TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | DEBORA
“Ako ay Bumangon Bilang Isang Ina sa Israel”
PINAGMASDAN ni Debora ang mga sundalo na nagkakatipon sa tuktok ng Bundok Tabor. Kahanga-hangang makita sila roon. Nang umagang iyon, naisip niya ang kanilang katapangan at ang pananampalataya ng kanilang lider na si Barak. Bagaman 10,000 sila, masusubok ngayon ang kanilang pananampalataya at lakas ng loob. Makakalaban nila ang isang mabagsik na kaaway, samantalang sila ay kakaunti at kulang sa armas. Pero dumating pa rin sila—dahil sa pampatibay-loob ng babaeng ito.
Ilarawan sa isip si Debora, na nililipad-lipad ng hangin ang damit habang sila ni Barak ay nakatingin sa malawak na tanawin. Ang Bundok Tabor ay parang malaking apa na patag ang tuktok. Sa taas na mahigit 400 metro, makikita mula rito ang Kapatagan ng Esdraelon, na ang lawak ay patimog-kanluran. Ang Ilog Kison ay paliko-likong umaagos sa patag na damuhan sa tabi ng Bundok Carmel patungo sa Malaking Dagat. Marahil tuyo ang pinakasahig ng ilog nang umagang iyon, pero may kumikislap sa malawak na kapatagan. Papalapit na ang hukbo ni Sisera na kumikinang-kinang dahil sa mga lingkaw na bakal na nakausli mula sa gulong ng mga 900 karong pandigma—ang pinakamagaling sa hukbo ni Sisera. Balak ni Sisera na lipulin nang mabilis ang walang kalaban-labang mga Israelita, na para bang mag-aani lang siya ng sebada!
Alam ni Debora na naghihintay si Barak at ang mga tauhan nito sa sasabihin niya o sa isesenyas niya. Siya lang ba ang babae roon? Ano kaya ang pakiramdam ng isang tulad niya na may gayon kabigat na responsibilidad? Nagtataka ba siya kung bakit siya naroon? Hindi! Sinabi ng Diyos niya, si Jehova, na simulan ang digmaang ito; isiniwalat din Niya na isang babae ang tatapos nito. (Hukom 4:9) Ano ang matututuhan natin tungkol sa pananampalataya ni Debora at ng malalakas ang loob na mandirigmang ito?
“YUMAON KA AT MANGALAT KA SA BUNDOK TABOR”
Nang unang banggitin ng Bibliya si Debora, tinukoy siya bilang “isang propetisa.” Natatangi ang katawagang iyan, pero hindi lang si Debora ang tinawag nang gayon.a May iba pang responsibilidad si Debora. Lumilitaw na tumutulong din siya sa paglutas ng mga di-pagkakasundo sa pamamagitan ng mga sagot mula kay Jehova.—Hukom 4:4, 5.
Nakatira si Debora sa bulubunduking rehiyon ng Efraim, sa pagitan ng bayan ng Bethel at ng Rama. Doon, nauupo siya sa ilalim ng puno ng palma at naglilingkod sa bayan sa utos ni Jehova. Isa ngang hamon ang kaniyang atas, pero hindi niya ito hinayaang makasira ng kaniyang loob. Kailangang-kailangan ang kaniyang paglilingkod. Sa katunayan, kumatha siya nang maglaon ng isang kinasihang awit, at napasama rito ang sinabi niya tungkol sa kaniyang di-tapat na bayan: “Pumili sila ng mga bagong diyos. Noon nagkaroon ng digmaan sa mga pintuang-daan.” (Hukom 5:8) Dahil iniwan ng mga Israelita si Jehova para maglingkod sa ibang mga diyos, hinayaan ni Jehova na masupil sila ni Haring Jabin ng Canaan sa pamamagitan ng makapangyarihang heneral nito na si Sisera.
Sisera! Pangalan pa lang niya, kinatatakutan na sa Israel. Malupit ang relihiyon at kultura ng Canaan, na nagtatampok ng paghahain ng mga anak at prostitusyon sa templo. Ano kaya ang buhay sa ilalim ng panunupil ng isang heneral ng Canaan at ng mga hukbo nito? Sa awit ni Debora, ipinakikita na halos imposible ang paglalakbay sa lupain at wala nang nakatira sa mga nayon. (Hukom 5:6, 7) Isip-isipin ang mga taong nagtatago sa kakahuyan at mga burol, takót magsaka o tumira sa mga nayon na walang pader. Natatakot din silang maglakbay sa mga lansangan dahil baka sila salakayin, kunin ang kanilang mga anak, at halayin ang kanilang kababaihan.b
Naghari ang sindak sa loob ng 20 taon, hanggang sa makita ni Jehova na handa nang magbago ang kaniyang bayan na matigas ang ulo o gaya ng sinabi sa awit nina Debora at Barak, “Hanggang sa ako, si Debora, ay bumangon, hanggang sa ako ay bumangon bilang isang ina sa Israel.” Hindi natin alam kung si Debora, na asawa ni Lapidot, ay literal ngang naging ina. Ang pananalitang ito ay nilayong maging makasagisag. Sa diwa, inatasan ni Jehova si Debora na maglaan ng proteksiyon sa bansa gaya ng isang ina. Inutusan siya ng Diyos na ipatawag si Hukom Barak, isang lalaking matibay ang pananampalataya, para sabihang lumaban ito kay Sisera.—Hukom 4:3, 6, 7; 5:7.
“Yumaon ka at mangalat ka sa Bundok Tabor,” ang utos ni Jehova sa pamamagitan ni Debora. Kailangang tipunin ni Barak ang 10,000 lalaki mula sa dalawang tribo ng Israel. Sinabi ni Debora ang pangako ng Diyos na tatalunin nila ang makapangyarihang si Sisera at ang 900 karo nito! Tiyak na namangha si Barak sa pangako ng Diyos, dahil walang hukbo at halos walang mga sandata ang Israel. Gayunman, pumayag si Barak na makipagdigma—tangi lamang kung sasama si Debora sa Bundok Tabor.—Hukom 4:6-8; 5:6-8.
Iniisip ng ilan na walang pananampalataya si Barak dahil gusto pa niyang isama si Debora, ngunit hindi iyan totoo. Kung tutuusin, hindi siya humingi sa Diyos ng karagdagang sandata. Sa halip, bilang lalaking may pananampalataya, mahalaga kay Barak na naroroon ang kinatawan ni Jehova para patibayin siya at ang kaniyang mga tauhan. (Hebreo 11:32, 33) Sumang-ayon naman si Jehova. Pinayagan niyang sumama si Debora, gaya ng hiniling ni Barak. Pero kinasihan din ni Jehova si Debora na ihula na ang karangalan sa tagumpay ng digmaan ay hindi mapupunta sa isang lalaki. (Hukom 4:9) Ipinasiya ng Diyos na isang babae ang papatay sa napakasamang si Sisera!
Sa daigdig ngayon, maraming kawalang-katarungan, karahasan, at pag-abuso ang nararanasan ng mga babae. Gusto ng Diyos na pakitunguhan sila nang may dignidad pero bihira itong mangyari. Parehong pinahahalagahan ng Diyos ang mga babae at lalaki, at maaari silang magkamit ng kaniyang pagsang-ayon. (Roma 2:11; Galacia 3:28) Ang halimbawa ni Debora ay nagpapaalaala sa atin na binibigyan din ng Diyos ang mga babae ng mga pribilehiyo at pinagpapakitaan ng tiwala at pabor. Kaya hindi tayo dapat magpakita ng pagtatangi na karaniwan sa daigdig na ito.
“ANG LUPA AY UMUGA, AT ANG LANGIT DIN NAMAN AY PUMATAK”
Tinipon ni Barak ang kaniyang hukbo—10,000 matatapang na lalaki para lumaban sa nakatatakot na hukbo ni Sisera. Habang pinangungunahan ni Barak ang kaniyang mga tauhan tungo sa Bundok Tabor, natutuwa siyang may magpapalakas ng kanilang loob. Mababasa natin: “Si Debora ay umahong kasama niya.” (Hukom 4:10) Isip-isipin kung paano napatibay-loob ang mga sundalong iyon dahil sumama sa kanila ang matapang na si Debora sa pagpunta sa Bundok Tabor, na handang ibuwis ang kaniyang buhay kasama nila dahil sa pananampalataya niya sa Diyos na Jehova!
Nang malaman ni Sisera na nangahas ang Israel na magtipon ng isang hukbo laban sa kaniya, kumilos siya agad. Ang ilang hari ng Canaan ay nakipagsanib-puwersa kay Haring Jabin, na malamang na siyang pinakamakapangyarihan sa kanila. Umuga ang lupa dahil sa lahat ng hukbo at karo ni Sisera habang pumupuwesto ang mga ito sa kapatagan. Tiwala ang mga Canaanita na mas malakas sila kaysa sa hukbo ng Israel at mabilis nilang matatalo ang mga ito.—Hukom 4:12, 13; 5:19.
Ano ang gagawin nina Barak at Debora habang papalapit ang kaaway? Kung mananatili sila sa mga dalisdis ng Bundok Tabor, may bentaha sila sa sumusugod na mga hukbo ng Canaan. Para maging mabisa sa labanan ang mga karo, kailangan nito ng patag na lupain. Subalit makikipaglaban si Barak sa utos ni Jehova, kaya hinihintay niya ang sasabihin ni Debora. Sa wakas, dumating na ang panahon. Sinabi ni Debora: “Tumindig ka, sapagkat ito ang araw na ibibigay nga ni Jehova si Sisera sa iyong kamay. Hindi ba si Jehova ang lumabas sa unahan mo?” Pagkatapos, mababasa natin: “Bumaba si Barak mula sa Bundok Tabor na kasama ang sampung libong lalaki sa likuran niya.”—Hukom 4:14.c
Sumalakay pababa ng bundok ang hukbo ng Israel patungo sa patag na lupain, sa nakatatakot na mga karong pandigma. Lumabas ba si Jehova sa unahan nila, gaya ng ipinangako ni Debora? Agad na dumating ang sagot. Mababasa natin: “Ang lupa ay umuga, ang langit din naman ay pumatak.” Nalito ang mayabang na hukbo ni Sisera. Bumuhos ang malakas na ulan at ang lupa ay mabilis na naging latian! Di-nagtagal, ang mga karong yari sa bakal na dapat sana’y nakatulong sa kanila ay naging disbentaha pa. Lumubog ang mga ito sa putik at nabalaho.—Hukom 4:14, 15; 5:4.
Bale-wala kay Barak at sa kaniyang mga tauhan ang malakas na ulan. Alam nila kung saan ito galing. Nilusob nila ang hukbo ng Canaan. Bilang mga tagapuksa ng Diyos, walang itinirang buháy ang mga Israelita sa hukbo ni Sisera. Dumaluyong at umapaw ang Ilog Kison, anupat inanod ang mga bangkay sa Malaking Dagat.—Hukom 4:16; 5:21.
Sa ngayon, hindi na isinusugo ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa mga digmaan. Gayunman, hinihiling niya sa kanila na makipaglaban ng espirituwal na pakikidigma. (Mateo 26:52; 2 Corinto 10:4) Kung sinisikap nating sundin ang Diyos ngayon, pumapanig tayo sa kaniya sa digmaang ito. Kailangan natin ng lakas ng loob, sapagkat mapapaharap sa matinding pagsalansang ang mga pumapanig sa Diyos ngayon. Pero hindi nagbago si Jehova. Ipinagtatanggol pa rin Niya ang mga nananampalataya at nagtitiwala sa Kaniya gaya nina Debora, Barak, at ng matatapang na sundalo sa sinaunang Israel.
‘LUBHANG PINAGPALA SA MGA BABAE’
May nakatakas na kaaway na Canaanita—ang pinakamasama sa kanilang lahat! Tumakas si Sisera, ang pinakamalupit na maniniil ng bayan ng Diyos. Pinabayaan niyang mamatay sa putikan ang kaniyang mga tauhan. Nalusutan niya ang mga sundalong Israelita at nagpunta sa ligtas na lugar, patungo sa pinakamalapit na kaalyadong maiisip niya. Nagmamadali siyang tumawid sa malawak na lupain, takot na takot na baka makita siya ng mga sundalong Israelita. Nagtungo siya sa mga tolda ni Heber, isang Kenita na humiwalay sa mga kababayan niyang pagala-gala sa timog at nakiisa kay Haring Jabin.—Hukom 4:11, 17.
Nanlulupaypay sa pagod, nakarating si Sisera sa kampamento ni Heber. Wala roon si Heber, kundi ang asawa lang nitong si Jael. Iniisip ni Sisera na igagalang ni Jael ang pakikiisa ng asawa niya kay Haring Jabin. Marahil para sa kaniya, imposibleng kumilos o mag-isip ang babae nang salungat sa kaniyang asawa. Maliwanag na hindi kilalá ni Sisera si Jael! Nakita ni Jael ang sobrang kasamaan ng paniniil ng mga Canaanita sa lupain. Malamang na nakita rin niyang may mapagpipilian siya—tulungan ang napakasamang taong ito o pumanig kay Jehova at pabagsakin ang kaaway na ito ng Kaniyang bayan. Pero ano ang magagawa niya? Paano matatalo ng isang babae ang makapangyarihan at beteranong mandirigmang ito?
Kailangang mag-isip agad si Jael. Inalok niya si Sisera ng isang lugar na mapagpapahingahan. Ipinag-utos ni Sisera na huwag sabihin kaninuman na naroroon siya. Kinumutan siya ni Jael nang mahiga ito, at nang humingi ito ng tubig, binigyan niya ito ng gatas. Di-nagtagal, mahimbing na nakatulog si Sisera. Pagkatapos ay kinuha ni Jael ang isang pares ng kagamitan sa bahay na bihasang ginagamit ng mga babaeng nakatira sa tolda—isang pantoldang tulos at pamukpok na kahoy. Nakaluhod at medyo nakayuko malapit sa ulo ni Sisera, kikilos siya ngayon bilang tagapuksa para kay Jehova. Isa ngang nakatatakot na atas! Kahit ang saglit na pag-aatubili ay maaaring mangahulugan ng kapahamakan. Iniisip ba niya ang bayan ng Diyos at kung paano sila pinagmalupitan ng lalaking ito sa loob ng mga dekada? O iniisip ba niya ang pribilehiyo na matatamo niya sa pagpanig kay Jehova? Walang sinasabi ang ulat. Alam natin na kumilos siya agad. Namatay si Sisera!—Hukom 4:18-21; 5:24-27.
Sa kalaunan, dumating si Barak at hinahanap ang biktima. Nang ipakita ni Jael ang bangkay na may tulos sa sentido nito, alam ni Barak na natupad na ang hula ni Debora. Isang babae ang pumatay sa makapangyarihang mandirigmang si Sisera! Iba’t ibang bansag ang ibinigay kay Jael ng mga kritiko at mapag-alinlangan sa ngayon, pero iba ang pagkakakilala sa kaniya nina Barak at Debora. Sa kanilang awit, ginabayan sila ng espiritu ng Diyos na sabihing si Jael ay ‘lubhang pinagpala sa mga babae’ dahil sa kaniyang lakas ng loob. (Hukom 4:22; 5:24) Pansinin na hindi makasarili si Debora. Hindi niya ipinagkait kay Jael ang papuri; sa halip, ang nasa isip lang niya ay na nagkatotoo ang salita ni Jehova.
Dahil patay na si Sisera, hindi na banta si Haring Jabin sa mga Israelita. Natapos na rin sa wakas ang paniniil ng mga Canaanita. Nagkaroon ng kapayapaan sa loob ng 40 taon. (Hukom 4:24; 5:31) Talagang pinagpala sina Debora, Barak, at Jael dahil sa kanilang pananampalataya sa Diyos na Jehova! Kung tutularan natin ang pananampalataya ni Debora, anupat buong-tapang na papanig kay Jehova at hihimukin ang iba na gayon din ang gawin, bibigyan tayo ni Jehova ng tagumpay—at walang-hanggang kapayapaan.
a Kasama sa iba pang propetisa sina Miriam, Hulda, at ang asawa ni Isaias.—Exodo 15:20; 2 Hari 22:14; Isaias 8:3.
b Ipinahihiwatig ng awit ni Debora na sa tuwing babalik si Sisera mula sa pakikidigma, kasama sa mga samsam niya ang mga batang babae, kung minsan hindi lang isa sa bawat sundalo. (Hukom 5:30) Sa talatang ito, ang salitang ginamit para sa batang babae ay “bahay-bata.” Ipinaaalaala sa atin ng gayong pananalita na ang mga babaeng iyon ay ginagamit lamang para sa imoral na gawain. Malamang na palasak noon ang panghahalay.
c Ang sumunod na digmaan ay dalawang ulit na inilarawan sa Bibliya—sa makasaysayang salaysay ng Hukom kabanata 4 at sa awit nina Debora at Barak sa kabanata 5. Ang dalawang ulat ay kapupunan ng isa’t isa—binabanggit ng isa ang detalye na hindi nabanggit doon sa isa.