AIJALON
[Dako ng Babaing Usa; Dako ng Lalaking Usa].
1. Isang lunsod ng Sepela o maburol na mababang lupain ng Palestina, masusumpungan sa isang burol sa T na dulo ng magandang mababang kapatagan, o libis, ng Aijalon. Ang nayon sa lugar na ito ay tinatawag ngayon na Yalo at nasa H di-kalayuan sa daan na mula sa Jerusalem hanggang sa Tel Aviv-Yafo, mga 21 km (13 mi) sa KHK ng Jerusalem.
Sa mga libis na bumabagtas sa mga burol ng Sepela, ang Libis ng Aijalon ang nasa pinakahilaga at isa itong mahalagang daanan mula sa mga baybaying kapatagan hanggang sa gitnang bulubunduking rehiyon. Maliwanag na si Josue ay malapit sa kapatagang ito nang utusan niya ang araw at ang buwan na “huminto” sa Gibeon at sa “mababang kapatagan ng Aijalon,” upang matapos niya ang kaniyang matagumpay na pakikipagbaka laban sa limang Amoritang hari na nakipagdigma laban sa Gibeon. (Jos 10:12-14) Pagkatapos na masakop ni Josue ang Canaan, ang Aijalon ay iniatas sa tribo ni Dan. (Jos 19:40-42) Nang maglaon ay iniatas ito sa mga anak ni Kohat bilang isang lunsod ng mga Levita.—Jos 21:24.
Noong una ay hindi napaalis ng mga Danita ang mga Amorita mula sa Aijalon, ngunit lumilitaw na ang Efraim mula sa H ay sumaklolo sa kanila at “ang kamay ng sambahayan ni Jose ay naging lubhang mabigat anupat pinagtrabaho sila [ang mga Amorita] nang puwersahan.” (Huk 1:34, 35) Maaaring ito ang dahilan kung bakit sinasabi ng 1 Cronica 6:69 na ang Aijalon ay bahagi ng Efraim at na ibinigay nila ito sa mga Kohatita. (Gayunman, tingnan ang kahawig na kaso hinggil sa GAT-RIMON Blg. 1.) Nang maglaon, marahil pagkatapos na mahati ang kaharian, tinutukoy ito bilang lunsod ng ilang prominenteng Benjamita.—1Cr 8:13.
Sa Aijalon, natamo ni Saul ang kaniyang unang tagumpay laban sa mga Filisteo, nang ‘pabagsakin ng Israel ang tumatakas na mga Filisteo mula sa Micmash hanggang sa Aijalon.’ (1Sa 14:31) Maraming taon pagkaraan niyaon, nang mahati ang kaharian pagkamatay ni Haring Solomon (mga 998 B.C.E.), pinatibay ng kaniyang anak at kahaliling si Rehoboam ang Aijalon at ginawa niya itong isa sa kaniyang mga moog sa H at K. (2Cr 11:5-12) Pagkaraan ng halos dalawa at kalahating siglo, nabihag ng mga Filisteo ang Aijalon noong panahon ng paghahari ng di-tapat na si Haring Ahaz (761-746 B.C.E.).—2Cr 28:18.
Binanggit ang Aijalon sa isa sa mga Amarna Tablets bilang Aialuna.
2. Isang lugar sa teritoryo ng Zebulon, kung saan inilibing si Hukom Elon ng tribong iyon. (Huk 12:12) Hindi matiyak kung saan ang kinaroroonan nito.
[Larawan sa pahina 68]
Mababang Kapatagan ng Aijalon. Noong nakikipaglaban sila sa mga Amorita, inutusan ni Josue ang buwan na huminto “sa mababang kapatagan ng Aijalon”