuming de-alkohol ay hindi lamang mula sa mga prutas na gaya ng ubas, datiles, igos, mansanas, at granada, kundi mula rin sa pulot-pukyutan.
Sa katunayan, maaari ding tumukoy sa beer ang terminong “nakalalangong inumin.” Ang salitang Hebreo na isinaling “nakalalangong inumin” ay nauugnay sa isang salitang Akkadiano na maaaring tumukoy sa karaniwang beer na gawa sa sebada sa Mesopotamia. Kaunti lamang ang alkohol nito pero maaaring makalango kapag labis ang ininom. (Kawikaan 20:1) May nasumpungang mga modelong luwad ng mga gawaan ng beer at mga ipinintang larawan ng mga tagagawa ng beer sa mga libingan sa sinaunang Ehipto. Sa Babilonya, karaniwang inumin ang beer sa mga palasyo at sa tahanan ng mahihirap. Gustung-gusto rin ito ng mga Filisteo. Sa buong Palestina, nasumpungan ng mga arkeologo ang mga banga na may salaan sa bibig. Sinasala nito ang beer upang hindi malulon ng mga umiinom ang balat ng sebada.
Noong panahon ni apostol Pablo, bakit may partikular na mga panahon ng taon na mapanganib maglayag?
▪ Dahil sa pasalungat na hangin, natagalang maglayag pakanluran sa kahabaan ng baybayin ng Asia Minor ang barkong sinasakyan ni apostol Pablo. Ayon sa ulat ng Bibliya, sa isang lugar ay naging “mapanganib nang maglayag sapagkat maging ang pag-aayuno ng araw ng pagbabayad-sala ay nakaraan na.” Sinabi ni Pablo sa mga kasama niyang naglalakbay na kung magpapatuloy sila sa paglalayag, magdudulot ito ng malaking kawalan “hindi lamang sa kargamento at sa barko kundi maging sa [kanilang] mga kaluluwa.”—Gawa 27:4-10.
Ang pag-aayuno ng Araw ng Pagbabayad-Sala ay pumapatak sa huling bahagi ng Setyembre o maagang bahagi ng Oktubre. Alam ng mga marinerong Romano na karaniwan nang ligtas maglayag mula Mayo 27 hanggang Setyembre 14. Mapanganib nang maglayag sa pagitan ng Setyembre 14 at Nobyembre 11, pero lalo nang mapanganib mula Nobyembre 11 hanggang Marso 10. Gaya ng malinaw na makikita sa karanasan ni Pablo, ang isang dahilan ay ang pabagu-bagong lagay ng panahon. (Gawa 27:13-44) Nanganganib at nahihirapang maglayag ang mga magdaragat dahil sa malalakas na bagyo. Natatakpan ng ulap ang araw at mga bituin. Dahil din sa hamog at ulan, mahirap makita ang potensiyal na mga panganib.
[Larawan sa pahina 23]
Modelo ng bote ng beer sa Ehipto na yari sa kahoy
[Credit Line]
Erich Lessing/Art Resource, NY
[Larawan sa pahina 23]
Barkong pangkagarmento ng Roma mga 100-200 C.E.
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.