Megiddo—Sinaunang Larangang-Digmaan na May Makahulang Kahulugan
“KAYA malipol nawa ang lahat mong mga kaaway, Oh Jehova.” Ganiyan ang pagtatapos ng isang awit ng tagumpay na kinatha mahigit na 32 mga siglo na ngayon ang nakalipas. Ipinagdiwang noon ang isang pagwawagi ng hukbo malapit sa sinaunang lunsod ng Megiddo.
Sang-ayon sa ulat ng Bibliya, si Hukom Barak ng Israel ay inutusan ng Diyos na maglagay ng 10,000 armadong mga lalaki sa Bundok Tabor. Isang nakagugulat na dami kaya iyan? Marahil. Subalit ang 10,000 mga boluntaryo ay kapos na kapos sa armas. “Hindi sila nakitaan ng kalasag, ni ng sibat man.” (Hukom 5:8) Datapuwat, hindi gayon kung tungkol sa kanilang kalaban. Pinangungunahan ni Heneral Sisera, ang hukbong Canaaneo ay nasasangkapan ng pinakabagong armas sa teknolohiyang militar: “Siyam na raang mga karong pandigma na may mga lingkaw na bakal.” (Hukom 4:3) Kaya naman ang mga Canaaneo ay nakakalamang kung sa bilis at pagmamaneobra kundi gayundin sa sikolohikong bentaha.
Ang tagumpay, gayumpaman, ay hindi bunga ng lakas ng hukbo at ng mga armas na taglay nito. Ang totoong nakahihigit na hukbo ni Sisera ay hinikayat na doon magtipon sa libis ng Kishon na noon ay tigang. Ibinigay ni Jehova kay Barak ang hudyat na lumusong doon. Gunigunihin ang isang pulutong ng 10,000 mga lalaki na dumadagsa sa kapatagang libis galing sa kabundukan! Subalit nangyari, nang di inaasahan, si Jehova ay nagpasapit ng isang malakas na bagyo. Hangin at ulan ang ngayo’y humambalos sa pulutong ng kaaway. Ang libis ng Ilog Kishon ay nauwi sa isang nagngangalit na daluyong ng baha, kung kaya’t ang mga karong pandigma ni Sisera ay napabaon sa malalim na putikan. Ang mga kawal ni Sisera ay nagkalituhan at nagsitakas nang may pangingilabot, at sila’y tinugis at pinagpapapatay. “Walang natira sa kanila kahit na isa.”—Hukom, kabanata 4 at 5.
Hindi kataka-taka na dahil sa kamangha-manghang tagumpay na ito ay sinulat ang kinasihang mga salita: “Kaya malipol nawa ang lahat mong mga kaaway, Oh Jehova, at ang mga umiibig sa iyo ay maging gaya ng araw pagka lumalabas sa kaniyang kalakasan.” (Hukom 5:31) Subalit, bigyan-pansin ang salitang “kaya.” Ipinahihiwatig nito na ang labanan ay makahula, na lumalarawan sa isang lalong dakilang digmaan na doo’y lahat ng mga kaaway ng Diyos ay malilipol.
Gayunman, ang kaaway na mga bayan na nakapalibot sa Israel ay dagling nakalimot sa kapaha-pahamak na labanang ito. Mayroon lamang 47 mga taon ang nakalipas isang liga ng mga bansa sa ilalim ng pangunguna ni Midian ang “nagtipong sama-sama sa pagkakaisa at humayo upang . . . magkampamento sa mababang libis ng Jezreel,” ang libis na abot doon hanggang sa Megiddo. (Hukom 6:33) Ang nagkampamentong mga kaaway ay “sindami ng mga balang.” Subalit, nang panahong ito ang hukbo ng Israel ay maliit lamang ngunit binubuo ng 300 mga lalaking matatapang, na nangakatayo “sa palibot ng kampamento” sa pangunguna ni Gideon. Sa hudyat, ang 300 ay nagpatunog ng kanilang mga tambuli, buong lakas na binasag nila ang kanilang mga banga ng tubig, iniwagayway ang kanilang mga sulo, at sumigaw nang kakila-kilabot gaya ng hiyaw ng mga mandirigma: “Ang tabak ni Jehova at ni Gideon!” Ang mga Midianita ay nahulog sa di-kawasang pagkakagulo! “Pinapangyari ni Jehova na magpatayan sa tabak ang isa’t isa,” at ang munting hukbo ni Gideon ang lumipol sa mga nangatira!—Hukom, kabanatang 7.
Tayo sa ngayon ay huwag sanang magkamali na gaya ng mga Midianita ni huwag nating ipagwalang-bahala ang nangyari sa Megiddo. Humigit-kumulang 12 beses na binabanggit ng Bibliya ang sinaunang larangang-digmaang ito. Isa pa, ipinakikita ng hula ng Bibliya na ang naganap sa Megiddo ay mayroong mahalagang kahulugan para sa kaarawan natin. Kung gayon ay suriin natin ang sinasabi kapuwa ng Bibliya at ng arkeolohiya tungkol sa makasaysayang dakong ito.
Daan na Pinagsasalubungan ng mga Nasa Sinaunang Daigdig
Ang Megiddo, kasama pati ang mga lunsod ng Hazor at Gezer, ay nagsilbi noon na isang pangunahing ruta ng hukbo at ng pangangalakal na nagdudugtong sa Asia at Aprika. Ang Megiddo na nasa pagitan ng dalawang siyudad at sa gayon ay nasa isang lugar na may pinakamahusay ang estratehiya. Sa lahat ng direksiyon ay napalilibutan siya ng likas na mga daan, pati yaong mga daang-bundok, at mga daanan ang nagsasalubong sa kaniyang kapatagan bilang isang libis. Ayon sa paliwanag ng The Geography of the Bible, “ang Megiddo ay nasa likuang-daan, sa katunayan nga ay sa isa sa pinakadakilang likuang-daan ng sinaunang daigdig.”
Ang Megiddo ay nanununghay sa isang malawak na kapatagang libis na may lawak na mga 20 milya (32 km) sakop ang hilagang-silangang panig ng kabundukang Carmelo. Kung panahon ng taglamig na maulan, dahil sa tubig na nanggagaling sa nakapalibot na mga bundok ang karatig na Ilog ng Kishon ay umaapaw. Kaya naman ang rehiyon na iyon ay tinatawag din na “ang binabahang libis ng Kishon.” (Hukom 4:13) Sinasabi ng aklat na Geography of Israel: “Pagsapit ng tag-ulan kung taglamig” ang lupa ng libis “ay malamang na maging malalim na putikan. . . . Ang [K]ishon ay halos patag, at ang wawa . . . ay madaling maharangan; kaya marami ritong mga latian.” At nakita ni Sisera at ng kaniyang mga kawal na pagkadali-dali palang maging isang malalim na putikan ang kapatagang ito. Subalit, kung tag-araw, ang malawak na kapatagang ito ay napakahusay na lugar para pagsanayan sa digmaan ng mga karo. (Ihambing ang Awit ni Solomon 6:11, 12.) Ang mga tropang militar ay maaari rin namang magkatipon dito na may kaginhawahan.
Kung gayon, hindi kataka-taka na si Haring Solomon ay gumawa ng mga hakbang upang ang Megiddo ay magsilbing isang kuta: “At ito ang kadahilanan ng atang na iniatang ni Haring Solomon upang itayo . . . ang kuta sa Jerusalem at Hazor at Megiddo at Gezer.” (1 Hari 9:15) Isang 70-piye-taas (21 m) na bunduk-bundukan, na nakapanunghay sa isang malawak, lampas-lampasang libis, ang ngayo’y naroroon sa mismong lugar na dating kinatayuan ng Megiddo. Noong sinaunang panahon, mga bagong gusali ang malimit na itinatayo sa ibabaw ng mga guho ng dating mga gusali. Bawat gusali kung gayon ay maaaring magsilbing isang palatandaan na pagkakakilanlan sa isang partikular na panahon sa kasaysayan. Ang arkeologo, pasimula sa taluktok, ay naghuhukay nang pababa, iniisa-isa niya ang patung-patong na kaguhuan. Di kukulangin sa 20 ng gayong pagkakapatung-patong ang natuklasan sa Megiddo, nagpapakilala na ang lunsod ay marami nang beses na itinayo. At paano tinulungan ng Bibliya ang matiyagang mga maghuhukay na ito?
Ang pagtatayo ng mga pintuang bayan ay tiyak na isang mahalagang bahagi ng proyekto ni Solomon na pagpapatibay sa Megiddo, Hazor, at Gezer. Mga ilang panahon lamang ang nakakalipas nang makatuklas ng gayong mga pintuang bayan sa Megiddo. Hindi nagtagal pagkatapos at nakatuklas din ng gayong nagkakapare-parehong mga pintuang bayan sa Hazor. Sa gayon, pagkatapos na makakuha ng pahiwatig buhat sa Bibliya, ang mga arkeologo ay nagsimula na rin na naghukay sa Gezer. Hindi naman kataka-taka, nakatuklas ng ganoon ding mga pintuang bayan doon. Ang kahulugan nito para sa mga mag-aarál ng Bibliya? Isang bantog na arkeologo, si Propesor Yohanan Aharoni, ay nagsasabi ng ganito:
“Sa mga paghuhukay na ginawa sa tatlong lugar, nakatuklas ng mga pintuang bayan na iisa ang plano at ang mga ito ay naroon sa sapin na umiral mula noong ikasampung siglo B.C.E. . . . Ang mga pintuang bayan na katulad nito, na may tatlong mga bantayang-silid at apat na huwego ng mga haligi sa bawat panig ng daanan, ay natuklasan sa dalawa lamang na mga ibang lugar. . . . Samakatuwid, mayroon nang halos kompletong pagkakaisa ang mga iskolar na ang mga pintuang bayan ng Hazor, Megiddo, at Gezer pati ang kani-kanilang tatluhang mga silid ay itinayo noong panahon ni Solomon.”
Si Dr. Yigael Yadin ay may ganito ring konklusyon: “Ang pagkatuklas sa itinayo ni Solomon na mga kuta sa Hazor, Megiddo, at Gezer ay isang mahusay na halimbawa na kung gaano kahalaga at praktikal na giya ang Bibliya sa mga arkeologo.”
Isang Makasaysayang Larangang-Digmaan
Dahilan sa estratehikong lokasyon ng Megiddo, kaya naman madaling maunawaan kung bakit ito may kaugnayan sa ideya ng isang larangang-digmaan sa sinaunang kasaysayan. Sa aktuwal, ang sinaunang salitang Hebreo para sa “Megiddo” ay sinasabi na nangangahulugang “tagpuang-dako, o, pinagtitipunan ng mga kawal.” Sumulat si Propesor Aharoni:
“Ang Megiddo ay isang kutang lunsod na may pangunahing kahalagahan bagaman ito ay hindi binabanggit sa mga aklat ng kasaysayan hanggang noong ikalabinlimang siglo B.C. Nang panahong iyon ito ay lumitaw sa mga sulat ni Thutmose III. Sa mga isinulat ng faraon na ito ay binabanggit na ang Megiddo ang nangunguna sa isang kapisanan ng naghimagsik na mga lunsod na Canaaneo. . . . Ang hukbong Ehipsiyo at ang mga karong Canaaneo ang nakipaglaban ng nagtagumpay na labanan ng himagsikang ito. . . . malapit sa Megiddo. Ito ang pinakamaagang digmaan na ang mga detalye ay naingatan. Pagkatapos na lubusang maigupo ang hukbong Canaaneo sa larangan ng digmaan, si Faraon ay nakabihag ng maraming samsam, kasali na ang 924 na mga karo!”
Si Dr. Zev Vilnay, awtor ng The New Israel Atlas, ay bumanggit pa rin ng tungkol sa libis bilang “ang pinangyarihan ng tanyag na mga digmaan mula noong maagang kasaysayan hanggang sa Digmaang Pandaigdig I.”
Megiddo—Ang Paglalabanan ng Katapusang Digmaan?
Sa huling aklat ng Bibliya, na Apocalipsis, ay may iniulat na pangitain tungkol sa “mga hari sa buong tinatahanang lupa” na tinitipong sama-sama “sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa “Har–Magedon” [“Bundok ng Megiddo”], o Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Dahilan sa pagkakahawig ng mga pangalan, may mga nanghinuha na ang digmaang ito ay magaganap sa literal na lugar ng Megiddo. Gayunman, ang bunduk-bundukan ng Megiddo ay hindi masasabing isang “bundok.” Pag-isipan din: Ang libis ba ng Megiddo ay may sapat na laki upang doo’y magkasiya ang lahat ng mga tagapamahala sa lupa kasama na ang kani-kanilang malalaking hukbo at napakaraming armas militar? “Ito’y mga pananalita ng apocalipsis,” ang paalaala ng International Standard Bible Encyclopedia, “at posible na ang Armagedon ay ginagamit hindi bilang isang pangalan para sa isang partikular na lugar kundi isang simbolikong termino para sa pangkatapusang makasaysayang digmaan.”
Kung gayon, ano nga ba ang “Har–Magedon”? Maliwanag na ito’y makasagisag. Batay sa kasaysayan ng Megiddo bilang dako na pinangyarihan ng makasaysayang mga digmaan, ginagamit ito sa Apocalipsis upang ilarawan ang dumarating na situwasyon na ang poot sa bayan ng Diyos ng “lahat ng bansa” ay aabot sa sukdulan. (Mateo 24:9, 14) Dahilan sa ang mga tunay na Kristiyano ay patuloy na tumatangkilik nang buong katapatan sa Kaharian ng Diyos, ang mga tagapamahala sa lupa ay magkakaisa-isa at, sa katunayan, “magkakatipon” upang lipulin sila. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naman gaganti. (Isaias 2:1-4) Inatasan ng Diyos ang kanilang Hari, ang Panginoong Jesu-Kristo, upang makipaglaban para sa kanila. Sa sukdulang mga sandali ang Makalangit na Haring ito kasama “ang mga hukbo . . . sa langit” ay makialam na at atakihin na “ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo.” Tiyak ang tagumpay sa pangglobong digmaang ito, tulad din ng mga digmaan sa Megiddo. Lahat ng makalupang mga kaaway ay “malilipol,” gaya ng inihula ng panagumpay na awit ni Debora at ni Barak!—Apocalipsis 19:11-21; Hukom 5:31.
Ikaw ba ay makakabilang sa mga nagsisiibig kay Jehova—o makakabilang ka ba sa mga kaaway niya? Nililinaw ng Bibliya na ang mga hindi pumapanig sa Diyos na Jehova at sa kaniyang bayan ay nasa totohanang panganib na mawalan ng buhay. (Zefanias 2:3; 2 Tesalonica 1:7-9) Kaya nga, walang panahon na dapat ipagpaliban! “Narito! Ako’y napaparitong gaya ng magnanakaw,” ang babala ng niluwalhating si Jesu-Kristo na ang tiyakang tinutukoy ay ang sukdulan ng “malaking kapighatian” sa Armagedon.—Apocalipsis 16:15; Mateo 24:21.
“Ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” ay magkakaroon ng isang maligayang wakas. Magbibigay-daan ito sa Kaharian ng Diyos upang gawing isang paraiso ang lupang ito. (Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:3-5) Subalit higit sa lahat, ipagbabangong-puri nito ang pinakadakilang pangalan sa sansinukob bilang maligayang katuparan ng sinaunang makahulang panalangin:
“Gumawa ka sa kanila ng gaya sa Midian, gaya kay Sisera, gaya kay Jabin at sa binabahaang libis ng Kishon. . . . Habulin mo sila ng iyong bagyo at pangilabutin mo sila ng iyong unos. Lipusin mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan, upang hanapin ng mga tao ang iyong pangalan, Oh Jehova. Oh mangapahiya sila at magsipanlupaypay magpakailanman, at mangahiya sila at mangalipol; upang maalaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”—Awit 83:9, 15-18.
[Mga mapa sa pahina 22]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Megiddo ay nakapanunghay sa isa sa mga pangunahing ruta ng hukbo at pangangalakal na nagdurugtong sa mga kontinente ng Asia at Aprika
Ruta sa Komersyo-------
Hazor
Megiddo
Gezer
Jerusalem
[Mapa]
ASIA
AFRICA
[Larawan sa pahina 23]
Tiyak ang tagumpay sa pangglobong digmaan ng Armagedon, tulad din sa mga labanan sa Megiddo. Lahat ng makalupang kaaway ng Diyos ay malilipol