Shekem—Ang Lunsod sa Libis
SA pinakapusod ng lupain na pinili ng Diyos para sa kaniyang bayan, na maalwang napapagitnaan ng Bundok Ebal at Bundok Gerizim, naroroon ang lunsod ng Shekem. Dito—halos apat na libong taon na ang nakalilipas—nangako si Jehova kay Abraham: “Sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lupaing ito.”—Genesis 12:6, 7.
Kasuwato ng pangakong ito, ang apo ni Abraham na si Jacob ay nagkampo sa Shekem at nagtayo ng altar na tinawag niyang “Diyos ang Diyos ng Israel.” Malamang na humukay si Jacob ng isang balon sa lugar na ito upang maglaan ng tubig sa kaniyang pamilya at mga kawan, isang balon na pagkalipas ng mga siglo ay makikilala bilang ang “bukal ni Jacob.”—Genesis 33:18-20, talababa sa Ingles; Juan 4:5, 6, 12.
Gayunpaman, hindi lahat ng miyembro ng pamilya ni Jacob ay nagpakita ng sigasig sa tunay na pagsamba. Si Dina, na kaniyang anak, ay nakisama sa mga batang babaing Canaanita ng Shekem. Iniwan ni Dina, na noo’y bata pa, ang kaligtasan sa mga tolda ng kaniyang pamilya at nagsimulang dumalaw sa karatig na lunsod, anupat nakikipagkaibigan doon.
Ano kaya ang iisipin ng mga kabataang lalaki ng lunsod sa birheng dalagitang ito na palaging dumadalaw sa kanilang lunsod—na wari’y nag-iisa? Isang anak ng pinuno ang ‘nakakita sa kaniya at kinuha siya at sinipingan siya at hinalay siya.’ Bakit kaya kusang lumapit si Dina sa panganib sa pamamagitan ng pakikisama sa mga imoral na Canaanita? Dahil ba sa pag-aakalang kailangan niya ang pakikisama ng mga batang babaing kasing edad niya? Siya ba’y gaya rin ng ilan niyang kapatid na lalaki na matitigas ang ulo at mapagsarili? Basahin ang ulat ng Genesis, at subuking unawain ang pighati’t kahihiyan nina Jacob at Lea dahil sa trahedyang naganap na naging bunga ng pagpunta-punta ng kanilang anak na babae sa Shekem.—Genesis 34:1-31; 49:5-7; tingnan din ang The Watchtower, Hunyo 15, 1985, pahina 31.
Pagkalipas ng halos 300 taon, muling lumitaw ang resulta ng pagwawalang-bahala sa mga teokratikong patakaran. Sa Shekem, si Josue ay nag-organisa ng isa sa di-malilimot na pagpupulong sa kasaysayan ng mga Israelita. Gunigunihin ang naging tagpo sa libis. Mahigit na isang milyon katao—lalaki, babae, at mga bata—na kabilang sa anim na tribo ng Israel ang nakatayo sa harap ng Bundok Gerizim. Sa kabilang libis naman ay nakatayo sa harap ng Bundok Ebal ang halos gayunding bilang mula sa anim pang tribo.a At doon sa ibaba, sa tabi ng kaban ng tipan at sa gitna ng magkabilang pangkat ng mga Israelita, nakatayo ang mga saserdote at si Josue. Napakagandang tanawin!—Josue 8:30-33.
Sa gawing itaas ng napakalaking pulutong na ito, ang dalawang bundok ay naglaan ng lubos na pagkakaiba ng kagandahan at ng pagiging tigang. Ang mga dalisdis ng Gerizim sa gawing itaas ay luntian at mabunga, samantalang yaong sa Ebal ay pawang tuyot at walang tanim. Nauulinigan mo ba ang mga anasan dahil sa pananabik habang hinihintay ng mga Israelita ang sandali ng pagsasalita ni Josue? Bawat tunog ay umaalingawngaw sa teatrong ito na likha ng kalikasan.
Sa apat hanggang anim na oras na ginugol ni Josue sa pagbabasa ng ‘aklat ng mga batas ni Moises,’ ang bayan ay nakibahagi rin. (Josue 8:34, 35) Sa wari, ang mga Israelitang nasa harap ng Gerizim ay nagsasabi ng Amen! sa bawat pagpapala, samantalang ang Amen! niyaong mga nasa harap ng Ebal ay nagdiriin naman ng bawat maldisyon. Marahil ay nagsisilbing paalaala sa mga tao ang tigang na hitsura ng Bundok Ebal bilang kapaha-pahamak na bunga ng pagsuway.
“Sumpain yaong humahamak sa kaniyang ama o sa kaniyang ina,” babala ni Josue. Sabay-sabay, sumagot ang mahigit na isang milyong tinig: “Amen!” Hinintay ni Josue na matapos ang waring-kulog na sagot na ito bago nagpatuloy: “Sumpain yaong bumago ng muhon ng kaniyang kapuwa.” Muli ang anim na tribo, kasama ang maraming naninirahang dayuhan, ay sumagot: “Amen!” (Deuteronomio 27:16, 17) Kung ikaw ay naroroon, malilimot mo pa kaya ang pagpupulong na iyon na ginanap sa pagitan ng mga bundok? Makakatkat pa kaya sa iyong gunita ang pangangailangang maging masunurin?
Pagkalipas ng 20 taon nang malapit na siyang mamatay, minsan pang tinawag ni Josue ang bayan na magsama-sama sa Shekem upang pagtibayin ang kanilang pasiya. Nagharap siya sa kanila ng pagpipilian. “Piliin ninyo ngayon kung sino ang inyong paglilingkuran,” aniya. “Ngunit para sa akin at sa aking sambahayan, paglilingkuran namin si Jehova.” (Josue 24:1, 15) Maliwanag, ang nakapagpapasigla-ng-pananampalatayang mga kombensiyong ito sa Shekem ay nag-iwan ng matinding impresyon. Sa loob ng maraming taon pagkamatay ni Josue, tinularan ng mga Israelita ang kaniyang tapat na halimbawa.—Josue 24:31.
Pagkalipas ng mga 15 siglo nang si Jesus ay nagpapahinga sa lilim ng Bundok Gerizim, naganap ang isang masiglang pag-uusap. Palibhasa’y napagod dahil sa malayong paglalakbay, si Jesus ay nakaupo sa may bukal ni Jacob nang lumapit ang isang babaing Samaritana na may dalang banga ng tubig. Gayon na lamang ang gulat ng babae nang humingi sa kaniya si Jesus ng maiinom, yamang ang mga Judio ay hindi man lamang nakikipag-usap sa mga Samaritano, lalo na nga ang pag-inom mula sa kanilang sisidlan. (Juan 4:5-9) Lalo na siyang nagulat sa sumunod na sinabi ni Jesus.
“Bawat isa na umiinom mula sa tubig na ito ay mauuhaw muli. Sinuman na uminom mula sa tubig na aking ibibigay sa kaniya ay hindi na kailanman mauuhaw pa, kundi ang tubig na aking ibibigay sa kaniya ay magiging isang bukal ng tubig sa kaniya na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 4:13, 14) Gunigunihin ang interes ng babae sa pangakong iyan, palibhasa’y isang mahirap na trabaho ang pag-igib sa malalim na balong ito. Ipinaliwanag pa ni Jesus na sa kabila ng kahalagahan ng mga ito sa kasaysayan, ang Jerusalem at ang Bundok Gerizim ay hindi mga relihiyosong dako na kailangan para makalapit sa Diyos. Ang mahalaga ay ang saloobin at paggawi, hindi ang lugar. “Ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan,” aniya. “Sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya.” (Juan 4:23) Talagang nakaaaliw ang mga salitang iyon! Ang libis na ito ay minsan pang naging dako na doo’y hinimok ang mga tao na maglingkod kay Jehova.
Sa ngayon ang lunsod ng Nablus ay naroroon sa tabi ng kagibaan ng sinaunang Shekem. Nangingibabaw pa rin sa libis ang Bundok Gerizim at ang Bundok Ebal, na nakatayo bilang mga piping saksi sa mga pangyayari noon. Ang balon ni Jacob, sa paanan ng mga bundok na ito, ay maaari pa ring pasyalan. Habang binubulay-bulay natin ang mga pangyayaring naganap doon, tayo’y napaaalalahanan sa kahalagahan ng pagtataguyod ng tunay na pagsamba, gaya ng itinuro ni Josue at ni Jesus na gawin natin.—Ihambing ang Isaias 2:2, 3.
[Talababa]
a Ang anim na tribo sa harap ng Bundok Gerizim ay kay Simeon, Levi, Juda, Isachar, Jose, at Benjamin. Ang anim na tribo sa harap ng Bundok Ebal ay kay Ruben, Gad, Aser, Zebulun, Dan, at Naptali.—Deuteronomio 27:12, 13.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.