Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Josue
HABANG nagkakampo sa Kapatagan ng Moab noong 1473 B.C.E., tiyak na tuwang-tuwa ang mga Israelita nang marinig ang mga salitang ito: “Maghanda kayo ng mga panustos para sa inyong sarili, sapagkat tatlong araw mula ngayon ay tatawirin ninyo itong Jordan upang pasukin at ariin ang lupain na ibinibigay sa inyo ni Jehova na inyong Diyos upang ariin.” (Josue 1:11) Malapit nang magwakas ang kanilang 40-taóng paninirahan sa ilang.
Pagkalipas ng mahigit sa dalawang dekada, ang lider na si Josue ay tumayo sa gitna ng lupain ng Canaan at nagpahayag ng ganito sa matatandang lalaki ng Israel: “Tingnan ninyo, iniatas ko sa inyo sa pamamagitan ng palabunutan ang mga bansang ito na nalalabi bilang mana para sa inyong mga tribo, at ang lahat ng mga bansa na nilipol ko, mula sa Jordan hanggang sa Malaking Dagat sa lubugan ng araw. At si Jehova na inyong Diyos ang siyang patuloy na nagpapaalis sa kanila mula sa harap ninyo, at itinaboy niya sila alang-alang sa inyo, at inari ninyo ang kanilang lupain, gaya ng ipinangako sa inyo ni Jehova na inyong Diyos.”—Josue 23:4, 5.
Ang aklat ng Josue, na isinulat ni Josue noong 1450 B.C.E., ay isang kapana-panabik na pagsasalaysay ng mga nangyari sa loob ng 22 taóng iyon. Yamang napakalapit na natin sa ipinangakong bagong sanlibutan, ang ating kalagayan ay maihahambing sa kalagayan ng mga anak ni Israel na handa na noon upang ariin ang Lupang Pangako. Kaya taglay ang matinding interes, isaalang-alang natin ang aklat ng Josue.—Hebreo 4:12.
SA “MGA DISYERTONG KAPATAGAN NG JERICO”
Mabigat ngang atas ang natanggap ni Josue nang sabihin sa kaniya ni Jehova: “Si Moises na aking lingkod ay patay na; at ngayon ay tumindig ka, tawirin mo itong Jordan, ikaw at ang buong bayang ito, patungo sa lupain na ibinibigay ko sa kanila, sa mga anak ni Israel”! (Josue 1:2) Pangungunahan ni Josue ang isang bansang binubuo ng ilang milyon katao patungo sa Lupang Pangako. Bilang paghahanda, nagpadala siya ng dalawang tiktik sa Jerico—ang lunsod na unang sasakupin. Sa lunsod na iyon nakatira si Rahab na patutot, na nakarinig na tungkol sa makapangyarihang mga gawa ni Jehova para sa kaniyang bayan. Ipinagsanggalang at tinulungan niya ang mga tiktik at nangako naman sila na ililigtas siya.
Pagbalik ng mga tiktik, handa nang kumilos si Josue at ang bayan upang tawirin ang Jordan. Bagaman umaapaw noon ang tubig, ang ilog ay hindi naging hadlang sa kanila, sapagkat pinangyari ni Jehova na maipon na parang nasa isang dam ang tubig na bumababa mula sa itaas at ang tubig sa gawing ibaba ay umagos naman patungo sa Dagat na Patay. Pagkatawid ng Jordan, ang mga Israelita ay nagkampo sa Gilgal malapit sa Jerico. Pagkaraan ng apat na araw, noong gabi ng ika-14 na araw ng Abib, ipinagdiwang nila ang Paskuwa sa mga disyertong kapatagan ng Jerico. (Josue 5:10) Kinabukasan, sinimulan nilang kainin ang bunga ng lupain, at huminto na ang pag-ulan ng manna. Nang panahong iyon, tinuli ni Josue ang lahat ng lalaking isinilang sa ilang.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
2:4, 5—Bakit iniligaw ni Rahab ang mga lalaking isinugo ng hari upang hanapin ang mga tiktik? Ipinagsanggalang ni Rahab ang mga tiktik kahit nanganib ang kaniyang buhay sapagkat nanampalataya siya kay Jehova. Kaya naman wala siyang pananagutang isiwalat ang kinaroroonan ng mga tiktik sa mga taong naghahangad na pinsalain ang bayan ng Diyos. (Mateo 7:6; 21:23-27; Juan 7:3-10) Sa katunayan, si Rahab ay ‘ipinahayag na matuwid sa pamamagitan ng mga gawa,’ kasali na ang ginawa niyang pagligáw sa mga sugo ng hari.—Santiago 2:24-26.
5:14, 15—Sino ang “prinsipe ng hukbo ni Jehova”? Ang prinsipe na dumating upang palakasin si Josue nang magsimula ang pagsakop sa Lupang Pangako ay malamang na walang iba kundi “ang Salita”—si Jesu-Kristo bago siya naging tao. (Juan 1:1; Daniel 10:13) Tunay ngang nakapagpapalakas na matiyak na kasama ng bayan ng Diyos ngayon ang niluwalhating si Jesu-Kristo habang nakikipagbaka sila sa espirituwal!
Mga Aral Para sa Atin:
1:7-9. Ang pagbabasa sa Bibliya araw-araw, palagiang pagbubulay-bulay sa sinasabi nito, at pagkakapit sa natututuhan natin ay kailangan upang magtagumpay ang ating mga pagsisikap sa espirituwal.
1:11. Hiniling ni Josue sa bayan na maghanda ng mga panustos at huwag basta na lamang hintayin na maglaan ang Diyos para sa kanila. Ang payo ni Jesus na huwag nang mabalisa sa mga pangangailangan sa buhay, kalakip ang kaniyang pangako na “ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo,” ay hindi nangangahulugang hindi na tayo kikilos upang tustusan ang ating mga sarili.—Mateo 6:25, 33.
2:4-13. Matapos marinig ang tungkol sa mga dakilang gawa ni Jehova at matanto na mapanganib ang panahon, nagpasiya si Rahab na pumanig sa mga mananamba ni Jehova. Kung matagal-tagal ka nang nag-aaral ng Bibliya at natatalos mong nabubuhay na tayo sa “mga huling araw,” hindi ba dapat ay magpasiya ka na ring maglingkod sa Diyos?—2 Timoteo 3:1.
3:15. Yamang maganda ang iniulat ng mga tiktik na isinugo sa Jerico, kumilos kaagad si Josue, anupat hindi na hinintay pang kumati ang tubig ng Jordan. Kung tungkol sa mga gawang may kinalaman sa tunay na pagsamba, dapat tayong kumilos nang may lakas ng loob sa halip na maghintay hanggang sa maging waring mas angkop ang mga kalagayan.
4:4-8, 20-24. Ang 12 bato na kinuha sa pinakasahig ng ilog ng Jordan ay magsisilbing paalaala sa Israel. Ang mga pagliligtas ni Jehova sa kaniyang bayan sa modernong panahon mula sa mga kaaway niya ay nagsisilbi ring paalaala na siya ay sumasakanila.
NAGPATULOY ANG PANANAKOP
Ang lunsod ng Jerico ay “mahigpit na nakasara . . . , na walang sinumang lumalabas at walang sinumang pumapasok.” (Josue 6:1) Paano masasakop ang lunsod? Sinabi ni Jehova kay Josue ang estratehiya. Di-nagtagal at nagiba ang mga pader at nawasak ang lunsod. Si Rahab lamang at ang kaniyang sambahayan ang nakaligtas.
Ang sumunod na sinakop ay ang maharlikang lunsod ng Ai. Iniulat ng mga tiktik na isinugo roon na kakaunti lamang ang mga naninirahan sa lunsod, kaya hindi na kailangan pa ng maraming lalaki upang pabagsakin ito. Subalit ang mga 3,000 sundalong ipinadala roon upang salakayin ang lunsod ay tumakas mula sa mga lalaki ng Ai. Ang dahilan? Hindi kasama ng mga Israelita si Jehova. Nagkasala si Acan na mula sa tribo ng Juda habang sinasalakay ang Jerico. Matapos ituwid ang bagay na iyon, muli na namang sumalakay si Josue sa Ai. Palibhasa’y natalo na niya minsan ang mga Israelita, sabik ang hari ng Ai na makipagbaka sa kanila. Subalit gumamit si Josue ng isang estratehiya na nagsamantala sa labis na pagtitiwala ng mga lalaki ng Ai, at nasakop ni Josue ang lunsod.
Ang Gibeon ay ‘isang dakilang lunsod—mas dakila kaysa sa Ai, at ang lahat ng mga lalaki nito ay mga makapangyarihan.’ (Josue 10:2) Gayunman, nang marinig ang tagumpay ng Israel laban sa Jerico at Ai, nilinlang ng mga lalaki ng Gibeon si Josue upang ito ay makipagtipan sa kanila para sa kapayapaan. Itinuring ng nakapalibot na mga bansa na isang banta sa kanila ang pagtalikod na ito. Bumuo ng alyansa ang lima sa kanilang mga hari upang salakayin ang Gibeon. Sinagip naman ng Israel ang mga Gibeonita at lubusang tinalo ang mga sumalakay. Kasali sa iba pang mga nasakop ng Israel sa pangunguna ni Josue ang mga lunsod sa timog at kanluran, at ang koalisyon ng mga hari sa hilaga. Ang lahat ng haring nalupig sa gawing kanluran ng Jordan ay umabot sa 31.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
10:13—Paano naging posible ang gayong pambihirang pangyayari? “May anumang bagay ba na lubhang pambihira para kay Jehova,” ang Maylalang ng mga langit at ng lupa? (Genesis 18:14) Kung nanaisin niya, maaaring kontrolin ni Jehova ang galaw ng lupa upang ang araw at buwan ay waring hindi kumikilos sa paningin ng isang taong nasa lupa. O kaya’y mapananatili niyang di-nagbabago ang galaw ng lupa at buwan samantalang binabago ang direksiyon ng mga sinag ng liwanag mula sa araw at buwan sa paraang magpapatuloy ang sinag ng liwanag ng dalawang tanglaw na ito. Anuman ang nangyari, “wala pang araw ang naging katulad ng isang iyon” sa kasaysayan ng tao.—Josue 10:14.
10:13—Ano ba ang aklat ni Jasar? Ang aklat ay muling binanggit sa 2 Samuel 1:18 upang tukuyin ang isang tulang tinawag na “Ang Busog”—isang awitin ng pamimighati tungkol kay Haring Saul ng Israel at sa kaniyang anak na si Jonatan. Malamang na ang aklat ay isang koleksiyon ng mga awitin at mga tula tungkol sa mga kabayanihan at kasaysayan at malamang na popular ito sa mga Hebreo.
Mga Aral Para sa Atin:
6:26; 9:22, 23. Ang sumpa na ipinahayag ni Josue noong mawasak ang Jerico ay natupad pagkaraan ng mga 500 taon. (1 Hari 16:34) Nagkatotoo naman ang sumpa ni Noe sa kaniyang apong si Canaan nang maging mga trabahador ang mga Gibeonita. (Genesis 9:25, 26) Laging nagkakatotoo ang salita ni Jehova.
7:20-25. Baka ituring ng ilan na isa lamang maliit na paglabag ang pagnanakaw ni Acan, marahil ikinakatuwiran na wala namang ibang napinsala. Baka gayundin ang maging pangmalas nila sa pagnanakaw ng maliliit na bagay at sa maliliit na paglabag sa kautusan ng Bibliya. Subalit dapat tayong maging katulad ni Josue sa ating katatagan na labanan ang mga panggigipit na gumawa ng ilegal o imoral na mga bagay.
9:15, 26, 27. Dapat nating seryosohin ang ginawa nating mga kasunduan at tuparin ang ating ipinangako.
TINUPAD NI JOSUE ANG KANIYANG HULING MAHALAGANG ATAS
Palibhasa’y matanda na—malapit na sa 90 anyos—sinimulan ni Josue na hatiin at ipamahagi ang lupain. Talaga namang isang malaking atas! Natanggap na ng mga tribo nina Ruben at Gad at ng kalahati ng tribo ni Manases ang kanilang mana sa gawing silangan ng Jordan. Ang natitirang mga tribo ay binigyan naman ng mana sa gawing kanluran sa pamamagitan ng pagpapalabunutan.
Itinayo ang tabernakulo sa Silo sa teritoryo ng Efraim. Ibinigay kay Caleb ang lunsod ng Hebron, at nakuha naman ni Josue ang Timnat-sera. Ang mga Levita ay binigyan ng 48 lunsod, kasali na ang 6 na kanlungang lunsod. Nang pabalik na sa kanilang mana sa gawing silangan ng Jordan, ang mga mandirigma sa tribo nina Ruben, Gad, at ng kalahati ng tribo ni Manases ay nagtayo ng isang altar na “lubhang kapansin-pansin.” (Josue 22:10) Itinuring ng mga tribo na nasa gawing kanluran ng Jordan ang pagkilos na ito bilang isang apostasya, at halos sumiklab ang pagbabaka ng mga tribo, subalit naiwasan ang pagdanak ng dugo dahil sa mabuting pag-uusap.
Mga ilang panahon na ring naninirahan si Josue sa Timnat-sera nang ipatawag niya ang matatandang lalaki, mga pinuno, mga hukom, at mga opisyal ng Israel at hinimok sila na maging malakas ang loob at manatiling tapat kay Jehova. Nang maglaon, tinipon ni Josue sa Sikem ang lahat ng tribo ng Israel. Doon ay nirepaso niya ang mga pakikitungo ni Jehova mula noong panahon ni Abraham patuloy, at minsan pa’y pinayuhan niya sila na ‘matakot kay Jehova at paglingkuran siya sa kawalang-pagkukulang at sa katotohanan.’ Ang bayan ay naganyak na tumugon: “Si Jehova na aming Diyos ang paglilingkuran namin, at sa kaniyang tinig kami makikinig!” (Josue 24:14, 15, 24) Pagkatapos nito ay namatay si Josue sa edad na 110.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
13:1—Salungat ba ito sa nakaulat sa Josue 11:23? Hindi naman, sapagkat binubuo ng dalawang bahagi ang pagsakop sa Lupang Pangako: ang pakikipagbaka ng bansa na lumupig sa 31 hari sa lupain ng Canaan, na bumuwag sa kapangyarihan ng mga Canaanita, at ang lubusang pagmamay-ari ng lupain sa pamamagitan ng pagkilos ng mga tribo at mga indibiduwal. (Josue 17:14-18; 18:3) Bagaman hindi lubusang naitaboy ng mga anak ni Israel ang mga Canaanita sa gitna nila, ang mga natira ay hindi naman maituturing na banta sa seguridad ng Israel. (Josue 16:10; 17:12) Ganito ang sabi sa Josue 21:44: “Binigyan sila ni Jehova ng kapahingahan sa buong palibot.”
24:2—Isa bang mananamba ng mga idolo ang ama ni Abraham na si Tera? Sa simula, si Tera ay hindi sumasamba sa Diyos na Jehova. Malamang na sinasamba niya noon ang diyos-buwan na nagngangalang Sin—isang popular na bathala sa Ur. Ayon sa mga kuwento ng mga Judio, si Tera ay maaari pa ngang dating isang tagagawa ng mga idolo. Ngunit nang lisanin ni Abraham ang Ur dahil sa utos ng Diyos, sumama sa kaniya si Tera patungo sa Haran.—Genesis 11:31.
Mga Aral Para sa Atin:
14:10-13. Bagaman 85 anyos na, hiniling ni Caleb ang mahirap na atas na palayasin ang mga tao sa rehiyon ng Hebron. Ang lugar na iyon ay okupado ng mga Anakim—mga taong di-pangkaraniwan ang laki. Sa tulong ni Jehova, nagtagumpay ang bihasang mandirigmang ito, at naging isang kanlungang lunsod ang Hebron. (Josue 15:13-19; 21:11-13) Pinasisigla tayo ng halimbawa ni Caleb na huwag umiwas sa mahihirap na teokratikong mga atas.
22:9-12, 21-33. Dapat tayong mag-ingat na huwag pagdudahan ang motibo ng iba.
‘Walang Isa Mang Salita ang Nabigo’
Nang matanda na siya, ganito ang sabi ni Josue sa responsableng mga lalaki sa Israel: “Walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo.” (Josue 23:14) Napakalinaw ngang nailarawan ng makasaysayang ulat ni Josue ang bagay na ito!
“Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo,” ang isinulat ni apostol Pablo, “upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Makatitiyak tayong angkop lamang na umasa sa mga pangako ng Diyos. Walang pangakong mabibigo; magkakatotoo ang lahat ng iyon.
[Mapa sa pahina 10]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang lupaing nasakop sa pangunguna ni Josue
BASAN
GILEAD
ARABA
NEGEB
Ilog Jordan
Dagat Asin
A.L. ng Jabok
A.L. ng Arnon
Hazor
Madon
Lasaron
Simron
Jokneam
Dor
Megido
Kedes
Taanac
Heper
Tirza
Apek
Tapua
Bethel
Ai
Gilgal
Jerico
Gezer
Jerusalem
Makeda
Jarmut
Adulam
Libna
Lakis
Eglon
Hebron
Debir
Arad
[Larawan sa pahina 9]
Alam mo ba kung bakit ipinahayag na matuwid ang patutot na si Rahab?
[Larawan sa pahina 10]
Pinayuhan ni Josue ang Israel na ‘matakot kay Jehova at paglingkuran siya’
[Larawan sa pahina 12]
Hindi lamang isang maliit na paglabag ang pagnanakaw ni Acan—humantong iyon sa malulubhang pangyayari
[Larawan sa pahina 12]
“Sa pananampalataya ang mga pader ng Jerico ay bumagsak.”—Hebreo 11:30