SABBATH, ARAW NG
Isang araw na itinalaga ng Diyos upang magpahinga mula sa karaniwang mga pagtatrabaho; ibinigay ni Jehova ang Sabbath bilang isang tanda sa pagitan niya at ng mga anak ni Israel. (Exo 31:16, 17) Ang pananalitang Hebreo na yohm hash·shab·bathʹ ay hinalaw sa pandiwang sha·vathʹ, nangangahulugang “magpahinga, maglikat.” (Gen 2:2; 8:22) Sa Griego, ang he he·meʹra tou sab·baʹtou ay nangangahulugang “araw ng sabbath.”
Nagsimula ang kasaysayan ng lingguhang 24-na-oras na pangingilin ng sabbath noong 1513 B.C.E. samantalang ang bansang Israel ay nasa ilang noong ikalawang buwan pagkatapos ng kanilang Pag-alis mula sa Ehipto. (Exo 16:1) Sinabi ni Jehova kay Moises na sa ikaanim na araw ay madodoble ang makahimalang paglalaan ng manna. Nang magkatotoo ito, iniulat kay Moises ng mga pinuno ng kapulungan ang tungkol sa bagay na ito at nang magkagayon ay ipinatalastas niya ang kaayusan para sa lingguhang Sabbath. (Exo 16:22, 23) Mula noong panahong iyon, naging pananagutan na ng Israel na ipangilin ang Sabbath at ipinakikita ito ng mga salita ni Jehova sa Exodo 16:28, 29.
Pagkatapos ng maikling panahon, nang pormal na pasinayaan sa Bundok Sinai ang tipang Kautusan, ang lingguhang Sabbath ay ginawang isang mahalagang bahagi ng isang sistema ng mga sabbath. (Exo 19:1; 20:8-10; 24:5-8) Ang sistemang ito ay binubuo ng maraming uri ng sabbath: ang ika-7 araw, ang ika-7 taon, ang ika-50 taon (taon ng Jubileo), Nisan 14 (Paskuwa), Nisan 15, Nisan 21, Sivan 6 (Pentecostes), Etanim 1, Etanim 10 (Araw ng Pagbabayad-Sala), Etanim 15, at Etanim 22.
Hindi iniutos ang Sabbath sa sinuman sa mga lingkod ng Diyos bago ang Pag-alis at maliwanag itong ipinakikita ng Deuteronomio 5:2, 3 at Exodo 31:16, 17: “Hindi sa ating mga ninuno pinagtibay ni Jehova ang tipang ito, kundi sa atin.” “Ipangingilin ng mga anak ni Israel ang sabbath . . . sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi. . . . Sa pagitan ko at ng mga anak ni Israel ay isang tanda ito hanggang sa panahong walang takda.” Kung dati nang ipinangingilin ng Israel ang Sabbath, hindi ito maaaring magsilbing isang paalaala ng pagliligtas sa kanila ni Jehova mula sa Ehipto, gaya ng ipinakikita ng Deuteronomio 5:15. Ipinahihiwatig ng paglabas ng ilan sa mga Israelita upang mamulot ng manna sa ikapitong araw, sa kabila ng tuwirang tagubilin na huwag itong gawin, na ang pangingilin ng Sabbath ay isang bagong bagay sa kanila noon. (Exo 16:11-30) Yamang hindi matiyak noon kung paano aasikasuhin ang kaso ng unang napaulat na manlalabag ng Sabbath pagkatapos na ibigay ang Kautusan sa Sinai, ipinakikita rin nito na kamakailan lamang itinatag ang Sabbath. (Bil 15:32-36) Samantalang nasa Ehipto, palibhasa’y mga alipin doon, hindi posibleng ipangilin ng mga Israelita ang Sabbath kahit mapasailalim pa sila ng gayong kautusan sa panahong iyon. Nagreklamo si Paraon na nakaaabala si Moises kahit noong humingi lamang ito ng tatlong araw upang makapaghain sila sa Diyos. Gaano pa nga kaya kung tinangka ng mga Israelita na magpahinga tuwing ikapitong araw. (Exo 5:1-5) Bagaman totoo na waring sinukat ng mga patriyarka ang panahon sa pamamagitan ng sanlinggo na may pitong araw, walang katibayan na itinuring nilang naiiba ang ikapitong araw. Gayunman, naging prominente ang pito bilang isang numero na karaniwang tumutukoy sa pagiging kumpleto. (Gen 4:15, 23, 24; 21:28-32) Maliwanag na ang salitang Hebreo na “sumumpa” (sha·vaʽʹ) ay nagmula rin sa salitang-ugat ng salitang nangangahulugang “pito.”
Ang Sabbath ay ipinagdiriwang noon bilang isang sagradong araw (Deu 5:12), isang araw ng kapahingahan at pagsasaya para sa lahat—para sa mga Israelita, mga lingkod, mga naninirahang dayuhan, at mga hayop—anupat humihinto sila mula sa lahat ng pagtatrabaho. (Isa 58:13, 14; Os 2:11; Exo 20:10; 34:21; Deu 5:12-15; Jer 17:21, 24) Sa araw na iyon, isang pantanging handog na sinusunog, kasama ng handog na mga butil at handog na inumin, ang inihahain, bukod pa sa regular at pang-araw-araw na “palagiang handog na sinusunog.” (Bil 28:9, 10) Pinapalitan ang tinapay na pantanghal sa santuwaryo, at isang bagong pangkat ng mga saserdote ang gumaganap ng kanilang mga tungkulin. (Lev 24:5-9; 1Cr 9:32; 2Cr 23:4) Hindi apektado ng Sabbath ang mga tungkulin ng saserdote (Mat 12:5), at tinutuli noon ang mga sanggol kahit Sabbath kung iyon ang ikawalong araw ng mga ito. Nang maglaon ay nagkaroon ng kasabihan ang mga Judio, “Walang sabbath sa santuwaryo,” anupat nangangahulugang patuloy na ginagampanan ng mga saserdote ang kanilang mga tungkulin.—Ju 7:22; Lev 12:2, 3; The Temple, ni A. Edersheim, 1874, p. 152.
Ayon sa mga impormasyong rabiniko, noong panahong naririto si Jesus sa lupa, ang pagdating ng araw ng Sabbath ay ipinatatalastas sa pamamagitan ng tatlong tunog ng trumpeta sa bandang ikasiyam na oras, o alas tres, ng hapon ng Biyernes. Karaka-raka, itinitigil ang lahat ng paggawa at pangangalakal, sinisindihan ang lampara ng Sabbath, at isinusuot ang mga kasuutang pangkapistahan. Pagkatapos, tatlo na namang tunog ang maghuhudyat na aktuwal nang nagsimula ang Sabbath. Sa araw ng Sabbath, ang papalabas na pangkat ng mga saserdote ang naghahandog ng pang-umagang hain at ang papasók na pangkat naman ang naghahandog ng panggabing hain, anupat kapuwa nasa santuwaryo ang mga pangkat na ito sa araw na iyon. Bawat isa sa mga pangkat ay magbibigay sa mataas na saserdote ng kalahati ng takdang bahagi nito sa tinapay. Kinakain ito ng mga saserdote na nasa malinis na kalagayan sa templo mismo sa panahon ng Sabbath. Sa pamamagitan ng palabunutan, itinatalaga ng mga ulo ng mga pamilya ng papasók na pangkat kung alin sa mga pamilya ang maglilingkod sa bawat pantanging araw ng kanilang linggo ng paglilingkod at kung sino ang gaganap ng makasaserdoteng mga tungkulin sa Sabbath.—Lev 24:8, 9; Mar 2:26, 27; The Temple, p. 151, 152, 156-158.
Magkaiba ang mga kahilingan para sa regular na lingguhang Sabbath at sa mga Sabbath o “mga banal na kombensiyon” na kaugnay ng mga kapistahan. (Lev 23:2) Sa pangkalahatan, mas mahigpit ang lingguhang Sabbath; sa panahong iyon ay walang gawain, mabigat man o hindi, ang maaaring gawin (maliban sa mga gawain sa santuwaryo). Kahit ang pangunguha ng kahoy o ang pagpapaningas ng apoy ay ipinagbawal. (Bil 15:32-36; Exo 35:3) Nilimitahan din ang paglalakbay, anupat lumilitaw na ibinatay ito sa Exodo 16:29. Ang Araw ng Pagbabayad-Sala ay isa ring panahon ng kapahingahan mula sa lahat ng uri ng gawain. (Lev 16:29-31; 23:28-31) Gayunman, sa mga araw ng banal na kombensiyon ng mga kapistahan ay hindi maaaring gumawa ng mabigat na gawain, paghahanapbuhay, o pangangalakal, ngunit ipinahintulot ang pagluluto, mga paghahanda para sa kapistahan, at iba pa.—Exo 12:16; Lev 23:7, 8, 21, 35, 36.
Kung minsan, dalawang legal na Sabbath ang pumapatak sa iisang yugtong 24-na-oras, at tinatawag ito noon na isang ‘dakilang’ Sabbath, halimbawa ay kapag tumapat sa regular na Sabbath ang Nisan 15 (isang araw ng sabbath).—Ju 19:31.
Mga Pakinabang at Kahalagahan ng Sabbath. Ang paghinto mula sa lahat ng pagtatrabaho at ang pagtupad sa iba pang bigay-Diyos na mga kahilingan hinggil sa Sabbath ay hindi lamang nagbigay ng kapahingahan sa katawan kundi, higit na mahalaga, naglaan ito ng pagkakataon upang maipakita ng indibiduwal ang kaniyang pananampalataya at pagkamasunurin sa pamamagitan ng pangingilin ng Sabbath. Nagbigay ito ng pagkakataon sa mga magulang na maikintal sa isip at puso ng kanilang mga anak ang mga kautusan at mga utos ng Diyos. (Deu 6:4-9) Kaugalian nang gugulin ang Sabbath sa pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos at pag-aasikaso sa espirituwal na mga pangangailangan, gaya ng ipinahihiwatig ng naging tugon ng asawa ng babaing Sunamita nang humingi siya ng pahintulot na yumaon upang makipagkita kay Eliseo na lalaki ng Diyos: “Bakit ka paroroon sa kaniya ngayon? Hindi naman isang bagong buwan ni isang sabbath.” (2Ha 4:22, 23) At walang alinlangang sinamantala ng mga Levitang nakapangalat sa buong lupain ang Sabbath upang ituro ang Kautusan sa bayan ng Israel.—Deu 33:8, 10; Lev 10:11.
Mahalagang alalahanin ng indibiduwal na mga Israelita na ipangilin ang Sabbath dahil ang paglabag dito ay itinuturing na paghihimagsik laban kay Jehova at pinarurusahan ng kamatayan. (Exo 31:14, 15; Bil 15:32-36) Kumapit din sa bansa ang simulaing ito. Ang buong-puso nilang pagtupad sa buong sistema ng sabbath, kapuwa ang mga araw at mga taon, ay isang mahalagang salik noon upang patuloy silang umiral bilang isang bansa sa kanilang bigay-Diyos na lupain. Dahil hindi nila pinarangalan ang mga kautusan ng Sabbath, naging isang malaking dahilan ito ng pagbagsak nila at ng pagkatiwangwang ng lupain ng Juda sa loob ng 70 taon upang mapunan ang mga Sabbath na nilabag nila.—Lev 26:31-35; 2Cr 36:20, 21.
Mga Rabinikong Restriksiyon sa Sabbath. Noong una, ang Sabbath ay nilayong maging isang masayang panahon na nakapagpapatibay sa espirituwal. Ngunit dahil sa kanilang sigasig na lubhang mapaiba sa mga Gentil, unti-unti itong pinabigat ng mga Judiong lider ng relihiyon, lalo na pagkabalik nila mula sa pagkatapon sa Babilonya, anupat nagdagdag sila ng marami pang restriksiyon sa Sabbath na dahil dito’y umabot iyon nang 39, bukod pa sa di-mabilang na mas maliliit na restriksiyon. Nang tipunin ang mga iyon, dalawang malalaking tomo ang nabuo. Bilang halimbawa, ipinagbawal ang panghuhuli ng pulgas anupat itinuring itong isang uri ng pangangaso. Hindi maaaring bigyan ng lunas ang paghihirap ng isang tao malibang nanganganib ang buhay nito. Hindi maaaring ayusin ang isang butong nalinsad, ni bendahan man ang isang pilay. Pinawalang-saysay ng mga Judiong lider ng relihiyon ang tunay na layunin ng Sabbath, sapagkat ginawa nilang mga alipin ng tradisyon ang mga tao, sa halip na ang Sabbath ang maglingkod sa mga tao sa ikararangal ng Diyos. (Mat 15:3, 6; 23:2-4; Mar 2:27) Nang manguha ang mga alagad ni Jesus ng mga butil at kiskisin nila ang mga ito sa kanilang mga kamay upang kainin, maliwanag na dalawang bagay ang iniakusa sa kanila, samakatuwid nga, pag-aani at paggigiik sa panahon ng Sabbath. (Luc 6:1, 2) May kasabihan noon ang mga rabbi: “Ang mga kasalanan ng sinumang mahigpit na tumutupad sa bawat kautusan ng Sabbath, bagaman isa siyang mananamba sa idolo, ay pinatatawad.”
Hindi Iniutos sa mga Kristiyano. Bilang isang Judio na nasa ilalim ng Kautusan, ipinangilin ni Jesus ang Sabbath ayon sa ipinag-utos ng Salita ng Diyos (hindi ng mga Pariseo). Alam niyang kaayon ng kautusan ang gumawa ng mabubuting bagay kapag Sabbath. (Mat 12:12) Gayunman, sinasabi ng kinasihang mga kasulatang Kristiyano na “si Kristo ang wakas ng Kautusan” (Ro 10:4), anupat dahil dito ay “pinalaya na [ang mga Kristiyano] mula sa Kautusan.” (Ro 7:6) Walang kinilala si Jesus ni ang kaniyang mga alagad na anumang pagkakaiba sa pagitan ng tinatawag na moral at seremonyal na mga kautusan. Sumipi sila mula sa ibang mga bahagi ng Kautusan gayundin sa Sampung Utos at itinuring nilang ang lahat ng ito ay dapat tuparin ng mga nasa ilalim ng Kautusan. (Mat 5:21-48; 22:37-40; Ro 13:8-10; San 2:10, 11) Malinaw na sinasabi ng Kasulatan na “pinawi [ng hain ni Kristo] ang Kautusan ng mga utos na binubuo ng mga tuntunin” at na “pinawi [ng Diyos] ang sulat-kamay na dokumento na laban sa atin, na binubuo ng mga tuntunin . . . at inalis Niya ito sa pamamagitan ng pagpapako nito sa pahirapang tulos.” Ang buong Kautusang Mosaiko ang “pinawi” o “inalis.” (Efe 2:13-15; Col 2:13, 14) Dahil dito, sa pamamagitan ng hain ni Kristo Jesus, ang buong sistema ng mga Sabbath, mga araw man o mga taon, ay winakasan kasama ng iba pang bahagi ng Kautusan. Ito ang dahilan kung bakit maaaring ituring ng mga Kristiyano “ang isang araw bilang gaya ng lahat ng iba pa,” ito man ay isang sabbath o iba pang araw, anupat hindi natatakot na hahatulan siya ng iba. (Ro 14:4-6; Col 2:16) May kinalaman doon sa mga ubod-ingat na nangingilin ng “mga araw at mga buwan at mga kapanahunan at mga taon,” ganito ang sinabi ni Pablo: “Natatakot ako para sa inyo, na baka sa paanuman ay nagpagal ako nang walang layunin may kaugnayan sa inyo.”—Gal 4:10, 11.
Pagkamatay ni Jesus, hindi kailanman iniutos ng kaniyang mga apostol na ipangilin ang Sabbath. Hindi kabilang ang Sabbath sa kahilingan sa mga Kristiyano sa Gawa 15:28, 29, o kahit noong dakong huli. Ni nagtatag man sila ng isang bagong sabbath, isang “araw ng Panginoon.” Bagaman binuhay-muli si Jesus sa araw na tinatawag ngayon na Linggo, hindi ipinahihiwatig saanman sa Bibliya na ang araw na ito ng kaniyang pagkabuhay-muli ay dapat gunitain bilang isang “bagong” sabbath o sa anumang ibang paraan. Itinatawag-pansin ng ilan ang 1 Corinto 16:2 at Gawa 20:7 bilang saligan upang ipangilin ang Linggo bilang isang sabbath. Gayunman, ipinakikita lamang ng unang teksto na tinagubilinan ni Pablo ang mga Kristiyano na magbukod sa kanilang mga tahanan ng isang partikular na halaga para sa kanilang nagdarahop na mga kapatid sa Jerusalem tuwing unang araw ng sanlinggo. Ang salaping iyon ay hindi nila dadalhin sa kanilang dako ng pagtitipon kundi iingatan nila hanggang sa pagdating ni Pablo. Kung tungkol naman sa huling tekstong nabanggit, makatuwiran lamang na makipagtagpo si Pablo sa mga kapatid sa Troas sa unang araw ng sanlinggo, yamang kinabukasan mismo ay paalis na siya.
Batay sa mga nabanggit na, maliwanag na hindi bahagi ng unang-siglong Kristiyanismo ang literal na pangingilin ng mga araw at mga taon ng Sabbath. Noon lamang 321 C.E. itinalaga ni Constantino ang Linggo (sa Latin: dies Solis, isang matandang titulo na iniuugnay sa astrolohiya at pagsamba sa araw, hindi Sabbatum [Sabbath] o dies Domini [araw ng Panginoon]) bilang isang araw ng kapahingahan para sa lahat maliban sa mga magsasaka.
Pagpasok sa Kapahingahan ng Diyos. Ayon sa Genesis 2:2, 3, kasunod ng ikaanim na araw, o yugto, ng paglalang, ang Diyos ay “nagpasimulang magpahinga noong ikapitong araw,” anupat huminto mula sa mga gawang paglalang may kinalaman sa lupa, gaya ng inilalarawan sa Genesis kabanata 1.
Sa Hebreo, mga kabanata 3 at 4, ipinakikita ng apostol na si Pablo na ang mga Judio sa ilang ay hindi nakapasok sa kapahingahan, o sabbath, ng Diyos dahil sa pagsuway at kawalan ng pananampalataya ng mga ito. (Heb 3:18, 19; Aw 95:7-11; Bil 14:28-35) Yaong mga nakapasok sa Lupang Pangako sa ilalim ng pangunguna ni Josue ay nakaranas ng isang kapahingahan, ngunit hindi iyon ang lubos na kapahingahang tatamasahin sa ilalim ng Mesiyas. Makasagisag lamang iyon, o isang anino ng katunayan. (Jos 21:44; Heb 4:8; 10:1) Gayunman, nagpaliwanag si Pablo, “may nananatili pang sabbath na pagpapahinga para sa bayan ng Diyos.” (Heb 4:9) Kaugnay nito, yaong mga masunurin at nananampalataya kay Kristo ay nagtatamasa ng isang “sabbath na pagpapahinga” mula sa kanilang “sariling mga gawa,” mga gawa na sa pamamagitan ng mga ito ay sinikap nila noon na patunayang matuwid ang kanilang sarili. (Ihambing ang Ro 10:3.) Sa gayon, ipinakikita ni Pablo na noong kaniyang mga araw ay nagpapatuloy pa rin ang sabbath, o kapahingahan, ng Diyos at pumapasok doon ang mga Kristiyano, anupat nagpapahiwatig na libu-libong taon ang haba ng araw ng kapahingahan ng Diyos.—Heb 4:3, 6, 10.
“Panginoon ng Sabbath.” Noong naririto siya sa lupa, tinukoy ni Jesu-Kristo ang kaniyang sarili bilang “Panginoon ng sabbath.” (Mat 12:8) Ang literal na araw ng Sabbath, na nilayong magdulot sa mga Israelita ng kaginhawahan mula sa kanilang mga pagtatrabaho, ay “isang anino ng mga bagay na darating, ngunit ang katunayan ay sa Kristo.” (Col 2:16, 17) May kaugnayan sa “mga bagay na darating,” may isang sabbath na doo’y si Jesus ang magiging Panginoon. Bilang Panginoon ng mga panginoon, pamamahalaan ni Kristo ang buong lupa sa loob ng isang libong taon. (Apo 19:16; 20:6) Noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, ang ilan sa pinakanamumukod-tanging makahimalang mga gawa ni Jesus ay sa araw ng Sabbath niya isinagawa. (Luc 13:10-13; Ju 5:5-9; 9:1-14) Maliwanag na ipinakikita nito ang uri ng kaginhawahang idudulot niya habang iniaangat niya ang sangkatauhan tungo sa espirituwal at pisikal na kasakdalan sa panahon ng kaniyang dumarating na Milenyong Paghahari, anupat dahil dito ay magiging tulad iyon ng isang yugto ng sabbath na kapahingahan para sa lupa at sa sangkatauhan.—Apo 21:1-4.