GIBEON
[Maburol na Dako], Mga Gibeonita.
Ipinapalagay sa ngayon na ang lunsod ng Gibeon ay ang el-Jib, mga 9.5 km (6 na mi) sa HHK ng Temple Mount sa Jerusalem. Natagpuan doon ang maraming hawakan ng mga bangang luwad na may pangalang Gibeon na nakasulat sa sinaunang mga titik Hebreo. Ang sinaunang lokasyon, na nasa isang burol na mga 60 m (200 piye) ang taas sa nakapalibot na kapatagan, ay may lawak na mga 6.5 ektarya (16 na akre).
Maraming arkeolohikal na paghuhukay ang isinagawa sa lokasyong ito nitong nakaraang mga taon. Hinawan ng mga naghukay ang isang 51-m (167 piye) na lagusan na inuka sa solidong bato. Noong sinaunang panahon, iniilawan ang lagusang ito sa pamamagitan ng mga lamparang nakalagay sa mga butas na magkakasinlayo ang pagitan sa kahabaan ng mga pader nito. Ang lagusan, na may 93 baytang na inuka sa bato, ay nagmumula sa loob ng Gibeon patungo sa isang gawang-taong yungib na imbakan na dinadaluyan ng isang bukal na mga 25 m (82 piye) sa ibaba ng pader ng lunsod. Sa pamamagitan nito, nagkaroon ng ligtas na suplay ng tubig ang mga Gibeonita kahit sa panahon ng pagkubkob. Natagpuan din ng mga naghukay ang isang pabilog na hukay, o tipunang-tubig, na inuka sa bato at may diyametro na 11.3 m (37 piye). Isang paikot na hagdanan, na may mga baytang na mga 1.5 m (5 piye) ang lapad, ang lumulusong nang pakanan habang lumiligid ito sa gilid ng hukay. Mula sa sahig ng hukay, sa lalim na 10.8 m (35.4 piye), ang mga baytang ay nagpapatuloy nang mga 13.6 m (44.6 piye) papasók sa isang lagusang hagdan na patungo naman sa isang imbakan ng tubig. Hindi matiyak kung ang hukay o tipunang-tubig na ito ay siya ring “tipunang-tubig ng Gibeon” sa Bibliya.—2Sa 2:13.
Pakikipag-ugnayan kay Josue. Noong panahon ni Josue, ang Gibeon ay tinatahanan ng mga Hivita, isa sa pitong bansang Canaanita na nakahanay sa pagkapuksa. (Deu 7:1, 2; Jos 9:3-7) Ang mga Gibeonita ay tinatawag ding mga Amorita, yamang kung minsan, waring ikinakapit ang katawagang ito sa lahat ng mga Canaanita. (2Sa 21:2; ihambing ang Gen 10:15-18; 15:16.) Di-tulad ng ibang mga Canaanita, batid ng mga Gibeonita na sa kabila ng kanilang militar na lakas at ng kadakilaan ng kanilang lunsod, mabibigo lamang sila sa pakikipagbaka sapagkat ipinakikipaglaban ni Jehova ang Israel. Dahil dito, pagkatapos na mapuksa ang Jerico at Ai, ang mga lalaki ng Gibeon, lumilitaw na kumakatawan din sa tatlo pang Hivitang lunsod ng Kepira, Beerot, at Kiriat-jearim (Jos 9:17), ay nagpadala ng delegasyon kay Josue sa Gilgal upang makipagpayapaan. Ang Gibeonitang mga embahador—na nadaramtan ng sirang mga kasuutan at mga sandalyas at may dalang punít na mga sisidlang balat na pang-alak, mga sirang sako, at tinapay na tuyo na at madaling madurog—ay nagpakilalang nagmula sa isang malayong lupain, samakatuwid ay hindi hadlang sa pananakop ng Israel. Kinilala nila na si Jehova ang dahilan ng sinapit ng Ehipto at ng mga Amoritang hari na sina Sihon at Og. Ngunit may-katalinuhan nilang hindi binanggit ang nangyari sa Jerico at Ai, yamang imposibleng ang gayong balita ay makarating sa kanilang “napakalayong lupain” bago ang diumano’y paglisan nila. Sinuri ng mga kinatawan ng Israel ang katibayan at tinanggap nila iyon at nakipagtipan sila sa mga Gibeonita na pababayaan nilang mabuhay ang mga ito.—Jos 9:3-15.
Di-nagtagal pagkatapos nito, natuklasan ang ginawang panlilinlang. Ngunit ang tipan ay nanatiling may bisa; kung sisirain ito ng Israel, pag-aalinlanganan ang kanilang pagiging mapagkakatiwalaan at hahamakin ang pangalan ni Jehova sa gitna ng ibang mga bansa. Nang harapin ni Josue ang mga Gibeonita dahil sa kanilang katusuhan, muli nilang kinilala ang pakikipag-ugnayan ni Jehova sa Israel at pagkatapos ay ipinaubaya ang kanilang sarili sa kaniyang awa, anupat sinabi nila: “Ngayon ay narito kami, nasa iyong kamay. Kung ano ang mabuti at tama sa iyong paningin na gawin sa amin ay gawin mo.” Sa gayon ay ginawa silang mga tagakuha ng kahoy at mga tagasalok ng tubig para sa kapulungan at para sa altar ni Jehova.—Jos 9:16-27.
Bagaman si Josue at ang iba pang mga pinuno ay nadaya na makipagtipan sa mga Gibeonita, maliwanag na kasuwato ito ng kalooban ni Jehova. (Jos 11:19) Bilang patotoo nito, nang tangkain ng limang haring Amorita na lipulin ang mga Gibeonita, pinagpala ni Jehova ang pagsaklolo ng Israel; nagpabagsak pa nga siya ng malalaking batong graniso sa kaaway at makahimalang pinahaba ang araw na iyon para sa pagbabaka. (Jos 10:1-14) Gayundin, kapuwa sa pagsisikap nilang makipagtipan ng isang tipan ng kapayapaan sa Israel at sa paghingi nila ng tulong kay Josue noong pinagbabantaan sila, ang mga Gibeonita ay nagpamalas ng pananampalataya sa kakayahan ni Jehova na tuparin ang kaniyang salita at magligtas, isang bagay na pinuri kay Rahab ng Jerico at naging dahilan upang siya at ang sambahayan niya ay maingatang buháy. Bukod diyan, ang mga Gibeonita ay may kapaki-pakinabang na pagkatakot sa Diyos ng Israel.—Ihambing ang Jos 2:9-14; 9:9-11, 24; 10:6; Heb 11:31.
Sa Ilalim ng Kontrol ng Israel. Pagkatapos nito, ang Gibeon ay naging isa sa mga lunsod sa teritoryo ng Benjamin na nakaatas sa mga Aaronikong saserdote. (Jos 18:21, 25; 21:17-19) Lumilitaw na ang Benjamitang si Jeiel ay ‘naging ama,’ o nagtatag, ng isang sambahayan doon. (1Cr 8:29; 9:35) Ang isa sa makapangyarihang mga lalaki ni David, si Ismaias, ay Gibeonita (1Cr 12:1, 4), at ang huwad na propetang si Hananias, isang kapanahon ni Jeremias, ay mula sa Gibeon.—Jer 28:1.
Noong ika-11 siglo B.C.E., naganap sa Gibeon at sa kapaligiran nito ang isang labanan sa pagitan ng hukbo ni Is-boset na nasa ilalim ng pamamahala ni Abner at ng hukbo ni David na nasa ilalim naman ng pangunguna ni Joab. Sa pasimula, walang alinlangang upang lutasin ang usapin kung sino ang dapat na maging hari ng buong Israel, ginanap ang isang paghahamok sa pagitan ng tig-12 lalaki mula sa bawat panig. Ngunit wala itong kinauwian, sapagkat inulos ng tabak ng bawat mandirigma ang kani-kaniyang kalaban anupat ang 24 ay pawang namatay. Pagkatapos nito, sumiklab ang isang matinding labanan, anupat namatayan si Abner ng 18 lalaki sa bawat isa na namatay sa hukbo ni Joab. Lahat-lahat, ang nasawi ay 380, kabilang na rito ang kapatid ni Joab na si Asahel na pinatay ni Abner. (2Sa 2:12-31) Bilang paghihiganti para kay Asahel, pinaslang ni Joab si Abner. (2Sa 3:27, 30) Pagkaraan ng ilang panahon, sa isang lugar na malapit sa malaking bato na nasa Gibeon, pinatay rin ni Joab ang sarili niyang pinsan, si Amasa, isang pamangkin ni David, na inatasan ni David na maging pinuno ng hukbo.—2Sa 20:8-10.
Sa paglipas ng maraming siglo, ang orihinal na mga Gibeonita ay patuloy na umiral bilang isang bayan, bagaman nagpakana si Haring Saul na lipulin sila. Gayunman, matiyagang naghintay ang mga Gibeonita na isiwalat ni Jehova ang kawalang-katarungang ito. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng tatlong-taóng taggutom noong paghahari ni David. Matapos sumangguni kay Jehova at malaman na may nasasangkot na pagkakasala sa dugo, si David ay nakipag-usap sa mga Gibeonita upang alamin kung ano ang dapat gawin bilang pagbabayad-sala. May-kawastuang sumagot ang mga Gibeonita na hindi iyon “tungkol sa pilak o ginto,” sapagkat, ayon sa Kautusan, hindi maaaring tumanggap ng pantubos para sa isang mamamaslang. (Bil 35:30, 31) Kinilala rin nila na hindi sila maaaring pumatay ng isang tao nang walang legal na awtorisasyon. Kaya naman, hinintay muna nilang magtanong pa si David at saka nila hiniling na pitong “anak” ni Saul ang ibigay sa kanila. Dahil binanggit na ang pagkakasala sa dugo ay sumasa kay Saul at sa kaniyang sambahayan, bagaman malamang na si Saul ang nanguna sa mapamaslang na pagkilos, ipinahihiwatig nito na maaaring ang “mga anak” ni Saul ay nakibahagi nang tuwiran o di-tuwiran sa gayong pagkilos. (2Sa 21:1-9) Kung ganito ang nangyari, hindi ito isang kaso kung saan namatay ang mga anak dahil sa mga kasalanan ng kanilang mga ama (Deu 24:16) kundi ito’y paglalapat ng ganting katarungan kaayon ng kautusang “kaluluwa ang magiging para sa kaluluwa.”—Deu 19:21.
Noong nabubuhay pa si David, ang tabernakulo ay inilipat sa Gibeon. (1Cr 16:39; 21:29, 30) Doon naghandog si Solomon ng mga hain noong pasimula ng kaniyang paghahari. Sa Gibeon din nagpakita sa kaniya si Jehova sa isang panaginip, anupat sinabihan siya na humiling ng anumang nais niya.—1Ha 3:4, 5; 9:1, 2; 2Cr 1:3, 6, 13.
Pagkalipas ng maraming taon, nang ihula ng propetang si Isaias (28:21, 22) ang kakaibang gawa at pambihirang gawain ni Jehova sa pagbangon laban sa sarili niyang bayan, itinulad niya ito sa nangyari sa Mababang Kapatagan ng Gibeon. Malamang na ang tinutukoy ay ang bigay-Diyos na tagumpay ni David laban sa mga Filisteo (1Cr 14:16), kung hindi man pati ang mas naunang pagkatalo ng ligang Amorita noong panahon ni Josue. (Jos 10:5, 6, 10-14) Ang hulang ito ay nagkaroon ng katuparan noong 607 B.C.E., nang pahintulutan ni Jehova na wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem at ang templo nito.
Sa Mizpa, di-nagtagal pagkatapos ng inihulang pagkawasak, pinaslang ni Ismael si Gedalias, ang gobernador na inatasan ni Nabucodonosor na hari ng Babilonya. Kinuha ring bihag ng mamamatay-taong ito at ng kaniyang mga tauhan ang nalalabing mga tao ng Mizpa. Ngunit si Ismael ay inabutan ni Johanan, kasama ang mga tauhan nito, sa tabi ng saganang tubig sa Gibeon at binawi nito ang mga bihag.—Jer 41:2, 3, 10-16.
Kabilang ang mga lalaki ng Gibeon sa mga bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya noong 537 B.C.E., at nang maglaon, ang ilan ay nakibahagi sa pagkukumpuni ng pader ng Jerusalem.—Ne 3:7; 7:6, 7, 25.
[Larawan sa pahina 824]
Makabagong-panahong Gibeon. Batid ng sinaunang mga Gibeonita na ipinakikipaglaban ni Jehova ang Israel kung kaya nakipagpayapaan sila sa mga ito. Dito nakapuwesto ang tabernakulo bago ito ipalipat ni Solomon sa Jerusalem