Ang Karunungan na ‘Makini-kinita Kung Ano ang Mangyayari’
“SILA’Y isang bayan na nawalan ng kanilang katinuan at walang unawa. Kung sila’y marunong, mauunawaan nila ito at makikini-kinita kung ano ang mangyayari sa kanila.”—Deuteronomio 32:28, 29, Beck.
Ang mga salitang ito’y sinalita ni Moises sa mga Israelita habang nakatayo sila sa hangganan ng Lupang Pangako. Inihula ni Moises ang panahon na iiwan nila si Jehova at hindi gaanong magbibigay ng pansin sa mga kahihinatnan ng kanilang mga pagkilos. Sa sumunod na mga dantaon, ipinagwalang-bahala ng bayang Israel—pati na ng maraming hari—ang mga babala ng Diyos.
Halimbawa, alam ni Solomon ang utos ng Diyos na huwag mag-asawa ng mga sumasamba sa mga diyos maliban kay Jehova. (Deuteronomio 7:1-4) Gayunpaman, nagkaroon siya ng “maraming banyagang asawa.” Ang resulta? Binabanggit ng ulat ng Bibliya: “Nang panahon ng pagtanda ni Solomon ay ikiniling ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso na sumunod sa ibang mga diyos; at ang kaniyang puso ay hindi naging sakdal kay Jehova na kaniyang Diyos tulad ng puso ni David na kaniyang ama.” (1 Hari 11:1, 4) Bagaman isang taong pantas, nagkulang si Solomon ng katinuan upang ‘makini-kinita kung ano ang mangyayari’ kung susuwayin niya ang utos ng Diyos.
Kumusta naman tayo? Maiiwasan natin ang maraming pasakit kung patiuna nating pag-iisipan ang mga pagpapasiya sa buhay. Halimbawa, ang mga Kristiyano’y pinapayuhang “linisin [ang kanilang mga sarili] mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu.” (2 Corinto 7:1) Matalino ito, subalit marami ang walang katinuan upang makini-kinita kung ano ang mangyayari kung ipagwawalang-bahala nila ang payo ni Pablo. Halimbawa, dinudumhan ng maraming kabataan ang kanilang mga katawan sa pamamagitan ng paninigarilyo, anupat iniisip na ito ay magpapangyaring sila’y magmukhang sopistikado at may sapat na gulang. Kalunus-lunos nga kung, sa dakong huli ng buhay, ang marami ay magkaroon ng mga sakit sa puso, kanser sa baga, o emphysema bilang resulta!
Mahalaga na seryosong pag-isipan ang mga resulta ng ating mga pasiya at pagkilos. May mabuting dahilan, sumulat si Pablo: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin; sapagkat siya na naghahasik may kinalaman sa kaniyang laman ay mag-aani ng kasiraan mula sa kaniyang laman, ngunit siya na naghahasik may kinalaman sa espiritu ay mag-aani ng buhay na walang-hanggan mula sa espiritu.”—Galacia 6:7, 8.