PAGTITIWALAG
[sa Ingles, expelling].
Ang hudisyal na ekskomunikasyon ng mga delingkuwente mula sa pagiging miyembro at kasamahan sa isang komunidad o organisasyon. Sa relihiyosong mga samahan, ito ay isang likas na simulain at karapatan at maihahambing sa kapangyarihan ng mga kalipunang pulitikal at pambayan na maglapat ng kaparusahang kamatayan, magpalayas, at magpaalis ng kanilang mga miyembro. Sa kongregasyon ng Diyos, isinasagawa ito upang mapanatili ang kadalisayan ng organisasyon may kaugnayan sa doktrina at moralidad. Kailangang gamitin ang kapangyarihang ito upang patuloy na umiral ang organisasyon at lalo na ang kongregasyong Kristiyano. Dapat manatiling malinis ang kongregasyon at dapat nitong maingatan ang lingap ng Diyos upang maging karapat-dapat na gamitin niya at kumatawan sa kaniya. Kung hindi, ititiwalag o lilipulin ng Diyos ang buong kongregasyon.—Apo 2:5; 1Co 5:5, 6.
Ang Pagtitiwalag ni Jehova. Sa maraming pagkakataon, gumawa ng pagtitiwalag ang Diyos na Jehova. Hinatulan niya si Adan ng kamatayan at pinalayas ito at ang asawa nitong si Eva mula sa hardin ng Eden. (Gen 3:19, 23, 24) Pinalayas si Cain at ito’y naging palaboy at takas sa lupa. (Gen 4:11, 14, 16) Ang mga anghel na nagkasala ay inihagis naman sa Tartaro, isang kalagayan ng pusikit na kadiliman kung saan nakataan sila sa paghuhukom. (2Pe 2:4) Dalawampu‘t tatlong libong mapakiapid ang nilipol mula sa Israel sa isang araw. (1Co 10:8) Pinatay si Acan sa utos ni Jehova dahil ninakaw nito yaong nakatalaga kay Jehova. (Jos 7:15, 20, 21, 25) Si Kora na Levita kasama sina Datan at Abiram mula sa tribo ni Ruben ay nilipol dahil sa paghihimagsik, at pinakapitan ng ketong si Miriam anupat sa kalaunan ay mamamatay sana ito sa gayong kalagayan kung hindi nakiusap si Moises para sa kaniya. Magkagayunman, pitong araw siyang itiniwalag mula sa kampo ng Israel samantalang nakakuwarentenas.—Bil 16:27, 32, 33, 35; 12:10, 13-15.
Sa Ilalim ng Kautusang Mosaiko. Dahil sa malulubha o sinasadyang mga paglabag sa kautusan ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ni Moises, ang isang tao ay maaaring lipulin, samakatuwid nga, patayin. (Lev 7:27; Bil 15:30, 31) Kabilang sa mga paglabag na pinapatawan ng parusang ito ang apostasya, idolatriya, pangangalunya, pagkain ng dugo, at pagpaslang.—Deu 13:12-18; Lev 20:10; 17:14; Bil 35:31.
Sa ilalim ng Kautusan, upang maisagawa ang parusang paglipol, kailangang itatag ang katibayan sa bibig ng di-kukulangin sa dalawang saksi. (Deu 19:15) Ang mga saksing ito ang kailangang maunang bumato sa nagkasala. (Deu 17:7) Ipakikita nito ang kanilang sigasig sa kautusan ng Diyos at sa kadalisayan ng kongregasyon ng Israel at hahadlang din ito sa pagtestigo nang may kabulaanan, walang-ingat, o padalus-dalos.
Ang Sanedrin at mga sinagoga. Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, ang mga sinagoga ay nagsilbing mga hukumang lumilitis sa mga manlalabag ng kautusang Judio. Ang Sanedrin ang pinakamataas na hukuman. Sa ilalim ng pamamahala ng Roma, ang awtoridad ng mga Judio ay hindi kasinlawak niyaong tinamasa nila sa ilalim ng teokratikong pamahalaan. Kahit hinatulan na ng Sanedrin ang isa bilang karapat-dapat sa kamatayan, hindi sa lahat ng pagkakataon ay mailalapat nila ang parusang kamatayan, dahil sa mga restriksiyon ng mga Romano. Ang mga sinagogang Judio ay may sistema ng ekskomunikasyon, o pagtitiwalag, na may tatlong hakbang o tatlong katawagan. Ang unang hakbang ay ang parusang nid·duyʹ, na hindi gaanong matagal, anupat sa pasimula ay 30 araw lamang. Sa ilalim ng parusang ito, pinagkakaitan ng ilang pribilehiyo ang isang tao. Maaari siyang pumaroon sa templo, ngunit may ilang paghihigpit sa kaniya roon, at ang lahat, maliban sa sarili niyang pamilya, ay pinagbabawalang lumapit sa kaniya sa distansiyang 4 na siko (mga 2 m; 6 na piye). Ang ikalawang hakbang ay ang cheʹrem, nangangahulugang isang bagay na itinalaga sa Diyos o ipinagbawal. Mas matindi ang hatol na ito. Ang manlalabag ay hindi maaaring magturo o turuan kasama ng iba, ni makapagsasagawa man siya ng anumang pakikipagkalakalan maliban sa pagbili ng mga pangangailangan niya sa buhay. Gayunman, hindi siya lubusang pinalalayas mula sa organisasyong Judio, at may pagkakataon siya na makabalik. Ang panghuli ay ang sham·mat·taʼʹ, isang lubusang pagputol ng kaugnayan sa kongregasyon. Naniniwala ang ilan na halos walang ipinagkaiba ang huling dalawang anyo ng ekskomunikasyon.
Ang isa na pinalayas bilang balakyot, anupat lubusang pinutol ang kaugnayan sa kaniya, ay ituturing na nararapat mamatay, bagaman maaaring walang awtoridad ang mga Judio na lapatan ng kamatayan ang isang iyon. Gayunpaman, ang anyo ng pagputol ng kaugnayan na ginamit nila ay naging isang napakabisang instrumento sa komunidad ng mga Judio. Inihula ni Jesus na ititiwalag ang kaniyang mga tagasunod mula sa mga sinagoga. (Ju 16:2) Dahil sa takot ng ilang Judio, at maging ng ilang tagapamahala, na matiwalag, o “mapaalis sa iglesya” (sa Ingles, “unchurched”), hindi nila ipinahayag si Jesus. (Ju 9:22, tlb sa Rbi8; 12:42) Ang isang halimbawa ng gayong pagkilos ng sinagoga ay sa kaso ng lalaking bulag na pinagaling at nagsalita nang may pagsang-ayon tungkol kay Jesus.—Ju 9:34.
Noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, nagbigay si Jesus ng mga tagubilin may kinalaman sa pamamaraang dapat sundin kung makagawa ng isang malubhang pagkakasala laban sa isang tao ngunit malulutas naman ang pagkakasalang ito nang hindi na isinasangkot pa ang kongregasyong Judio. (Mat 18:15-17) Ipinayo niya na marubdob na sikaping tulungan ang manggagawa ng kamalian, samantalang iniingatan din ang kongregasyong iyon laban sa mga nagkakasala nang paulit-ulit. Ang tanging kongregasyon ng Diyos na umiiral noon ay ang kongregasyon ng Israel. Ang ‘pagsasabi sa kongregasyon’ ay hindi nangangahulugang uupo ang buong bansa o ang lahat ng mga Judio sa isang partikular na komunidad upang hatulan ang manlalabag. May matatandang lalaki ng mga Judio na inatasan sa pananagutang ito. (Mat 5:22) Ang mga manlalabag na tatangging makinig kahit sa responsableng mga taong ito ay dapat malasin na “gaya ng tao ng mga bansa at gaya ng maniningil ng buwis,” na iniiwasang makasalamuha ng mga Judio.—Ihambing ang Gaw 10:28.
Kongregasyong Kristiyano. Batay sa mga simulain ng Hebreong Kasulatan, ipinahihintulot ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, sa pamamagitan ng pag-uutos at pagbibigay ng parisan, ang pagtitiwalag mula sa kongregasyong Kristiyano. Sa pamamagitan ng paggamit ng bigay-Diyos na awtoridad na ito, napananatili ng kongregasyon ang kalinisan nito at ang mabuting katayuan nito sa harap ng Diyos. Sa bisa ng awtoridad na ipinagkaloob sa apostol na si Pablo, iniutos niya na itiwalag ang isang lalaking nagkasala ng insestong pakikiapid dahil kinuha nito ang asawa ng kaniyang ama. (1Co 5:5, 11, 13) Gumamit din siya ng awtoridad na magtiwalag laban kina Himeneo at Alejandro. (1Ti 1:19, 20) Lumilitaw naman na sinikap ni Diotrepes na gamitin ang pagtitiwalag sa maling paraan.—3Ju 9, 10.
Ang ilan sa mga paglabag na maaaring ikatiwalag sa kongregasyong Kristiyano ay pakikiapid, pangangalunya, homoseksuwalidad, kasakiman, pangingikil, pagnanakaw, pagsisinungaling, paglalasing, panlalait, espiritismo, pagpaslang, idolatriya, apostasya, at ang paghahasik ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon. (1Co 5:9-13; 6:9, 10; Tit 3:10, 11; Apo 21:8) Bilang pagpapakita ng awa, binababalaan muna sa una at ikalawang pagkakataon ang isa na nagtataguyod ng isang sekta bago isagawa ang gayong pagtitiwalag sa kaniya. Sa kongregasyong Kristiyano, kumakapit ang simulaing ipinahayag sa Kautusan, samakatuwid nga, na dapat itatag ng dalawa o tatlong saksi ang katibayan laban sa akusado. (1Ti 5:19) Yaong mga hinatulang namimihasa sa pagkakasala ay sinasaway ayon sa Kasulatan sa harap ng “mga nagmamasid,” halimbawa, niyaong mga tumestigo may kinalaman sa makasalanang paggawing iyon, upang sila man ay magkaroon din ng wastong pagkatakot sa gayong kasalanan.—1Ti 5:20; tingnan ang PAGSAWAY.
Pinapayuhan din ng Kasulatan ang kongregasyong Kristiyano na huwag nang makipagsamahan doon sa mga bagaman hindi itinuturing na nararapat sa ganap na pagtitiwalag ay magugulo at hindi lumalakad nang may kawastuan. Sumulat si Pablo sa kongregasyon ng Tesalonica may kinalaman sa mga ito: “Huwag na kayong makisama sa kaniya, upang siya ay mapahiya. Gayunma’y huwag ninyo siyang ituring na kaaway, kundi patuloy na paalalahanan siya bilang isang kapatid.”—2Te 3:6, 11, 13-15.
Gayunman, may kinalaman sa sinuman na dating Kristiyano ngunit nang maglaon ay nagtakwil sa kongregasyong Kristiyano o natiwalag mula rito, iniutos ng apostol na si Pablo: “Tigilan ang pakikihalubilo sa” isang iyon; at sumulat ang apostol na si Juan: “Huwag ninyo siyang tanggapin sa inyong mga tahanan o magsabi sa kaniya ng isang pagbati.”—1Co 5:11; 2Ju 9, 10.
Yaong mga itiniwalag ay maaaring muling tanggapin sa kongregasyon kung magpapakita sila ng taimtim na pagsisisi. (2Co 2:5-8) Isa rin itong proteksiyon sa kongregasyon, upang huwag malamangan ni Satanas ang kongregasyon sa pamamagitan ng pagpapakalabis nito mula sa pagkunsinti sa masamang gawa tungo sa pagiging malupit at di-mapagpatawad.—2Co 2:10, 11.