Kabanata 2—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”
Handang Harapin ng “Prinsipe ng Kapayapaan” ang Armagedon
1, 2. (a) Anong kapana-panabik na mga pananalita ang kinasihan ng Diyos na salitain ni propeta Isaias? (b) Kailan nagsimulang matupad ang mga salitang ito?
NOONG ikawalong siglo bago ang ating Karaniwang Panahon, ang propeta Isaias ay kinasihan na sabihin sa bayan ng Diyos: “Sapagkat sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; at ang maharlikang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang kaharian upang itatag at upang alalayan ng katarungan at ng katuwiran, mula ngayon hanggang sa panahong walang hanggan.”—Isaias 9:6, 7.
2 Ang kapana-panabik na mga salitang iyon ay nagkaroon ng katuparan noong dakong huli ng taóng 2 B.C.E. Ito ay nang isilang si Jesus bilang isang inapo ni Haring David, na naghari sa lunsod ng Jerusalem sa 12 tribo ng Israel.
Tipan Para sa Isang Kaharian na ang Kapayapaan ay Hindi Magwawakas
3. (a) Anong tipan ang ginawa ng Diyos kay Haring David? (b) Kaninong inapo ni Haring David ipinagkaloob ni Jehova ang titulong “Prinsipe ng Kapayapaan”?
3 Dahilan sa sigasig ni David sa pagsamba sa Diyos ng Israel, si Jehova ay nakipagtipan sa kaniya para sa isang walang hanggang Kaharian na magmumula sa kaniyang angkan. (2 Samuel 7:1-16) Ang tipang iyan ay pinagtibay ng sumpa ng Diyos. (Awit 132:11, 12) Sang-ayon sa tipang iyan, ang kaharian ni David ay magbibigay ng saligan sa dumarating na Kaharian ng “Prinsipe ng Kapayapaan.” Si “Jesu-Kristo, na anak ni David,” ang isa na pinagkalooban ni Jehova ng titulong “Prinsipe ng Kapayapaan.”—Mateo 1:1.
4. (a) Sino ang naging makalupang ina ni Jesus? (b) Ano ang sinabi ni anghel Gabriel sa kaniya tungkol dito?
4 Ang ina ni Jesus ay isang babae na ipinanganak sa maharlikang linya ni Haring David. Siya ay isang birhen nang ipaglihi niya ang kaniyang ipinangakong anak, na magiging permanenteng tagapagmana ng trono ni David. Ang paglilihing ito ay naganap bago pa siya kunin ni Jose bilang kaniyang asawa. (Mateo 1:18-25) Ipinaalam ni anghel Gabriel kay birheng Maria: “Narito! maglilihi ka sa iyong bahay-bata at manganganak ka ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag mo sa kaniya ay Jesus. Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya’y maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magwawakas ang kaniyang kaharian.”—Lucas 1:31-33.
5. Ano ang inihula ni Isaias na propeta tungkol sa pamamahala ng “Prinsipe ng Kapayapaan”?
5 Iyan ang dahilan kung bakit inihula ni propeta Isaias tungkol sa “Prinsipe ng Kapayapaan” na “malawak ang kaniyang pamamahala sa isang kapayapaan na hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang maharlikang kapangyarihan.” (Isaias 9:6, 7, The Jerusalem Bible) Kaya, sang-ayon sa tipan na ipinakipagtipan kay David, ang Kahariang ito ay magiging isang walang hanggang pamahalaan na ang kapayapaan ay hindi magwawakas. Ang kaniyang trono ay matatatag “magpakailanman”!
6. (a) Upang isagawa ang tipan ng Kaharian, ano ang ginawa ng Diyos noong ikatlong araw ng kamatayan ni Jesus? (b) Kailan nagsimulang maghari si Jesus bilang “Prinsipe ng Kapayapaan”?
6 Upang maisagawa ang tipan ng Kahariang ito, binuhay na muli ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat si Jesus mula sa mga patay noong ikatlong araw ng kaniyang kamatayan bilang martir. Ito ay noong ika-16 araw ng Judiong buwan ng Nisan, noong 33 ng ating Karaniwang Panahon. Bilang isang nakasaksi sa binuhay-muling Anak ng Diyos, sinabi ni apostol Pedro na si Jesus ay “pinatay sa laman, ngunit . . . binuhay sa espiritu.” (1 Pedro 3:18) Itinaas siya ng Diyos na Kataas-taasan sa Kaniya mismong kanang kamay. Doon, sapol noong wakas ng mga Panahong Gentil, o “ang itinakdang panahon ng mga bansa,” noong maagang Oktubre ng taóng 1914, siya ay naghahari na bilang ang “Prinsipe ng Kapayapaan.”—Lucas 21:24.
7. (a) Ano ang nakaharap ni Jesus sa pasimula ng kaniyang paghahari? (b) Sino ang naghahayag ng pagkahari ni Jesus sa lahat ng mga bansa, bilang katuparan ng ano?
7 Sa pasimula ng kaniyang makalangit na paghahari, nakaharap niya ang isang napopoot na daigdig, gaya ng pinatutunayan ng dalawang digmaang pandaigdig tungkol sa isyu o usapin na kung sino baga ang mamamahala sa lupa. Siya ngayon ay kinakaharap ng organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa (United Nations). Sa pamamagitan ng buong globong paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng mga Saksi ni Jehova, na nangangaral sa mahigit na 200 mga lupain, ang kaniyang aktibong pagkahari sa mga langit ay itinatawag-pansin sa lahat ng mga bansa. Ito’y bilang katuparan ng kung ano ang inihula mismo ng “Prinsipe ng Kapayapaan,” gaya ng mababasa natin sa Mateo 24:14: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”
8. Bakit masasabi na tayo ay malapit na malapit na sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” na ito?
8 Ang isyu ng pandaigdig na pamamahala ay dapat na lutasin sa malapit na panahon. Ngayon, mahigit na 70 taon pagkaraan ng wakas ng “itinakdang panahon ng mga bansa” noong 1914, tayo ay malapit na malapit na sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” na ito. Nakita ng salinlahi ng 1914 ang pasimula ng makahulugang mga pangyayari sa daigdig na inihula ni Jesus. (Mateo 24:3-14) Ang salinlahing iyan, sabi ni Jesus, ay hindi lilipas hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito. Ito ngayon ay pagkalapit-lapit na sa katapusan nito.—Mateo 24:34.
9, 10. (a) Papaanong ang makahulang impormasyon sa aklat ng Apocalipsis ay ipinahatid sa atin? (b) Ano ang inihuhula ng Apocalipsis 16:13, 14, 16 tungkol sa Har–Magedon, o Armagedon?
9 Kaya, ano ang naghihintay sa unahan, at ano ang makakaharap ng “Prinsipe ng Kapayapaan”? Siya mismo ang ginamit upang ihula ito sa pinakahuling aklat ng Bibliya, ang Apocalipsis, na ibinigay sa kaniya ng Diyos at kung saan ipinakipag-usap niya sa matanda nang si apostol Juan sa pamamagitan ng isang anghel. (Apocalipsis 1:1, 2) Nangyari iyan halos sa pagtatapos ng unang siglo ng ating Karaniwang Panahon. Sa Apocalipsis 16:13, 14, 16, ganito ang sinabi ni Jesus kay apostol Juan tungkol sa Har–Magedon, o Armagedon:
10 “At nakita ko na lumabas sa bibig ng dragon at sa bibig ng mabangis na hayop at sa bibig ng bulaang propeta, ang tatlong karumal-dumal na kinasihang mga pananalita na gaya ng mga palaka. At ang mga ito, sa katunayan, ay mga pananalita na kinasihan ng mga demonyo at gumagawa ng mga tanda, at nagpupunta ang mga ito sa mga hari ng buong tinatahanang lupa, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. At kanilang tinipon sila sa dako na tinatawag sa Hebreo na Har–Magedon.”
Ang Makasagisag na “Bundok ng Megido”
11. (a) Ano ang kahulugan ng pangalang Armagedon, at mayroon bang heograpikal na dakong may gayong pangalan? (b) Bakit ang sinaunang lunsod ng Megido ay may makasaysayang kahulugan? (c) Ano ang dobleng kahulugan ng pangalang Megido?
11 Ang Hebreong pangalang Har–Magedon, o Armagedon, ay nangangahulugang “Bundok ng Megido.” Walang heograpikal na dako sa sinauna o makabagong panahon ang tinawag na Bundok ng Megido. Kaya sa isang aklat na gaya ng Apocalipsis na punô ng makasagisag na pananalita, ang termino ay may makasagisag na kahulugan. Ano iyon? Bueno, ang mataas na lunsod ng Megido, na ang pangalan ng lugar ay nangangahulugang “pinagtitipunan ng mga hukbo,” ay isang makasaysayang kahulugan. Sa sekular na kasaysayan at sa kasaysayan ng Bibliya ang pangalan ay pumupukaw ng mga alaala ng mga labanan na tagisan ng lakas. Bakit? Sapagkat saklaw ng lunsod noon ang isang estratihikong lupain na daanan sa pagitan ng Europa, Asia, at Aprika, at ang mga sumasalakay ay maaaring matagumpay na hamunin at patigilin doon ng mga naninirahan. Kaya ang Megido ay nagkaroon ng dalawang kahulugan—yaong kalunus-lunos na pagkatalo ng isang panig at ang maluwalhating tagumpay naman ng kabilang panig.
12, 13. (a) Paano naugnay ang Diyos ng Bibliya sa Megido at sa kalapit na ilog nito noong mga kaarawan ni Hukom Barak? (b) Paano inilalarawan ng awit ng tagumpay nina Barak at Debora ang bahagi ng Diyos sa tagumpay?
12 Ang Diyos ng Bibliya ay naugnay sa Megido at sa kalapit na ilog ng Kishon noong panahon ng mga hukom sa Israel. Noong mga kaarawan ni Hukom Barak at ng propetisang si Debora, ang Diyos ay nagbigay ng isang hudyat ng tagumpay sa kaniyang piniling bayan sa kapaligiran ng Megido. Si Hukom Barak ay mayroon lamang 10,000 mga lalaki samantalang ang kaaway sa ilalim ni Heneral Sisera ay mayroong, bukod sa mga hukbo, 900 mga karong pandigma na hinihila ng mga kabayo. Si Jehova ay nakialam sa pakikidigma alang-alang sa kaniyang piniling bayan at nagpasapit ng isang baha upang huwag kumilos ang mahirap-taluning mga karong iyon ng kaaway. Sa awit ng tagumpay na inawit ni Barak at ni Debora sa Diyos pagkatapos ng makahimalang pagkatalo ng hukbo ni Sisera, itinawag-pansin nila ang bahagi ng Diyos sa pagbagsak na ito ng kaaway:
13 “Ang mga hari ay nagsiparito, sila’y nagsilaban; nang magkagayo’y nagsilaban ang mga hari ng Canaan sa Taanach na nasa tabi ng tubig sa Megido. Sila’y hindi nagdala ng mga pilak. Ang mga bituin ay nakipaglaban mula sa langit, sa kanilang mga palaikutan sila’y nakipaglaban kay Sisera. Tinangay sila ng ilog Kishon, ng matandang ilog na yaon, ang ilog ng Kishon.”—Hukom 5:12, 19-21.
14. Anong pansarang mga pananalita ng kinasihang awit ng tagumpay na iyon ang walang alinlangang isang panalangin kung tungkol sa dumarating na digmaan ng Armagedon?
14 Walang alinlangan, ang kinasihang mga pananalita na binigkas ni Barak at ni Debora sa pagwawakas ng kanilang awit pagkatapos nang sinaunang tagumpay na iyon sa Megido ay kumakapit bilang isang panalangin kung tungkol sa dumarating na digmaan sa Armagedon. Sila ay umawit: “Gayong malipol ang lahat ng iyong mga kaaway, Oh Jehova, ngunit hayaang yaong mga umiibig sa iyo ay maging parang araw pagka lumalabas sa kaniyang kalakasan.”—Hukom 5:31.a
Ang mga Bansa ay Tinitipon sa Armagedon
15. (a) Anong uri ng dako, kung gayon, ang Armagedon? (b) Ano ang isa sa pinagmumulan ng karumal-dumal na propaganda na nagpapakilos sa mga bansa na makipagbaka sa digmaan ng Armagedon?
15 Kaya ang Megido ay isang dako kung saan ang mga labanan na tagisan ng lakas ay ipinakikipagbaka. Makatuwiran, kung gayon, ang Armagedon ang larangang digmaan kung saan ang lahat ng makasanlibutang mga bansa sa ngayon ay magmamartsa sa ilalim ng pag-uudyok ng mga puwersang inilarawan sa Apocalipsis 16:13, 14. Ang “mga pananalita na kinasihan ng mga demonyo” na nagpakilos sa mga bansa na makipagbaka ay ang mga propaganda na ngayo’y kumukokak, karumal-dumal na gaya ng palaka na itinuturing na marumi sa Bibliya. Ang isa sa pinagmumulan ng gayong karumal-dumal na propaganda ay ang “malaking dragong kulay-pula.” Ipinakikilala ng Apocalipsis 12:1-9 “ang dragon” bilang si Satanas na Diyablo.
16. Sa Apocalipsis 16:13, ano ang inilalarawan ng “mabangis na hayop”?
16 Ang isa pang pinagmumulan ng karumal-dumal na propaganda ay “ang mabangis na hayop.” Sa Apocalipsis 16:13 ang makasagisag na “mabangis na hayop” na ito ay may kaugnayan sa makadiyablong “dragon.” Sang-ayon sa Apocalipsis 20:10, ang “mabangis na hayop” na ito ay pupuksain magpakailanman dahilan sa pakikipagtulungan nito sa makasagisag na “dragon.” Ang “mabangis na hayop” ay kumakatawan sa buong pulitikal na sistema ng sanlibutang ito kung saan “ang dragon” ang diyos. (2 Corinto 4:4) Kasali rito ang lahat ng sarisaring pulitikal na mga pamahalaan ng daigdig na ito.—Ihambing ang Daniel 7:17; 8:20, 22.
17. Ano ang epekto ng tulad-palakang propagandang nagmumula sa “mabangis na hayop”?
17 Ang gayong pandaigdig na sistema ng pulitikal na pamamahala ay may kaniyang naiibang propaganda. At ang pagkokak na ito, tulad-palakang propaganda ay isang pananalitang kinasihan na nagsisilbing kasama ng pananalitang kinasihan ng “dragon” upang tipunin “ang mga hari,” o pulitikal na mga pinuno ng daigdig, sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” na ipakikipagbaka sa Armagedon.
18. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng pangalang Har–Magedon? (b) Ano ang isinasagisag ng isang bundok?
18 Sa gayon ang Har–Magedon ay lumalarawan sa isang pandaigdig na kalagayan na kinasasangkutan ng isang labanan na tagisan ng lakas. Ipinahihiwatig nito ang pangwakas na katayuan ng kung ano ang sasapitin ng daigdig kapag ang pulitikal na mga pinuno ay sama-samang sasalansang sa kalooban ng Diyos, anupa’t ang Diyos ay dapat kumilos na kasuwato ng kaniyang layunin. Kaya ang hinaharap ay titiyakin ng mga resulta ng komprontasyong ito. Sa Megido mismo, ang heograpikal na dako, ay walang bundok. Subalit ang isang bundok ay sumasagisag sa isang prominenteng dako ng pagtitipon na kitang-kita mula sa malayo ng lahat ng mga puwersang militar na nagtitipon doon.
19, 20. Anong estratehiya ang gagamitin ng Heneral ng makalangit na mga puwersa ni Jehova sa Armagedon, at taglay ang anong resulta?
19 Si Jesu-Kristo, ang Heneral ng nagbabakang hukbo ni Jehova, ay ilang taon nang pinagmamasdan ang pagtitipon ng mga pinuno ng daigdig at ng kanilang nakikipagbakang mga hukbo sa Armagedon. Subalit hindi niya sinubok na piliin ang sinumang partikular na hari at ang kaniyang mga puwersang militar upang salakayin silang mag-isa at sa gayo’y isa-isang ubusin ang mga puwersa ng kaaway. Sa kabaligtaran, sapat na panahon ang ipinahihintulot niya sa kanila upang magsama-sama at pag-isahin ang kanilang mga puwersa sa pinakamalakas na militar na puwersang maaari. Ang kaniyang magiting na layunin ay gapiin silang lahat nang sabay-sabay!
20 Sa gayon matatamo niya ang mas umaalingawngaw na tagumpay laban sa kanila, sa kaluwalhatian ng kaniya mismong Punong Kumandante, ang Diyos na Jehova, at sa pagpapatunay sa kaniyang sarili bilang, hindi matututulan, ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”—Apocalipsis 19:16.
[Talababa]
a Ang iba pang pagtukoy sa Megido ay masusumpungan sa 2 Hari 9:27; 23:29, 30; 2 Cronica 35:22; Zacarias 12:11.