Kay Jehova Umasa ng Talino sa Pag-unawa
“Aking bibigyan ka ng matalinong unawa at ituturo ko sa iyo ang daan na iyong lalakaran.”—AWIT 32:8.
1. Ano ang ilan sa mga batayan ng kung ang atin bagang mga pasiya ay matalino? (Ihambing ang Deuteronomio 32:7, 29.)
ARAW-ARAW tayo ay napapaharap sa pagpapasiya—na ang ilan sa mga iyan ay waring di-gaanong mahalaga, ang iba naman ay tiyak na mahalaga. Ang atin kayang mga pasiya ay matalino? Iyan ay depende lalo na sa bagay na kung tayo’y mapusok o tayo’y nag-iisip muna bago tayo magsalita o kumilos. Gayunman, may maraming bagay na kung saan sa paggawa ng matalinong mga pasiya ay kailangang makita natin ang nasa kabila pa roon ng mga bagay na madaling makita. Dito’y kailangan na alam natin kung ano ang kalalabasan ng kasalukuyang mga pangyayari sa daigdig, pati na rin ang kaalaman natin ng kung ano ang nagaganap sa dako ng mga espiritu. Magagawa ba natin iyan? Posible ba para sa tao na gawin ito ayon sa paraan na hindi lamang hula-hula?
2. Upang magtagumpay sa buhay, anong tulong ang kailangan natin, at bakit? (Kawikaan 20:24)
2 Ang mga tao ay sinangkapan ng tunay na kahanga-hangang kakayahan ng isip, subalit sila’y hindi ginawa na taglay ang kakayahang magtagumpay sa buhay nang hindi mapakumbabang tumatanggap ng tulong buhat sa Diyos. Gaya ng isinulat ng kinasihang propetang si Jeremias: “Talastas ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.”—Jeremias 10:23.
3. Kung tayo’y hindi kay Jehova aasa ng patnubay, ano ang magiging resulta? (Ihambing ang Genesis 3:4-6, 16-24.)
3 Ano ba ang resulta kung hindi natin papansinin ang bagay na iyan at tayo’y aasa lamang sa ating sarili o sa mga ibang tao para sa pag-alam ng kung ano ang matalino o di-matalino, ang tama o mali? Dahilan sa inaakay ng makalamang pangangatuwiran, magkakaroon ng panahon na baka ituring natin na mabuti ang sinasabi naman ng Diyos na masama, na ating ituturing na matalino ang isang hakbangin na itinuturing ng Diyos na kamangmangan. (Isaias 5:20) Bagaman nagawa natin ito nang di-sinasadya, baka tayo maging isang dahilan ng katitisuran sa iba. (Ihambing ang 1 Corinto 8:9.) Tungkol sa resulta sa mga magpapatuloy naman nang hindi kay Jehova aasa ng patnubay, ang kaniyang Salita ay nagsasabi: “May daan na matuwid sa harap ng isang tao, ngunit ang dulo niyaon pagkatapos ay mga daan ng kamatayan.”—Kawikaan 14:12.
4. Anong tulong ang bukas-palad na ipinangako ni Jehova sa kaniyang mga lingkod? (Ihambing ang Jeremias 10:21.)
4 Sa liwanag nito, ano ba ang kailangan natin? Sa simpleng pangungusap, kailangan natin ang tulong na ibinibigay ni Jehova. Tayo’y pinatitibay-loob, at kaniyang sinasabi: “Aking bibigyan ka ng matalinong unawa at ituturo ko sa iyo ang daan na iyong lalakaran. Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.”—Awit 32:8.
Kung Ano ang Kasali sa Matalinong Unawa
5. Ano ba ang “matalinong unawa”?
5 Ano nga ba ang “matalinong unawa” na tinutukoy sa Kasulatan? Ito’y ang kakayahang makita nang husto ang isang kalagayan, makita sa dako pa roon ang di-madaling makita o maunawaan. Sang-ayon sa Theological Wordbook of the Old Testament, ang salitang Hebreo na isinaling “matalinong unawa” ay may kaugnayan sa “intelihenteng kaalaman sa dahilan” ng mga bagay-bagay. Ito ang uri ng kaalaman na nagbibigay sa isang tao ng kakayahang kumilos nang may talino at magtagumpay. Kasuwato ng pinaka-ugat na diwa at upang maihatid ang pinaka-lasa ng katumbas nito na Hebreong pandiwa, ang New World Translation, bukod sa pagkasalin na ‘may matalinong unawa,’ ay gumagamit ng mga pananalitang ‘kumilos nang maingat,’ ‘kumilos nang masinop,’ at ‘magtagumpay.’—Awit 14:2.
6. Bakit “siyang nagpipigil ng kaniyang mga labi” ay sinasabing kumikilos nang maingat, o nang may matalinong unawa?
6 Sa gayon, “siyang nagpipigil ng kaniyang mga labi” ay sinasabing “kumikilos nang maingat,” o nang may matalinong unawa. (Kawikaan 10:19) Siya’y nag-iisip bago siya magsalita, anupa’t pinag-iisipan niya kung paanong uunawain ng iba ang kaniyang sinasabi, at kung ang kaniyang sasabihin tungkol sa iba ay matalino, maibigin, o kinakailangan. (Kawikaan 12:18; Santiago 1:19) Dahilan sa siya’y pinakikilos ng motibong pag-ibig sa mga daan ni Jehova at ng tunay na pagnanasang makatulong sa kaniyang kapuwa, ang kaniyang sinasalita ay nakapagpapatibay sa iba.—Kawikaan 16:23.
7. Ano ang nagpatanyag kay David upang siya’y makilala bilang isang kumikilos nang masinop?
7 Tungkol kay David na anak ni Jesse, nasusulat: “Saanman siya suguin ni Saul siya ay kumikilos nang masinop,” samakatuwid nga, nang may matalinong unawa. Naunawaan ni David na sa kaniyang gawain ay higit pa ang nasasangkot kaysa sa pagbabaka lamang ng mga mandirigmang tao. Kaniyang natalos na siya at ang mga lalaking kasama niya ay nakikipagbaka ng mga digmaan ni Jehova. Kaya naman, si David ay kay Jehova umasa ng patnubay at pagpapala. (1 Samuel 17:45; 18:5; 2 Samuel 5:19) Bilang resulta, ang mga pakikidigma ni David ay nagtagumpay.
8. Sa Kasulatang Griegong Kristiyano, anong iba pang ideya ang ipinahihiwatig ng pandiwang isinaling ‘may matalinong unawa’?
8 Sa Kasulatang Griegong Kristiyano, ang pandiwang isinaling ‘may matalinong unawa’ ay isinasalin din na, ‘maintindihan ang kahulugan’ at, ‘madama.’ (Roma 3:11; Mateo 13:13-15; Efeso 5:17) Ang ipinangangako ng Diyos sa kaniyang mga lingkod ay ang kakayahang gawin ang mga bagay na ito. Subalit paano niya ibinibigay sa kanila ang gayung matalinong unawa?
Kung Paano Nagkaroon si Josue ng Matalinong Unawa
9. Sa sinaunang Israel, paano binigyan ni Jehova ng matalinong unawa ang mga tao?
9 Sa sinaunang Israel, iniutos ni Jehova sa mga Levita na turuan ang bansa sa kaniyang Kautusan. (Levitico 10:11; Deuteronomio 33:8, 10) Ang Kautusan ay kinasihan ng Diyos, at ang espiritu ni Jehova ay kumikilos sa kaayusan sa organisasyon na inatasang magturo nito. (Malakias 2:7) Sa pamamagitan nito, si Jehova ang ‘gumawang masinop sa mga Israelita,’ o nagbigay sa kanila ng matalinong unawa, gaya ng sinasabi sa Nehemias 9:20.
10, 11. (a) Gaya ng ipinakikita sa Josue 1:7, 8, ano ang tutulong kay Josue upang kumilos nang may matalinong unawa? (b) Anong inilaang pagtuturo ang kailangang pahalagahan ni Josue? (c) Anong sariling pagsisikap ang kailangan ding gawin ni Josue?
10 Subalit ang mga tao ba sa loob ng bansa ay kikilos nang may matalinong unawa? Upang magawa nila iyan, isang bagay ang kailangang gawin nila. Nang panahon na ipagkatiwala kay Josue ang pananagutan na manguna sa Israel sa pagpasok sa Lupang Pangako, sinabi sa kaniya ni Jehova: “Lamang ay magpakatibay-loob ka at magpakalakas na mabuti na isagawa mo ang ayon sa buong kautusan na iniutos sa iyo ni Moises na aking lingkod. Huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa, upang ikaw ay makakilos nang may karunungan saan ka man pumaroon. Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, at iyong babasahin nang may pagbubulay-bulay araw at gabi, upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat kung magkagayo’y iyong pagtatagumpayin ang iyong lakad at kung magkagayo’y kikilos [ka] nang may karunungan.” Dito ang salitang Hebreo na isinaling ‘kikilos nang may karunungan’ ay nangangahulugan din ng “kumilos nang may matalinong unawa.”—Josue 1:7, 8.
11 Paano magbibigay si Jehova kay Josue ng gayung matalinong unawa? Hindi sa pamamagitan ng anumang himala. Ang nasusulat na Salita ng Diyos ang susi sa pagtatamo niyaon. Ang kaniyang isip at puso ay kailangang punuin niyaon ni Josue, basahin iyon at bulay-bulayin nang palagian. Gaya ng alam ni Josue, ang Salita ng Diyos ay nagsabi na ang pagtuturo ng Kautusan ay isasagawa ng mga Levita. Sa gayon, ito’y kailangang pahalagahan ni Josue, na hindi ibinubukod ang kaniyang sarili na para bagang iyon ay mauunawaan niyang mag-isa dahilan sa mayroon siyang isang responsableng puwesto sa bansa. (Kawikaan 18:1) Si Josue ay kailangang maging masikap sa pag-aaral ng nasusulat na Salita ng Diyos. Kung gagawin niya iyon, na hindi pinababayaan ang anumang bahagi niyaon, at kung susundin niya iyon, kung magkagayo’y kikilos siya nang may matalinong unawa.—Ihambing ang 1 Hari 2:3.
Kung Paano Nagbibigay si Jehova ng Matalinong Unawa sa Ngayon
12. Upang makinabang sa matalinong unawa na ipinagkakaloob sa atin ni Jehova, anong tatlong bagay ang kailangan?
12 Patuloy hanggang sa panahon natin, si Jehova ay nagbibigay sa kaniyang mga lingkod ng patnubay na kailangan nila upang makakilos nang may karunungan. Upang makinabang sa patnubay na iyan, mga ilang bagay ang kailangan nating gawin bilang mga indibiduwal: (1) Kailangang pahalagahan natin ang organisasyon ni Jehova, gaya ng ginawa ni Josue. Sa ganang atin, ang gayung pagpapahalaga ay nangangailangan ng pakikipagtulungan sa kongregasyong Kristiyano ng mga pinahiran, “ang tapat at maingat na alipin” at ang Lupong Tagapamahala nito. (Mateo 24:45-47; ihambing ang Gawa 16:4.) At kasali sa pagpapahalagang ito ang pagiging palagian sa pagdalo sa pulong. (Hebreo 10:24, 25) (2) Tayo’y kailangang maging masipag sa personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos at sa mga publikasyong inilaan ng uring “alipin,” na tumutulong sa atin upang maunawaan iyon. (3) Kailangan ding tayo’y magbigay ng panahon sa pagbubulay-bulay sa kung paanong ang mga bagay na ating natututuhan ay maikakapit natin sa ating sariling buhay at gamitin iyon sa pagtulong sa iba.
13. Ano ang kahulugan ng pangakong nasusulat sa Jeremias 3:15?
13 Tungkol sa uri ng pangangasiwa at espirituwal na pagpapakain na kaniyang ilalaan sa atin sa ating kaarawan, sinabi ni Jehova, sa Jeremias 3:15: “Bibigyan ko kayo ng mga pastol ayon sa aking puso, at sila’y tunay na kakandili sa inyo ng kaalaman at matalinong unawa.” Oo, ang kaayusang ito ng espirituwal na pagpapakain ay magbibigay sa atin ng kahanga-hangang kakayahan na magmasid sa mga kalagayan at magpaunawa sa atin kung anong hakbangin ang dapat gawin upang tayo’y magtagumpay. Sino ba ang pinagmumulan ng matalinong unawang iyan? Ang Diyos na Jehova.
14. Bakit may matalinong unawa ang uring ‘tapat na alipin’?
14 Bakit ang uring ‘tapat na alipin’ ay may ganiyang matalinong unawa? Sapagkat ang Salita ng Diyos ang taimtim na pinagkakaabalahan nila at kanilang sinusunod ang patnubay na itinuturo nito. Isa pa, palibhasa’y napaaakay sila sa patnubay ni Jehova, kaniyang inilagay sa kanila ang kaniyang espiritu, anupa’t ginagamit sila kasuwato ng kaniyang layunin. (Lucas 12:43, 44; Gawa 5:32) Gaya ng isinulat noong sinaunang panahon ng kinasihang salmista: “Ako’y nagkaroon ng higit na talino sa pag-unawa kaysa sa lahat ng aking mga guro, sapagkat ang iyong mga paalaala ay laging sumasa-akin.”—Awit 119:99.
15. (a) Ano ang pinaka-diwa ng payo na walang pagbabagong ibinibigay sa atin ng uring “alipin”? (b) Maraming taon na ang nakalipas, paano nangyaring ang uring “alipin” ay nagbigay ng kinakailangang “kaalaman at matalinong unawa” tungkol sa Kristiyanong pangmalas sa pagsasalin ng dugo?
15 Bilang sagot sa mga pagtatanong tungkol sa tamang dapat gawin, “ang tapat at maingat na alipin” ay sa tuwina nagpayo: ‘Ikapit ang nasusulat sa Bibliya. Magtiwala kay Jehova.’ (Awit 119:105; Kawikaan 3:5, 6) Nang ang pagsasalin ng dugo ay malasin bilang isang pamantayang paraan ng paggamot at naging isang isyu na napaharap sa mga Saksi ni Jehova, ang The Watchtower ng Hulyo 1, 1945, ay nagpaliwanag ng Kristiyanong pangmalas tungkol sa kabanalan ng dugo. Ipinakita niyaon na ang dugo ng kapuwa mga hayop at mga tao ay kasali sa ibinabawal ng Diyos na isalin. (Genesis 9:3, 4; Gawa 15:28, 29) Ang pisikal na mga epektong dulot niyaon ay hindi tinalakay sa artikulo; ang kaalaman sa gayung bagay ay lubhang limitado nang panahong iyon. Ang tunay na isyu ay ang pagsunod sa kautusan ng Diyos, at iyon pa rin ang isyu sa ngayon. Ngayon, maraming tao ang nakatatalos ng praktikal na karunungan ng pagtangging pasalin ng dugo at parami nang parami ang gumagawa ng gayon. Subalit sa lahat ng ito, ang mga Saksi ni Jehova ay nakakilos nang may matalinong unawa sapagkat sila’y tumitiwala sa Maylikha, na higit na may kaalaman tungkol sa dugo kaysa sa kaninumang tao.
16. Bakit ang payo sa Ang Bantayan tungkol sa mga bagay na gaya baga ng moralidad sa sekso, mga pamilyang may iisang magulang, at pamamanglaw ay napatunayang iyon mismong kailangan?
16 Habang ang maluwag na pakikitungo sa moralidad sa sekso ay lalong lumalaganap, Ang Bantayan, imbis na ipayo nito ang pagsunod sa popular na kausuhan, ay nagbigay ng matatag na patnubay buhat sa Kasulatan. Ito’y tumutulong sa marami na maingatan ang kanilang mahalagang kaugnayan kay Jehova at magtutok ng pansin sa namamalaging kaligayahan sa halip na panandaliang aliw lamang. Gayundin, ang mga artikulo sa Bantayan na nakatutok sa mga pamilyang may iisang magulang at doon sa mga nakikipagpunyagi sa pamamanglaw ay nakitaan ng matalinong unawa na posible lamang para sa mga taong may pagpapahalaga sa kaisipan ni Jehova at taimtim na dumadalangin: “Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban, sapagkat ikaw ang aking Diyos.”—Awit 143:10; 139:17.a
17. (a) Maraming mga taóng patiuna, ano ang alam na ng mga lingkod ni Jehova tungkol sa taóng 1914? (b) Bagaman may mga detalye na tungkol doo’y may mga tanong pa rin pagkatapos ng 1914 ang bayan ng Diyos, ano ang alam nila na nagsilbing matatag na patnubay sa kanilang buhay?
17 Sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin,” tinulungan din ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na makilala, maraming mga taon patiuna, na ang taóng 1914 ang katapusan ng mga Panahong Gentil. (Lucas 21:24, King James Version) Sa kanilang pagpasok sa panahon na natapos na ang Digmaang Pandaigdig I, sabihin pa, may mga tanong na nagsilbing palaisipan sa kanila. Subalit ang kanilang alam na ay sapat na para sila’y kumilos nang may karunungan. Batid nila buhat sa Kasulatan na ang takdang panahon ay naririto na para sa pagpuksa sa matandang sistema; kaya’t isang kamangmangan na dito nila ilagak ang kanilang pag-asa o payagang ang materyalistikong mga pamantayan ng tagumpay ang umugit sa kanilang buhay. Batid din nila na ang Kaharian ni Jehova ang tunay na kalutasan sa lahat ng mga suliraning bumabagabag sa sangkatauhan. (Daniel 2:44; Mateo 6:33) Kanilang nakitang malinaw na pananagutan ng lahat ng tunay na Kristiyanong ianunsiyo ang pinahirang Hari ni Jehova, si Jesu-Kristo, at ang Kaniyang Kaharian. (Isaias 61:1, 2; Mateo 24:14) Noong 1925, sa pamamagitan ng artikulo sa Watch Tower na “Birth of the Nation,” sila’y sinangkapan ng lalung malinaw na pagkaunawa sa Apocalipsis kabanata 12; kaya ngayon kanilang naunawaan ang kasalukuyang nagaganap sa langit, na di-nakikita ng mga mata ng tao. Ang gayung matalinong unawa ang nagsilbing matatag na patnubay sa kanilang buhay.
18. Anong pribilehiyo at pananagutan mayroon tayo ngayon, at anong mga tanong ang dapat nating itanong sa ating sarili?
18 Sila’y kumilos nang may pananampalataya, at ang mga ilang libo na noo’y naglilingkod kay Jehova bilang kaniyang mga Saksi ay nanguna sa pangangaral sa lahat ng panig ng daigdig ng mabuting balita ng tatag nang Kaharian ng Diyos. At ang resulta, milyun-milyong mga tao ang nakakilala at umibig kay Jehova at may pag-asang magtamo ng buhay na walang-hanggan. Lahat tayo na tumanggap ng katotohanan bilang naibunga ng kanilang mapagmahal na pagpapagal ay nakaalam na tayo man ay may pribilehiyo at pananagutan na makibahagi sa gawain, na nagbibigay ng lubusang patotoo sa lahat ng makakausap natin at patuloy na ginagawa ang gayon hanggang sabihin ni Jehova na tapos na ang gawain. (Apocalipsis 22:17; ihambing ang Gawa 20:26, 27.) Sa paraan ba ng paggamit mo ng iyong buhay ay mapatutunayan na pinahahalagahan mo ang matalinong unawa na ibinigay ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon?
19. (a) Magbigay ng halimbawa ng isang taong ang buhay ay nagpapatotoo na pinahahalagahan niya ang matalinong unawa na ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. (b) Ano ang maaari nating matutuhan buhat sa halimbawang iyan?
19 Ang buhay ng isang malaking pulutong ng mga tao sa lahat ng panig ng lupa ay nagpatotoo na sa ganang kanila ang sagot ay oo. Halimbawa, isaalang-alang si John Cutforth. Mga 48 taon na ang nakalipas, kaniyang isinapuso ang payo ng Kasulatan na noo’y itinatawag-pansin ng uring ‘tapat na alipin’ gaya ng ginagawa rin nito ngayon, samakatuwid nga: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo. Kaya huwag ninyong ikabalisa ang sa araw ng bukas.” (Mateo 6:33, 34) Makalipas ang mga taon ng karanasan sa paglilingkod kay Jehova, sinabi ni Brother Cutforth: ‘Ang napatanim nang husto sa aking isip ay na si Jehova’y may isang organisasyon sa lupa na kaniyang inaakay, na ako bilang isang indibiduwal ay maaaring gumawa kasama ng organisasyong iyan, at na kung ako’y lubusang paaakay sa pangunguna at pamamatnubay nito, ang idudulot sa akin ay kapayapaan, pagkakontento, kasiyahan, at maraming mga kaibigan, lakip ang marami pang mga ibang mayayamang pagpapala.’ Ang ganiyang matatag na paniwala ay paulit-ulit na pinagtibay ng kaniyang naranasang buhay na sagana sa espirituwal na mga pagpapala sa Estados Unidos, Canada, Australya, at Papua New Guinea.b Oo, para sa lahat sa atin ang matalinong hakbang ay yaong nagpapakita ng pagpapahalaga sa ginagamit na organisasyon ni Jehova sa pagbibigay ng matalinong unawa sa kaniyang bayan.—Mateo 6:19-21.
Mag-ingat Laban sa Pagkawala ng Matalinong Unawa
20, 21. (a) Paano naiwala ng iba ang maka-Diyos na talino sa pag-unawa na dating taglay na nila? (b) Ano ang tutulong upang maingatan tayo laban sa pagkawala nito?
20 Ang matalinong unawa na ibinibigay ni Jehova ay isang kayamanan na dapat pakamahalin. Gayunman, tantuin natin na kung tayo’y hindi magpapatuloy sa lakad na tumulong sa atin upang magkaroon ng matalinong unawa, maaaring maiwala natin ito. Nakalulungkot, ganiyang-ganiyan ang naging karanasan ng iba. (Kawikaan 21:16; Daniel 11:35) Kanilang tinanggihan ang disiplina na nagkaepekto sa kanila nang personal at ipinagmatuwid nila ang kanilang ginagawa. Ang pagmamataas ang naging silo sa kanila. Ang minamasama ng salita ng Diyos ay kanilang inaring mabuti, at sila’y lumayo sa organisasyon ni Jehova. Anong lungkot!
21 Ang kalagayan ng gayung tao ay gaya ng tinutukoy sa Awit 36:1-3, na kung saan ay mababasa natin: “Ang pagsalansang ng balakyot ay nasa loob ng kaniyang puso.” Na ang ibig sabihin, ang kaniyang sariling sakim na mga kaisipan at hangarin ang umaakay sa kaniya sa pagsalansang. “Walang takot sa Diyos sa harap ng kaniyang mga mata,” ang patuloy pa ng salmista. “Sapagkat siya’y kumilos nang lubhang mapagpakunwari sa kaniyang sarili ayon sa kaniyang sariling mga mata para alamin ang kaniyang pagkakamali upang kapootan iyon. Ang mga salita ng kaniyang bibig ay kasamaan at panlilinlang.” Ano ba ang ibinubunga nito sa kaniya? Siya’y ‘nawawalan na ng talino sa pag-unawa ng paggawa ng mabuti.’ Kaniyang napapaniwala ang kaniyang sarili na ang kaniyang ginagawa ay matuwid, at kaniyang nahihikayat ang iba na sumunod sa kaniya. Lubhang kailangan, kung gayon, na tayo’y hindi lamang may matalinong unawa kundi ingatan pa rin natin ito sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa organisasyong ginagamit ni Jehova upang makamit natin iyon!
[Mga talababa]
a Tingnan ang Watch Tower Publications Index 1930-1985, sa ilalim ng “Marriage,” “Families,” “Moral Breakdown,” at “Depression (Mental).”
b Tingnan ang The Watchtower noong Hunyo 1, 1958, pahina 333-6.
Ano ba ang Natatandaan Mo?
◻ Ano ang tutulong sa atin upang gumawa ng matalinong mga pasiya?
◻ Ano ang kasali sa “matalinong unawa”?
◻ Paano nagbibigay si Jehova ng matalinong unawa sa kaniyang mga lingkod sa panahon natin?
◻ Ano ang kailangang gawin natin kung ibig nating lubusang makinabang sa matalinong unawa na ipinagkakaloob ni Jehova?
[Larawan sa pahina 16]
Upang makinabang sa matalinong unawa na ibinibigay ni Jehova, tayo’y kailangang magpahalaga sa kaniyang organisasyon, maging masikap sa personal na pag-aaral, at magbulay-bulay kung paano ikakapit ang ating natutuhan