USAPIN SA BATAS
Isang kaso na nilulutas sa isang hukuman; isang legal na pagdinig o paglilitis. Ang pangunahing pandiwang Hebreo na may kinalaman sa mga usapin sa batas ay riv, nangangahulugang “makipagtalo; makipaglaban; ipakipaglaban ang isang usapin sa batas.” (Gen 26:20; Deu 33:8; Kaw 25:8) Ang anyong pangngalan nito ay isinasalin bilang “usapin; pinagtatalunan; usapin sa batas.” (Exo 23:2; Deu 17:8; Aw 35:23; Isa 34:8) Kung minsan, ang salitang Hebreo na din (kahatulan) ay isinasalin bilang “usapin sa batas; pag-aangkin sa batas.” (Job 35:14; Aw 140:12; Kaw 22:10) Sa mga lingkod ng Diyos, ang pangunahing layunin ng isang usapin sa batas ay ang matugunan ang mga kahilingan ng Diyos at, bilang pangalawahin, ang malapatan ng katarungan ang tao o mga taong kasangkot, lakip ang pagbabayad-pinsala kung kinakailangan. Itinuturing ng Diyos na kasangkot siya maging sa personal na mga pagkakasala sa pagitan ng mga tao, gaya ng mapapansin sa mga salita ni Moises sa mga Israelitang hukom sa Deuteronomio 1:16, 17.
Isang usapin sa batas ang dininig sa hardin ng Eden, upang mapalitaw ang mga katotohanan sa kasong iyon at ang mga usaping nasasangkot, upang maihayag ang mga ito sa madla, at upang malapatan din ng sentensiya ang mga manlalabag. Tinawag ni Jehova sa harap niya sina Adan at Eva upang matanong niya sila. Bagaman alam niya ang lahat ng bagay, nagdaos siya ng pagdinig, nilinaw niya ang mga paratang, pinalitaw niya kung ano ang mga nangyari sa pamamagitan ng pagtatanong, at binigyan niya sila ng pagkakataong magsalita upang maipagtanggol nila ang kanilang sarili. Napaamin niya ang mga manlalabag. Pagkatapos ay pinagpasiyahan ni Jehova ang kasong iyon at, taglay ang katarungan at ang di-sana-nararapat na kabaitan, inilapat niya ang batas, anupat nagpakita siya ng awa sa di-pa-naisisilang na mga supling nina Adan at Eva sa pamamagitan ng pansamantalang pagpapaliban ng hatol na kamatayan sa mga manlalabag.—Gen 3:6-19.
Dito, ang Diyos na Jehova na Kataas-taasang Hukom ay nagbigay ng parisan para sa lahat ng panghinaharap na hudisyal na paglilitis sa gitna ng kaniyang bayan. (Gen 3:1-24) Ang mga usapin sa batas na dinidinig ayon sa mga hudisyal na tuntunin ng Diyos ay upang hanapin at talakayin ang katotohanan ng mga pangyayari sa layuning makapaglapat ng katarungan—hangga’t maaari, katarungan na tinimbangan ng awa. (Deu 16:20; Kaw 28:13; ihambing ang Mat 5:7; San 2:13.) Ang buong proseso ay nilayon upang mapanatiling malinis ang bansang Israel at upang paglaanan ang indibiduwal na kapakanan ng mga miyembro nito gayundin ng mga naninirahang dayuhan at mga nakikipamayan sa gitna nila. (Lev 19:33, 34; Bil 15:15, 16; Deu 1:16, 17) Kalakip sa Kautusang ibinigay sa bansa ang pamamaraang dapat sundin sa mga kasong sibil at sa mga kaso rin ng maliliit na pagkakasala o krimen (pati na yaong mga pagkakasala laban sa Diyos at sa Estado), mga di-pagkakaunawaan, personal na mga awayan, at mga suliraning pang-indibiduwal, pampamilya, pantribo, at pambansa.
Pamamaraan. Kung ang mga kaso ng pagtatalo ay personal, hinihimok ang mga nagtatalo na huwag mag-away at makipag-ayos nang sila-sila lamang. (Kaw 17:14; 25:8, 9) Kung hindi sila magkasundo, maaari silang umapela sa mga hukom. (Mat 5:25) Ganiyan ang payo na ibinigay ni Jesus. (Mat 18:15-17) Kahit noong bago ang panahong Mosaiko o noong nasa ilalim sila ng Kautusan, walang pormal o masalimuot na pamamaraang sinusunod sa pagdinig ng mga usapin sa batas, bagaman unti-unting nakapasok ang ilang pormalismo nang maitatag na ang Sanedrin. Gayunpaman, dininig ang mga kaso sa paraang maayos at may layunin. Bukás ang mga hukuman sa mga babae, mga alipin, at sa naninirahang dayuhan, upang mailapat ang katarungan sa lahat. (Job 31:13, 14; Bil 27:1-5; Lev 24:22) Kailangang presente ang akusado kapag inihaharap ang patotoo laban sa kaniya at maaari niyang ipagtanggol ang kaniyang sarili. Sa patriyarkal o sa Israelitang hukuman man, walang tumatayo na katumbas ng isang pampublikong tagausig; ni kailangan man ng abogado para sa nasasakdal. Walang bayad ang mga paglilitis sa hukuman.
Dadalhin ng taong may kasong sibil o ng taong nagrereklamo sa isang kasong kriminal ang kaniyang usapin sa mga hukom. Tatawagin naman ang kabilang partido, titipunin ang mga saksi, at kadalasang isinasagawa ang pagdinig sa isang pampublikong lugar, kalimitan ay sa mga pintuang-daan ng lunsod. (Deu 21:19; Ru 4:1) Tatanungin ng mga hukom yaong mga may-usapin at susuriin ang katibayan at patotoo. Kaagad silang magbababa ng desisyon maliban kung kulang ang katibayan, o kung napakahirap naman ang kaso, dadalhin ng mga hukom ang usapin sa mas mataas na hukuman. Ang mga sentensiya, gaya ng pagpalo at ng parusang kamatayan, ay karaka-rakang inilalapat. Walang probisyon sa Kautusan para sa pagbibilanggo. Inilalagay lamang ang akusado sa kulungan kung ang kaso ay kailangan pang isangguni kay Jehova ukol sa pasiya.—Lev 24:12; tingnan ang HUKUMAN; KRIMEN AT KAPARUSAHAN.
Laging may kaakibat na pananagutan ang pagkakasala; wala itong mga eksepsiyon. Hindi maaaring palampasin ang pagkakasala. Kapag hinihiling ng Kautusan, kailangang ilapat ang kaparusahan o, sa ilang kaso, kailangang ibigay ang kabayaran. Pagkatapos, upang ang nagkasala ay makipagpayapaan sa Diyos, kailangan siyang maghandog ng handog sa santuwaryo. Kahilingan ang mga hain para sa pagbabayad-sala ng anumang kaso ng pagkakasala. (Lev 5:1-19) Kahit di-sinasadya ang kasalanan, nagdudulot pa rin ito ng pagkakasala, at kailangang gumawa ng mga paghahandog para sa pagbabayad-sala. (Lev 4:1-35) Sa ilang pagkakasala, kabilang na ang panlilinlang, pandaraya, at pangingikil, kapag ang tao ay kusang nagsisi at nagtapat, kailangan siyang magbayad at maghandog din ng handog ukol sa pagkakasala.—Lev 6:1-7.
Katibayan. Kung ang isang tao ay nakasaksi ng mga gawang apostasya, sedisyon, pagpaslang, na nagparumi sa lupa, o ng iba pang malulubhang krimen, obligado siyang ipagbigay-alam iyon at magpatotoo tungkol sa kaniyang nalalaman, kung hindi ay mapapasailalim siya sa sumpa ng Diyos na ihahayag sa madla. (Lev 5:1; Deu 13:8; ihambing ang Kaw 29:24; Es 6:2.) Gayunman, hindi sapat ang iisang saksi upang maitatag iyon. Kailangan ang dalawang saksi o higit pa. (Bil 35:30; Deu 17:6; 19:15; ihambing ang Ju 8:17, 18; 1Ti 5:19; Heb 10:28.) Inuutusan ng Kautusan ang mga saksi na magsalita ng katotohanan (Exo 20:16; 23:7), at sa ilang kaso ay pinanunumpa sila. (Mat 26:63) Ito ay lalo nang ginagawa kapag ang tanging saksi sa bagay na iyon ay yaong pinaghihinalaan. (Exo 22:10, 11) Yamang yaong mga kasangkot sa isang usapin sa batas na nasa harap ng mga hukom o nasa santuwaryo ukol sa paghatol ng isang kaso ay itinuturing na nakatayo sa harap ni Jehova, dapat kilalanin ng mga saksi na magsusulit sila sa Diyos. (Exo 22:8; Deu 1:17; 19:17) Ang isang saksi ay hindi dapat tumanggap ng suhol, pumayag na mahikayat ng sinumang balakyot upang magsalita nang may kabulaanan, o magpakana ng karahasan. (Exo 23:1, 8) Hindi niya dapat pahintulutang makaimpluwensiya sa kaniyang patotoo ang panggigipit ng isang pulutong o ang yaman o karalitaan niyaong mga kasangkot sa kaso. (Exo 23:2, 3) Kahit ang pinakamalapit na ugnayang pampamilya ay hindi dapat pumigil sa isa na magpatotoo laban sa isang balakyot na manlalabag ng kautusan, gaya ng isang apostata o isang mapaghimagsik.—Deu 13:6-11; 21:18-21; Zac 13:3.
Ang isa na napatunayang bulaang saksi ay tatanggap ng kaparusahan na dapat sanang tanggapin ng taong akusado kung nasumpungan itong nagkasala. (Deu 19:17-21) Ang mga saksi sa lahat ng mga kasong nahatulan ng kamatayan ang kailangang maghagis ng unang bato kapag papatayin na ang hinatulan. Sa gayon, ang mga saksi ay inuutusan ng kautusan na ipakita ang kanilang sigasig sa tunay at malinis na pagsamba at sa pag-aalis ng kasamaan sa Israel. Hahadlangan din nito ang pagbibigay ng bulaang patotoo. Magiging napakamanhid ng isang tao na gagawa ng bulaang akusasyon yamang alam niya na siya ang kailangang unang kumilos upang patayin ang akusado.—Deu 17:7.
Katibayang materyal at sirkumstansiyal. Sakaling ipinagkatiwala ang mga alagang hayop sa pag-iingat ng iba, ang nilapang katawan ng isang hayop na pinatay ng mabangis na hayop ay maaaring dalhin ng pinagkatiwalaan bilang katibayan, at sa gayon ay hindi siya papanagutin dito. (Exo 22:10-13) Kung ang isang babaing may asawa ay akusahan ng kaniyang asawang lalaki ng may-kabulaanang pag-aangking birhen noong ikasal sila, maaaring dalhin ng ama ng babae ang sapin mula sa higaang pangmag-asawa bilang katibayan ng kaniyang pagkadalaga at iharap ito sa mga hukom upang mapawalang-sala siya sa paratang. (Deu 22:13-21) Kahit sa ilalim ng kautusan ng mga patriyarka, sa ilang kaso ay tinatanggap ang katibayang materyal. (Gen 38:24-26) Isinasaalang-alang ang mga sirkumstansiya bilang katibayan. Kung ang isang babaing ipinakipagtipan ay dinahas sa lunsod, ang hindi niya pagsigaw ay ituturing na katibayan ng kusang-loob na pagpayag at pagkakasala.—Deu 22:23-27.
Lihim na pangangalunya. Kapag walang pagtatapat o saksing nakakita, maaaring dalhin ng isang lalaki sa harap ng saserdote ang kaniyang asawa na pinaghihinalaan niya ng lihim na pangangalunya, at doon ang babae ay hahatulan ni Jehova, na nakakita at nakaaalam ng lahat ng nangyari. Hindi ito isang pagsubok sa pamamagitan ng pagpapahirap. Walang anumang bahagi sa mismong proseso ang makapipinsala sa babae o makapaghahayag ng kaniyang kawalang-sala o pagiging may-sala, ngunit si Jehova ang hahatol sa babae at magpapahayag ng kaniyang desisyon. Kung ang babae ay walang-sala, hindi siya mapipinsala at dapat pangyarihin ng kaniyang asawang lalaki na siya’y magdalang-tao. Kung siya ay may-sala, maaapektuhan ang kaniyang mga sangkap sa pag-aanak anupat hindi siya makapagdadalang-tao. Kung nagkaroon sana ng kahilingang dalawang saksi, hindi na dadalhin pa ang kaso kay Jehova sa ganitong paraan, kundi hahatulan siya ng mga hukom bilang may-sala at babatuhin siya hanggang sa mamatay.—Bil 5:11-31.
Mga dokumento. Iba’t ibang uri ng mga rekord, o mga dokumento, ang ginagamit noon. Kailangang bigyan ng asawang lalaki ng kasulatan ng diborsiyo ang kaniyang asawa kung paaalisin niya ito. (Deu 24:1; Jer 3:8; ihambing ang Isa 50:1.) May mga rekord ng talaangkanan, gaya ng makikita natin partikular na sa Unang Cronica. Binabanggit ang mga kasulatan na pinakarehistro ng bentahan ng ari-ariang lupa. (Jer 32:9-11) Maraming liham ang naisulat, anupat ang ilan ay maaaring iningatan at ginamit sa mga usapin sa batas.—2Sa 11:14; 1Ha 21:8-14; 2Ha 10:1; Ne 2:7.
Paglilitis kay Jesus. Ang pinakamatinding paglapastangan sa katarungan kailanman ay ang paglilitis at pagsentensiya kay Jesu-Kristo. Bago pa siya litisin, nagsanggunian ang mga punong saserdote at matatandang lalaki ng bayan upang patayin si Jesus. Kaya may pagtatangi na ang mga hukom at napagpasiyahan na nila ang hatol bago pa man maganap ang paglilitis. (Mat 26:3, 4) Sinuhulan nila si Hudas upang ipagkanulo niya si Jesus sa kanila. (Luc 22:2-6) Dahil mali ang kanilang mga pagkilos, hindi nila siya inaresto sa templo nang araw, kundi, hinintay nilang makakilos sila sa kadiliman ng gabi at pagkatapos ay nagsugo sila ng isang pulutong na nasasandatahan ng mga pamalo at mga tabak upang arestuhin siya sa isang kubling dako sa labas ng lunsod.—Luc 22:52, 53.
Pagkatapos ay dinala muna si Jesus sa bahay ni Anas, ang dating mataas na saserdote, na mayroon pa ring malaking awtoridad, yamang ang manugang nito na si Caifas ang mataas na saserdote noong panahong iyon. (Ju 18:13) Doon, si Jesus ay pinagtatanong at sinampal sa mukha. (Ju 18:22) Sumunod ay nakagapos siyang dinala kay Caifas na mataas na saserdote. Naghanap ng mga bulaang saksi ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin. Maraming saksi ang humarap ngunit hindi magkakasuwato ang kanilang patotoo, maliban sa dalawa na pumilipit sa mga salita ni Jesus na nakatala sa Juan 2:19. (Mat 26:59-61; Mar 14:56-59) Sa katapus-tapusan ay pinanumpa si Jesus ng mataas na saserdote at tinanong kung siya ang Kristo na Anak ng Diyos. Nang positibong tumugon si Jesus at tukuyin niya ang hula sa Daniel 7:13, hinapak ng mataas na saserdote ang kaniyang mga kasuutan at nanawagan sa hukuman na hatulan si Jesus ng pagkakasalang pamumusong. Iginawad ang hatol na ito, at sinentensiyahan siya ng kamatayan. Pagkatapos nito ay dinuraan nila siya sa mukha at sinuntok siya, anupat tinuya siya, na labag sa Kautusan.—Mat 26:57-68; Luc 22:66-71; ihambing ang Deu 25:1, 2 sa Ju 7:51 at sa Gaw 23:3.
Pagkatapos ng ilegal na paglilitis na ito sa gabi, nagtipon ang Sanedrin maaga sa kinaumagahan upang pagtibayin ang kanilang hatol at upang magsanggunian. (Mar 15:1) Pagkatapos na muling igapos, dinala si Jesus sa palasyo ng gobernador, kay Pilato, yamang sinabi nila: “Hindi kaayon ng kautusan na pumatay kami ng sinuman.” (Ju 18:31) Dito ay pinaratangan si Jesus ng pagbabawal na magbayad ng mga buwis kay Cesar at ng pagsasabi na siya mismo ang Kristo na isang hari. Ang pamumusong laban sa Diyos ng mga Judio ay hindi gaanong malubhang paratang sa paningin ng mga Romano, ngunit ang sedisyon ay isang malubhang paratang. Matapos siyang mabigo na pagsalitain si Jesus ng patotoo laban sa sarili nito, sinabi ni Pilato sa mga Judio na wala siyang nasumpungang krimen dito. Gayunman, nang matuklasan niyang taga-Galilea si Jesus, nalugod si Pilato na ipadala ito kay Herodes na siyang nakasasakop sa Galilea. Pinagtatanong ni Herodes si Jesus, anupat umaasang makakita ng isang tanda na isasagawa nito, ngunit tumanggi si Jesus. Pagkatapos ay nilait ni Herodes si Jesus, anupat ginawa siyang katatawanan, at ipinabalik siya kay Pilato.—Luc 23:1-11.
Sinikap naman ni Pilato na palayain si Jesus kasuwato ng isang kaugalian noong panahong iyon, ngunit tumanggi ang mga Judio, sa halip ay hiningi nilang palayain ang isang sedisyonista at mamamaslang. (Ju 18:38-40) Kaya naman ipinahagupit ni Pilato si Jesus, at muli na naman siyang pinagmalupitan ng mga kawal. Pagkatapos nito, inilabas ni Pilato si Jesus at sinikap niyang palayain ito, ngunit ipinagpilitan ng mga Judio: “Ibayubay siya! Ibayubay siya!” Sa wakas ay inilabas niya ang utos na ibayubay si Jesus.—Mat 27:15-26; Luc 23:13-25; Ju 19:1-16.
Anong mga kautusan ng Diyos ang nilabag ng mga saserdoteng Judio sa paraan ng paglilitis nila kay Jesu-Kristo?
Ang ilan sa mga kautusan ng Diyos na lantarang nilabag ng mga Judio sa paglilitis nila kay Kristo ay ang sumusunod: panunuhol (Deu 16:19; 27:25); pagsasabuwatan at ang pagbaluktot sa katarungan (Exo 23:1, 2, 6, 7; Lev 19:15, 35); pagpapatotoo nang may kabulaanan, kasabuwat ang mga hukom (Exo 20:16); pagpapalaya sa isang mamamaslang (si Barabas), sa gayon ay nagdala ng pagkakasala sa dugo sa kanilang sarili at sa lupain (Bil 35:31-34; Deu 19:11-13); pang-uumog, o ‘pagsunod sa karamihan sa paggawa ng masama’ (Exo 23:2, 3); nang ipagsigawan nila na ibayubay si Jesus, nilabag nila ang kautusan na nagbabawal sa pagsunod sa mga batas ng ibang mga bansa at na nagbabawal din ng pagpapahirap ngunit may probisyon na ang isang kriminal ay dapat batuhin o patayin bago ibitin sa isang tulos (Lev 18:3-5; Deu 21:22); tinanggap nila bilang hari ang isa na hindi mula sa sarili nilang bansa, kundi isang pagano (si Cesar), at tinanggihan nila ang Hari na pinili ng Diyos (Deu 17:14, 15); at kahuli-hulihan, nagkasala sila ng pagpaslang (Exo 20:13).