Ang Heograpya sa Bibliya Ito ba ay Walang Mali?
KALULUBOG lang ng araw sa Palestina. Taon iyon ng 1799. Pagkatapos ng isang maalinsangang araw ng mahabang lakarin, ang Hukbong Pranses ay nagkampamento, at si Napoléon, ang punong komandante, ay namamahinga sa kaniyang tolda. Sa umaandap-andap na liwanag ng kandila, isa sa kaniyang mga utusan ang bumabasa nang malakas buhat sa isang Bibliyang Pranses.
Marahil ito’y nangyaring malimit sa panahon ng kampanya ng hukbo ni Napoléon sa Palestina. “Sa pagkakampamento sa mga kaguhuan ng sinaunang mga bayan na iyon,” nagunita niya nang bandang huli sa kaniyang talambuhay, “sila’y bumabasa nang malakas ng Kasulatan gabi-gabi . . . Ang paghahambing at ang katotohanan ng paglalahad ay kapuna-puna: ang mga ito ay umaangkop pa rin sa bansang ito makalipas ang napakaraming siglo at mga pagbabago.”
Oo, ang mga manlalakbay sa Gitnang Silangan ay nadadalian na iangkop ang mga pangyayari sa Bibliya sa kasalukuyang mga lugar. Bago masakop ng Hukbong Pranses ang Ehipto, bahagya lamang ang alam ng mga dayuhan tungkol sa sinaunang bansang iyan. Pagkatapos ang mga siyentipiko at mga iskolar, na dinala ni Napoléon sa Ehipto, ay nagsimulang magsiwalat sa daigdig ng mga detalye ng dating kadakilaan ng Ehipto. Ito’y nagpadali na gunigunihin ang “mahirap na pagkaalipin” na dinanas doon ng mga Israelita.—Exodo 1:13, 14.
Nang gabi na sila’y makalaya buhat sa Ehipto, ang mga Israelita ay nagtipon sa Rameses at saka naglakbay hanggang sa “gilid ng ilang.” (Exodo 12:37; 13:20) Sa puntong ito, iniutos sa kanila ng Diyos na “bumalik” at “magkampamento sa tabi ng dagat.” Ang kakatwang pagmamaneobrang ito ay pinakahulugan na sila’y “pagala-gala nang may kalituhan,” at ang hari ng Ehipto ay sumugod kasama ng kaniyang hukbo at 600 karong pandigma upang bihagin ang kaniyang dating mga alipin.—Exodo 14:1-9.
Ang Paglabas
Sang-ayon kay Josephus, na isang historyador noong unang siglo C.E., itinaboy ng hukbong Ehipsiyo ang mga Israelita “sa isang makitid na lugar” at sila’y sinilo sa “pagitan ng di-mapupuntahang napakatatarik na mga bangin at ng dagat.” Ang tiyak na lugar kung saan ang mga Israelita’y tumawid sa Mapulang Dagat ay hindi alam nang may kasiguruhan sa ngayon. Gayunman, madali na gunigunihin ang pangyayari buhat sa itaas ng mga kabundukan na nakapanunghay sa dulong hilaga ng Mapulang Dagat. Nakawiwiling malaman, ang bundok ay tinatawag na Jebel ‘Ataqah, na ang ibig sabihin ay “Bundok ng Kaligtasan.” Sa pagitan ng kabundukang ito at ng Mapulang Dagat ay naroon ang isang maliit na kapatagan na kumikipot hanggang sa isang dako na ang mga burol sa ibaba ay nakakaabot na halos sa dagat. Sa kabilang panig ng Mapulang Dagat ay may isang dakong mataba ang lupa, na may maraming batis, tinatawag na ‘Ayun Musa,’ na ang ibig sabihin ay “mga balon ni Moises.” Ang ilalim ng dagat sa pagitan ng dalawang puntong ito ay pababang unti-unti, samantalang sa ibang lugar ay biglang-biglang bumababa ito hanggang sa lalim na nasa pagitan ng 9 at 18 metro.
Ang di-sumasampalatayang mga teologo ng Sangkakristiyanuhan ay nagtangkang siraan ang himala na ginawa ng Diyos nang kaniyang hatiin ang tubig ng Mapulang Dagat at nagpangyaring ang mga Israelita ay makatakas tungo sa tuyong lupa. Ang pangyayari ay kanilang sinasabi na naganap sa isang mababaw na latian o sapa sa hilaga ng Mapulang Dagat. Subalit iyan ay hindi umaangkop sa rekord ng Bibliya, na paulit-ulit na nagsasabing ang pagtawid ay naganap sa Mapulang Dagat sa isang lugar na may sapat na tubig upang lumunod kay Faraon at sa kaniyang buong hukbo, oo, sila’y nalunod na lahat.—Exodo 14:26-31; Awit 136:13-15; Hebreo 11:29.
Ang Iláng ng Sinai
Ang mahihirap na kalagayang masusumpungan sa Sinai Peninsula ay buong linaw na inilalarawan ng Bibliya sa pag-uulat ng paggagala ng Israel. (Deuteronomio 8:15) Kaya, ang isang buong bansa ba ay makapagtitipon sa paanan ng Bundok Sinai upang tanggapin ang Kautusan ng Diyos at pagkatapos ay uurong at magmamasid “buhat sa malayo”? (Exodo 19:1, 2; 20:18) Mayroon bang isang lugar na may sapat na laki upang pagtipunan ng isang pulutong ng mga tao na tinatayang may bilang na tatlong milyon?
Isang manlalakbay noong ika-19 na siglo at iskolar ng Bibliya, si Arthur Stanley, ang dumalaw sa lugar ng Bundok Sinai at inilarawan ang tanawin na napaharap sa kaniyang pangkat pagkatapos umakyat sa Ras Safsafa: “Ang epekto sa amin, tulad din sa lahat ng nakasaksi at naglarawan nito, ay bigla. . . . Narito ang malalim at maluwang na dilaw na kapatagan na umaabot pababa sa mismong paanan ng matatarik na batuhan . . . Kung isasaalang-alang ang halos kawalan ng gayong pagkakatnig ng kapatagan at ng kabundukan sa rehiyong ito, ito ay talaga ngang isang mahalagang ebidensiya ng katotohanan ng salaysay, na makasusumpong ng gayong kombinasyon, at iyan ay sa kapaligiran ng sinaunang Sinai.”
Ang Lupang Pangako
Noong ika-40 taon ng paggagala ng Israel sa ilang, ganito ang ibinigay ni Moises na paglalarawan sa mga katangian ng lupain na halos papasukin na lamang nila: “Dinala ka ni Jehova mong Diyos sa isang mabuting lupain, na lupain ng mga batis ng tubig, ng mga bukal at ng mga kalaliman na bumubukal sa mga libis at mga bundok.”—Deuteronomio 8:7.
Ang pagiging totoo ng pangakong ito ay naranasan di-nagtagal nang ang buong bansa ay magtipong sama-sama—mga lalaki, babae, bata, at mga tagaibang bayan—sa masagana-sa-tubig na libis ng Shechem sa pagitan ng Bundok Ebal at Bundok Gerizim. Sa paanan ng Bundok Gerizim ay naroon ang anim na tribo. Ang iba pang anim na tribo ay nagtipon sa kabilang panig ng libis sa paanan ng Bundok Ebal upang makinig sa banal na mga pagpapala na tatamasahin ng bansa kung sila’y susunod sa Kautusan ni Jehova at ang mga sumpa naman na darating kung sila’y hindi susunod sa Kautusan ng Diyos. (Josue 8:33-35) Subalit may sapat na lugar ba upang ang bansa ay magkasiya sa makitid na libis na ito? At papaanong lahat sila ay nakarinig nang walang modernong kagamitan na nagpapalakas ng tinig?
Maaaring makahimalang pinalakas ng Diyos na Jehova ang tinig ng mga Levita. Gayunman, ang gayong himala ay waring hindi na kailangan. Ang akostika sa libis na ito ay napakahusay. “Lahat ng manlalakbay,” isinulat ng iskolar ng Bibliya na si Alfred Edersheim noong ika-19 na siglo, “ay sumasang-ayon sa dalawang punto: 1. Na hindi maaaring magkaroon ng anumang kahirapan sa malinaw na pagkarinig kapuwa buhat sa Ebal at sa Gerizim ng anumang bagay na sinalita sa libis. 2. Na ang dalawang bundok na ito ay nagbigay ng sapat na dakong tatayuan para sa buong Israel.”
Isa pang iskolar ng Bibliya noong ika-19 na siglo, si William Thomson, ang naglarawan ng kaniyang karanasan sa libis na iyon sa kaniyang aklat na The Land and the Book: “Ako’y sumigaw upang marinig ang alingawngaw, at saka ginuniguni ko kung ano ang mangyayari pagka ang malalakas-tinig na mga Levita ay nagpahayag . . . ‘Sumpain nawa ang taong gumagawa ng larawang inanyuan, isang kasuklam-suklam kay Jehova.’ At kasunod nito ang pagkalakas-lakas na AMEN! na makasampung ulit ang lakas, buhat sa makapangyarihang kongregasyon na nagtataas, at naglalakas ng tinig, at umaalingawngaw mula sa Ebal hanggang sa Gerizim, at mula sa Gerizim hanggang sa Ebal.”—Ihambing ang Deuteronomio 27:11-15.
Ang Libis ng Jezreel
Sa gawing hilaga ng Shechem ay noroon ang isa pang libis na may matabang lupa, na paakyat buhat sa pantay-dagat at patungo sa isang malawak na kapatagan. Ang buong rehiyong ito ay tinatawag na ang Libis ng Jezreel, pinanganlan ayon sa lunsod ng Jezreel. Sa gawing hilaga ng libis ay naroon ang mga burol ng Galilea na kung saan matatagpuan ang tinubuang bayan ni Jesus, ang Nasaret. “Ang Nasaret,” paliwanag ni George Smith sa kaniyang aklat na The Historical Geography of the Holy Land, “ay nasa ibabaw ng isang lunas sa gitna ng mga burol; subalit sa sandaling umakyat ka sa gilid ng lunas na ito, . . . anong gandang tanawin ang makikita mo! [Ang Libis ng Jezreel] ay nasa harapan mo, taglay ang kaniyang . . . mga larangan ng digmaan . . . Ito ay isang mapa ng kasaysayan ng Matandang Tipan.”
Sa kapatagan ng libis na ito, ang mga arkeologo ay nakahukay ng mga kaguhuan ng mga kaharian ng mga lunsod na nasakop ng Israel noong kaarawan ni Josue, samakatuwid baga, ang Taanach, Megiddo, Jokneam, at posible ang Kedesh. (Josue 12:7, 21, 22) Sa rehiyon ding ito, noong mga kaarawan ni Hukom Barak at Hukom Gideon, makahimalang iniligtas ni Jehova ang kaniyang bayan sa totoong makapangyarihang kaaway na mga bansa.—Hukom 5:1, 19-21; 6:33; 7:22.
Makalipas ang daan-daang taon, si Haring Jehu ay naglakbay paitaas sa libis sa lunsod ng Jezreel upang isagawa ang kahatulan ni Jehova kay Jezebel at sa apostatang sambahayan ni Ahab. Mula sa bantayang moog ng Jezreel, marahil ay madaling makita sa may dakong silangan ang papalapit na mga kawal ni Jehu sa layong 19 na kilometro. Kaya naman, marahil ay nagkaroon ng malaking panahon si Haring Jehoram na magsugo ng una at pagkatapos ay ikalawang mensahero na nakasakay sa kabayo at, sa katapus-tapusan, para sa mga haring si Jehoram ng Israel at si Ahasias (Ochozias) ng Juda na singkawan ang kanilang mga karo at salubungin si Jehu bago siya makarating sa lunsod ng Jezreel. Agad pinaslang ni Jehu si Jehoram. Si Ahasias ay tumakas subalit nang bandang huli ay nasugatan, at namatay siya sa Megiddo. (2 Hari 9:16-27) Tungkol sa mga larangan ng labanan tulad ng nasa itaas, si George Smith ay sumulat: “Kapuna-puna na wala sa mga salaysay . . . ang imposible kung heograpya ang pag-uusapan.”
Tiyak na malimit na nakatanaw si Jesus sa Libis ng Jezreel at nagbulay-bulay sa mga dakilang tagumpay na naganap doon, sa pagkaalam na siya, ang ipinangakong Mesiyas, ang nakatakdang tumupad ng papel ng isang Lalong-dakilang Josue, Lalong-dakilang Barak, Lalong-dakilang Gideon, at Lalong-dakilang Jehu sa pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova. Oo, ginagamit ng Bibliya ang Megiddo, ang pinaka-estratihikong lunsod sa kapatagang libis na ito, bilang isang simbolo ng kagaganapan ng digmaan ng Diyos ng Har–Magedon (ibig sabihin “Bundok ng Megiddo”). Iyan ay isang pambuong-lupang digmaan na kung saan si Jesu-Kristo, bilang Hari ng mga hari, ang lilipol sa lahat ng mga kaaway ng Diyos at ng kongregasyong Kristiyano, ang tunay na bayan ng Diyos.—Apocalipsis 16:16; 17:14.
Inilalahad ng Bibliya na ang nagagalit na mga Judio ng Nasaret ay minsang nagtangkang patayin si Jesus sa pamamagitan ng paghuhulog sa kaniya buhat “sa taluktok ng bundok na kinatatayuan ng kanilang lunsod.” (Lucas 4:29) Kapansin-pansin, sa gawing timog-kanluran ng modernong lunsod ng Nasaret ay naroon ang isang 12 metrong dalisdis na kung saan marahil naganap ang pangyayaring ito. Si Jesus ay nakatakas buhat sa kaniyang mga kaaway, at isinususog ng Bibliya na “siya’y bumaba sa Capernaum.” (Lucas 4:30, 31) Oo, ang Capernaum, sa may bandang Dagat ng Galilea, ay nasa mas mababang lugar.
Ang mga ito at marami pang ibang detalye ang nagpangyari sa iba pa bukod kay Napoléon na magpahayag ng panggigilalas sa pagiging totoo ng heograpya sa Bibliya. “Ang mga reperensiya [ng Bibliya] sa topograpya ay napakarami, at lubos na kasiya-siya,” isinulat ni Thomson sa The Land and the Book. “Imposible nga na hindi humanga sa laging pagkakasuwato ng nasusulat na kasaysayan at ng natural na heograpya kapuwa ng Matanda at ng Bagong Tipan,” ang komento ni Stanley sa Sinai and Palestine.
Ang kagila-gilalas na pagiging totoo ng Bibliya kung tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa heograpya ay isa lamang sa ebidensiya na ito ay hindi isang aklat na nagmula sa tao. Ang naunang tatlong labas ng Ang Bantayan ay may ugnay-ugnay na mga artikulo tungkol sa Bibliya. Inaanyayahan ka namin na kunin at pakinabangan ang tatlo pang bahagi sa seryeng ito.
[Mapa sa pahina 7]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
LIBIS NG JEZREEL
Jezreel
Nasaret
Taanach
Megiddo
Jokneam
Kedesh
N
DAGAT NG GALILEA
MALAKING DAGAT
milya
kilometro
5
10
10
20
[Credit Line]
Batay sa mapa ng Pictorial Archive (Near Eastern History) Est. na siyang may karapatang magpalathala at ng Survey ng Israel.
[Larawan sa pahina 5]
Tinanggap ng Israel ang Kautusan sa Bundok Sinai
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.