“Magpakatibay-Loob at Magpakalakas na Mabuti”
“Kayong mga tao ay huwag matakot sa kanila, sapagkat si Jehova ninyong Diyos ang Siyang nakikipaglaban para sa inyo.”—DEUTERONOMIO 3:22.
1. (a) Ano ba ang sitwasyon sa Israel sa katapusan ng paglalakbay sa ilang? (b) Anong payo ang ibinigay noon ni Moises?
ANG panahon ay sumapit na para sa pinakamahalagang mga pangyayari sa kasaysayan ng Israel. Ang banal na bansa ng Diyos ay kailangan ngayon na maghanda sa pagpasok sa Lupang Pangako! Sa loob ng 40 taon na, si Moises ay nanguna sa mga Israelita sa pagkalawak-lawak at nakasisindak na ilang. Subalit ngayon, sa rehiyon ng Jordan sa lupain ng Moab, siya’y nagpahayag sa bayan ng Diyos sa kahuli-hulihang pagkakataon. Sa edad na 120 taon, “ang kaniyang mata ay hindi lumabo, at ang kaniyang katutubong lakas ay hindi nawala,” ni nanghina man ang kaniyang lakas sa pagsasalita. Si Josue, na hahalili sa kaniya mga ilang saglit na lamang, at ang buong Israel ay tiyak na tuwang-tuwa na makapakinig ng mahalagang pagpapahayag ni Moises ng kautusan ni Jehova at ng kaniyang mariing payo na magpakatibay-loob pagka sila’y kumilos na upang sakupin ang lupain.—Deuteronomio 1:1-5, 19, 21, 29, 30; 3:22; 31:6, 7, 23; 34:7.
2. Paano natin nalalaman na ang isinulat na mga bagay na ito ay para magturo sa atin ngayon?
2 Ang mga pangyayari bang ito na napakatagal na ang nakalipas ay basta kasaysayan lamang? Hindi! Si apostol Pablo ang nagsasabi sa atin: “Lahat ng bagay na isinulat noong una ay nasulat upang magturo sa atin, na sa pamamagitan ng pagtitiis at kaaliwan buhat sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Ang ulat na iyan ay mayroong mga katulad sa modernong panahon. Maaari tayong palakasin niyan sa ngayon para sa espirituwal na pakikipagbaka. Nagsisilbi rin iyan na “isang babala sa atin na dinatnan ng mga katapusan ng mga sistema ng mga bagay,“ at tinutulungan tayo na maiwasan ang mga silo na iniuumang ni Satanas.—1 Corinto 10:11; 1 Pedro 4:7.
Ang Lakas ni Josue—Saan Galing?
3, 4. (a) Bakit natin kailangan na pagyamanin ang kawalang-takot? (b) Paano natin magagawa ito?
3 Hindi na magtatagal ngayon, ang bayan ng Diyos ay papasok na sa bagong sistema ng mga bagay ni Jehova. Dahilan sa mga pangyayari na nagaganap ngayon sa daigdig, kailangang pagyamanin natin ang kawalang-takot. Paano natin magagawa ito? Samantalang naghahanda si Josue ng pagpasok sa Lupang Pangako, siya’y binigyan ng Diyos ng bilin na: “Lamang ay magpakatibay-loob ka at magpakalakas na mabuti na isagawa mo ang ayon sa buong kautusan na iniutos sa iyo ni Moises na aking lingkod. Huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa, upang makakilos ka nang may karunungan saan ka man pumaroon. Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, at iyong may pagbubulay-bulay na babasahin araw at gabi, upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat kung magkagayo’y iyong papagtatagumpayin ang iyong lakad at kung magkagayo’y kikilos ka nang may karunungan.”—Josue 1:7, 8.
4 Ah, nariyan ang sekreto! Basahin ang Bibliya araw-araw. Narito ang kautusan ng Diyos para sa atin. Bulay-bulayin ito. Sundin ang mga paalaala nito. Huwag mong payagang mahila ka tungo sa materyalistiko, imoral na sanlibutan na nakapalibot sa iyo. Ano man ang iyong kalagayan, kumilos ka nang may karunungan. Ikapit sa iyong sarili ang tumpak na kaalaman at espirituwal na pagkaunawa na tinamo mo sa pamamagitan ng iyong pag-aaral ng Salita ng Diyos. Ipakipag-usap ito sa iba. Sa paggawa ng gayon at sa paglalagak ng iyong tiwala kay Jehova, tunay na ikaw ay ‘magkakaroon ng tibay ng loob at ng pambihirang lakas, at magtatagumpay ang iyong lakad.’—Ihambing ang Awit 1:1-3; 93:5; 119:165-168.
5. (a) Katulad ni Josue, paanong ang kabataang mga ministro ngayon ay makapagtatamo ng lakas? (b) Ano ang maaaring maging mainam na tunguhin ngayon ng maraming kabataang Saksi?
5 Si Josue ay naging “ang tagapangasiwa ni Moises magmula sa kaniyang kabataan” at patuloy. (Bilang 11:28) Tiyak na dahil sa kaniyang matalik na kaugnayang ito ay natulungan siya na magkamit ng espirituwal na lakas. Gayundin naman, ang mga kabataang ministro sa ngayon ay maaaring magtamo ng lakas sa pamamagitan ng paggawang kasama ng kanilang tapat na mga magulang, mga payunir, matatagal nang mga Saksi, at iba pang tapat na mga lingkod ni Jehova. Ang pagbabahay-bahay kasama ng gayong mga masisigasig na lingkod ay isang kagalakan at makatutulong upang ang ating mga kabataan ay sumulong sa pagkamaygulang at magnasang sumulong sa ministeryo. (Gawa 20:20, 21; Isaias 40:28-31) Ano pang mas mainam na tunguhin ang maaaring marating ng mga kabataang Saksi kaysa buong panahong paglilingkod sa kapakanan ng Kaharian ni Jehova!—Awit 35:18; 145:10-12.
6. Paanong si Josue ay isang halimbawa sa atin kung tungkol sa kampanya laban kay Amalek?
6 Nang suguin ni Moises si Josue upang makipagbaka sa mga Amalekita, “ginawa ni Josue ang kagayang-kagaya ng sinabi sa kaniya ni Moises.” Siya’y naging masunurin; kaya, nakamit niya ang tagumpay. Tayo man naman ay maaaring magkaroon ng bahagi sa pagbabangong-puri kay Jehova kung tayo’y maingat na makikinig sa mga instruksiyon sa pakikipagbaka na tinatanggap natin sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. Sinabi ni Jehova kay Moises na isaalaala ang Kaniyang tagumpay kay Amalek sa pamamagitan ng pagsulat niyaon sa isang aklat at pagbibigay-alam niyaon sa pandinig ni Josue. Tiyak na pinadakila pa ni Josue ang tagumpay ni Jehova sa pamamagitan ng pagbabalita niyaon sa iba. Sa ganiyan ding paraan, tayo sa ngayon ay makapagtatanyag sa makapangyarihang mga gawa ng Soberanong Panginoong Jehova, at ating maibabalita ang kaniyang napipintong “araw ng paghihiganti sa mga balakyot.”—Exodo 17:10, 13, 14; Isaias 61:1, 2; Awit 145:1-4.
7, 8. (a) Anong pagtitiwala ang ipinahayag ni Josue at ni Caleb pagkagaling nila sa Canaan? (b) Anong babala at pampatibay-loob ang makikita natin sa pakikitungo ni Jehova sa mga bagay-bagay noong panahong iyon?
7 Nang suguin ni Moises ang 12 pangulo ng tribo upang magsilbing espiya o tiktik sa Lupang Pangako, kaniyang isinali roon si Josue. Sa pagbabalik, sampu sa mga tiktik ang nagpakita ng malaking takot sa mga Canaaneo sa lupain at kanilang hinikayat ang mga tao na kumampanya para sa pagbabalik sa Ehipto. Subalit si Josue at si Caleb ay buong tapang na nagsabi: “Kung kalulugdan tayo ni Jehova, kung gayo’y dadalhin nga niya tayo sa lupaing yaon at ibibigay niya iyon sa atin, isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot. Huwag lamang kayong maghihimagsik laban kay Jehova; at kayo, huwag kayong matatakot sa mga tao ng lupaing iyon, sapagkat sila’y tinapay sa atin. Ang kaniyang kalinga ay inilayo sa kanila, at si Jehova ay sumasaatin. Huwag kayong matakot sa kanila.”—Bilang 13:1–14:38.
8 Gayunpaman, patuloy ang bulung-bulungan ng kapisanan ng Israel, kaya’t si Jehova ay nakialam na at kaniyang hinatulan ang matatakuting mga Israelitang iyon na gumala sa ilang nang may 40 taon. Maliban kay Caleb at kay Josue, lahat ng mga lalaking mangdirigma ay nangamatay nang hindi nakarating sa Lupang Pangako. Isang babala nga para sa atin ngayon! Kailanman ay huwag tayong magbulung-bulungan sa pagrereklamo laban sa mga kaayusan ni Jehova. Kahit na kung tayo’y mapaharap sa mga teritoryong mahirap na gawin sa pangangaral, tayo’y magpakatibay-loob at magpakalakas sa pagparoon sa mga tahanan ng mga tao taglay ang nagliligtas-buhay na mensahe ng Kaharian. Huwag sana tayong maging kagaya ng mga apostata sa ngayon na, imbes na magbigay ng isang pangmadlang patotoo, ay naninira sa kanilang mga kapatid at bumabalik sa mga lakad ng sanlibutan—ang antitipikong Ehipto.—Bilang 14:1-4, 26-30; Lucas 12:45, 46; ihambing ang Gawa 5:27-29, 41, 42.
Itanyag ang Pangalan ni Jehova!
9. Paano namuhay si Josue ayon sa kaniyang bagong pangalan?
9 Sa talaan ng Bibliya ng 12 espiya si Josue ay pinanganlang Oseas, na ang ibig sabihin ay “Kaligtasan.” Subalit sa puntong ito ang rekord ay nagsasabi: “Si Oseas na anak ni Nun ay patuloy na tinawag ni Moises na Josue [ibig sabihin, ‘si Jehova Ay Kaligtasan’].” Bakit nga idiniin ni Moises ang pangalan ni Jehova? Ang dahilan ay sapagkat si Josue’y nagsilbi unang-una ukol sa pagbabangong-puri sa pangalan niya. Si Josue ay naging isang buháy na halimbawa ng pagsunod sa utos na noong bandang huli ay idiniin ni Moises sa Israel: “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos ng buong puso mo at ng buong kaluluwa mo at ng buong lakas mo.” Sa paggawa ng gayon, siya’y nagkapribilehiyo na ipakilala na ‘si Jehova’y kaligtasan.’—Bilang 13:8, 16; Deuteronomio 6:5.
10. (a) Ano ba ang kahulugan sa iyo ng pangalan ni Jehova? (b) Anong lakas ang makukuha natin buhat sa mga iba pang pananalita ni Jehova kay Josue?
10 Hindi baga atin ding itinuturing na ang pangalan ni Jehova ay napakamahal at karapat-dapat sa lahat ng kapurihan? Ang kaniyang maningning na pangalan ay nangangahulugan na “Kaniyang Pinangyayari na Maganap” ang tungkol sa katuparan ng kaniyang mga pangako. Anong laking kagalakan ang ibinibigay ng kaniyang mga pangako tungkol sa Kaharian! Taglay ang sigasig na katulad ng kay Josue, nanaisin natin na dakilain ang pangalan ni Jehova at ang kaniyang mga layunin sa lahat ng tatanggap pa sa pag-asa tungkol sa kaniyang malinis at matuwid na bagong sistema ng mga bagay. Sa dapat-pagtiisan na mga panahong ito, tayo ay makakakuha ng lakas buhat sa mga sinabi pa ni Jehova kay Josue: “Hindi ba kita inutusan? Ikaw ay magpakatibay-loob at magpakalakas. Huwag kang matakot ni manglupaypay man, sapagkat si Jehova na iyong Diyos ay sumasaiyo saan ka man pumaroon.”—Josue 1:9.a
11. (a) Paanong ang kahulugan ng pangalan ni Jesus ay pinatingkad nang siya’y sumakay sa asno at pumasok sa Jerusalem? (b) Ano ang pagkakilala ni Jesus sa pangalan ni Jehova, at paano ito ipinakita?
11 Ang katumbas sa Griego ng pangalang Josue, o Jehoshua, ay Jesus, na nangangahulugan ding “si Jehova Ay Kaligtasan.” Sa pamamagitan ni Jesu-Kristo maglalaan si Jehova ng kaligtasan para sa sangkatauhan. Noong 33 C.E. nang si Jesus ay sakay ng asno na pumasok sa Jerusalem, ang karamihan ng mga tao ay patuloy na nagbubunyi: “Magligtas ka, isinasamo namin! Mapalad siyang pumaparito sa pangalan ni Jehova!” (Marcos 11:9; Zacarias 9:9) Si Josue ay isang tunay na tipo ni Jesus, na ‘nag-iwan sa atin ng isang halimbawa upang sundin nating maingat ang kaniyang mga yapak.’ (1 Pedro 2:21) Tulad ni Josue, kinilala ni Jesus na ang pangalan ni Jehova ay mahalaga, at kaniyang dinakila ang pangalang iyan. Makalawa sa kaniyang huling panalangin kasama ng kaniyang mga alagad kaniyang pinatingkad ang pangalan ng Diyos, na nagsasabi: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. . . . ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at ipakikilala ko, upang ang pag-ibig na iniibig mo sa akin ay sumakanila at ako’y makaisa nila.” (Juan 17:6, 26) Anong laking pribilehiyo mayroon tayo na ipakilala sa iba ang pangalang iyan!
12. Anong makapangyarihang mga gawa ang hinihintay natin sa ngayon, at bakit?
12 Samantalang binabasa natin ang ulat ng Bibliya tungkol sa tapat na pangunguna ni Josue, maaari nating isaisip na ang Lalong-dakilang Josue, si Jesu-Kristo, ay nangunguna sa bayan ng Diyos ngayon. Ang “araw ni Jehova” ng pagbabangong-puri ay naririto na ngayon. Anong laking pananabik na hinihintay natin ang katuparan ng kaniyang ipinangakong matuwid na bagong sistema na kasunod ng araw na iyan! (2 Pedro 3:10-13, 17, 18) May pagtitiwala, kung gayon, na inaasahan natin ang higit pang makapangyarihang mga gawa ni Jehova, na lalong makapangyarihan kaysa kaniyang ginawa sa pamamagitan ni Josue.
Ang Himala ni Jehova sa Jordan
13. (a) Anong waring imposibleng sitwasyon ang napaharap sa Israel sa silangang panig ng Jordan? (b) Paanong ang pagkamasunurin ng Israel ay ginantimpalaan?
13 Noon ay panahon ng pag-aani ng taóng 1473 B.C.E., at ang Jordan ay umaapaw ang tubig. Paano nga ang mga ilang milyong kaluluwa, matatanda at mga kabataan, mga lalaki, mga babae, at mga bata, ay maitatawid sa malakas na agos na iyon? Gayunma’y iniutos ni Jehova kay Josue: “Ngayo’y tumindig ka, tumawid ka sa Jordan na ito, ikaw at ang buong bayang ito.” Sa kabilang dako, ang bayan ay nagsabi kay Josue: “Lahat ng iniutos sa amin ay gagawin namin.” Ang Israel ay nagkaniya-kaniya. Ang mga saserdote ang nasa unahan, dala nila ang kaban ng tipan na maingat na tinakpan at kumakatawan sa pagkanaroroon ni Jehova kasama nila. At magkagayo’y nagsimula si Jehova ng ‘paggawa ng mga kababalaghan sa gitna nila,’ sapagkat “sa sandaling ang mga may dala ng Kaban ay makarating sa Jordan at ang mga paa ng mga saserdote na may dala ng Kaban ay sumayad sa gilid ng tubig . . . ang tubig na nanggagaling sa itaas ay napigil.” Ang tubig sa ibaba ay “nahawi,” at umagos sa Dagat na Patay, “at ang bayan ay tumawid.” (Josue 1:2, 16; 3:5-16) Isang pambihirang himala nga!
14. Ano ang kahalintulad nito sa ngayon, at ano ang naging resulta ng ibinigay na patotoo?
14 Ang dumadaluhong na Jordan ay may kahalintulad sa baha ng sangkatauhan na ngayo’y pabulusok sa kapahamakan at Armagedon. (Ihambing ang Isaias 57:20; Apocalipsis 17:15.) Sa ngayon, samantalang nakatayo ang sangkatauhan sa bingit ng huling yugto, pinatitibay ni Jehova ang kaniyang bayan, ngayo’y may bilang na mahigit na 3,000,000—na maihahambing sa bilang ng bayan ng Diyos na pinangunahan ni Josue—Ihambing ang Habacuc 2:3.
15. (a) Ano sa modernong panahon ang nakakahawig ng lakas-loob na ginawa ng mga saserdote noon? (b) Paano inilalarawan dito ang “malaking pulutong”?
15 Samantalang ang milyun-milyong mga Israelita ay tumatawid sa nahawing ilog, “ang mga saserdoteng may dala ng kaban ng tipan ni Jehova ay tumayong panatag sa tuyong lupa sa gitna ng Jordan,” upang kumatawan sa pagpigil ni Jehovang Diyos sa mga bagay-bagay. (Josue 3:17) At nangyari na noong 1919 ang maliit na pulutong ng pinahirang mga Saksi ay lakas-loob na tumapak sa harap ng “tubig” ng sangkatauhan. Noong 1922 sila ay buong tapang na tumugon sa panawagan na ‘ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo ang Hari at ang kaniyang Kaharian,’ na ang pinakadiwa na sinasabi: “Narito ako! Suguin mo ako.” Sa kanila’y nagbigay si Jehova ng katiyakan: “Pagka ikaw ay dumaraan sa tubig, ako’y sasaiyo; at sa mga ilog, hindi ka tatakpan niyaon.” Noong 1931, kaniyang pinarangalan sila sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pangalang mga Saksi ni Jehova. (Isaias 6:8; 43:2, 12) Kabilang sa mga tumawid sa Jordan ay ang mga Israelita na di-Levita at ang mga inapo ng di-Israelitang “haluang malaking pulutong” na nagsilabas sa Ehipto kasama ni Moises. Sa ganiyan ding paraan, ang “malaking pulutong” sa ngayon ay kasama sa pagtawid patungo sa bagong sistema ng Diyos, samantalang ang mga nalalabi pa ng uring espirituwal na mga saserdote ay nakatayong “matatag, di-nakikilos,” uliran sa kanilang pananampalataya.—Exodo 12:38; Apocalipsis 7:9; 1 Corinto 15:58.
Pag-aalaala sa Himala
16. (a) Paanong gumawa ng pinaka-alaala ng himala sa Jordan? (b) Ano ang ipinahihiwatig nito tungkol sa makapangyarihang mga gawa ni Jehova ngayon?
16 Upang alalahanin ang himalang ito sa Jordan, iniutos ni Jehova na ang 12 lalaki, na kumakatawan sa tribo ng Israel, ay kukuha ng 12 bato sa ilalim ng ilog at ilalagay iyon sa kanlurang dalampasigan sa Gilgal. Ang mga batong iyon ay mananatiling isang walang-hanggang alaala sa pangalan ni Jehova at sa kaniyang makapangyarihang mga gawa. Ang mga anak ni Israel sa hinaharap ay pagsasabihan na ang alaalang ito ay “upang makilala ng lahat na mga bayan sa lupa ang kamay ni Jehova, na makapangyarihan; upang kayo’y laging matakot nga kay Jehova na inyong Diyos.” (Josue 4:1-8, 20-24) Sa modernong panahon, kamangha-manghang mga gawa ni Jehova sa pagliligtas sa kaniyang bayan, sa kabila ng buhong na mga pag-atake ng mga lider pulitikal at relihiyoso, ang nagsisilbing isang alaala na siya’y sumasa-kaniyang bayan. Walang alinlangan na ang kaniyang dakilang mga gawa sa modernong panahon na nagbabangong-puri ng kaniyang pangalan ay permanenteng aalalahanin sa kaniyang bagong sistema ng mga bagay.—Apocalipsis 12:15, 16; Awit 135:6, 13.
17. (a) Ano pang alaala ang itinatag ni Josue? (b) Ano ang hindi naiwasan ng sangkatauhan na nahahawig na patotoo sa ngayon?
17 Isa pang alaala ang nararapat: “At si Josue ay nagpabunton ng labindalawang bato sa gitna ng Jordan sa dakong tinayuan ng mga paa ng mga saserdote na may dala ng kaban ng tipan, at ang mga ito’y naroroon pa rin hanggang sa araw na ito.” Habang ang mga saserdote ay umaahon sa nahawing ilog at pagkatapos aryahan ni Jehova ang pinigil na tubig, ito’y umagos na sa 12 mga batong patotoo. (Josue 4:9) Magmula noon, ang naroroong mga batong iyon ay laging daraanan ng umaagos na tubig ng ilog. Gayundin sa ngayon, ang sangkatauhan ay patuloy na bumibilis sa pagbulusok sa “Patay na Dagat” ng Armagedon. Subalit hindi makaiiwas ito sa patotoo na naibunton ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig samantalang sila’y nakatayong “matatag sa iisang espiritu, nagkakaisa ng kaluluwa at nagsisikap ukol sa pananampalataya sa mabuting balita.” (Filipos 1:27, 28) Ang mga nariritong rekord ay nagpapatunay na, sa loob ng 67 taon hanggang sa taon ng 1986, ang mga Saksi ay nakapaglagay sa tahanan ng mga tao sa buong lupa, sa mahigit 200 mga wika, ng mahigit na 570,000,000 mga aklat at pulyeto at mahigit na 6,400,000,000 sipi ng mga magasing Watchtower at Awake!, at gayundin ng milyun-milyong suskrisyon ng magasin—isang napakalaking patotoo nga!
18. (a) Anong mga kuwalidad ang ipinakita sa ngayon ng uring saserdote? (b) Paano napasigla ang lahat ng mga lingkod ng Diyos?
18 Tayo’y nagagalak na ang mga Saksi ay nagpatuloy hanggang sa taóng ito ng 1986. Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay naging isang puspusang pagpapagal, tulad nang ang bawat isa sa 12 lalaki ay magpasan ng kaniyang pinaka-alaalang bato at dinala iyon hanggang sa Gilgal. Subalit dahilan sa isang malaganap na espiritu ng pagpapayunir ay nagkakaisa-isa ang modernong mga lingkod ng Diyos, at laging pinasisigla sila nito na “magpakatibay-loob at magpakalakas na mabuti.”—Awit 27:14; 31:24; Zefanias 3:9.
19. Sa pagrerepaso sa higit pang mga pangyayari noong kaarawan ni Josue, ano ang ating maaaring maging pagtitiwala?
19 Ang iba pang mga pangyayari noong kaarawan ni Josue ay dapat magpalakas-loob sa atin na sumulong sa unahan, na nagtitiwala na si Jehova ay gagawa ng higit pang mga himala alang-alang sa kaniyang bayan. Ang ating susunod na artikulo ang rerepaso sa ilan sa mga ito.
[Talababa]
a Si Asher Goldenberg ay sumulat sa Metre and Its Significance in the Bible (Hebreo) na sa panahon ng Unang Templo, ang mga pangalang pantangi ay karaniwan nang may mas mahabang porma, at doo’y nakapaloob ang bahagi ng Tetragrammaton, upang ipakilala ang katapatan kay Jehova. Kaniyang sinasabi na “sa Pentateuch, binago ni Moises ang pangalang Hoshe ben-Nun at ginawang ‘Jehoshua’ nang kaniyang suguin siya na humayo para mag-espiya; sa gayo’y kaniyang nakita na nang patiuna na [si Josue] ay hindi magtataksil [kay Jehova].”
Sa Pagbubulay-bulay sa mga Pangyayari Noong Kaarawan ni Josue—
◻ Bakit ang mga ito ay dapat malasin bilang higit pa kaysa kasaysayan lamang?
◻ Paano natin mapagyayaman ang tibay ng loob at ang espirituwal na lakas?
◻ Anong magandang halimbawa ang iniwan ni Josue para sa atin?
◻ Sa anu-anong paraan inilarawan ni Josue si Jesus?
◻ Anong mga pangyayari sa ngayon ang kahalintulad niyaong mga pangyayari sa Jordan?