NEBO
1. Isang Moabitang lunsod na napasailalim ng pamamahala ng Amoritang si Haring Sihon ilang panahon bago pumasok sa Lupang Pangako ang mga Israelita. (Ihambing ang Bil 21:26; 32:3; Isa 15:2.) Pagkatapos na talunin ng Israel si Sihon, muling itinayo ng mga Rubenita ang Nebo. (Bil 32:37, 38) Gayunman, pagsapit ng ikasiyam na siglo B.C.E., lumilitaw na naagaw sa mga Rubenita (1Cr 5:1, 8) ang lunsod, sapagkat, sa Batong Moabita, ipinaghambog ni Haring Mesa na nakuha niya ito mula sa Israel sa patnubay ng kaniyang diyos na si Kemos. Nang maglaon, binanggit kapuwa ni Isaias (noong ikawalong siglo B.C.E.) at ni Jeremias (noong ikapitong siglo B.C.E.) ang Nebo sa mga hulang nakatuon laban sa Moab.—Isa 15:2; Jer 48:1, 22.
Ang Nebo ay karaniwang iniuugnay sa Khirbet Mekhayyet (o, Qaryat el Mukhaiyat), na mga 8 km (5 mi) sa TK ng Hesbon. May mga guho ng isang sinaunang tanggulan sa lugar na ito. Gayundin, maraming bibinga ng mga kagamitang luwad (ipinapalagay na mula pa noong ika-12 hanggang sa pasimula ng ika-6 na siglo B.C.E.) ang natagpuan.
2. Isang lunsod, na ang mga kinatawan ay bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya. (Ezr 2:1, 29) Lumilitaw na upang ipakita na iba ang Nebo na ito mula sa Blg. 1, tinutukoy ito bilang “isa pang Nebo.” (Ne 7:33) Ang makabagong Nuba, na mga 11 km (7 mi) sa HK ng Hebron, ay iminumungkahi bilang isang posibleng lokasyon. Pero sa Ezra 10:43, 44, posibleng pangalan ito ng isang lalaki na ang mga inapo ay bumalik mula sa pagkatapon at nagpaalis sa kanilang mga asawa.
3. Maliwanag na isa sa mga bundok ng Abarim. Mula sa Bundok Nebo o mula sa taluktok ng Pisga (na maaaring isang bahagi ng Nebo o maaaring ang Nebo ay isang bahagi ng Pisga) ay natanaw ni Moises ang Lupang Pangako, at pagkatapos ay namatay siya roon. (Deu 32:48-52; 34:1-4) Ang Bundok Nebo ay karaniwang iniuugnay sa Jebel en-Neba (Har Nevo). Ang bundok na ito ay may taas na mahigit sa 800 m (2,630 piye) mula sa kapantayan ng dagat at mga 17 km (11 mi) sa S kung saan dumadaloy ang Jordan sa Dagat na Patay. Pinaniniwalaang ang Pisga ay maaaring ang Ras es-Siyaghah, isang mataas na bahagi na nasa HK ng taluktok ng Jebel en-Neba at mababa nang kaunti kaysa rito. Kung maaliwalas ang panahon makikita mula sa taluktok ng Ras es-Siyaghah ang isang kahanga-hangang tanawin ng mga bundok ng Hermon, Tabor, Ebal, at Gerizim (gitnang tagaytay ng bundok na kinaroroonan ng Betlehem at Hebron), gayundin ang Libis ng Jordan at ang Dagat na Patay.
4. Isang bathala na ang kahihiyang sinapit noong bumagsak ang Babilonya ay inihula ng propetang si Isaias. (Isa 46:1, 2) Sinamba si Nebo kapuwa sa Babilonia at Asirya. Iniugnay siya sa planetang Mercury at itinuring na anak nina Marduk at Sarpanitu at asawa ni Tashmitum. Para sa kaniyang mga mananamba, si Nebo ay isang diyos ng karunungan at pagkatuto, “ang diyos na nagtataglay ng katalinuhan,” “siya na dumirinig mula sa malayo,” “siya na nagtuturo,” at “panginoon ng panulat sa tapyas.”—The Seven Great Monarchies of the Ancient Eastern World, ni G. Rawlinson, 1885, Tomo I, p. 91; Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 450.
Ang pagiging prominente ng bathalang ito ay ipinakikita ng pagtukoy ng Babilonyong hari na si Nabonido kay Nebo bilang “ang administrador ng buong daigdig sa ibabaw at ilalim ng lupa, na nagpapalawig sa haba ng aking buhay” at gayundin bilang ang isa “na nagpapahaba sa (panahon ng) aking pamamahala.” Kinilala ni Nabonido na si Nebo ang naglagay sa kaniyang mga kamay ng “wastong setro, matuwid na baston, na (tanging) nagbibigay-katiyakan sa pagpapadakila ng bansa.” (Ancient Near Eastern Texts, p. 310) Ang isa pang nagpapahiwatig ng kahalagahan ni Nebo sa relihiyon ng Babilonya ay ang bagay na isang anyo ng kaniyang pangalan ang lumilitaw sa mga pangalan ng mga Babilonyong hari na sina Nabucodonosor, Nabopolassar, at Nabonido; gayundin sa Nabuzaradan (2Ha 25:8) at marahil sa Abednego.—Dan 1:7.
Si Nebo ay kilaláng iniuugnay sa sinaunang lunsod ng Borsippa (makabagong Birs o Birs-Nimrud) malapit sa Babilonya. Sa panahon ng tagsibol, tuwing Araw ng Bagong Taon, ang imahen ni Nebo ay dinadala kasabay ng sagradong prusisyon mula sa Borsippa patungo sa Babilonya. Pagkatapos nito, kapag naibalik na ang imahen sa santuwaryo nito sa Borsippa, ang imahen ni Marduk (tinatawag din sa kaniyang titulo na Bel [Panginoon]) ay dinadala nang bahagya kasama niyaong kay Nebo. Kaya naman angkop na angkop na espesipikong binanggit ng hula ni Isaias ang dumarating na kadustaan nina Bel at Nebo sa pagbagsak ng Babilonya.—Isa 46:1, 2.