Mga Sinaunang Bibinga na Nagpapatunay sa Ulat ng Bibliya
ANG Bibliya ay kinasihang Salita ng Diyos. (2 Timoteo 3:16) Tumpak ang mga ulat nito tungkol sa mga tao, lugar, at kalagayan sa relihiyon at pulitika noong sinaunang panahon. Hindi nakadepende ang pagiging totoo ng Kasulatan sa mga tuklas ng arkeolohiya, bagaman pinatutunayan at binibigyang-liwanag ng mga ito ang ating pagkaunawa sa ulat ng Bibliya.
Ang pinakamarami sa natuklasan ng mga arkeologo sa kanilang paghuhukay sa sinaunang mga dako ay ang mga bibinga, o piraso ng mga basag na sisidlang luwad. Ginagamit ang mga ito noon na karaniwang sulatan sa maraming dako sa sinaunang Gitnang Silangan, pati na sa Ehipto at Mesopotamia. Pinagsusulatan ito ng mga kontrata at ginagamit sa pagtatala ng mga kuwenta, bentahan, at iba pa, kung paanong ginagamit ang papel sa ngayon. Karaniwan nang sinusulatan ang mga bibinga ng panulat na may tinta, at kadalasang mababasa sa mga ito ang isang salita o mga pangungusap.
Maraming bibingang mula pa sa panahon ng Bibliya ang nahukay ng mga arkeologo sa Israel. Kapansin-pansin sa mga ito ang tatlong kalipunan ng mga bibinga, na mula pa noong ikapito at ikawalong siglo B.C.E., dahil pinatutunayan ng mga ito ang iba’t ibang detalye ng kasaysayan na matatagpuan sa Bibliya. Ang mga ito ay ang mga bibinga sa Samaria, sa Arad, at sa Lakis. Suriin natin ang bawat isa sa mga kalipunang ito.
Bibinga sa Samaria
Ang Samaria ang kabisera ng sampung-tribong hilagang-kaharian ng Israel hanggang sa pabagsakin ito ng mga Asiryano noong 740 B.C.E. Ganito ang sinasabi ng 1 Hari 16:23, 24 may kinalaman sa kasaysayan ng Samaria: “Nang ikatatlumpu’t isang taon ni Asa na hari ng Juda [947 B.C.E.], si Omri ay naging hari sa Israel . . . At binili niya ang bundok ng Samaria mula kay Semer sa halagang dalawang talento na pilak, at nagsimula siyang magtayo sa bundok at tinawag ang pangalan ng lunsod na kaniyang itinayo . . . [na] Samaria.” Noong panahon ng Roma, ang lunsod ay pinalitan ng pangalang Sebaste. At nang dakong huli, noong ikaanim na siglo C.E., hindi na umiral ang lunsod na ito.
Nang hukayin ang sinaunang Samaria noong 1910, natuklasan ng isang grupo ng mga arkeologo ang isang kalipunan ng bibinga, na sinasabi nilang nagmula noong ikawalong siglo B.C.E. Nakatala rito ang tungkol sa pagdadala ng langis at alak sa Samaria mula sa mga kalapit na bayan nito. Hinggil dito, sinabi ng aklat na Ancient Inscriptions—Voices From the Biblical World: “Ang 63 bibinga na nasumpungan noong 1910 . . . ay maituturing na isa sa pinakamahalagang kalipunan ng nasusulat na impormasyon mula sa sinaunang Israel. Mahalaga ito hindi dahil sa inilalahad ng mga bibinga sa Samaria . . . kundi dahil sa detalyadong talaan nito ng mga pangalan ng tao, pamilya, at lugar sa Israel.” Paano pinatutunayan ng mga pangalang ito ang ulat ng Bibliya?
Nang sakupin ng mga Israelita ang Lupang Pangako at hinati-hati ito ayon sa mga tribo ng Israel, ang Samaria ay naging bahagi ng teritoryo ng tribo ni Manases. Ayon sa Josue 17:1-6, sa pamamagitan ng kaniyang apo na si Gilead, ang sampung pamilya ng tribo ni Manases ay pinagkalooban ng mga lupa sa dakong ito. Ang mga pamilyang ito ay pamilya nina Abiezer, Helek, Asriel, Sikem, at Semida. Si Heper, ang ikaanim na inapo ni Manases, ay walang apong lalaki ngunit may limang apong babae—sina Maala, Noa, Hogla, Milca, at Tirza—at bawat isa sa mga ito ay binigyan din ng lupa.—Bilang 27:1-7.
Nakatala sa mga bibinga sa Samaria ang pangalan ng pito sa mga pamilyang ito—lahat ng limang anak ni Gilead at dalawa sa apong babae ni Heper, sina Hogla at Noa. “Bukod sa ulat ng Bibliya, ang mga pangalan ng pamilya ng tribo ni Manases na nakatala sa mga bibinga sa Samaria ay naglalaan ng katibayan na nanirahan sila sa mga teritoryong iyon,” ang sabi ng NIV Archaeological Study Bible. Kaya pinatutunayan ng mga bibingang ito ang paglalarawan ng Bibliya sa sinaunang kasaysayan ng mga tribo ng Israel.
Sinusuhayan din ng mga bibinga sa Samaria ang paglalarawan ng Bibliya hinggil sa kalagayan ng pagsamba ng mga Israelita. Nang panahong isinusulat ang impormasyon sa mga bibingang ito, sumasamba ang mga Israelita kay Jehova at sa diyos ng mga Canaanita na si Baal. Ang hula ni Oseas, na isinulat din noong ikawalong siglo B.C.E., ay bumabanggit sa panahong nagsisi na ang Israel at tinawag na nila si Jehova na “Aking asawa,” sa halip na “Aking baal,” o “Aking may-ari.” (Oseas 2:16, 17) Ang ilang personal na pangalan na nakasulat sa mga bibinga sa Samaria ay nangangahulugang “Si Baal ang aking ama,” “Umaawit si Baal,” “Malakas si Baal,” “Naaalaala ni Baal,” at mga katulad nito. Sa bawat 11 personal na pangalan na may anyo ng pangalang Jehova, may 7 namang pangalan na may anyo ng pangalan ni “Baal.”
Bibinga sa Arad
Matatagpuan ang sinaunang lunsod ng Arad sa medyo tigang na dakong tinatawag na Negeb, na nasa timog ng Jerusalem. Natagpuan sa paghuhukay sa Arad ang anim na sunud-sunod na mga tanggulan ng mga Israelita noong panahon ng paghahari ni Solomon (1037-998 B.C.E.) hanggang sa wasakin ng Babilonya ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Nakuha ng mga naghukay sa Arad ang pinakamalaking kalipunan ng mga bibinga na nagmula noong panahon ng Bibliya. Kasama rito ang mahigit sa 200 piraso ng bibinga na may nakasulat na mga salitang Hebreo, Aramaiko, at iba pang wika.
Pinatutunayan ng ilang bibinga sa Arad ang ulat ng Bibliya may kinalaman sa mga pamilya ng saserdote. Halimbawa, isang bibinga ang bumabanggit sa “mga anak ni Kora,” na tinutukoy sa Exodo 6:24 at Bilang 26:11. Espesipikong pinatutungkol ng mga superskripsiyon sa Awit 42, Aw 44-49, 84, 85, 87, at Aw 88 ang mga awit na ito sa “mga anak ni Kora.” Ang iba pang mga pamilya ng saserdote na binanggit sa mga bibinga sa Arad ay yaong kay Pasur at Meremot.—1 Cronica 9:12; Ezra 8:33.
Tingnan ang isa pang halimbawa. Nahukay sa kaguhuan ng isang tanggulan, na ginamit noong panahon bago wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem, ang isang bibinga na may mensahe para sa kumandante ng kuta roon. Ayon sa lathalaing The Context of Scripture, ganito ang sinasabi ng isang bahagi ng mensahe: “Sa aking panginoong Elyashib. Pagpalain ka nawa ni Yahweh [Jehova]. . . . Kung tungkol sa mga bagay na inutos mo sa akin: maayos na ang lahat: nanunuluyan siya sa templo ni Yahweh.” Maraming iskolar ang naniniwalang tumutukoy ang templong ito sa templo sa Jerusalem na itinayo noong panahon ni Solomon.
Bibinga sa Lakis
Matatagpuan ang sinaunang tanggulang lunsod ng Lakis, 43 kilometro sa timog-kanluran ng Jerusalem. Habang naghuhukay ang mga arkeologo sa dakong ito noong 1930, natuklasan ang isang kalipunan ng bibinga, at di-kukulangin sa 12 piraso sa mga ito ay mga liham na sinasabing “napakahalaga . . . para malaman ang tungkol sa pulitikal na kalagayan at kaguluhang nagaganap noon sa Juda habang naghahanda ito sa di-maiiwasang pagsalakay ni Nabucodonosor [ang hari ng Babilonya].”
Ang pinakamahalaga sa mga liham na ito ay ang pagtatalastasan ng isang nakabababang opisyal at ni Yaosh, malamang na kumandante ng militar sa Lakis. Kahawig ng mga pananalita sa mga liham na ito ang mga isinulat ng propetang si Jeremias na nabuhay rin noon. Tingnan kung paanong sinusuportahan ng dalawa sa mga liham na ito ang paglalarawan ng Bibliya sa maligalig na panahong iyon.
Sa Jeremias 34:7, inilalarawan ng propeta ang panahon “nang ang mga hukbong militar ng hari ng Babilonya ay nakikipaglaban sa Jerusalem at sa lahat ng mga lunsod ng Juda na nalalabi, laban sa Lakis at laban sa Azeka; sapagkat ang mga iyon, na mga nakukutaang lunsod, ang siyang nalabi sa mga lunsod ng Juda.” Waring inilalarawan ng sumulat ng isa sa Mga Liham sa Lakis ang katulad na pangyayari. Ganito ang isinulat niya: “Tinitingnan namin ang mga hudyat [na apoy] ng Lakis . . . , dahil hindi na namin makita ang Azeqah.” Naniniwala ang maraming iskolar na ipinahihiwatig nito na ang Azeqah, o Azeka, ay napabagsak na ng mga Babilonyo at isusunod na nila ang Lakis. Ang kapansin-pansin sa mga salitang ito ay ang pagtukoy sa “mga hudyat na apoy,” na binanggit din ng Jeremias 6:1 bilang isang paraan ng pakikipagtalastasan.
Isa pang Liham sa Lakis ang pinaniniwalaang sumusuporta sa sinabi nina propeta Jeremias at Ezekiel may kaugnayan sa pagsisikap ng hari ng Juda na humingi ng tulong mula sa Ehipto para sa kanilang paghihimagsik laban sa Babilonya. (Jeremias 37:5-8; 46:25, 26; Ezekiel 17:15-17) Ganito ang sinasabi ng Liham sa Lakis: “Natanggap ng lingkod mo ang sumusunod na impormasyon: Pumunta na sa timog si Heneral Konyahu na anak ni Elnatan upang pumasok sa Ehipto.” Maraming iskolar ang nagsasabing ang hakbang na ito ay isang pagsisikap upang makakuha ng tulong na pangmilitar mula sa Ehipto.
Mababasa rin sa mga bibinga sa Lakis ang ilang pangalang binanggit sa aklat ng Jeremias. Ito ay ang mga pangalang Nerias, Jaazanias, Gemarias, Elnatan, at Hosaias. (Jeremias 32:12; 35:3; 36:10, 12; 42:1) Hindi pa tiyak kung sila nga ang tinutukoy sa mga bibinga. Pero yamang nabuhay si Jeremias nang panahong iyon, malaki ang posibilidad na ang mga pangalang binanggit sa mga bibinga ay iyon ding tinukoy ni Jeremias.
Kapansin-pansing Pagkakatulad
Pinatutunayan ng mga bibinga sa Samaria, Arad, at Lakis ang maraming detalye na nakaulat sa Bibliya. Kabilang dito ang mga pangalan ng pamilya, lugar, at impormasyon may kinalaman sa kalagayan ng relihiyon at pulitika nang panahong iyon. Pero may mahalagang pagkakatulad ang tatlong kalipunang ito.
Ang mga liham na matatagpuan sa mga kalipunan ng bibinga sa Arad at sa Lakis ay kababasahan ng mga pariralang “Pagkalooban ka nawa ni Jehova ng kapayapaan.” Sa pitong mensahe sa mga bibinga sa Lakis, binanggit ang pangalan ng Diyos nang 11 ulit. Karagdagan pa, marami sa mga personal na pangalang Hebreo na matatagpuan sa tatlong kalipunang ito ay may pinaikling anyo ng pangalang Jehova. Kaya pinatutunayan ng mga bibingang ito na madalas na ginagamit ng mga Israelita nang panahong iyon ang pangalan ng Diyos.
[Larawan sa pahina 13]
Bibinga na nakuha sa kaguhuan ng Arad na may mensahe para kay Elyashib
[Credit Line]
Photograph © Israel Museum, Jerusalem; courtesy of Israel Antiquities Authority
[Larawan sa pahina 14]
Liham sa Lakis na may pangalan ng Diyos
[Credit Line]
Photograph taken by courtesy of the British Museum