HEBRON
1. Apo ni Levi at anak ni Kohat. Siya ang ninuno ng “mga anak ni Hebron” o mga Hebronita.—Exo 6:16, 18; Bil 3:19, 27; 26:58; 1Cr 6:2, 18; 15:4, 9; 23:12, 19; 26:30-32.
2. Anak ni Maresa at ama nina Kora, Tapua, Rekem, at Sema. Siya’y isang inapo ni Caleb na mula sa tribo ni Juda.—1Cr 2:42, 43.
3. [Dako ng Pagsososyo]. Isang sinaunang lunsod sa bulubunduking pook ng Juda. Itinayo ito pitong taon bago ang Zoan sa Ehipto. (Bil 13:22) Ang Hebron ay mga 30 km (19 na mi) sa TTK ng Jerusalem at mahigit na 900 m (3,000 piye) ang taas nito mula sa kapantayan ng dagat. Isa ito sa pinakamatatandang lugar na tinitirahan pa rin hanggang sa ngayon sa Gitnang Silangan. Waring ang sinaunang pangalan ng Hebron na “Kiriat-arba” (Bayan ni Arba) ay hinalaw sa tagapagtatag nito na isang Anakim, si Arba. (Gen 23:2; Jos 14:15) Ang lunsod at mga karatig na burol nito ay matagal nang kilalá sa mga ubasan, granada, igos, olibo, apricot, mansanas, at mga nuwes. Palibhasa’y pinagpala ng maraming bukal at balon, ang Hebron ay napalilibutan ng milya-milyang luntiang pananim.
Ang mga patriyarkang sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nanirahan nang ilang panahon sa Hebron bilang dayuhan. (Gen 13:18; 35:27; 37:13, 14) Dito namatay si Sara at inilibing siya sa isang yungib sa kalapit na Macpela. Ang yungib na ito, pati na ang nakapalibot na lupain, na binili ni Abraham mula sa Hiteong si Epron, ay naging dakong libingan ng pamilya. Dito rin inilibing sina Abraham, Isaac, Rebeka, Lea, at Jacob.—Gen 23:2-20; 49:29-33; 50:13.
Noong isugo ni Moises ang 12 tiktik sa Lupang Pangako, ang malahiganteng mga inapo ni Anak ang naninirahan sa Hebron. (Bil 13:22, 28, 33) Pagkaraan ng mga 40 taon, si Hoham na hari ng Hebron ay sumama sa apat na iba pang hari sa pagsalakay sa Gibeon, isang lunsod na nakipagpayapaan kay Josue. Tumugon ang mga Israelita nang humingi ng saklolo ang Gibeon at, sa tulong ni Jehova, tinalo nila ang mga hukbo ng limang hari na dumating laban sa Gibeon. Pagkatapos nito, ang limang haring ito, na nagtago sa isang yungib, ay pinatay at ang kanilang mga bangkay ay ibinitin sa mga tulos hanggang sa kinagabihan.—Jos 10:1-27.
Habang nagpapatuloy ang kampanya ng Israel sa timugang Canaan, ang mga naninirahan sa Hebron, pati na ang kanilang hari (maliwanag na ang kahalili ni Hoham), ay itinalaga sa pagkapuksa. (Jos 10:36, 37) Gayunman, bagaman sa ilalim ng pangunguna ni Josue ay naigupo ng mga Israelita ang kapangyarihan ng mga Canaanita, waring hindi sila agad nagtatag ng mga garison upang mapanatili nila ang kanilang kontrol sa mga lupaing nalupig nila. Maliwanag na habang nakikipagdigma ang Israel sa ibang lugar, muling nanirahan ang mga Anakim sa Hebron, anupat kinailangan ni Caleb (o ng mga anak ni Juda sa ilalim ng pangunguna ni Caleb) na agawin ang lunsod sa kanila ilang panahon pagkaraan nito. (Jos 11:21-23; 14:12-15; 15:13, 14; Huk 1:10) Bagaman ang Hebron ay orihinal na nakaatas kay Caleb na mula sa tribo ni Juda, nang maglaon ay binigyan ito ng sagradong katayuan bilang isang kanlungang lunsod. Nagsilbi rin itong isang lunsod ng mga saserdote. Gayunman, “ang parang ng lunsod [Hebron]” at ang mga pamayanan nito ay naging minanang pag-aari ni Caleb.—Jos 14:13, 14; 20:7; 21:9-13.
Pagkaraan ng mga apat na siglo, sa Hebron pinahiran ng mga lalaki ng Juda si David bilang hari. Mula sa Hebron ay namahala si David nang pito at kalahating taon. Nang mga panahong iyon, siya’y nagkaanak ng anim, sina Amnon, Kileab (Daniel), Absalom, Adonias, Sepatias, at Itream. (2Sa 2:1-4, 11; 3:2-5; 1Cr 3:1-4) Bago nito, maliwanag na tinulungan si David ng mga naninirahan sa Hebron noong tinutugis siya ni Haring Saul. (1Sa 30:26, 31) Sa pagtatapos ng paghahari ni David sa Hebron, si Abner, na pangunahing tagasuporta ng pagkahari ng anak ni Saul na si Is-boset (2Sa 2:8, 9), ay lumipat sa panig ni David. Pagkabalik ni Joab mula sa isang paglusob at nang malaman niyang pinayaon ni David si Abner nang payapa, inutusan niya ang mga mensahero na pabalikin si Abner. Pagkatapos ay pinatay niya ito mismo sa Hebron, kung saan inilibing si Abner pagkaraan nito. (2Sa 3:12-27, 32) Nang maglaon, pinaslang nina Recab at Baanah si Is-boset at, palibhasa’y umaasang gagantimpalaan sila, dinala nila ang ulo nito kay David sa Hebron, ngunit ipinapatay sila ni David dahil sa kanilang kabuktutan. (2Sa 4:5-12) Pagkatapos, pinahiran si David bilang hari sa buong Israel, at mula sa Hebron ay inilipat niya sa Jerusalem ang kaniyang kabisera.—2Sa 5:1-9.
Pagkaraan ng ilang taon, ang anak ni David na si Absalom ay bumalik sa Hebron. Dito niya sinimulan ang nabigo niyang pag-agaw sa pagkahari ng kaniyang ama. (2Sa 15:7-10) Malamang na dahil sa pagiging makasaysayan ng Hebron, palibhasa’y naging kabisera ito ng Juda, at dahil ito ang kaniyang tinubuang lunsod, kung kaya pinili ni Absalom na sa lunsod na ito pasimulan ang kaniyang kampanya para makuha ang trono. Nang maglaon, ang Hebron ay muling itinayo ng apo ni David na si Haring Rehoboam. (2Cr 11:5-10) Pagkatapos itiwangwang ng mga Babilonyo ang Juda at pagkabalik ng mga Judiong tapon, ang ibang nakabalik na mga Judio ay nanirahan sa Hebron (Kiriat-arba).—Ne 11:25.
[Larawan sa pahina 963]
Tanawin sa lansangan sa Hebron, isa sa sinaunang mga kanlungang lunsod ng Israel