GERIZIM, BUNDOK
Ang Bundok Gerizim, na kilala ngayon bilang Jebel et Tur (Har Gerizim), at ang Bundok Ebal sa dakong HS, ay nasa pinakasentro ng distrito ng Samaria. Ang magkatapat na mga bundok na ito ang pinakamatataas sa rehiyong iyon at ang mga ito’y waring nakabantay sa isang mahalagang daanan na bumabagtas mula S patungong K. Sa pagitan ng dalawang bundok na ito’y may matabang libis, ang Libis ng Sikem, na kinaroroonan ng makabagong-panahong Nablus. Ang Sikem, na isang matibay at mahalagang lunsod ng Canaan bago pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, ay nasa silanganing dulo ng libis, mga 1.5 km (1 mi) sa TS ng Nablus. Dahil sa estratehikong lokasyon ng Bundok Gerizim at Bundok Ebal, ang mga ito’y naging mahalaga sa militar at pulitika, gayundin sa relihiyon.—LARAWAN, Tomo 1, p. 331.
Mahigit na 850 m (2,800 piye) ang taas ng pinakataluktok ng Bundok Gerizim mula sa kapantayan ng Dagat Mediteraneo. Bagaman mas mababa nang mga 60 m (200 piye) kaysa sa Bundok Ebal, kitang-kita mula sa Gerizim ang nakapalibot na teritoryo. Mula rito’y makikita sa dakong H ang maniyebeng taluktok ng Bundok Hermon, sa dakong S ay ang matabang libis ng Jordan, sa dakong T ay ang kabundukan sa teritoryo ng Efraim, at sa dakong K naman ay ang Kapatagan ng Saron at ang asul na Mediteraneo.
Si Abram (Abraham) ay nagkampo “malapit sa malalaking punungkahoy ng More” sa pagitan ng Bundok Gerizim at Bundok Ebal, at doon niya tinanggap ang pangako ni Jehova: “Sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lupaing ito.” (Gen 12:6, 7) Nagkampo rin si Jacob sa kapaligirang ito.—Gen 33:18.
Ayon sa mga tagubiling ibinigay ni Moises, ang mga tribo ng Israel ay nagtipon sa Bundok Gerizim at Bundok Ebal sa utos ni Josue di-nagtagal pagkatapos nilang lupigin ang Ai. Doo’y narinig ng bayan ang pagbasa ng mga pagpapalang tatanggapin nila kung susundin nila si Jehova at ng mga sumpang sasapit sa kanila kung susuwayin nila siya. Ang mga tribo nina Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose, at Benjamin ay tumayo sa harap ng Bundok Gerizim. Ang mga Levita at ang kaban ng tipan ay nasa libis, at ang anim pang tribo ay tumayo sa harap ng Bundok Ebal. (Deu 11:29, 30; 27:11-13; Jos 8:28-35) Lumilitaw na ang mga tribong nasa harap ng Bundok Gerizim ang tumugon sa mga pagpapalang binasa sa kanilang direksiyon, samantalang ang ibang mga tribo naman ang tumugon sa mga sumpang binasa sa direksiyon ng Bundok Ebal. Bagaman iminumungkahi na ang mga pagpapala ay binasa sa direksiyon ng Bundok Gerizim dahil mas maganda at mas mataba ito kaysa sa mabato at halos kalbo nang Bundok Ebal, walang ibinibigay na impormasyon ang Bibliya tungkol dito. Ang Kautusan ay binasa nang malakas “sa harap ng buong kongregasyon ng Israel, kasama ang mga babae at ang maliliit na bata at ang mga naninirahang dayuhan na lumalakad sa gitna nila.” (Jos 8:35) Mula sa harap ng alinmang bundok ay maririnig ng napakakapal na karamihang iyon ang mga salita. Malamang na ito’y dahil na rin sa mahusay na akustika ng lugar.—Tingnan ang EBAL, BUNDOK.
Noong mga panahon ng mga Hukom ng Israel, ang anak ni Gideon na si Jotam ay nagsalita sa mga may-ari ng lupain sa Sikem samantalang nakatayo “sa taluktok ng Bundok Gerizim.” (Huk 9:7) Maging sa ngayon, isang patag na bahagi sa kalahatian ng bundok ang tinatawag na pulpito ni Jotam, ngunit ito’y isang tradisyonal na lugar lamang.
Templong Samaritano. Isang templong Samaritano na naging karibal ng templo sa Jerusalem ang itinayo sa Bundok Gerizim, marahil ay noong ikaapat na siglo B.C.E. at winasak ito noong 128 B.C.E. Ayon sa tradisyon, giniba ito ni John Hyrcanus. (Jewish Antiquities, XI, 310, 311, 324 [viii, 2, 4]; XIII, 254-256 [ix, 1]; The Jewish War, I, 63 [ii, 6]) Maging hanggang sa makabagong panahon, ang mga Samaritano ay nagdiriwang pa rin ng mga kapistahan gaya ng Paskuwa sa Bundok Gerizim, sa dako na pinaniniwalaan nilang lugar ng sinaunang templo. Maliwanag na Bundok Gerizim ang tinutukoy ng babaing Samaritana nang sabihin niya kay Jesu-Kristo: “Ang mga ninuno namin ay sumamba sa bundok na ito; ngunit sinasabi ninyo na sa Jerusalem ang dako kung saan dapat sumamba ang mga tao.”—Ju 4:5, 19, 20.
Gaya ng makikita sa sinaunang mga barya na natagpuan sa Nablus, isang templo ni Zeus ang nakatayo noon sa HS bahagi ng Bundok Gerizim, at ang daan patungo roon ay tinatayang may 1,500 baytang. Isang simbahan ang itinayo sa pinakataluktok ng bundok noong ikalimang siglo C.E., at isa pang simbahan ang itinayo ng emperador ng Byzantium na si Justinian. Iminumungkahi na ang mga guhong matatagpuan doon ngayon ay mula noong panahon ni Justinian.