AR
[malamang, Lunsod].
Isang lunsod sa Moab, posibleng ang kabisera nito. Ito ay nasa T na panig ng Libis ng Arnon, ngunit hindi matiyak ang eksaktong lokasyon nito. (Bil 21:15) Kung minsan ay ginagamit ang Ar upang tumukoy sa Moab. (Deu 2:9, 18, 29) May panahong umabot sa H ng Arnon ang mga hangganan ng Moab, ngunit ang rehiyong iyon ay kinuha sa kanila ni Haring Sihon ng mga Amorita. (Bil 21:26-28) Hindi sinalakay ng mga Israelita ang Moab dahil pinagbawalan sila ni Jehova na gawin iyon, yamang ibinigay niya sa mga anak ni Lot bilang “isang ari-arian” ang ‘teritoryo ng Moab, samakatuwid ay ang Ar.’ (Deu 2:9, 18, 29) Sa kaniyang kapahayagan ng pagkatiwangwang laban sa Moab, inihula ni Isaias na ‘patatahimikin’ ang Ar kasama ng iba pang mga pangunahing lunsod ng Moab.—Isa 15:1.
Yamang ang pangalang Ar ay malamang na nangangahulugang “Lunsod,” ipinapalagay ng ilan na ang “lunsod ng Moab” (sa Heb., ʽir Moh·ʼavʹ) na binanggit sa Bilang 22:36 at gayundin ang “lunsod” sa Deuteronomio 2:36 ay kapuwa tumutukoy sa Ar.