PROPETISA
Isang babaing nanghuhula o nagsasagawa ng gawain ng isang propeta. Gaya ng ipinakikita sa ilalim ng mga pamagat na PROPETA at HULA, ang panghuhula [sa Ingles, prophesying] ay pangunahin nang tumutukoy sa kinasihang paghahayag ng mga mensahe mula sa Diyos o sa pagsisiwalat ng kalooban ng Diyos. Maaaring kasangkot o hindi kasangkot dito ang prediksiyon ng mga bagay na mangyayari sa hinaharap. Kung paanong noon ay may tunay at bulaang mga propeta, mayroon ding mga propetisa na ginamit ni Jehova at pinakilos ng kaniyang espiritu samantalang ang iba naman ay mga bulaang propetisa na hindi niya sinang-ayunan.
Sa Bibliya, si Miriam ang unang babaing tinawag na propetisa. Maliwanag na ginamit siya ng Diyos upang maghatid ng isa o higit pang mensahe, marahil ay sa pamamagitan ng kinasihang mga awitin. (Exo 15:20, 21) Kaya naman, iniulat na sinabi niya at ni Aaron laban kay Moises: “Hindi ba sa pamamagitan din natin ay nagsasalita [si Jehova]?” (Bil 12:2) Sa pamamagitan ng propetang si Mikas, sinabi ni Jehova na isinugo niya “si Moises, si Aaron at si Miriam” sa unahan ng mga Israelita noong iahon niya sila mula sa Ehipto. (Mik 6:4) Bagaman nagkapribilehiyo si Miriam na maging instrumento ng Diyos sa pakikipagtalastasan, ang kaniyang kaugnayan kay Jehova bilang propetisa ay hindi kasimbuti ng kaugnayan ni Moises sa Diyos bilang propeta. Nang lumampas si Miriam sa kaniyang wastong dako, dumanas siya ng matinding kaparusahan mula sa Diyos.—Bil 12:1-15.
Noong kapanahunan ng mga Hukom, si Debora ay nagsilbing alulod ng impormasyon mula kay Jehova. Ipinabatid niya ang mga hatol ng Diyos sa ilang mga bagay at gayundin ang Kaniyang mga tagubilin, gaya ng mga utos Niya kay Barak. (Huk 4:4-7, 14-16) Kaya naman, nang ang bansa ay mahina at lugmok sa apostasya, si Debora ay nagsilbing “isang ina sa Israel.” (Huk 5:6-8) Noong panahon ni Haring Josias, naglingkod din si Hulda na propetisa sa katulad na paraan. Ipinabatid niya ang kahatulan ng Diyos sa bansa at sa hari nito.—2Ha 22:14-20; 2Cr 34:22-28.
Tinukoy ni Isaias ang kaniyang asawa bilang “propetisa.” (Isa 8:3) Ayon sa ilang komentarista, tinawag siyang propetisa dahil asawa siya ng isang propeta. Gayunman, hindi sinusuportahan ng Kasulatan ang gayong palagay. Mas malamang na binigyan siya ni Jehova ng isang atas ng panghuhula, gaya ng mga propetisang nauna sa kaniya.
Binanggit ni Nehemias ang propetisang si Noadias sa di-kaayaayang paraan dahil sinikap nito at ng “iba pa sa mga propeta” na takutin si Nehemias upang hadlangan ang muling pagtatayo ng mga pader ng Jerusalem. (Ne 6:14) Bagaman kumilos si Noadias laban sa kalooban ng Diyos, hindi ito nangangahulugan na hindi siya isang tunay na propetisa bago nito.
May binanggit si Jehova kay Ezekiel na mga babaing Israelita na “gumaganap bilang mga propetisa ayon sa kanilang sariling puso.” Ipinahihiwatig nito na ang mga propetisang iyon ay hindi inatasan ng Diyos kundi sila’y huwad at nagpapanggap lamang. (Eze 13:17-19) Sa pamamagitan ng kanilang tuso at mapandayang mga gawain at propaganda, sila’y ‘nanghuhuli ng mga kaluluwa,’ anupat hinahatulan nila ang matuwid at kinukunsinti ang balakyot. Ngunit ililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa kanilang kamay.—Eze 13:20-23.
Noong isilang si Jesus, nang ang mga Judio ay katipang bayan pa ni Jehova, ang matanda nang si Ana ay naglilingkod bilang propetisa. “Hindi [siya] kailanman lumiliban sa templo, na nag-uukol ng sagradong paglilingkod gabi at araw na may mga pag-aayuno at mga pagsusumamo.” Sa kaniyang ‘pagsasalita tungkol sa batang si Jesus sa lahat ng mga naghihintay sa katubusan ng Jerusalem,’ siya’y nagsilbing propetisa, sa diwa na ‘naghayag’ siya ng isang pagsisiwalat ng layunin ng Diyos.—Luc 2:36-38.
Ang panghuhula ay kasama sa makahimalang mga kaloob ng espiritu na ipinagkaloob sa bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano. May mga babaing Kristiyano, gaya ng apat na anak na dalaga ni Felipe, na nanghula udyok ng banal na espiritu ng Diyos. (Gaw 21:9; 1Co 12:4, 10) Katuparan ito ng hula sa Joel 2:28, 29, na nagsasabing “ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae ay tiyak na manghuhula.” (Gaw 2:14-18) Gayunman, ang pagkakaroon ng ganitong kaloob ay hindi nangangahulugan na ang isang babae ay wala na sa ilalim ng pagkaulo ng kaniyang asawa o ng mga lalaki sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Sa katunayan, bilang sagisag ng kaniyang pagpapasakop, dapat siyang maglagay ng talukbong sa ulo kapag nanghuhula. (1Co 11:3-6) Hindi rin siya maaaring maging guro sa loob ng kongregasyon.—1Ti 2:11-15; 1Co 14:31-35.
Isang tulad-Jezebel na babae sa kongregasyon ng Tiatira ang nag-angkin na mayroon siyang kakayahang manghula ngunit tumahak siya sa landasin ng sinaunang mga bulaang propetisa at sa gayo’y hinatulan ni Kristo Jesus sa Kaniyang mensahe kay Juan sa Apocalipsis 2:20-23. Ang babaing ito ay nag-astang guro at iniligaw niya ang mga miyembro ng kongregasyon upang magsagawa ng maling mga gawain.