Si Rahab—Inaring Matuwid sa Pamamagitan ng mga Gawa ng Pananampalataya
GUNIGUNIHIN lamang! Isang patutot na inaring matuwid buhat sa punto de vista ng Diyos. “Hindi mangyayari iyan!” ibubulalas ng marami. Subalit, ganiyan ang nangyari sa patutot na si Rahab ng Jerico, isang sinaunang lunsod ng Canaan.
Ang manunulat ng Bibliya na si Santiago ay nag-uulat: “Ang isang tao ay inaaring matuwid sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. Gayundin naman hindi ba pati si Rahab na patutot ay inaring matuwid sa pamamagitan ng mga gawa, pagkatapos na kaniyang tanggapin nang may kagandahang-loob ang mga sugong mensahero at pinatakas sila sa ibang daan? Tunay, kung paanong ang katawang walang espiritu ay patay, gayon din ang pananampalatayang walang mga gawa ay patay.” (Santiago 2:24-26) Bakit inaring matuwid si Rahab? Ano ang kaniyang ginawa upang pagkalooban ng gayong mataas na katayuan sa harap ng Diyos?
Ang mga Israelita ay Dumarating!
Isaalang-alang natin ang taóng 1473 B.C.E. Gunigunihin ang tanawin. Matibay ang kuta ng Jerico. Naroon sa ibabaw ng mga pader ng lunsod ang bahay ni Rahab na patutot. Buhat sa mainam na katatanawang dakong iyan, malamang na siya’y makapagmamasid pasilangan patungo sa umaapaw na tubig ng ilog Jordan. (Josue 3:15) Sa silangang dalampasigan nito, kaniyang matatanaw ang kampamento ng mga Israelita, na may mahigit na 600,000 kawal. Mga ilang milya lamang ang layo nila!
Nabalitaan ni Rahab ang mga tagumpay ng Israel sa digmaan. Nabalitaan din niya ang tungkol sa mga pagtatanghal ng kapangyarihan ni Jehova, lalo na sa pagbubukas ng isang daang matatakasan ng mga Israelita sa pagdaraan sa Mapulang Dagat. Kung gayon, tiyak na ang umaapaw na tubig ng Jordan ay hindi makahahadlang. Ito ay isang panahon ng kagipitan! Papaano kikilos si Rahab?
Nanindigan si Rahab
Hindi nagtagal, si Rahab ay tumanggap ng dalawang di-inaasahang panauhin—mga tiktik buhat sa nagkakampamentong mga Israelita. Sila’y humahanap ng matutuluyan, at kaniyang tinanggap sila sa kaniyang tahanan. Subalit ang kanilang pagtuloy roon ay nabalitaan ng hari ng Jerico. Agad niyang pinapunta roon ang kaniyang mga opisyal upang sila’y dakpin.—Josue 2:1, 2.
Sa sandaling dumating ang mga opisyal ng hari, si Rahab ay nanindigan sa panig ng Diyos na Jehova. “Ilabas mo ang mga lalaking napariyan sa iyo,” ang utos ng mga opisyal ng hari. Itinago ni Rahab ang mga tiktik sa naroroong mga tangkay ng lino na nakabilad sa kaniyang bubong. Ang sabi niya: “Opo, ang mga lalaki ay naparito nga sa akin, ngunit hindi ko alam kung sila’y tagasaan. At nangyari sa may oras ng pagsasara ng pintuang-bayan [ng lunsod] nang madilim na ay lumabas ang mga lalaki. Hindi ko alam kung saan naparoon ang mga lalaki. Habulin ninyo sila agad-agad, sapagkat inyo silang aabutan.” (Josue 2:3-5) Ganoon nga ang ginawa ng mga tauhan ng hari—na humantong sa kabiguan.
Ang mga kaaway ay iniligaw ni Rahab. Siya’y agad na kumuha ng iba pang mga hakbang na nagpakita ng kaniyang pananampalataya kay Jehova sa pamamagitan ng mga gawa. Siya’y umakyat sa bubong at sinabi sa mga tiktik: “Alam ko na tiyak na ibibigay sa inyo ni Jehova ang lupain.” Inamin ni Rahab na lahat ng naninirahan sa lupain ay natatakot sapagkat kanilang nabalitaan na “tinuyo [ng Diyos] ang tubig ng Mapulang Dagat” sa harapan ng mga Israelita 40 taon na ang nakalipas. Batid din ng bayan na dalawang hari ng mga Amorrheo ang pinuksa ng mga Israelita. “At pagkabalita namin niyaon,” sabi ni Rahab, “nang magkagayon ang aming puso ay nanlumo, at walang espiritu na naiwan sa kaninumang tao dahil sa inyo, sapagkat si Jehovang inyong Diyos ay siyang Diyos sa langit sa itaas at sa lupa sa ibaba.”—Josue 2:8-11.
Nagmakaawa si Rahab: “Ngayon nga, isinasamo ko sa inyo, sumumpa kayo sa akin sa pangalan ni Jehova na, sapagkat ako’y nagmagandang-loob sa inyo, magmagandang-loob din naman kayo sa sambahayan ng aking ama, at bigyan ninyo ako ng isang mapaniniwalaang tanda. At inyong ililigtas na buháy ang aking ama at ang aking ina at ang aking mga kapatid na lalaki at ang aking mga kapatid na babae at ang lahat nilang tinatangkilik.”—Josue 2:12, 13.
Ang mga lalaki ay pumayag at sinabi kay Rahab kung ano ang dapat niyang gawin. Buhat sa kaniyang bintana, kailangang ilawit niya ang panaling pula na ginamit upang maibaba ang mga tiktik sa lupa sa labas ng mga pader ng Jerico. Kailangang tipunin niya ang kaniyang pamilya sa kaniyang tahanan, na kung saan kailangang manatili silang naroroon upang maligtas. Binigyan ni Rahab ang yayaong mga tiktik ng makatutulong na impormasyon tungkol sa lupain at sinabi sa kanila kung papaano maililigaw ang mga tumutugis sa kanila. Ito’y ginawa ng mga tiktik. Pagkatapos na ilawit ang panaling pula at tipunin ang kaniyang sambahayan, si Rahab ay naghintay ng iba pang pangyayari.—Josue 2:14-24.
Ano ba ang ginawa ni Rahab? Aba, pinatunayan niya na nakasalig ang kaniyang pananampalataya sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova! Siya ay mamumuhay ayon sa Kaniyang mga pamantayan. Oo, at siya’y aariing matuwid dahil sa gayong mga gawa ng pananampalataya.
Gumuho ang mga Pader!
Lumipas ang ilang linggo. Kasama ang mga saserdote—ang iba’y may mga tambuli at ang iba’y tagapasan ng sagradong kaban ng tipan—nililigid ng mga mandirigmang Israelita ang Jerico. Kanilang ginagawa ito nang minsanan bawat araw sa loob ng anim na araw na ngayon. Subalit, sa ikapitong araw na ito ng pagmamartsa ay naligid na nila ang lunsod nang anim na ulit. Ginawa nila uli iyon!
Pagkatapos ng ikapitong pagligid, matatagal na tunog ng tambuli ang narinig. Ang mga Israelita ngayon ay humiyaw nang buong lakas. At nang magkagayon, pinapangyari ni Jehova na ang nagsasanggalang na mga pader ng Jerico ay gumuho kasabay ng dagundong na parang kulog. Tanging ang bahaging umaalalay sa bahay ni Rahab ang nanatiling nakatayo. Ang natitirang bahagi ng lunsod at ang mga naninirahan ay napahamak. Palibhasa’y pinatunayan ng mga gawa ang kaniyang pananampalataya, ang nagsising patutot ay iniligtas kasama ng kaniyang sambahayan, at siya’y nagsimulang manirahan sa gitna ng bayan ni Jehova.—Josue 6:1-25.
Pagsusuri sa mga Katangian ni Rahab
Si Rahab ay hindi isang tamad na babae na lumaki sa layaw, sapagkat sa kaniyang bubong ay makikita ang mga tangkay ng lino na pinatutuyo sa araw. Ang himaymay ng gayong mga tangkay ay magagamit sa paggawa ng lino. Mayroon din namang nakahandang mga panaling pula sa bahay ni Rahab. (Josue 2:6, 18) Kaya marahil ay gumagawa siya ng lino at maaaring marunong siya ng sining ng pagkukulay. Oo, si Rahab ay isang masipag na babae. Higit sa lahat, siya’y nagkaroon ng may-pakundangang pagkatakot kay Jehova.—Ihambing ang Kawikaan 31:13, 19, 21, 22, 30.
Kumusta naman ang ibang trabaho ni Rahab? Siya’y hindi lamang hostes ng isang bahay-tuluyan. Hindi, kundi ipinakikilala siya ng Kasulatan sa pamamagitan ng paggamit ng mga salitang Hebreo at Griego na tumutukoy sa isang patutot. Halimbawa, ang salitang Hebreo na zoh·nahʹ sa tuwina ay may kinalaman sa isang bawal na relasyon. Oo nga pala, sa mga Cananeo ang pagpapatutot ay hindi isang hanapbuhay na masama.
Ang paggamit ni Jehova sa isang patutot ay nagpapakita ng kaniyang dakilang awa. Ang panlabas na anyo ay maaaring makadaya sa atin, ngunit “nakikita [ng Diyos] kung ano ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7) Kung gayon, ang matuwid-pusong mga patutot na nagsisisi sa kanilang pagpapatutot ay maaaring tumanggap ng kapatawaran buhat sa Diyos na Jehova. (Ihambing ang Mateo 21:23, 31, 32.) Si Rahab mismo ay nagsisi sa kasalanan at lumakad sa isang matuwid na landas na may pagsang-ayon ng Diyos.
Ang mga tiktik na Israelita ay namumuhay ayon sa Kautusan ng Diyos, kaya hindi sila tumuloy sa bahay ni Rahab upang gumawa ng imoralidad. Marahil naparoon sila upang hindi sila gaanong paghihinalaan kung naroon sila sa bahay ng isang patutot. Dahil sa mainam na pagkapuwesto niyaon sa pader ng lunsod ay magiging madali ang tumakas. Maliwanag na sila’y inakay ni Jehova upang pumaroon sa isang makasalanan na ang puso ay mainam na naapektuhan ng pagkabalita tungkol sa pakikitungo ng Diyos sa mga Israelita kung kaya siya’y nagsisi at nagbago ng kaniyang landas. Ang sinabi ng Diyos na lipulin ng Israel ang mga Cananeo dahilan sa kanilang imoralidad, at ang kaniyang pagpapala kay Rahab at sa pananakop sa Jerico, ay nagpapatunay na ang mga tiktik ay hindi gumawa ng imoralidad.—Levitico 18:24-30.
Kumusta naman ang mga pananalita ni Rahab na nilayong magligaw sa mga humahabol sa mga tiktik? Sinang-ayunan ng Diyos ang ginawa niya. (Ihambing ang Roma 14:4.) Isinapanganib niya ang kaniyang buhay upang maligtas ang Kaniyang mga lingkod, na patotoo ng kaniyang pananampalataya. Samantalang ang malisyosong pagsisinungaling ay kasalanan sa paningin ni Jehova, ang isang tao ay hindi obligado na magsiwalat ng katotohanan sa mga tao na walang karapatang makaalam niyaon. Maging si Jesu-Kristo ay hindi nagbigay ng buong detalye o tuwirang mga sagot kung ipahahamak niyaon ang mga taong walang kinalaman doon. (Mateo 7:6; 15:1-6; 21:23-27; Juan 7:3-10) Maliwanag, ang ginawa ni Rahab na pagliligaw sa mga kaaway na opisyal ay kailangang malasin nang ganiyan.
Ang Gantimpala ni Rahab
Papaano ginantimpalaan si Rahab sa kaniyang pananampalataya na may kasamang gawa? Ang kaniyang pagkaligtas nang puksain ang Jerico ay tiyak na isang pagpapala buhat kay Jehova. Nang bandang huli, siya’y naging asawa ni Salmon (Salma), ang anak ng punò sa ilang na si Naason ng tribo ng Juda. Bilang mga magulang ng maka-Diyos na si Boaz, sina Salmon at Rahab ay isang kawing sa talaangkanan na humantong kay Haring David ng Israel. (1 Cronica 2:3-15; Ruth 4:20-22) Lalong mahalaga, ang dating patutot na si Rahab ay isa sa apat lamang na mga babae na ang pangalan ay binanggit ni Mateo sa talaangkanan ni Jesu-Kristo. (Mateo 1:5, 6) Anong laking pagpapala mula kay Jehova!
Bagaman hindi isang Israelita at dating isang patutot, si Rahab ay isang litaw na halimbawa ng isang babae na pinatunayan sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa na siya’y may lubos na pananampalataya kay Jehova. (Hebreo 11:30, 31) Tulad ng iba, na ang ilan ay huminto na sa pamumuhay ng isang masamang babae, siya’y tatanggap ng isa pang gantimpala—ang pagkabuhay na muli buhat sa mga patay tungo sa buhay sa isang lupang paraiso. (Lucas 23:43) Dahilan sa kaniyang pananampalataya na sinusuhayan ng mga gawa, natamo ni Rahab ang pagsang-ayon ng ating maibigin at mapagpatawad na Ama sa langit. (Awit 130:3, 4) At tunay na ang kaniyang mainam na halimbawa ay nagsisilbing pampatibay-loob sa lahat ng umiibig sa katuwiran upang sa Diyos na Jehova umasa sa pagkakamit ng buhay na walang-hanggan.
[Larawan sa pahina 23]
Si Rahab ay inaring matuwid sapagkat pinatunayan ng kaniyang mga gawa na siya’y may pananampalataya
[Mga larawan sa pahina 24]
Natuklasan ng mga arkeologo ang mga labí ng sinaunang Jerico, kasali na ang isang munting bahagi ng isang sinaunang pader
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.