Ang Kahalagahan ng Nash Papyrus
PAPAANO mo wastong pinepetsahan ang isang matandang manuskrito ng Bibliyang Hebreo? Iyan ang suliranin na napaharap kay Dr. John C. Trever noong 1948 nang unang makita niya ang Dead Sea Scroll ng Isaias. Ang porma ng mga titik Hebreo ay nakaintriga sa kaniya. Batid niya na nasa mga titik ang susi sa pag-alam ng edad nito, subalit sa ano niya maihahambing ang mga ito? Tama naman, siya’y nanghinuha: Sa pamamagitan lamang ng script ng Nash Papyrus. Bakit? Ano ba ang manuskritong ito, at saan ba ito nanggaling?
Ang Nash Papyrus ay binubuo ng apat lamang na mga piraso ng 24 na linya ng tekstong Hebreo, na ang sukat ay mga siyete punto singko por dose punto singko sentimetro. Ang pangalan nito’y isinunod sa pangalan ni W. L. Nash, ang kalihim ng Society of Biblical Archaeology, na bumili nito sa isang nagbentang Ehipsiyo noong 1902. Ito’y inilathala ni S. A. Cooke nang sumunod na taon sa Proceedings ng samahan at ipiniresenta sa Cambridge University Library, Inglatera, at doon nanatili ito. Ang kahalagahan ng piraso ng papirong ito ay nasa taglay na edad nito. Ayon sa pagkapetsa ng mga iskolar ito ay noon pang ikalawa o unang siglo B.C.E., kaya ito ang pinakamaagang pohas ng manuskritong Hebreo na natuklasan.
Nang ihambing ni Dr. Trever ang isang may kulay na slide ng Nash Papyrus sa balumbon sa harap niya, kaniyang pinakasuri ang porma at mga hugis ng bawat titik. Walang pag-aalinlangan, ang mga ito ay magkahawig na magkahawig. Bagaman gayon, waring hindi kapani-paniwala sa kaniya na ang malaki, bagong katutuklas na manuskrito ay maging kasing-edad ng Nash Papyrus. Gayunman, sa kalaunan ang kaniyang pangangatuwiran ay napatunayang tama. Ang Dead Sea Scroll ng Isaias ay may petsang ikalawang siglo B.C.E.!
Ang Nilalaman ng Nash Papyrus
Ang pagsusuri sa teksto ng Nash Papyrus ay nagsisiwalat na lahat ng 24 na linya nito ay hindi pa kumpleto, yamang may isang salita o mga titik na wala sa magkabilang dulo. Taglay nito ang mga bahagi ng Sampung Utos mula sa Exodo kabanata 20, gayundin ang ilang talata buhat sa Deuteronomio kabanata 5 at 6. Samakatuwid ito ay hindi isang regular na manuskrito ng Bibliya kundi isang haluang teksto na may natatanging layunin. Maliwanag na ito ay isang bahagi ng isang koleksiyon ng mga tagubilin upang ipaalaala sa isang Judio ang kaniyang tungkulin sa Diyos. Ang isang bahagi ng Kasulatan pasimula sa Deuteronomio 6:4, na tinatawag na Shema, ay malimit na inuulit. Ganito ang sinasabi ng talatang iyan: “Makinig ka, Oh Israel: si Jehova na ating Diyos ay isang Jehova.”
Ang Tetragrammaton, na YHWH, “Jehova,” sa talatang ito ay makikitang makalawa sa huling linya ng papiro, at matatagpuan ito sa lima pang lugar. Ito ay lumilitaw rin nang minsan, bagaman nawala ang unang titik nito.
Ang Shema sa partikular ay nilayon na ipakadiin “ang kaisa-isang personalidad ng Diyos.” Sang-ayon sa Judiong Talmud (Berakoth 19a), ang pantapos na salitang, ’E·chadhʹ (“Isa”), “ay dapat ipakadiin samantalang binibigkas sa pamamagitan ng pagtigil sa bawat pantig.” (W. O. E. Oesterley and G. H. Box) Kung tungkol sa Diyos, ang pinahabang ’E·chadhʹ na ito ay nagpapakita rin ng kaniyang pagkabukod-tangi.
Sa ngayon, ang Nash Papyrus ay maraming kapanahon, lalo na sa gitna ng mga balumbon na natagpuan sa mga yungib sa baybayin ng Dagat na Patay malapit sa Qumran. Sa pamamagitan ng detalyadong pagsusuri ay kompirmado na marami sa mga manuskritong ito ay may petsang una at ikalawang mga siglo B.C.E.a Bagaman hindi na ito ang pinakamaagang kilalang manuskritong Hebreo, marami pa ring interesado sa Nash Papyrus. Ito pa rin ang nananatiling tanging manuskritong Hebreo ng Bibliya na may gayong kaagang petsa na natuklasan sa Ehipto.
[Talababa]