“Huwag Kayong Makipamatok Nang Kabilan”
ANG dalawang toro na nakalarawan dito ay napakalakas, anupat kanilang nahihila nang maginhawa ang mabibigat na kargada. Subalit halimbawang isa sa mga toro ay hinalinhan ng isang asno. Yamang ang asno ay mas maliit at mas mahina kaysa sa toro, malamang na aalma iyon sa pamamagitan ng pagsipa sa guyuran na nagkakabit sa kaniya sa pamatok na ito na kabilan. May mabuting dahilan, kung gayon, na ang batas ng Diyos sa Israel ay nagsasabi: “Huwag mong ipang-araro ang pinagtuwang na toro at asno.”—Deuteronomio 22:10.
Si apostol Pablo ay sumulat ng nahahawig dito tungkol sa mga tao. Sinabi niya: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-mananampalataya.” (2 Corinto 6:14) Ito’y lalo nang dapat isaisip sa pagpili ng mapapangasawa. Ang pag-aasawa ay isang permanenteng pagsasama, sapagkat sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mateo 19:6) Malaking sama ng loob ang dulot kapag ang mag-asawa ay hindi nagkakaisa ng paniniwala, simulain at mga tunguhin. Samakatuwid ay makatuwiran lamang na sundin ang payo ng Bibliya na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) Ang pag-aasawa sa isa na hindi mo kapananampalataya ay magdudulot ng lalong malaking suliranin kaysa sa pagtutuwang ng isang toro at isang asno.
Ang pagkakaiba ng relihiyosong paniniwala ay isa lamang salik na maaaring maging sanhi ng pakikipamatok nang kabilan ng mag-asawa. Ang mga nag-iisip mag-asawa—kahit na magkapananampalataya—ay makabubuting magtanong, ‘Kami ba’y may iisang tunguhin? Saan kami titira? Sino ang hahawak ng badyet? Kapuwa ba kami maghahanapbuhay? Kumusta naman ang pagkakaroon ng mga anak? Ang kabaitan ba at konsiderasyon ang uugit sa aming pagsasama?
Sa isang banda, ang paraan ng pag-uusap sa gayong mga isyu ay magpapakita kung ang pamatok ay kabilan o hindi. Mangyari pa, walang dalawang tao ang lubusang magkasuwato. Gayunman, sa kabuuan, kung sa panahon ng pagliligawan ang dalawang magkasintahan ay magkasamang nakahaharap at nakalulutas ng mga suliranin at kung sila’y malayang nakikipagtalastasan sa isa’t isa, malamang na sila’y hindi makikipamatok nang kabilan.