Piliing Maglingkod kay Jehova Habang Bata Ka Pa
“Magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at nahikayat na sampalatayanan.”—2 TIM. 3:14.
1. Ano ang pangmalas ni Jehova sa paglilingkuran ng kaniyang mga kabataang Saksi?
NAPAKAHALAGA kay Jehova ng sagradong paglilingkod ng mga kabataan kung kaya kinasihan niya ang isang hula tungkol sa kanila. “Ang iyong bayan ay kusang-loob na maghahandog ng kanilang sarili sa araw ng iyong hukbong militar,” ang awit ng salmista. “Sa mga karilagan ng kabanalan, mula sa bahay-bata ng bukang-liwayway, ikaw ay may pulutong ng mga kabataan na gaya ng mga patak ng hamog.” (Awit 110:3) Oo, para kay Jehova, napakahalaga ng mga kabataang handang maglingkod sa kaniya.
2. Anu-anong impluwensiya ng sanlibutan ang kinakaharap ng mga kabataan sa ngayon kung tungkol sa kanilang kinabukasan?
2 Kayong mga kabataan sa kongregasyong Kristiyano, inialay na ba ninyo ang inyong sarili kay Jehova? Baka mahirapan ang marami na piliing paglingkuran ang tunay na Diyos. Ang mga negosyante, guro, at kung minsan ang mga kapamilya at kaibigan ay humihimok sa mga kabataan na magpayaman. Kadalasan nang hinahamak ang mga kabataan kapag itinataguyod nila ang kanilang espirituwal na tunguhin. Pero ang totoo, ang paglilingkuran sa tunay na Diyos ang pinakamagandang bagay na magagawa mo sa iyong buhay. (Awit 27:4) May kinalaman dito, isaalang-alang natin ang tatlong tanong: Bakit ka dapat maglingkod sa Diyos? Paano ka magtatagumpay bilang isang nakaalay kay Jehova sa kabila ng maaaring sabihin o gawin ng ibang mga tao? Anu-anong kapana-panabik na oportunidad sa sagradong paglilingkod ang maaaring maging bukás para sa iyo?
Paglilingkod kay Jehova—Pinakamagandang Pasiya
3. Paano tayo dapat maapektuhan ng mga nilalang ni Jehova?
3 Bakit dapat mong paglingkuran ang tunay at buháy na Diyos? Binabanggit sa Apocalipsis 4:11 ang pangunahing dahilan: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.” Si Jehova ang kahanga-hangang Maylalang ng lahat ng umiiral na bagay. Napakaganda nga ng lupa! Ang mga puno, bulaklak, hayop, karagatan, kabundukan, at mga talon—lahat ng iyan ay ginawa ni Jehova. ‘Ang lupa ay punô ng mga likha ng Diyos,’ ang sabi ng Awit 104:24. Laking pasasalamat nga natin na dahil sa pag-ibig ni Jehova ay binigyan niya tayo ng katawan at isip upang masiyahan sa lupa at sa magagandang bagay na naririto! Hindi ba’t nag-uudyok ito sa atin na paglingkuran siya bilang pagpapakita ng ating taos-pusong pasasalamat?
4, 5. Anu-anong gawa ng Diyos ang naging dahilan para mapalapít si Josue kay Jehova?
4 Ang isa pang dahilan para maglingkod kay Jehova ay makikita sa mga salita ng lider ng mga Israelita na si Josue. Bago siya mamatay, sinabi ni Josue sa bayan ng Diyos: “Nalalaman ninyong lubos ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo.” Bakit nasabi iyan ni Josue?—Jos. 23:14.
5 Palibhasa’y lumaki sa Ehipto, alam ni Josue ang pangako ni Jehova na bibigyan Niya ang mga Israelita ng sariling lupain. (Gen. 12:7; 50:24, 25; Ex. 3:8) Pagkatapos, nasaksihan ni Josue kung paano sinimulang tuparin ni Jehova ang pangakong iyan sa pamamagitan ng pagpapasapit Niya ng Sampung Salot sa Ehipto at sa gayo’y napilitan ang mapagmatigas na si Paraon na paalisin ang mga anak ni Israel. Isa si Josue sa mga nakatawid sa Dagat na Pula, at nakita niya kung paano nilamon ng dagat si Paraon at ang kaniyang hukbo. Habang nasa mahabang paglalakbay sa “malaki at kakila-kilabot na ilang” ng Disyerto ng Sinai, nakita ni Josue kung paano pinaglaanan ni Jehova ang mga Israelita ng lahat ng kanilang mga pangangailangan. Wala ni isa man sa kanila ang namatay sa uhaw o gutom. (Deut. 8:3-5, 14-16; Jos. 24:5-7) Nang panahon na para lupigin ng mga Israelita ang malalakas na bansang Canaanita at ariin ang Lupang Pangako, nakita ni Josue kung paano sila sinuportahan ng Diyos na sinasamba niya at ng iba pang mga Israelita.—Jos. 10:14, 42.
6. Ano ang makatutulong sa iyo para malinang ang pagnanais na maglingkod sa Diyos?
6 Alam ni Josue na tinupad ni Jehova ang Kaniyang mga pangako. Kaya naman sinabi ni Josue: “Kung para sa akin at sa aking sambahayan, maglilingkod kami kay Jehova.” (Jos. 24:15) Kumusta ka naman? Kapag naiisip mo ang mga pangako ng tunay na Diyos na natupad na at tutuparin pa lamang, pipiliin mo rin bang maglingkod sa kaniya gaya ng ginawa ni Josue?
7. Bakit isang napakahalagang hakbang ang bautismo sa tubig?
7 Ang pagbubulay-bulay sa mga nilalang ni Jehova at sa kaniyang lubos na maaasahan at kamangha-manghang mga pangako ay dapat magpakilos sa iyo hindi lamang para mag-alay kay Jehova kundi para sagisagan din ito ng bautismo sa tubig. Ang bautismo ay napakahalagang hakbang na dapat gawin ng mga gustong maglingkod sa Diyos. Ito ay malinaw na ipinakita ng ating Huwaran, si Jesus. Bago pasimulan ang kaniyang gawain bilang Mesiyas, iniharap niya ang kaniyang sarili kay Juan na Tagapagbautismo para magpabautismo. Bakit ito ginawa ni Jesus? “Bumaba ako mula sa langit upang gawin, hindi ang kalooban ko,” ang sabi niya nang maglaon, “kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 6:38) Para sagisagan ang paghahandog niya ng kaniyang sarili na gawin ang kalooban ng kaniyang Ama, si Jesus ay nagpabautismo.—Mat. 3:13-17.
8. Bakit pinili ni Timoteo na sambahin ang Diyos, at ano naman ang kailangan mong gawin?
8 Isaalang-alang din natin ang halimbawa ni Timoteo, isang kabataang Kristiyano na nang maglaon ay binigyan ni Jehova ng maraming gawain at pantanging atas. Bakit ipinasiya ni Timoteo na sumamba sa tunay na Diyos? Sinasabi ng Bibliya na ‘siya ay natuto ng mga bagay at nahikayat na sampalatayanan’ ang mga iyon. (2 Tim. 3:14) Kung napag-aralan mo ang Salita ng Diyos at nahikayat na sampalatayanang totoo ang mga turo nito, ang kalagayan mo ay katulad ng kay Timoteo. Kailangan mo na ngayong gumawa ng desisyon. Bakit hindi mo sabihin sa iyong mga magulang ang mga plano mo? Matutulungan ka nila pati na ng matatanda sa kongregasyon na maunawaan ang mga maka-Kasulatang kahilingan para sa bautismo.—Basahin ang Gawa 8:12.
9. Ano ang maaaring maging reaksiyon ng iba kapag ikaw ay nagpabautismo?
9 Ang pagpapabautismo ang pinakamainam na pasimula ng paglilingkod sa tunay na Diyos. Sa paggawa nito, sinisimulan mo ang mahabang takbuhan na ang gantimpala ay walang-hanggang buhay at kagalakan dahil sa paggawa ng kalooban ng Diyos. (Heb. 12:2, 3) Magdudulot din ito ng kagalakan sa iyong mga kapamilya na nasa takbuhan ding iyon at sa iyong mga kaibigan sa kongregasyong Kristiyano. Pinakamahalaga sa lahat, mapasasaya mo ang puso ni Jehova. (Basahin ang Kawikaan 23:15.) Totoo, hindi maiintindihan ng lahat kung bakit mo piniling maglingkod kay Jehova, at baka kuwestiyunin pa nila ang iyong desisyon. Baka salansangin ka pa nga nila. Pero mapagtatagumpayan mo ang mga pagsubok na ito.
Kapag Tinatanong o Sinasalansang Ka ng Iba
10, 11. (a) Ano ang maaaring itanong sa iyo ng mga tao hinggil sa iyong pasiya na maglingkod sa Diyos? (b) Ano ang matututuhan mo sa paraan ng pagsagot ni Jesus sa mga tanong tungkol sa tunay na pagsamba?
10 Malamang na hindi maintidihan ng iyong mga kaeskuwela, kapitbahay, at kamag-anak ang desisyon mong maglingkod kay Jehova. Baka tanungin ka nila kung bakit iyan ang ipinasiya mo at kung ano ang iyong paniniwala. Paano ka dapat tumugon? Mangyari pa, dapat mong suriin kung ano talaga ang laman ng iyong puso at isip upang maipaliwanag mo kung bakit gayon ang desisyon mo. At sa pagsagot sa mga tanong tungkol sa iyong mga paniniwala, wala nang pinakamahusay na halimbawa na maaari mong tularan kundi ang kay Jesus.
11 Nang pagtatanungin si Jesus ng mga Judiong lider ng relihiyon tungkol sa pagkabuhay-muli, ibinaling niya ang kanilang pansin sa isang teksto na hindi nila naisaalang-alang. (Ex. 3:6; Mat. 22:23, 31-33) Nang tanungin siya ng isang eskriba kung ano ang pinakadakilang utos, sumipi si Jesus ng mga angkop na talata sa Bibliya. Tuwang-tuwa ang lalaki sa sagot ni Jesus. (Lev. 19:18; Deut. 6:5; Mar. 12:28-34) Dahil sa paggamit ni Jesus ng Kasulatan at sa kaniyang paraan ng pagsasalita, nagkaroon ng “pagkakabaha-bahagi tungkol sa kaniya sa gitna ng pulutong,” at hindi siya masaktan ng kaniyang mga mananalansang. (Juan 7:32-46) Kapag sumasagot ng tanong tungkol sa iyong pananampalataya, gamitin ang Bibliya at sumagot “taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Ped. 3:15) Kung hindi mo alam ang sagot, aminin ito at sabihing magsasaliksik ka muna. Pagkatapos, pag-aralan mo ang paksa gamit ang Watch Tower Publications Index o Watchtower Library sa CD-ROM. Kung handang-handa ka, ‘malalaman mo kung paano dapat magbigay ng sagot.’—Col. 4:6.
12. Bakit hindi mo dapat hayaang pahinain ka ng pag-uusig?
12 Maaari kang mapaharap hindi lamang sa mga tanong tungkol sa iyong desisyon na maglingkod sa Diyos at sa iyong mga paniniwala. Tandaan na ang kaaway ng Diyos, si Satanas na Diyablo, ang kumokontrol sa sanlibutan. (Basahin ang 1 Juan 5:19.) Hindi mo dapat asahan na ikaw ay pupurihin o sasang-ayunan ng lahat ng tao. Maaari kang mapaharap sa pagsalansang. Ang ilang tao ay baka ‘magsalita nang may pang-aabuso tungkol sa iyo,’ at maaaring patuloy nila itong gawin. (1 Ped. 4:4) Pero tandaan, hindi ka nag-iisa. Si Jesu-Kristo man ay dumanas ng pag-uusig. Gayundin si apostol Pedro, kaya isinulat niya: “Mga minamahal, huwag kayong magtaka sa panununog [pagdurusa] sa gitna ninyo, na nangyayari sa inyo bilang isang pagsubok, na para bang isang kakaibang bagay ang nangyayari sa inyo. Sa halip, patuloy kayong magsaya yamang kayo ay mga kabahagi sa mga pagdurusa ng Kristo.”—1 Ped. 4:12, 13.
13. Bakit masaya ang mga Kristiyano kapag pinag-uusig sila?
13 Ang pagbabata ng pag-uusig o pagsalansang bilang isang Kristiyano ay isang dahilan para magsaya. Bakit? Dahil ang pagtatamo ng pagsang-ayon ng sanlibutan ay nagpapakitang namumuhay ka ayon sa mga pamantayan ni Satanas—hindi ng sa Diyos. Nagbabala si Jesus: “Sa aba, kailanma’t ang lahat ng mga tao ay nagsasalita ng mabuti tungkol sa inyo, sapagkat mga bagay na tulad nito ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.” (Luc. 6:26) Ang pag-uusig ay patunay na galít sa iyo si Satanas at ang kaniyang sanlibutan dahil naglilingkod ka kay Jehova. (Basahin ang Mateo 5:11, 12.) At ang ‘dustain dahil sa pangalan ni Kristo’ ay isang bagay na dapat ikagalak.—1 Ped. 4:14.
14. Ano ang magagandang resulta kapag ang isang tao ay nananatiling tapat kay Jehova sa kabila ng pag-uusig?
14 Kapag nananatili kang tapat kay Jehova sa kabila ng pagsalansang, magdudulot ito ng di-kukulangin sa apat na magagandang resulta. Nakapagpapatotoo ka tungkol sa Diyos at sa kaniyang Anak. Napasisigla ng tapat mong pagbabata ang iyong mga kapatid na Kristiyano. Ang ilang nagmamasid na hindi nakakakilala kay Jehova ay maaaring mapakilos na hanapin siya. (Basahin ang Filipos 1:12-14.) At sisidhi ang pag-ibig mo kay Jehova habang nadarama mo kung paano ka niya pinalalakas upang makapagbata.
“Isang Malaking Pinto” ang Bukás Para sa Iyo
15. Anong “malaking pinto” ang nabuksan kay apostol Pablo?
15 May kinalaman sa kaniyang ministeryo sa Efeso, ganito ang isinulat ni apostol Pablo: “Isang malaking pinto na umaakay sa gawain ang binuksan sa akin.” (1 Cor. 16:8, 9) Ito ay pinto na umaakay sa malaking gawaing pangangaral ng mabuting balita at paggawa ng mga alagad sa lunsod na iyon. Sa pagpasok sa pintong iyon, maraming natulungan si Pablo na matuto tungkol kay Jehova at sambahin Siya.
16. Paano pumasok ang pinahirang nalabi sa “isang bukás na pinto” noong 1919?
16 Noong 1919, ang niluwalhating si Jesu-Kristo ay naglagay ng “isang bukás na pinto” sa harap ng pinahirang nalabi. (Apoc. 3:8) Pumasok sila sa pintong iyon at mula noon, ipinangaral nila ang mabuting balita, anupat lalo pa silang naging masigasig sa pagtuturo ng katotohanan sa Bibliya. Ano ang ibinunga ng kanilang ministeryo? Naipangaral na ngayon ang mabuting balita hanggang sa dulo ng lupa, at mga pitong milyon na ang may pag-asang mabuhay nang walang-hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos.
17. Paano ka makapapasok sa “isang malaking pinto na umaakay sa gawain”?
17 “Isang malaking pinto na umaakay sa gawain” ang bukás na bukás pa rin sa lahat ng mga lingkod ni Jehova. Nakadarama ng kagalakan at pagkakontento ang mga pumapasok dito habang higit silang nakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita. Kayong mga kabataang lingkod ni Jehova, gaano kalaki ang inyong pagpapahalaga sa walang-katulad na pribilehiyong tulungan ang iba na ‘magkaroon ng pananampalataya sa mabuting balita’? (Mar. 1:14, 15) Naiisip ba ninyong maglingkod bilang regular pioneer o bilang auxiliary pioneer? Ang pagtatayo ng Kingdom Hall, paglilingkod sa Bethel, at pagmimisyonero ay iba pang mga oportunidad na maaaring bukás para sa marami sa inyo. Yamang nauubos na ang panahon para sa balakyot na sistemang ito ni Satanas, ang pagpasok sa mga larangang ito ng gawaing pang-Kaharian ay lalong nagiging apurahan sa bawat araw. Ikaw, gusto mo bang pumasok sa “malaking pinto” habang may panahon pa?
“Tikman Ninyo at Tingnan na si Jehova ay Mabuti”
18, 19. (a) Ano ang tumulong kay David na magkaroon ng masidhing pagnanais na maglingkod kay Jehova? (b) Ano ang nagpapakitang hindi pinagsisihan ni David ang paglilingkod sa Diyos?
18 Inaanyayahan ng kinasihang salmista ang iba na “tikman [nila] at tingnan na si Jehova ay mabuti.” (Awit 34:8) Noong si Haring David ng sinaunang Israel ay batang pastol pa lamang, iniligtas siya ni Jehova mula sa mababangis na hayop. Tinulungan siya ng Diyos sa kaniyang pakikipaglaban kay Goliat at iniligtas sa maraming iba pang kapahamakan. (1 Sam. 17:32-51; Awit 18, superskripsiyon) Dahil sa saganang maibiging-kabaitan ng Diyos, naudyukan si David na sumulat: “Maraming bagay ang iyong ginawa, O Jehova na aking Diyos, maging ang iyong mga kamangha-manghang gawa at ang iyong mga kaisipan sa amin; walang sinumang maihahambing sa iyo.”—Awit 40:5.
19 Mahal na mahal ni David si Jehova at gusto niyang purihin Siya nang buong puso at isip. (Basahin ang Awit 40:8-10.) Sa paglipas ng mga taon, hindi pinagsisihan ni David na gamitin ang kaniyang buhay sa pagsamba sa tunay na Diyos. Ang mabuhay nang may makadiyos na debosyon ang kaniyang pinakamahalagang yaman—isang walang-katulad na pinagmumulan ng kasiyahan. Noong matanda na si David, sinabi niya: “Ikaw ang aking pag-asa, O Soberanong Panginoong Jehova, ang aking pinagtitiwalaan mula pa sa aking pagkabata. At maging hanggang sa katandaan at pagiging may-uban, O Diyos, huwag mo akong iwan.” (Awit 71:5, 18) Lalong tumibay ang tiwala at pakikipagkaibigan ni David kay Jehova kahit mahina na ang kaniyang katawan.
20. Bakit ang paglilingkod sa Diyos ang pinakamaganda mong magagawa sa iyong buhay?
20 Ang buhay nina Josue, David, at Timoteo ay karagdagang patunay na ang paglilingkod kay Jehova ang pinakamaganda mong magagawa sa iyong buhay. Ang panandaliang materyal na kasaganaang dulot ng tagumpay sa sanlibutan ay walang-wala kung ihahambing sa pangmatagalang pakinabang na iyong matatamo mula sa ‘paglilingkod kay Jehova nang iyong buong puso at kaluluwa.’ (Jos. 22:5) Kung hindi mo pa iniaalay ang iyong sarili kay Jehova sa panalangin, maaari mong itanong, ‘Ano ang pumipigil sa akin para maging isang Saksi ni Jehova?’ Kung ikaw naman ay isa nang bautisadong mananamba ni Jehova, gusto mo bang maging mas maligaya ang iyong buhay? Kung gayon, palawakin ang iyong ministeryo at patuloy na sumulong bilang isang Kristiyano. Ipakikita ng susunod na artikulo kung paano ka susulong sa espirituwal sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni apostol Pablo.
Paano Mo Sasagutin?
• Magbigay ng dalawang dahilan kung bakit tayo dapat maglingkod sa Diyos.
• Ano ang tumulong kay Timoteo na magpasiyang maglingkod sa Diyos?
• Bakit kailangan mong manatiling matatag sa harap ng pag-uusig?
• Anu-anong oportunidad sa paglilingkuran ang maaaring bukás para sa iyo?
[Larawan sa pahina 18]
Ang paglilingkod kay Jehova ang pinakamaganda mong magagawa sa iyong buhay
[Larawan sa pahina 19]
Masasagot mo ba ang mga tanong tungkol sa iyong pananampalataya?