HUKOM, AKLAT NG MGA
Isang aklat ng Bibliya na sumasaklaw ng isang yugto na mga 330 taon sa pagitan ng pananakop ng Israel sa Canaan at ng pasimula ng monarkiya. Mas maaga rito, patiunang binabalaan ang mga Israelita na kung hindi nila palalayasin ang mga tumatahan sa lupain, gaya ng iniutos ng Diyos, hahantong iyon sa pagsunod nila sa kasuklam-suklam na mga relihiyosong gawain ng mga Canaanita. Sa dakong huli ay mawawala sa kanila ang pagsang-ayon ni Jehova at pababayaan niya sila sa kanilang mga kaaway. (Exo 23:32, 33; 34:11-17; Bil 33:55; Deu 7:2-5) Ipinakikita ng ulat ng kasaysayan sa aklat ng Mga Hukom kung paano nagkatotoo ang babalang iyon. Gayunman, sa halip na talakayin nang detalyado ang kawalang-katapatan ng Israel at ang ibinunga nito na paniniil ng mga banyaga, ang pangunahing inilalahad ng aklat ay ang mga kabayanihan ng mga hukom at ang kamangha-manghang mga pagliligtas na isinagawa ni Jehova sa pamamagitan nila. Sa gayo’y itinatampok ang kakayahan ni Jehova na magligtas at ang kaniyang mahabang pagtitiis, awa, di-sana-nararapat na kabaitan, at katarungan. Ang mga hukom mismo ay namumukod-tangi bilang mahuhusay na halimbawa ng pananampalataya.—Heb 11:32-34, 39, 40.
Pagkakaayos. Ang Mga Hukom ay iniugnay sa sinundan nitong aklat ng Bibliya sa pamamagitan ng pambungad na mga salitang, “At pagkamatay ni Josue.” Gayunman, maliwanag na ang ilan sa mga pangyayaring isinalaysay rito ay naganap bago mamatay si Josue. Halimbawa, ang Hukom 2:6 ay kababasahan: “Nang payaunin ni Josue ang bayan, pumaroon nga ang mga anak ni Israel, bawat isa ay sa kaniyang mana, upang ariin ang lupain.” Kaya lumilitaw na ang Hukom 1:1–3:6 ay nagsilbing introduksiyon, kung saan binanggit ng manunulat ang mga pangyayari bago at pagkatapos mamatay si Josue upang ibigay ang makasaysayang tagpo para sa kasunod na ulat. Ang seksiyon mula sa kabanata 3, talata 7, hanggang sa katapusan ng kabanata 16 ay pangunahin nang nasa kronolohikal na pagkakasunud-sunod at naglalahad ng mga gawain ng 12 hukom (hindi kabilang si Debora), mula kay Otniel hanggang kay Samson. Ang huling bahagi ng aklat ay maituturing na isang apendise at tumutugma sa isang yugto bago pa maging hukom si Samson. Makatuwirang ipalagay na naganap ang pagbihag ng mga Danita sa Lais bago mamatay si Josue. (Ihambing ang Jos 19:47; Huk 18:27-29.) Ang lansakang krimen sa sekso na ginawa ng mga lalaki ng Gibeah at ang kasunod na mga pangyayari na halos ikinalipol ng tribo ni Benjamin ay malamang na naganap ilang taon lamang pagkamatay ni Josue. (Huk 19:1–21:25; Jos 24:31) Magbibigay ito ng sapat na panahon upang dumami ang mga Benjamita mula sa mga 600 lalaki (Huk 20:47) tungo sa halos 60,000 mandirigma noong naghahari na si David.—1Cr 7:6-12.
Manunulat at Panahon ng Pagsulat. Ang panloob na katibayan ay naglalaan ng saligan upang matiyak kung kailan isinulat ang aklat ng Mga Hukom. Tinipon ito noong panahong pinamamahalaan ng isang hari ang Israel. Mahihiwatigan iyan sa sinabi ng manunulat nang tukuyin niya ang tungkol sa nakaraan: “Noong mga araw na iyon ay walang hari sa Israel.” (Huk 17:6; 18:1; 19:1; 21:25) Gayunman, nang isulat ang aklat ay nananahanan pa sa Jerusalem ang mga Jebusita. (Huk 1:21) Yamang noong 1070 B.C.E. ay binihag ni David mula sa mga Jebusita “ang moog ng Sion” (isang bahagi ng Jerusalem) at inilipat niya roon ang kaniyang kabisera (2Sa 5:6-9), malamang na isinulat ang aklat ng Mga Hukom bago ang petsang iyon, marahil ay sa panahon ng paghahari ni Saul. Noong panahong iyon, si Samuel ang pangunahing tagapagtaguyod ng tunay na pagsamba at, bilang propeta ni Jehova, makatuwirang ipalagay na siya ang sumulat ng aklat na ito.
Autentisidad. Hindi mapag-aalinlanganan na talagang bahagi ng kanon ng Bibliya ang aklat ng Mga Hukom. Ito ay prangka at tapat, at hindi nito pinagtatakpan ang malulubhang kasalanan ng Israel. Sa buong aklat, iniuukol ang kaluwalhatian at karangalan, hindi sa mga taong hukom, kundi sa Diyos na Jehova bilang ang tunay na Tagapagligtas ng Israel. Ipinakikita nito na ang espiritu ng Diyos ang nagbigay ng kapangyarihan sa mga hukom (Huk 3:9, 10; 6:34; 11:29; 13:24, 25; 14:6, 19; 15:14, 18; 16:20, 28-30) at kinilala naman nila si Jehova bilang Hukom (11:27) at Hari (8:23). Binabanggit sa iba pang kinasihang mga aklat ng Bibliya ang mga pangyayaring nakaulat dito.—1Sa 12:9-11; 2Sa 11:21; Aw 83:9-12; Isa 9:4; 10:26; Heb 11:32-34.
[Kahon sa pahina 1024]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG MGA HUKOM
Isang maaksiyong ulat ng mga pagliligtas ni Jehova sa Israel na paulit-ulit niyang isinagawa sa pamamagitan ng mga Hukom kapag iniiwan ng Israel ang idolatrosong mga gawain at marubdob na hinihingi ang kaniyang tulong
Ang aklat na ito, na malamang na isinulat ni Samuel, ay sumasaklaw nang mga 330 taon sa pagitan ng pananakop sa Canaan at ng pasimula ng monarkiya
Mga sanhi ng mga kalagayang umiral noong panahon ng mga Hukom (1:1–3:6)
Pagkamatay ni Josue, hindi pinalayas ng mga tribo ng Israel mula sa lupain ng Canaan ang nalalabing mga tumatahan doon
Sa halip, nakipag-asawa sila sa mga paganong ito at nasilo ng huwad na relihiyon ng mga ito
Pinabayaan sila ni Jehova sa kanilang mga kalaban; ngunit sa pana-panahon ay nagbabangon siya ng mga Hukom upang iligtas sila
Mga pagliligtas mula sa paniniil kapag iniiwan ng Israel ang huwad na pagsamba at humihingi ng tulong kay Jehova (3:7–16:31)
Sa pamamagitan ni Otniel, iniligtas ang Israel mula sa walong-taóng panunupil ng hari ng Mesopotamia na si Cusan-risataim
Nagwakas ang 18-taóng pamumuno ng Moabitang si Haring Eglon nang patayin siya ni Ehud; pagkatapos, bumuo si Ehud ng isang hukbong Israelita at nilupig ang mga Moabita
Mag-isang pinabagsak ni Samgar ang 600 Filisteo, sa gayo’y nailigtas ang Israel
Palibhasa’y napatibay-loob ng propetisang si Debora, tinalo ni Barak si Jabin, sa gayo’y nagwakas ang 20-taóng paniniil nito sa Israel; pinatay ni Jael, asawa ni Heber na Kenita, ang pinuno ng hukbo ni Jabin na si Sisera; ginunita nina Debora at Barak ang tagumpay na ito sa isang awit
Inatasan si Gideon na iligtas ang Israel mula sa pitong-taóng panliligalig ng mga Midianita; ipinagkaloob ni Jehova ang tagumpay pagkatapos niyang paliitin ang hukbo ni Gideon tungo sa 300 lalaki; nang maglaon ay tinanggihan ni Gideon ang pagkahari
Si Tola ay naghukom sa Israel nang 23 taon, at si Jair ay naghukom nang 22 taon
Nagdusa ang Israel sa mga kamay ng mga Ammonita; naglaan ng pagliligtas si Jehova sa pamamagitan ni Jepte; pagkatapos ay tinupad nito ang kaniyang panata na ibigay ang kaisa-isa niyang anak, na isang babae, upang maglingkod kay Jehova
Sina Ibzan, Elon, at Abdon ay naghukom sa Israel nang may kabuuang mga 25 taon
Binigyan ni Jehova si Samson ng pambihirang lakas at ginamit siya upang palayain ang Israel mula sa 40-taóng pamumuno ng mga Filisteo; ang pakikipagkasundo niyang pakasalan ang isang babaing Filisteo mula sa Timnah ay nagbigay sa kaniya ng mga pagkakataong kumilos laban sa kanila; ipinagkanulo siya ni Delaila ngunit nagbigay-daan ito upang makapatay siya ng mas maraming Filisteo noong mamatay siya kaysa sa napatay niya noong nabubuhay siya
Iba pang di-kanais-nais na mga situwasyon na bumangon sa panahon ng mga Hukom (17:1–21:25)
Sa Efraim, nagtindig si Mikas ng isang imahen sa kaniyang tahanan at inupahan niya ang isang kabataang Levita bilang saserdote
May ilang Danita na pumaroon sa bahay ni Mikas at nang dakong huli ay ninakaw nila ang kaniyang mga kagamitang idolatroso; isinama rin nila ang Levita upang maglingkod bilang kanilang saserdote
May mga lalaki mula sa Benjamitang lunsod ng Gibeah na nagkasala ng lansakang krimen sa sekso laban sa babae ng isang Levita; dahil ayaw isuko ng Benjamin ang mga nagkasala para maparusahan, nakipagdigma sa kanila ang iba pang mga tribo upang maglapat ng parusa; halos malipol ang tribo