BUWAN
[sa Ingles, moon].
“Ang mas maliit na tanglaw para magpuno sa gabi,” na inilaan ng Diyos bilang isang palatandaan ng “mga takdang panahon.” (Gen 1:16; Aw 104:19; Jer 31:35; 1Co 15:41) Ang salitang Hebreo para sa “buwan” (ya·reʹach) ay may malapit na kaugnayan sa salitang Hebreong yeʹrach, nangangahulugang “buwang lunar.” Yamang laging nagsisimula ang buwang lunar sa paglitaw ng bagong buwan (sa Heb., choʹdhesh; sa Ingles, new moon), nang maglaon, ang terminong “bagong buwan” ay nangahulugan na ring “buwan” [month]. (Gen 7:11; Exo 12:2; Isa 66:23) Ang salitang Griegong se·leʹne ay isinasaling “buwan” (moon), samantalang ang salitang Griegong men ay may ideya ng isang yugtong lunar.—Luc 1:24; Gal 4:10; gayundin ang Col 2:16, kung saan lumilitaw ang ne·o·me·niʹa (bagong buwan).
Ang salitang leva·nahʹ, nangangahulugang “puti,” ay lumilitaw nang tatlong ulit sa tekstong Hebreo at matulaing naglalarawan sa maputing kaningningan ng kabilugan ng buwan na partikular na mapapansin sa mga lupain sa Bibliya. (Sol 6:10; Isa 24:23; 30:26) Ang salitang keʹseʼ (o keʹseh), nangangahulugang “kabilugan ng buwan,” ay makalawang ulit ding lumilitaw.—Aw 81:3; Kaw 7:20, RS.
Yamang ang haba ng katamtamang lunasyon mula sa bagong buwan hanggang sa sumunod na bagong buwan ay mga 29 na araw, 12 oras, at 44 na minuto, ang sinaunang mga buwang lunar ay may alinman sa 29 o 30 araw. Maaaring noong una ay tinitiyak ito sa pamamagitan ng basta pag-aabang sa paglitaw ng gasuklay na kaanyuan ng bagong buwan; ngunit may katibayan na noong panahon ni David ay kinakalkula ito nang patiuna. (1Sa 20:5, 18, 24-29) Gayunpaman, noong mga panahon pagkaraan ng pagkatapon, sinasabi ng Mishnah (Rosh Ha-Shanah 1:3–2:7) na ang Judiong Sanedrin ay nagtitipon nang maaga sa kinaumagahan sa ika-30 araw ng bawat isa sa pitong piniling mga buwan ng taon upang tiyakin ang panahon ng bagong buwan. Naglalagay ng mga bantay sa matataas at estratehikong mga puwesto sa palibot ng Jerusalem at kaagad na nag-uulat ang mga ito sa hukumang Judio pagkakita nila sa bagong buwan. Matapos tumanggap ng sapat na patotoo, ipatatalastas ng hukuman, ‘Itinalaga na,’ anupat opisyal na minamarkahan ang pagsisimula ng isang bagong buwan (new month). Kung mahirap itong makita dahil maulap ang kalangitan o makapal ang fog, idinedeklarang ang sinundang buwan ay may 30 araw, at ang bagong buwan ay nagpapasimula sa araw na kasunod ng pagpupulong ng hukuman. Sinasabi ring ipinapatalastas pa ito sa pamamagitan ng isang hudyat na apoy na sinisindihan sa Bundok ng mga Olibo at ginagawa rin sa iba pang matataas na lugar sa buong bansa. Nang maglaon, maliwanag na pinalitan ang pamamaraang ito sa pamamagitan ng pagsusugo ng mga mensahero upang maghatid ng balitang iyon.
Noong ikaapat na siglo ng ating Karaniwang Panahon, isang kalendaryong pamantayan o tuluy-tuloy ang itinatag kung kaya ang mga buwang Judio ay nagkaroon ng takdang bilang ng mga araw, maliban sa Heshvan at Kislev at gayundin ang buwan ng Adar, na pabagu-bago pa rin sa pagitan ng 29 at 30 araw ayon sa ilang kalkulasyon.
Pangingilin ng Bagong Buwan (New Moon). Sa mga Judio, ang bawat bagong buwan ay hudyat ng okasyon upang hipan ang mga trumpeta at maghandog ng mga hain alinsunod sa tipang Kautusan. (Bil 10:10; 2Cr 2:4; Aw 81:3; ihambing ang Isa 1:13, 14.) Sa katunayan, ang mga handog na itinakda ay mas malaki pa kaysa sa karaniwang inihahandog kapag regular na mga araw ng Sabbath. (Bil 28:9-15) Bagaman walang espesipikong binabanggit na ang bagong buwan ay naghuhudyat ng isang araw ng kapahingahan, ipinahihiwatig ng teksto sa Amos 8:5 na humihinto ang pagtatrabaho. Lumilitaw na isa itong panahon ng pagpipiging (1Sa 20:5) at isa ring naaangkop na panahon upang magtipon para maturuan ang mga tao tungkol sa kautusan ng Diyos.—Eze 46:1-3; 2Ha 4:22, 23; Isa 66:23.
Ang ikapitong bagong buwan ng bawat taon (katumbas ng unang araw ng buwan ng Etanim, o Tisri) ay sabbath, at itinalaga ito ng tipang Kautusan bilang isang panahon ng lubusang kapahingahan. (Lev 23:24, 25; Bil 29:1-6) Iyon ay “araw ng pagpapatunog ng trumpeta,” ngunit sa isang mas malalim na diwa kaysa sa iba pang bagong buwan. Ipinatatalastas nito ang papalapit na Araw ng Pagbabayad-Sala, na idinaraos sa ikasampung araw ng buwan ding iyon.—Lev 23:27, 28; Bil 29:1, 7-11.
Pagsamba sa Buwan. Bagaman ang mga Israelita ay inuugitan ng buwan bilang isang tagapagpahiwatig ng panahon upang maitakda nila ang kanilang mga buwan at mga kapanahunan ng kapistahan, kailangan silang manatiling malaya sa kaugalian ng pagsamba sa buwan na palasak sa mga bansang nakapalibot sa kanila. Ang diyos-buwan na si Sin ang diyos ng lunsod ng Ur, na kabisera ng Sumer, ang dakong nilisan ni Abraham at ng kaniyang pamilya patungo sa Lupang Pangako. Bagaman politeistiko ang mga tumatahan sa Ur, ang diyos-buwan na si Sin, isang lalaking bathala, ang kataas-taasang diyos na pinag-ukulan nila ng kanilang mga templo at mga altar. Naglakbay si Abraham at ang kaniyang pangkat mula sa Ur patungo sa Haran, na isa pang pangunahing sentro ng pagsamba sa buwan. Lumilitaw na ang ama ni Abraham na si Tera, na namatay sa Haran, ay nagsagawa ng gayong idolatrosong pagsamba. (Gen 11:31, 32) Sa paanuman, ang mga kalagayang ito ang nagpatindi sa kahalagahan ng babala ni Josue sa Israel pagkatapos nilang pumasok sa Lupang Pangako, gaya ng nakaulat sa Josue 24:2, 14: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Sa kabilang ibayo ng Ilog [Eufrates] nanahanan ang inyong mga ninuno noong sinaunang panahon, si Tera na ama ni Abraham at ama ni Nahor, at naglilingkod sila noon sa ibang mga diyos.’ At ngayon ay matakot kayo kay Jehova at paglingkuran ninyo siya sa kawalang-pagkukulang at sa katotohanan, at alisin ninyo ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabilang ibayo ng Ilog at sa Ehipto, at paglingkuran ninyo si Jehova.”
Si Job ay namuhay rin sa gitna ng mga mananamba sa buwan, at may-katapatan niyang iniwasan ang kanilang kaugaliang paghalik sa kamay para sa buwan. (Job 31:26-28) Ang kalapit na mga Midianita ay gumamit ng mga palamuting hugis-buwan, na inilalagay pa nila sa kanilang mga kamelyo. (Huk 8:21, 26) Sa Ehipto, kung saan nanirahan si Abraham at nang maglaon ang bayan ng Israel, ang pagsamba sa buwan ay lantarang isinasagawa bilang parangal sa diyos-buwan na si Thoth, ang Ehipsiyong diyos ng mga panukat. Tuwing kabilugan ng buwan, naghahain sa kaniya ang mga Ehipsiyo ng isang baboy. Sa Gresya, sinamba siya sa titulong Hermes Trismegistus (Hermes na Makaitlong Ulit na Pinakadakila). Sa katunayan, ang pagsamba sa buwan ay umabot hanggang sa Kanluraning Hemisperyo, kung saan ang sinaunang mga templong ziggurat na inialay sa buwan ay natagpuan sa Mexico at Sentral Amerika. Sa Ingles, ang pangalan ng ikalawang araw ng sanlinggo ay halaw pa rin mula sa pagsamba sa buwan ng mga Anglo-Saxon, anupat ang Monday ay orihinal na nangangahulugang “moon-day” (araw ng buwan).
Itinuturing ng mga sumasamba sa buwan na nakapagbibigay ito ng kakayahang maging palaanakin at umaasa sila na ito ang magpapalaki sa kanilang mga pananim at maging sa kanilang mga alagang hayop. Sa Canaan, kung saan tuluyang namayan ang mga Israelita, isinagawa ng mga tribong Canaanita ang pagsamba sa buwan lakip ang imoral na mga ritwal at mga seremonya. Doon, kung minsan ay sinasamba ang buwan sa ilalim ng sagisag ng diyosang si Astoret (Astarte). Sinasabing si Astoret ang kinakasamang babae ng lalaking diyos na si Baal, at madalas na nasilo ng pagsamba sa dalawang ito ang mga Israelita noong kapanahunan ng mga Hukom. (Huk 2:13; 10:6) Dahil sa mga asawang banyaga ni Haring Solomon, nahawahan ang Juda ng pagsamba sa buwan. Pinangunahan ng mga saserdote ng mga banyagang diyos ang mga tao ng Juda at Jerusalem sa paggawa ng haing usok sa araw, buwan, at mga bituin, isang kaugalian na nagpatuloy hanggang noong panahon ni Haring Josias. (1Ha 11:3-5, 33; 2Ha 23:5, 13, 14) Nang si Jezebel, anak ng paganong hari na si Etbaal na namahala sa mga Sidonio, ay mapangasawa ni Haring Ahab ng Israel, dinala rin niya ang pagsamba kay Baal at lumilitaw na pati yaong pagsamba sa diyosang-buwan na si Astoret. (1Ha 16:31) Muli na namang nahantad ang mga Israelita sa pagsamba sa buwan noong panahon ng kanilang pagkatapon sa Babilonya, kung saan itinuturing ng mga astrologong Babilonyo na nakatutulong sa paghula ng kinabukasan ang mga panahon ng mga bagong buwan.—Isa 47:12, 13.
Ang Salita ng Diyos ay dapat sanang nagsilbing proteksiyon para sa mga Israelita laban sa gayong pagsamba sa buwan. Ipinakita nito na ang buwan ay isa lamang tanglaw at mahusay na tagapagpahiwatig ng panahon, anupat wala itong personalidad. (Gen 1:14-18) Noong panahong papalapit na sila sa Canaan, espesipikong binabalaan ni Jehova ang bansang Israel na huwag sumamba sa mga bagay na nilalang na nasa langit na para bang ang mga iyon ay kumakatawan sa kaniya. Ang sinumang magsasagawa ng gayong pagsamba ay babatuhin hanggang sa mamatay. (Deu 4:15-19; 17:2-5) Nang maglaon, sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Jeremias, ipinahayag ng Diyos na ang mga buto ng namatay na mga idolatrosong tumatahan sa Jerusalem, kabilang na ang mga hari, mga saserdote, at mga propeta, ay aalisin sa kanilang mga libingan at magiging gaya ng “dumi sa ibabaw ng lupa.”—Jer 8:1, 2.
Tinangka ng ilan na ipaliwanag ang teksto sa Deuteronomio 33:14 bilang isang katibayan ng impluwensiyang pagano o isang mapamahiing saloobin may kinalaman sa buwan. Sa King James Version, ang tekstong ito ay bumabanggit ng “mahahalagang bagay na idinudulot ng buwan.” Gayunman, gaya ng ipinakikita ng mas makabagong mga salin, ang diwa rito ng salitang Hebreo na isinaling “buwan” (yera·chimʹ), sa aktuwal, ay “mga buwan” o “mga buwang lunar” at pangunahin nang tumutukoy sa buwanang mga yugto kung kailan nahihinog ang mga prutas.
Sa katulad na paraan, ipinapalagay ng ilan na ang Awit 121:6 ay nagpapahiwatig ng paniniwala sa ideya na maaaring magkasakit ang isa dahil sa pagkalantad sa liwanag ng buwan. Gayunman, kung babasahin ang buong awit na ito, magiging maliwanag na walang batayan ang gayong palagay, yamang sa halip, ipinahahayag ng awit sa paraang patula na ang isa ay tiyak na ipagsasanggalang ng Diyos laban sa kapahamakan sa anumang kalagayan at sa anumang panahon, sa araw man o sa gabing may liwanag ng buwan.
Ipinapalagay rin ng iba pa na naiiba naman ang kaso ng terminong “lunatick” na matatagpuan sa King James Version sa Mateo 4:24 at Mateo 17:15. Ang pananalitang ito ay nagmula sa salitang Griego na se·le·ni·aʹzo·mai at literal na nangangahulugang “be moonstruck” (maapektuhan ng buwan). Sa makabagong mga salin, tinutumbasan ito ng salitang “epileptiko.” Ang paggamit ni Mateo ng karaniwang terminong Griegong ito para sa isang epileptiko sa dalawang pagkakataong ito ay hindi nangangahulugan na sinasabi niyang ang buwan ang sanhi ng karamdamang iyon o na gayon ang itinuturo ng Bibliya; sa halip, ginamit lamang niya ang salitang maliwanag na katawagan noon para sa isang epileptiko sa gitna ng mga taong nagsasalita ng Griego noong panahong iyon. May kinalaman dito, mapapansin din natin na sa ngayon, ang terminong “lunacy” ay pangunahin nang isang legal na termino na ginagamit ng mga hukuman upang tumukoy sa isang antas ng kabaliwan, bagaman hindi nila iniuugnay ang gayong kabaliwan sa mga epekto ng buwan. Sa katulad na paraan, patuloy na ginagamit sa ngayon ng mga Kristiyanong nagsasalita ng Ingles ang pangalang Monday para sa ikalawang araw ng sanlinggo bagaman hindi nila ito minamalas bilang isang araw na sagrado para sa buwan.
Sa Karaniwang Panahon. Noong mga araw ni Kristo Jesus at ng mga apostol, hindi isinasagawa ng mga Judio ang pagsamba sa buwan. Sabihin pa, ipinangingilin nila ang mga bagong buwan (new moon) alinsunod sa tipang Kautusan. Ang bagong buwan sa bawat buwan ng taon ay ipinangingilin pa rin ng mga Ortodoksong Judio bilang isang pangalawahing araw ng pagbabayad-sala para sa mga kasalanang nagawa nitong katatapos na buwan.
Ang Nisan 14, kung kailan papalapit na ang kabilugan ng buwan, ang nagsilbing palatandaan ng panahon ng pagdiriwang ng Paskuwa at gayundin ng panahon ng pagpapasinaya ni Jesus sa Memoryal na hapunan, o Hapunan ng Panginoon, na gumugunita sa kaniyang kamatayan.—Mat 26:2, 20, 26-30; 1Co 11:20-26.
Bagaman nagwakas na ang tipang Kautusan, may ilan sa mga Judiong Kristiyano noon, pati ang iba pa, na nanghahawakan pa rin sa kinaugaliang pagdiriwang ng mga bagong buwan at gayundin ng mga araw ng Sabbath, kaya naman kinailangan nila ang nagtutuwid na payo ni Pablo na matatagpuan sa Colosas 2:16, 17 at Galacia 4:9-11.
Para sa pagtalakay sa “buwan” [sa Ingles, month], tingnan ang KALENDARYO.