PAGHIHIMALAY
[sa Ingles, gleaning].
Ang proseso ng pagtitipon o pangunguha ng anumang ani na natira sa isang pananim, na sinadya o di-sinadyang iwan ng mga mang-aani. Ang kautusan ng Diyos sa Israel ay espesipikong nagtagubilin sa kaniyang bayan na huwag gapasin nang lubusan ang mga gilid ng kanilang mga bukid, huwag balikan ang mga sanga ng punong olibo pagkatapos nilang mag-ani ng bunga nito sa pamamagitan ng pagpaspas sa puno, at huwag pitasin ang mga tira ng kanilang mga ubasan. Kahit sa di-sinasadya ay naiwan sa bukid ang isang tungkos ng mga butil, hindi iyon dapat balikan upang kunin. Ang paghihimalay ay bigay-Diyos na karapatan ng mga dukha sa lupain, ng napipighati, naninirahang dayuhan, batang lalaking walang ama, at babaing balo.—Lev 19:9, 10; Deu 24:19-21.
Ang ulat ng Ruth ay naglalaan ng isang namumukod-tanging halimbawa kung paano ikinapit ang maibiging probisyong ito ng kautusan ng Diyos. Bagaman may karapatang maghimalay, humingi muna si Ruth ng pahintulot sa nangangasiwa sa mga mang-aani bago niya gawin iyon, at maaaring ganito ang karaniwang kaugalian noon ng mga naghihimalay. May kabaitan namang pinakitunguhan si Ruth, anupat tinagubilinan pa nga ni Boaz ang kaniyang mga mang-aani na bumunot ng ilang uhay mula sa mga bungkos at iwanan ang mga iyon upang mahimalay ni Ruth. Bagaman dahil dito ay naging mas madali para kay Ruth na maghimalay, kinailangan pa rin niyang magsikap. Tuluy-tuloy at buong-sipag siyang naghimalay sa likuran ng mga mang-aani ni Boaz mula umaga hanggang gabi, anupat umuupo lamang sa bahay nang kaunting panahon at humihinto upang kumain.—Ru 2:5-7, 14-17.
Maliwanag na ang mainam na kaayusang ito para sa mga dukha sa lupain, samantalang humihimok ng pagkabukas-palad, pagiging di-sakim, at pananalig sa pagpapala ni Jehova, ay hindi naman nagtataguyod ng katamaran. Binibigyang-liwanag nito ang pananalita ni David: “Hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap ng tinapay.” (Aw 37:25) Kung sasamantalahin nila ang paglalaan sa kanila ng Kautusan, kahit ang mga dukha, kung masikap silang gagawa, ay hindi magugutom, at sila, ni ang kanilang mga anak, ay hindi mangangailangang mamalimos ng tinapay.
Makasagisag at Makatalinghagang mga Paggamit. Nang akusahan ng mga Efraimita si Gideon na diumano’y hindi niya sila tinawag sa labanan sa pasimula ng pakikipagbaka laban sa Midian, sinabi ni Gideon: “Hindi ba ang mga paghihimalay ng Efraim ay mas mabuti kaysa sa pamimitas ng ubas ng Abi-ezer [ang sambahayang kinabibilangan ni Gideon]?” Ipinaliwanag niya ang kaniyang ilustrasyon sa pagsasabing ang naging bahagi ng Efraim (bagaman kasunod lamang iyon ng panimulang pagbabaka) sa pagbihag sa mga prinsipe ng Midian na sina Oreb at Zeeb ay lubhang nakahihigit kaysa sa lahat ng ginawa mismo ni Gideon. (Huk 8:1-3; 6:11) Tinutukoy rin ng Kasulatan bilang “paghihimalay” ang pagpatay sa mga nalabi sa digmaan, pagkatapos ng kasagsagan ng pagbabaka. (Huk 20:44, 45) Yaong mga natira pagkatapos na maglapat si Jehova ng kahatulan ay inihahalintulad sa “paghihimalay kapag ang pamimitas ng ubas ay nagwakas na,” at yaong mga nalabi sa mana ng Diyos sa gitna ng mga taong tiwali sa moral ay tinutukoy ni Mikas bilang ang “himalay ng pamimitas ng ubas.”—Isa 24:13; Mik 7:1-8, 18; ihambing ang Jer 6:9; 49:9, 10.